Library
Lesson 10: Mateo 5:17–48


Lesson 10

Mateo 5:17–48

Pambungad

Sa patuloy na pagbibigay ng Tagapagligtas ng Kanyang Sermon sa Bundok sa Galilea, ipinaliwanag Niya na hindi Siya naparito upang sirain ang batas ni Moises kundi upang ganapin ang mga ito. Ang Tagapagligtas ay nagbigay rin sa Kanyang mga disipulo ng mga kautusang kailangan nilang sundin upang maging perpektong tulad ng Ama sa Langit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 5:17–48

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo kung paano maging perpektong tulad ng Ama sa Langit

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Sa palagay ninyo, alin kayang utos ang pinakamahirap sundin ng mga tao? Kapag nagsimula na ang klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong. Isulat sa pisara ang mga sagot nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang utos na mahirap sundin. Maaari mong basahin ang Joseph Smith Translation ng Matthew 5:48, na nagsasabing “Kayo ay inuutusang mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”

  • Ano ang pakiramdam mo sa utos na mangagpakasakdal?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mangagpakasakdal?

Ipaliwanag na ang salitang “mangagpakasakdal” ay isinalin mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “kumpleto,” “tapos,” o “buung-buo.” Itanong sa klase kung paano ito nakatulong sa kanila na mas maunawaan ang talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging kumpleto o lubos ay maging tulad ng Ama sa Langit.

Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Sermon sa Bundok ng Tagapagligtas sa Mateo 5, hikayatin silang alamin ang mga alituntunin na kailangan nilang sundin para umunlad at maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.

Ibuod ang Mateo 5:17–20 na ipinaliliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na Siya ay naparito para ganapin ang batas ni Moises, hindi sirain, o alisin, ang alinman sa mga walang hanggang katotohanan sa batas ni Moises. Ipinanumbalik ni Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo na nawala dahil sa kasamaan at apostasiya, itinama ang mga maling turo, at tinupad ang mga ipinropesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sa huli, bilang bahagi ng Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo, ilang aspeto ng batas ni Moises ang itinigil, tulad ng pagtutuli at pag-aalay ng hayop.

Ipaliwanag na ang Mateo 5:21–48 ay kinapapalooban ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa iba’t ibang batas at kaugalian na ginawa o idinagdag ng mga Judio sa ilalim ng batas ni Moises. Nang ipaliwanag ni Jesucristo ang tunay na kahulugan ng mga batas, nagturo Siya ng mas mataas na landas ng kabutihan. Ang mga miyembro ng Kanyang kaharian ay dapat ipamuhay ang mas mataas na batas na ito. Ang mas mataas na mga batas na ito ay isang gabay na tumutulong sa mga disipulo ni Jesucristo na iwasang malabag ang mga utos ng Diyos.

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa galit, sabihin sa kanila na isipin ang isang pagkakataon na nagalit sila sa isang tao.

  • Ano ang ilang posibleng masamang mangyari kapag hindi tayo nakapagpigil ng galit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuturo ng batas ni Moises tungkol sa karahasan at galit at ano ang mga karagdagang katotohanan na itinuro ng Panginoon tungkol sa galit bilang bahagi ng mas mataas na batas.

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa karahasan at galit? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng katagang Raca sa talata 22 ay mangmang, hangal, o taong walang laman ang utak.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang mangyayari kung hindi natin matutuhang makontrol ang ating galit?

Ipaliwanag na inalis sa Joseph Smith Translation ng Matthew 5:22,ang mga katagang “nang walang dahilan” mula sa talatang ito, kaya mababasa ito ng ganito “Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, hangal ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.”

  • Bakit mahalagang tanggalin ang mga katagang “nang walang dahilan” sa talatang ito?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagkontrol ng ating galit sa pagsulong natin sa pagiging perpekto?

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Kaya nga, kung ikaw ay lalapit sa akin, o magnanais na lumapit sa akin …

Ipaliwanag na idinagdag sa Joseph Smith Translation ang “kung ikaw ay lalapit sa akin, o magnanais na lumapit sa akin” sa simula ng talata 23 kaya mababasa ito ng ganito, “Kaya nga, kung ikaw ay lalapit sa akin, o magnanais na lumapit sa akin, o kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo’y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo” (Joseph Smith Translation, Matthew 5:25).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:23–24, kasama ang idinagdag na mga kataga sa Joseph Smith Translation. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating gawin kapag nagagalit tayo sa ibang tao kung nais nating lumapit sa Kanya.

  • Ano ang ibig sabihin ng “iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo”? (Bago maghain ng alay sa Panginoon ang mga tao, kailangan muna nilang ayusin ang pakikipag-ugnayan nila sa ibang tao.)

  • Ayon sa talata 24, ano ang dapat nating gawin kung nais nating lumapit kay Cristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung nais nating lumapit kay Jesucristo, dapat ay makipagkasundo muna tayo sa iba.)

  • Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa isang tao? (Ayusin ang di-pagkakaunawaan o ibalik ang magandang pagsasamahan. Kabilang dito ang mga naiinis sa atin at mga kinaiinisan natin.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating ayusin ang hindi natin pagkakaunawaan sa iba para makalapit kay Cristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:25–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na magagawa natin para makipagkasundo sa iba.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makipagkasundo kaagad sa iyong kagalit? (Kung kailangan ng tulong ang mga estudyante, ipaliwanag sa kanila na ang katagang “Makipagkasundo” ay isinalin mula sa Griyego na ang ibig sabihin ay “Kaagad na pag-isipan nang maganda at kaibiganin ang iba.

  • Paano nakatutulong sa atin ang pag-iisip nang maganda sa iba para maayos ang di-pagkakaunawaan o maibalik ang dating pagsasamahan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na inayos nila ang hindi nila pagkakaunawaan ng isang tao at dahil dito ay mas napalapit sila sa Panginoon. Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan, kung hindi ito masyadong personal. Hikayatin ang mga estudyante na ayusin ang hindi nila pagkakaunawaan ng ibang tao para maging perpekto silang tulad ng ating Ama sa Langit.

mga dandelion

Magpakita sa mga estudyante ng damong ligaw (o larawan ng damong ligaw).

  • Ano kaya ang mangyayari kung hindi maalis ang damo sa halamanan?

  • Paano maitutulad sa kasalanan ang mga damong ligaw?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:27–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kasalanang sinabi ng Tagapagligtas na iwasan natin at ang mas mataas na batas na inaasahan Niyang ipamumuhay ng Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong nag-iisip o nagnanasa ng kahalayan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw nilang nauunawaan na kung mag-iisip o magnanasa tayo ng kahalayan, para na rin tayong nagkakasala ng pangangalunya sa ating mga puso.)

Ipaliwanag na kahit hindi natin laging makokontrol ang maruruming bagay na pumapasok sa isipan natin, mahahadlangan nating manatili ang mga iyon sa isipan natin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:29–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pag-aalis ng masasamang pag-iisip.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin para hindi tayo makapag-isip ng masama?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng dukutin ang mata at putulin ang kamay sa mga talatang ito?

Ipaliwanag na idinagdag sa Joseph Smith Translation ng Matthew 5:30 ang pangungusap na “At ngayon ay magsasalita ako ng isang talinghaga hinggil sa iyong mga kasalanan; kaya nga, ilayo mo ang mga ito mula sa iyo, upang hindi ka putulin at itapon sa impierno” sa katapusan ng talatang ito. Itanong sa klase kung paano nakatutulong ang Pagsasalin ni Joseph Smith para maunawaan natin ang kahulugan ng dukutin ang mata at putulin ang kamay sa mga talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Batay sa itinuro ng Panginoon sa Mateo 5:29–30, ano ang maaaring mangyari kung hindi natin aalisin sa buhay natin ang mga kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung pipiliin nating huwag alisin ang kasalanan sa buhay natin, espirituwal tayo wawasakin nito.)

  • Ano ang magagawa natin upang mawala ang mga kasalanang ito sa buhay natin?

  • Ano ang magagawa natin upang mawala ang mga kasalanang ito sa buhay natin at matibay na mangakong hindi na natin gagawing muli ang mga kasalanang ito?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang kasalanang gusto nilang alisin sa buhay nila at sabihin sa kanila na magtakda ng goal o mithiin na gawin iyon sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapalit dito ng mabubuting gawa.

Ibuod ang Mateo 5:31–37 na ipinaliliwanag na nagturo ang Panginoon ng tungkol sa diborsiyo, pag-aasawa, at pagsumpa.

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaklase sila na nagsasalita ng masama at masasakit na bagay tungkol sa kanila. Itanong sa mga estudyante kung ano ang isasagot nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng batas ni Moises tungkol sa pagpaparusa sa mga taong nagkasala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang mga katagang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay nangangahulugan na sa ilalim ng batas ni Moises, ang kaparusahan ay dapat itumbas sa bigat ng kasalanang nagawa.

Pag-partner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang magkapartner na basahin ng isa sa kanila ang Mateo 5:39–42, at basahin naman ng isa ang Mateo 5:43–47. Ipahanap sa kanila ang mas mataas na batas. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang sumusunod na mga tanong sa kanilang mga kapartner (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o ilagay sa handout):

Ayon sa Tagapagligtas, ano ang mas mataas na batas?

Ano ang itinuturo sa atin ng mas mataas na batas tungkol sa dapat na pagtugon natin sa mga nakakasakit sa atin?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na sabihin sa klase ang mga sagot nila.

Ipabasang muli nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mangyayari kapag minahal natin ang mga kaaway natin at ginawan ng mabuti ang mga nagagalit sa atin.

