Library
Lesson 27: Joseph Smith—Mateo; Mateo 24


Lesson 27

Joseph Smith—Mateo; Mateo 24

Pambungad

Ipinropesiya ni Jesucristo ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo. Inihayag Niya ang mga tanda o palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito at tinagubilinan ang matatapat na abangan at paghandaan ang araw na iyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Joseph Smith—Mateo 1:1–20

Ipinropesiya ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo

Ang Ikalawang Pagparito

Idispley ang larawang Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na mayroon sila tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at isulat ang mga tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Huwag munang sagutin ang mga tanong na ito. Ipahanap sa mga estudyante ang mga sagot sa pag-aaral nila ng Joseph Smith—Mateo.

Ipaliwanag na ang Joseph Smith—Mateo ay ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 23:39 at Mateo 24. Ibuod ang Joseph Smith—Mateo 1:1–3 na ipinapaliwanag na noong nagturo si Jesucristo sa templo sa Jerusalem, naunawaan ng Kanyang mga disipulo na Siya ay muling paparito sa mundo. Pagkatapos ay umalis si Jesus sa templo, at nagsilapit sa Kanya ang Kanyang mga disipulo dahil gusto pa nilang malaman kung kailan wawasakin ang templo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dalawang bagay na itinanong ni Jesus habang nasa Bundok ng mga Olibo. Sabihin sa mga estudyante na ireport ang nalaman nila, at isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:

  1. Kailan wawasakin ang Jerusalem at ang templo?

  2. Ano ang palatandaan ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at ang pagkalipol ng masasama?

Ipaliwanag na sinagot ni Jesucristo ang unang tanong sa mga talata 5–21, at ang pangalawang tanong ay sinagot sa mga talata 21–55. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin nang malakas sa kapartner nila ang Joseph Smith—Mateo 1:5–12, na inaalam ang mga palatandaan na kaugnay ng pagkawasak ng Jerusalem at ng templo. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.

  • Bagama’t sinabi ni Jesus na maghihirap ang Kanyang mga disipulo sa panahong ito, ano ang sinabi Niya tungkol sa mga taong “mananatiling matatag at hindi madadaig”? (talata 11).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 11? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mananatiling matatag at hindi madadaig, tayo ay maliligtas. Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ibig sabihin ng maging matatag at hindi madadaig? (Ang maging matatag ay ang di-paggalaw sa kinatatayuan, pagiging matibay, di-natitinag, at di-nagagapi.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng salitang maliligtas sa talata 11, ipaliwanag na kapag tayo ay matatag, maaaring mahirapan pa rin tayo, ngunit tiyak na maliligtas tayo sa kaharian ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano nakaligtas sa pagkawasak ang mga nanatiling matatag sa pagsunod sa payo ng Tagapagligtas:

Nalaman natin sa Joseph Smith—Mateo 1:13–18 na nagbabala si Jesus sa Kanyang mga disipulo na humanda sa pagtakas patungo sa mga bundok at huwag nang bumalik pa sa kanilang mga bahay dahil wawasakin ang Jerusalem. Siya ay nagpropesiya na ang kapighatian sa mga araw na iyon ang pinakamatindi at hindi pa naranasan sa Israel. Noong A.D. 70, mga 40 taon matapos sabihin ni Jesus ang mga katagang ito, nilusob ng mga Romano ang Jerusalem at pinatay ang mahigit isang milyong Judio. Ang templo ay winasak, at wala ni isang bato sa ibabaw ng ibang bato na hindi bumagsak—tulad ng ipinropesiya ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 24:2). Gayunman, ang mga taong nakinig sa babala ni Jesus ay ligtas na nakatakas patungong Pella, isang bayan na mga 50 milya pahilagang-silangan ng Jerusalem (tingnan sa Bible Dictionary, “Pella”).

  • Paano naipakita sa karanasan ng mga Judio ang kahalagahan ng pananatiling matatag sa pagsunod sa mga salita ng Tagapagligtas?

  • Kailan kayo napagpala sa pananatiling matatag sa pagsunod sa mga kautusan?

Ibuod ang Joseph Smith—Mateo 1:19–20 na ipinapaliwanag na ipinropesiya ni Jesus na kahit daranas ng matitinding pagsubok ang mga Judio, sila ay pangangalagaan dahil sa tipan na ginawa sa kanila ng Diyos.

Joseph Smith—Mateo 1:21–37

Ipinropesiya ni Jesus ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipaliwanag na bukod pa sa pagpapaliwanag ng mga palatandaang magsisilbing babala sa pagkawasak ng Jerusalem, sinagot ng Tagapagligtas ang pangalawang tanong ng kanyang mga disipulo sa pagpopropesiya ng mga palatandaan tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:21–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit inihayag ng Panginoon ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Bakit mahalaga na alam at nauunawaan ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga palatandaang nagsisilbing hudyat sa Ikalawang Pagparito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:24–26. Sabihin sa klase na alamin kung paano magpapakita ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Sa paanong paraan magpapakita ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

  • Paano makatutulong ang kaalamang ito sa mga hinirang para hindi sila malinlang?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:27–31, na inaalam ang mga palatandaan na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito.

