Library
Lesson 7: Mateo 3


Lesson 7

Mateo 3

Pambungad

Si Juan Bautista ay nangaral at nagbinyag sa Judea. Si Jesucristo ay naglakbay mula Galilea patungo sa Ilog Jordan, kung saan Siya bininyagan ni Juan. Ang Diyos Ama ay nagpatotoo na si Jesus ang Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 3:1–12

Si Juan Bautista ay nangaral sa Judea

Sabihin sa klase na isipin kung ano ang mararamdaman nila kung isa sa mga estudyante sa klase ay magsimulang kunin ang mga gamit ng ibang mga estudyante. Pagkatapos ay ipaisip sa kanila na matapos manguha ng gamit ang estudyante, humingi ito ng tawad pero patuloy pa ring kinukuha ang mga gamit ng ibang estudyante. Itanong:

  • Ano ang iisipin ninyo sa paghingi ng tawad ng estudyanteng ito?

  • Paano maihahalintulad ang ginawa ng estudyanteng ito sa isang hindi totoong nagsisisi?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa kanilang pag-aaral ng Mateo 3 ang mga katotohanan na nakatutulong sa atin na maunawaan ang dapat gawin para tunay na magsisi.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 3:1–4. Sabihin sa klase na alamin kung anong pangyayari ang makatutulong na maihanda ang mga tao sa ministeryo ng Tagapagligtas.

  • Sino si Juan Bautista? (Siya ay anak nina Zacarias at Elisabet, na kamag-anak ni Maria. Hawak niya ang mga susi ng Aaronic Priesthood [tingnan sa D at T 13; 84:27–28].)

  • Ano ang ginagawa ni Juan?

  • Ano ang ipinayo ni Juan na gawin ng kanyang mga tagapakinig?

Ipaliwanag na ang misyon ni Juan ay ipinropesiya ni Isaias (Esaias) at ng iba pang mga propeta (tingnan sa Isaias 40:3; Malakias 3:1; 1 Nephi 10:7–10). Si Juan ang maghahanda ng daan para sa Mesiyas (si Jesucristo) sa pamamagitan ng pangangaral ng pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig.

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang pangangaral ng pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig sa paghahanda ng daan ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 3:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga tao sa mensahe ni Juan.

  • Paano tumugon ang mga tao sa mensahe ni Juan? (Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at nagpabinyag. Ipaliwanag na ang kahandaang ipagtapat ang mga kasalanan sa Ama sa Langit at, kapag kailangan, sa itinalagang priesthood leader ay mahalaga sa pagsisisi [tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2004), 156].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 3:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang kausap ni Juan.

  • Ayon sa talatang ito, sino ang kausap ni Juan?

Ipaliwanag na ang mga Fariseo ay isang pangkat pangrelihiyon sa mga Judio na ang pangalan ay nagpapahiwatig na nakahiwalay o nakabukod. Ipinagmamalaki nila na mahigpit nilang sinusunod ang batas ni Moises at naniniwala na ang mga idinagdag dito na gawa ng tao, na kilala bilang oral na batas, ay kasinghalaga ng mismong batas ni Moises (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, Mga”). Ang mga Saduceo ay isang maliit subalit makapangyarihang pangkat pampulitika na naniniwalang dapat sundin ang eksaktong nakasulat sa batas ni Moises. Hindi sila naniniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Saduceo, Mga”).

  • Ano ang itinawag ni Juan sa mga Fariseo at mga Saduceo?

Palestinian viper

Palestinian viper

© taviphoto/Shutterstock.com

Kung maaari, magdispley ng larawan ng Palestinian viper at ipaliwanag na maraming ganitong makamandag na ahas o ulupong sa Israel. Sa gabi umaatake ang mga ulupong at karaniwang nagtatago at nag-aabang ng mabibiktima. Kapag nakakaramdam ng panganib, pinupulupot nito ang katawan, sumasagitsit, at tinutuklaw ang kalaban.

  • Sa palagay ninyo, bakit tinawag ni Juan na mga ulupong ang mga Fariseo at mga Saduceo? (Maaari mong ipaliwanag na itinuturing ng mga Fariseo at mga Saduceo na mapanganib si Juan, dahil inilalayo niya ang maraming tao sa kanilang masamang impluwensya at maling mga turo.)

