Lesson 15
Mateo 13:1–23
Pambungad
Habang nasa Galilea ang Tagapagligtas, maraming tao ang nagsilapit sa Kanya. Tinuruan ng Tagapagligtas ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, na nagsimula sa talinghaga ng manghahasik.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 13:1–17
Sinimulan ng Tagapagligtas na magturo gamit ang mga talinghaga
Magpakita sa mga estudyante ng maliit na lalagyan na puno ng lupa.
-
Ano ang ilang katangian ng matabang lupa? Ng lupang hindi mataba?
Ipaliwanag na sa Mateo 13:1–23, nabasa natin na inihambing ng Tagapagligtas ang iba’t ibang uri ng lupa sa antas ng pagiging bukas ng puso o espirituwal na pagtanggap ng mga tao. Sabihin sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang mga talatang ito na pag-isipan kung alin sa mga lupang ito ang pinakatugma sa nadarama ng kanilang puso ngayon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 13:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinuruan ni Jesus ang mga tao sa Galilea.
-
Paano tinuruan ni Jesus ang maraming tao? (Sa paggamit ng mga talinghaga.)
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang unang dalawang talata sa kahulugan ng “Talinghaga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
-
Ano ang talinghaga?
Ipaliwanag na ang talinghaga ay “isang pangkaraniwang kuwento na ginagamit upang ilarawan at ituro ang espirituwal na katotohanan o alituntunin. Ang talinghaga ay batay sa paghahambing ng isang pangkaraniwang bagay o pangyayari sa katotohanan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” scriptures.lds.org).
-
Ayon sa Mateo 13:3, ano ang inilalarawan sa talinghaga ng Tagapagligtas? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maghasik ay magsabog o magpunla ng binhi ng halaman.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 13:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang apat na uri ng lupa na pinaghulugan ng mga binhi ng manghahasik.
-
Sa anu-anong uri ng lupa nahulog ang mga binhi ng manghahasik?
Idrowing sa pisara ang mga larawan na nagpapakita ng apat na uri ng lupa, at sabihin sa mga estudyante na magdrowing din ng katulad ng mga ito sa kanilang notebook o sa papel na ibinigay mo sa kanila.
Ipaliwanag na ang tabi ng daan ay pilapil na malapit sa mga bukirin na tumitigas kapag nalalakaran ng mga tao. Matigas ang lupa sa tabi ng daan kaya hindi magkaugat ang mga binhi. Ang batuhan ay baku-bakong lugar na natatabunan ng kaunti o manipis na patong ng lupa. Bagama’t maaaring magkaugat dito ang mga binhi, hindi lumalalim ang pagkakaugat dahil nahaharangan ito ng bato sa ibabaw. Ang lupa na may mga dawag ay mataba, ngunit nadadaig ng mga dawag ang mga halaman dahil inaagawan nila ito ng liwanag, tubig, at sustansya. Ang matabang lupa ay may sapat na lalim para magpatibay ng ugat.
Ibuod ang Mateo 13:10–13 na ipinapaliwanag na itinanong ng mga disipulo ng Tagapagligtas kung bakit gumamit Siya ng mga talinghaga sa pagtuturo. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na inihahayag ng mga talinghaga ang mga hiwaga o mga katotohanan ng kaharian ng langit sa mga taong handang tanggapin ang mga ito, habang itinatago ang kahulugan sa mga hindi espirituwal na handa (tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 45).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 13:14–15, at ipahanap sa klase ang naging dahilan kung bakit hindi maunawaan ng mga tao ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas.
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dahilan kaya hindi makita, marinig, at maunawaan ng mga tao ang mga katotohanang itinuro Niya? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “kumapal ang puso ng bayang ito” ay tumigas ang puso at nawalan ng malasakit ang mga tao.)