  • Ano ang mangyayari kapag minahal natin ang mga kaaway natin at ginawan ng mabuti ang mga nagagalit sa atin?

  • Dahil alam natin na tayong lahat ay mga espiritung anak ng Diyos, ano sa palagay ninyo ang kahulugan sa talatang ito ng maging mga anak ng ating Ama sa Langit? (Ibig sabihin ay maging tulad Niya at maging mga tagapagmana ng Kanyang kaharian.)

  • Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pagmamahal sa Kanyang mga kaaway at paggawa ng mabuti sa iba noong narito pa Siya sa mundo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila sa Mateo 5 tungkol sa kailangan nating gawin upang maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.

  • Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin upang maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sinunod natin ang mga turo at utos ng Tagapagligtas, tayo ay magiging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.)

Ipaalala sa mga estudyante na tanging sa pamamagitan lamang ni Jesucristo at sa Kanyang biyaya tayo magiging ganap (tingnan sa Moroni 10:32).

Upang matulungan ang mga estudyante kung paano maging ganap o perpekto, ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim nating mga pagsisikap ay tila nakakapagod [mahirap] at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Nakalaan ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88).

  • Ayon kay Elder Nelson, kailan natin makakamit ang pagiging perpekto?

  • Paano maaaring makatulong ang pahayag na ito sa isang taong nakadarama ng panghihina ng loob dahil sa kanyang mga kahinaan?

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos upang kalaunan ay maaari silang maging tulad ng ating Ama sa Langit.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 5:22. Ano ang kahulugan ng katagang Raca?

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mas malawak na kahulugan ng katagang Raca:

“Ang lapastangan at mahalay na pananalita ay iba-iba ayon sa bansa at panahon, ngunit ang intensyon ng talatang ito ay ang kondenahin ang anumang pananalita na nagpapahayag ng maling damdamin sa isa’t isa” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:222).

Mateo 5:27–28. “Bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad”

Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung gaano kabigat ang magkasala ng pagnanasa:

“Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakasagradong ugnayan na ibinigay ng Diyos sa tao—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan. … Ang pag-ibig ay nagbubunsod sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Ang pagnanasa, sa kabilang banda, ay kahit anong hindi makadiyos at natutuwa sa pagpapasasa ng sarili. Ang pag-ibig ay mapagparaya at mapagkandili; ang pagnanasa ay sariling kasiyahan lang ang nasa isip” (“Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 44–45).

Nagsalita si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga epekto ng pornograpiya sa mga gumagamit nito:

“Pinapatay ng pornograpiya ang kakayahan ng isang tao na masiyahan sa normal na damdaming dulot ng paglalambingan, at espirituwal na pakikipag-ugnayan sa opposite sex. Sinisira nito ang kagandahang-asal na pumipigil sa tao laban sa di-angkop, di-normal, o ilegal na kilos o ugali. Dahil manhid na ang konsiyensya, naaakay ang mga tagatangkilik ng pornograpiya na gayahin ang nakita nila, nang hindi na iniisip pa ang magiging epekto nito sa kanilang buhay o sa buhay ng iba”(“Ang Pornograpiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 89).

Mateo 5:31–37. “Sinomang lalake na iihiwalay na ang kaniyang asawa”

Noong panahon ni Jesus, may mga Judio na nagkakaisa ng pananaw sa mga bagay-bagay ang nagbigay ng kanilang interpretasyon sa pamantayan ng batas ni Moises (tingnan sa Deuteronomio 24:1–2) na nagtulot na magkaroon ng diborsyo kahit sa walang kwentang dahilan. Halimbawa, kung gusto ng isang lalaki ng mas bata o mas magandang asawa o kung hindi masarap ang pagkaing inihain sa kanya ng asawa, lumabas nang walang takip sa ulo, o mahirap pakisamahan, pinapayagan siya na makipagdiborsyo. Tulad ng nakatala sa Mateo 5:31–37, at tulad nang nangyari sa Sermon sa Bundok, hinikayat ni Jesus ang kanyang mga tagasunod na sumunod sa mas mataas na pamantayan ng kabutihan at ipinaunawa sa kanila na ang kasal ay isang institusyon na dapat igalang at panatilihin ayon sa huwarang itinatag ng Diyos sa walang hanggang kasal nina Adan at Eva. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah, 4 na tomo. [1979–81], 3:291–97; tingnan din sa Mateo 19:3–9.)

Mateo 5:43. “Narinig ninyong sinabi”

Ang utos na “iibigin ninyo ang inyong kapuwa” ay matatagpuan sa Levitico 19:18, ngunit walang banal na kasulatan sa Lumang Tipan na nag-utos sa atin na kapootan ang ating kaaway. Tila ang tinutukoy ng Tagapagligtas ay isang kasabihan na karaniwan sa Kanyang panahon.