  • Anong mga pagsubok ang mararanasan ng mga Banal bago sumapit ang Ikalawang Pagparito?

  • Batay sa talata 27 at 31, anong magagandang palatandaan ang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Bago mangyari ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang mga hinirang ng Panginoon ay matitipon at ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong mundo.)

  • Sa paanong mga paraan natin nakikitang natutupad ang propesiyang ito?

Ipaliwanag na inilalarawan sa Joseph Smith—Mateo 1:32–36 ang karagdagang mga palatandaan na kaugnay ng Ikalawang Pagparito.

Ipaalala sa mga estudyante ang mga babala ng Tagapagligtas na sa mga huling araw ay may mga bulaang Cristo at bulaang mga propeta na maghahangad na “malinlang … pati ang mga nahirang” (talata 22). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano maiiwasan ng mga hinirang ang malinlang.

  • Paano maiiwasan ng mga hinirang ang malinlang?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung pahahalagahan natin ang salita ng Panginoon, hindi tayo malilinlang. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Isa sa aking mahuhusay na missionary na kasama ko noong ako ang mission president sa Toronto [Canada] ay nakipagkita sa akin makalipas ang ilang taon. Tinanong ko siya, ‘Elder, ano ang maitutulong ko sa iyo?’

“‘President,’ sabi niya, ‘Palagay ko po nawawalan na ako ng patotoo.’

“Hindi ako makapaniwala. Itinanong ko kung paano nangyari iyon.

“‘Sa unang pagkakataon nakabasa ako ng artikulong laban sa mga Mormon,’ sabi niya. ‘May mga tanong ako na hindi masagot ng kahit sino. Naguguluhan ako, at palagay ko nawawalan na ako ng patotoo’” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 60).

Itanong sa mga estudyante na pag-isipan kung nangyari din ba sa kanila, o sa sinumang kilala nila, ang naranasan ng dating missionary na ito.

  • Ano ang ipapayo ninyo sa isang taong nasa ganitong sitwasyon? Bakit?

Sabihin sa isang estudyante na ituloy ang pagbasa nang malakas sa kuwento ni Elder Ballard:

“Itinanong ko kung ano ang mga itinatanong niya, at sinabi niya sa akin. Iyon ay mga karaniwang sinasabi laban sa Simbahan, ngunit gusto ko munang magtipon ng materyal upang makapagbigay ng mga makabuluhang sagot. Kaya nagkasundo kaming magkita pagkatapos ng 10 araw, at sasagutin ko sa araw na iyon ang bawat tanong niya. Nang siya’y paalis na, pinigilan ko siya.

“‘Elder, marami kang itinanong sa akin ngayon,’ sabi ko. ‘Ngayon, may isa lang akong tanong sa iyo.’

“‘Ano po iyon, President?’

“‘Kailan mo huling binasa ang Aklat ni Mormon?’ tanong ko.

“Napatingin siya sa baba. Matagal siyang tumitig sa sahig. Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. ‘Matagal na, President,’ pag-amin niya.

“Sige,” sabi ko. ‘Binigyan mo ako ng assignment. Patas lang na bigyan din kita. Gusto kong ipangako mo sa akin na magbabasa ka ng Aklat ni Mormon nang kahit isang oras araw-araw simula ngayon at hanggang sa muli nating pag-uusap.’ Pumayag siya na gagawin iyon.

“Pagkaraan ng 10 araw ay bumalik siya sa opisina ko, at handa na ako. Inilabas ko ang mga papel para simulan ang pagsagot sa kanyang mga tanong, ngunit pinigilan niya ako.

“‘President,’ sabi niya, hindi na po kailangan iyan.’ Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: ‘Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon. Alam kong si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.

“‘Natutuwa akong marinig iyan,’ sabi ko. ‘Pero makukuha mo pa rin ang mga sagot sa mga tanong mo. Ang tagal kong ginawa ito, kaya maupo ka lamang diyan at makinig.’

“Kaya sinagot ko ang lahat ng kanyang mga tanong at pagkatapos ay itinanong ko, ‘Elder ano ang natutuhan mo rito?’

“At sabi niya, ‘Bigyan ng oras ang Panginoon’” (“When Shall These Things Be?” 60).

  • Paano nailalarawan ng karanasang ito ang alituntuning natukoy natin sa talata 37?

  • Paano kayo napagpala nang pahalagahan ninyo ang salita ng Panginoon?

Joseph Smith—Mateo 1:38–55

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng mga talinghaga, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo kung paano pahalagahan ang Kanyang salita at maging handa sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang kapartner na pag-aralan ang Joseph Smith—Mateo 1:38–46 at pag-aralan naman ng isa pang kapartner ang Joseph Smith—Mateo 1:47–54. (Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga doktrina at alituntunin sa mga naka-assign na talata sa kanila at isulat ang mga ito.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibuod sa kapartner nila ang mga talinghagang kanilang binasa at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan ang natukoy ninyo?

  • Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga katotohanang ito sa mga talatang pinag-aralan ninyo?