Sa pisara, katabi ng drowing na lupa sa tabi ng daan, isulat ang di-kumpletong pahayag: Kung patitigasin natin ang ating puso, …
-
Ayon sa talata 15, ano ang mga pagpapalang maaaring mawala sa atin kung patitigasin natin ang ating puso? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maipakita ang sumusunod na alituntunin: Kung patitigasin natin ang ating puso, hindi natin mauunawaan ang salita ng Diyos, hindi makapagbabalik-loob sa Tagapagligtas, at hindi Niya mapagagaling.)
-
Ano ang ibig sabihin ng mapabalik-loob sa Tagapagligtas at mapagaling? (Ito ay ang mabago at madalisay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala upang ang ating mga paniniwala, puso, at buhay ay makaayon sa kalooban ng Ama sa Langit at hindi natin danasin ang bigat ng kasalanan.)
Ibuod ang Mateo 13:16–17 na ipinapaliwanag na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na pinagpala sila dahil sila ay may mga matang nakakakita at mga taingang nakakarinig.
Mateo 13:18–23
Ibinigay ng Tagapagligtas ang kahulugan ng talinghaga ng manghahasik
Patingnan muli ang drowing sa pisara ng lupa sa tabi ng daan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 13:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap kung saan inihambing ng Tagapagligtas ang binhi, ang tabi ng daan, at ang mga ibon na binanggit sa Mateo 13:4.
-
Ano ang inilalarawan ng binhi sa talinghagang ito? (Lagyan ng label na Ang salita ng Diyos ang drowing na binhi.)
-
Anong uri ng puso ang inilalarawan ng tabi ng daan? (Lagyan ng label na Hindi nauunawaan ang katotohanan [pinatigas na puso] ang drowing na tabi ng daan.)
-
Ano ang inilalarawan ng mga ibon? Sino ang “masama”? (Lagyan ng label na Si Satanas at kanyang mga alagad ang drowing na mga ibon.)
-
Paano nakatutulong ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa tabi ng daan na mas maunawaan natin na kung patitigasin natin ang ating puso, hindi natin mauunawaan ang salita ng Diyos, hindi makapagbabalik-loob sa Tagapagligtas, at hindi Niya mapagagaling?
Patingnan muli ang drowing na batuhan sa pisara.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 13:20–21 at Lucas 8:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalaam ang interpretasyon ng Tagapagligtas sa mga batuhang lugar.
-
Ano ang inilalarawan ng mga halamang tumubo sa mga batuhan? (Lagyan ng label na Hindi malalim na nakaugat ang patotoo ang drowing na mga halaman sa batuhan.)
-
Ano ang inilalarawan ng sikat ng araw? (Sa itaas ng drowing na mga halaman na mababaw ang pagkakaugat, isulat ang Mga pagsubok, pag-uusig, at tukso.)
Isulat sa pisara ang di-kumpletong pahayag sa tabi ng drowing na batuhan: Kung hindi natin pagsisikapang palalimin ang ating patotoo …
-
Batay sa natutuhan ninyo mula sa Mateo 13:20–21 at Lucas 8:13, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara para maipakita ang sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin pagsisikapang palalimin ang ating patotoo, maaaring magkulang tayo ng lakas na kailangan natin upang matiis ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso.)
Patingnan muli ang drowing sa pisara na dawagan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 13:22 at ipahanap kung ano ang inilalarawan ng mga dawag.
-
Ano ang inilalarawan ng mga dawag? (Lagyan ng label na Mga pagsusumakit o alalahanin na ukol sa sanglibutan ang drowing na mga dawag.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng “pagsusumakit na ukol sa sanglibutan”? (Pagiging makamundo, kasakiman, o mga paglilihis ng mundo na naglalayo sa atin sa Diyos.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa maaaring magawa ng mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan sa ating pananampalataya at patotoo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara sa tabi ng drowing na dawagan: Ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan ay maaaring maglihis palayo o mag-alis ng pokus natin sa Panginoon, at pahinain ang pananampalataya at patotoo natin sa salita ng Diyos.)
Patingnan muli ang drowing sa pisara na mabuting lupa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 13:23 at ipaliwanag na ang pagkasalin ng Joseph Smith Translation sa talatang ito ay nagpapaliwanag na ang “nakauunawa” ay mas tamang isalin na “nakauunawa at napagtitiisan.”
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng salitang napagtitiisan sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:21, ipaliwanag na ang halaman sa mabuting lupa ay nakabilad din sa parehong sikat ng araw (na naglalarawan sa mga paghihirap, pagsubok, at tukso) tulad din ng mga nalantang halaman sa batuhan.
-
Paano mo ibubuod ang inilalarawan ng mabuting lupa? (Lagyan ng label na Nakaririnig at nakauunawa ng salita ng Diyos at napagtitiisan ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso ang drowing na mabuting lupa.)
-
Batay sa natutuhan natin sa Mateo 13:15, ano ang maaaring ilarawan ng bunga na binanggit sa talata 23? (Pagbabalik-loob kay Jesucristo.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mabuting lupa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin sa tabi ng drowing na mabuting lupa: Kapag natanggap natin ang salita ng Diyos, naunawaan ito, at natiis ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso, makapagbabalik-loob tayo sa Tagapagligtas.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga alituntuning natukoy nila, ipabasa nang malakas sa apat na estudyante ang bawat isa sa mga sumusunod na sitwasyon. Matapos mabasa ang bawat isa, sabihin sa klase na ipaliwanag kung anong alituntunin ang inilalarawan ng sitwasyon:
-
Isang binatilyo ang nag-ukol ng maraming oras sa pag-aaral para makapasok sa kilalang unibersidad. Kapag hindi siya nag-aaral, abala naman siya sa trabaho. Sinabi niya sa sarili na wala siyang oras para magbasa ng mga banal na kasulatan, magdasal, o magsimba.
-
Isang dalagita ang gustung-gustong magsimba bawat Linggo. Gayunman, ilan sa mga kaibigan niya nang siya ay nagdalaga ang nagsimulang pagtawanan siya dahil sa kanyang mga pamantayan. Nagsimula na niyang labagin ang ilang kautusan. Hindi na siya komportable sa simbahan at nawalan na ng ganang magsimba.
-
Isang binatilyo ang regular na nagsisimba, pero bihira lang siyang makibahagi at hindi pinapansin ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Nagbabasa siya ng impormasyon sa Internet na tumutuligsa sa mahahalagang doktrina ng Simbahan, at hindi na niya tiyak kung naniniwala pa rin ba siya sa katotohanan ng ebanghelyo.
-
Isang dalagita ang regular na nagsisimba, at tahimik na ipinagdarasal na maramdaman niya ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Kapag nakatatanggap siya ng mga pahiwatig, sinusunod niya ito. Nadarama niyang malapit siya sa Panginoon at nagpapasalamat sa mga paraan na nabibigyan siya ng lakas na mapaglabanan ang mga tukso.
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang puso, tulad ng lupa, ay maaaring mabago at bumuti. Isulat ang sumusunod na mga tanong sa pisara o ibigay ang mga ito sa mga estudyante bilang handout. Sabihin sa mga magkakapartner na basahin at talakayin ang mga tanong:
Pagkaraan ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na sabihin sa klase ang mga sagot nila.
-
Paano nakatulong ang hangarin ninyong tanggapin at unawain ang salita ng Diyos sa pagpapalalim pa ng inyong pagbabalik-loob sa Tagapagligatas?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong lupa ang lubos na naglalarawan ng nadarama ng kanilang puso sa oras na ito. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin o goal tungkol sa mga pagbubutihin nilang gawin para mas matanggap at maunawaan ang salita ng Diyos at matiis ang mga paghihirap, pag-uusig, at tukso. Kung may oras pa, sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga mithiin sa notebook o scripture study journal.