Sabihin sa ilang estudyante na ipaalam ang mga katotohanang natukoy nila, na maaaring kabilangan ng mga sumusunod: Tanging ang Ama sa Langit lamang ang nakaaalam kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Kung aabangan natin ang mga palatandaan at susundin ang mga utos ng Panginoon, magiging handa tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Rebyuhin ang mga katotohanang tinukoy sa Joseph Smith—Mateo, at itanong sa mga estudyante kung paano makatutulong ang mga katotohanang ito na masagot ang mga tanong na isinulat nila sa simula ng lesson. Anyayahan silang patotohanan ang mga katotohanang natutuhan nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol (kung maaari, bigyan ng mga kopya nito ang mga estudyante):

Elder Dallin H. Oaks

“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang babayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

“Kung gagawin natin ang bagay na ito, bakit hindi pa ngayon?” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng sagot sa sumusunod na tanong: Kung alam ko na makikita ko ang Tagapagligtas bukas, ano ang babaguhin ko ngayon? Hikayatin sila na ipamuhay ang isinulat nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Joseph Smith—Mateo 1:11. “Siya na mananatiling matatag at hindi madadaig”

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pagiging matatag:

“Ang salitang ‘matatag’ ay ginagamit upang ilarawan ang katayuang hindi nagbabago, solido at matibay, hindi natitinag at determinado (Oxford English Dictionary Online, Ika-2 ed. [1989], “Steadfast”). … Ang isang taong matatag at di-natitinag ay solido, matibay, determinado, at hindi lumilihis sa nasimulang layunin o misyon” (“Steadfast and Immovable: Always Abounding in Good Works,” New Era, Ene. 2008, 2).

Itinuro ng Tagapagligtas: “Siya na mananatiling matatag at hindi madadaig, siya rin ay maliligtas.” (Joseph Smith—Mateo 1:11). Ang maligtas ay hindi nangangahulgan na hindi na makakaranas ng paghihirap. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith:

“Maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang ­nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay halos hindi makakatakas;’ … maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (sa History of the Church, 4:11; tingnan din sa Journals, Volume 1: 1832–1839, tomo 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers, ed. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, and Richard Lyman Bushman [2008], 352–53).

Joseph Smith—Mateo 1:22. “May magsisilitaw ring mga bulaang Cristo, at bulaang propeta”

Ang mga katagang “mga bulaang Cristo” at “bulaang propeta” ay tumutukoy sa sinuman—sa loob at labas ng Simbahan—na naghahayag na siya ay nagsasalita para sa Panginoon nang walang awtoridad o sumasang-ayon sa mga turong salungat sa mga salita ng mga buhay na propeta. Ang maling sistema ng pagsamba ay maituturing ding mga bulaang Cristo (tingnan sa Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah [1982], 48). Ang mga katagang “mga hinirang alinsunod sa tipan” sa talata 22 ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard of ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga katagang “mga bulaang Cristo” at “bulaang propeta”:

“Kapag iniisip natin ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro, naiisip din natin ang mga taong tinatanggap ang mga doktrina na maliwanag namang mali o ang mga taong inaakala na may awtoridad silang ituro ang ebanghelyo ni Cristo ayon sa sarili nilang interpretasyon. Madalas na iniisip natin na ang gayong mga tao ay may kaugnayan sa maliliit na grupo ng mga radikal na hindi gaanong tanggap sa lipunan. Gayunman, uulitin ko: may mga bulaang propeta at bulaang guro na mga miyembro o nagsasabing mga miyembro sila ng Simbahan. Sila ang mga nagsasabi, nang walang pahintulot, na ineendorso ng Simbahan ang kanilang mga produkto o gawain. Mag-ingat sa kanila” (“Mag-Ingat sa mga Huwad na Propeta at Bulaang Guro, ” Ensign, Nob. 1999 62).

Joseph Smith—Mateo 1:22. “Malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang”

Binigyang-babala ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga miyembro ng Simbahan:

“Wala tayong maaaring tanggapin na opisyal na utos maliban sa mga yaong tuwirang dumarating sa itinalagang daan, ang mga itinatag na organisasyon ng pagkasaserdote, na siyang itinalaga ng Diyos na dapat pagmulan ng kanyang kaisipan at kalooban sa daigdig.

“… At sa sandaling humanap ang mga indibiduwal ng iba pang masasandigan, sa sandaling iyon ay inilalagay nila ang kanilang sarili sa mga mapanuksong pang-iimpluwensiya ni Satanas, at isinusuko ang kanilang sarili na maging mga tagapaglingkod ng diyablo; kinalilimutan nila ang tamang pamamaraan kung paano matatamasa ang mga biyaya ng Pagkasaserdote; lumilihis sila sa landas patungo sa kaharian ng Diyos, at sila’y nalalagay sa mapanganib na katayuan. Kapag nakakita kayo ng taong nagsasabing nakatanggap siya ng tuwirang paghahayag mula sa Panginoon para sa simbahan, na wala ang kaayusan at pamamaraan ng priesthood, maaari ninyo siyang ituring na isang impostor” (Gospel Doctrine, ika-5 ed. [1939], 42).