Ipaliwanag na may karagdagang mga salita sa Joseph Smith Translation na sinabi si Juan sa mga Fariseo at Saduceo. Ipabasa sa mga estudyante ang Joseph Smith Translation, Matthew 3:34–36: “Bakit hindi ninyo tinatanggap ang ipinangangaral niya na isinugo ng Diyos? Kung hindi ninyo ito tatanggapin sa inyong mga puso, hindi ninyo ako tinatanggap; at kung hindi ninyo ako tinatanggap, hindi ninyo tatanggapin siya na aking isinugo upang magpatotoo; at sa inyong mga kasalanan ay wala kayong maidadahilan. Magsipagsisi, kung gayon, at mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi; At huwag kayong mangag-isip na mangagsabi sa inyong sarili, kami ang mga anak ni Abraham, sapagka’t sinasabi ko sa inyo, mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.”

  • Ayon kay Juan, kung hindi tatanggapin ng mga Fariseo at Saduceo ang kanyang pangangaral, sino pa ang hindi nila tatanggapin?

  • Paano mo ibubuod ang mensahe ni Juan sa kanila?

Isulat sa pisara ang mga salitang Mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga katagang ito, ituro na sa banal na kasulatan ang mga punungkahoy na nagbubunga ng mabuting bunga o kaya’y masamang bunga ay sumasagisag kung minsan sa mga tao. Magpakita o magdrowing ng isang prutas at ipaliwanag na sumasagisag ito sa ating hangarin at kilos. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “karapatdapat sa” “nararapat sa.”

Ipaalala sa klase ang sitwasyong ipinaisip mo sa kanila sa simula ng lesson (isang estudyante na kumukuha ng mga gamit ng ibang mga estudyante at hindi pa rin tumigil sa pagkuha matapos humingi ng tawad).

  • Nagpakita ba ng tunay na pagsisisi ang estudyante sa kanyang hangarin at kilos? Bakit hindi? (Hindi pa rin tumigil ang estudyante sa pagkuha ng mga gamit ng iba kahit humingi na siya ng tawad.)

  • Paano ninyo ibubuod ang ibig sabihin ng “mangagbunga ng karapatdapat na pagsisisi”? (Mateo 3:8). (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ipinapakita natin sa Panginoon ang tunay na pagsisisi kapag binago natin ang ating mga hangarin at kilos para sundin ang Kanyang mga turo.)

  • Anong mga hangarin at kilos natin ang nagpapakita na talagang nagsisisi na tayo sa ating mga kasalanan?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotothanang ito, isulat sa pisara ang sumusunod na mga halimbawa: nandaraya sa paaralan, masungit sa mga kapatid, salbahe sa ibang mga estudyante, nagsasabi ng masamang salita, at nanonood ng pornograpiya. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano kaya ang iniisip at ginagawa ng mga taong nagsisi na sa ganitong mga kasalanan.

Basahin nang malakas ang Mateo 3:10. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyayari kapag hindi tayo totoong nagsisisi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang ibig ipahiwatig ng “pinuputol at inihahagis sa apoy” ay nawawalan ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos ang mga taong ayaw magsisi at sa huli ay mapagkakaitan ng mga pagpapala ng selestiyal na kaharian.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang anumang hangarin o kilos na maaaring kinakailangan nilang baguhin para tunay na makapagsisi. Hikayatin silang magpakita ng tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng pagbabago ng anumang hangarin at gawain nila na hindi ayon sa mga turo ng Diyos.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 3:11, na inaalam ang sinabi ni Juan na gagawin ng Tagapagligtas.

  • Ayon sa talata 11, ano ang magagawa ni Jesus na hindi kayang gawin ni Juan? (Si Jesus ay magbibinyag “sa Espiritu Santo at apoy.” Ipaliwanag na ang tinutukoy ni Juan ay ang pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, ang pangalawang bahagi ng tipan at ordenansa ng binyag. Ang Espiritu Santo ay nagpapabanal at nagdadalisay sa ating mga kaluluwa na parang apoy [tingnan sa 2 Nephi 31:13–14, 17].)

Ibuod ang talata 12 na ipinapaliwanag na ito ay simbolikong paglalarawan ng mangyayari sa mabubuti na tumatanggap kay Jesucristo (ang trigo) at sa masasama (ang dayami) na hindi tumatanggap sa Kanya.

Mateo 3:13–17

Si Jesucristo ay nabinyagan, at ipinahayag ng Ama na Siya ay Kanyang Pinakamamahal na Anak

Sabihin sa mga estudyanteng nabinyagan na isipin ang kanilang binyag. Ipabahagi sa ilan sa kanila kung ano ang kanilang naaalala.

Ipaliwanag na nakatala sa Mateo 3:13–17 ang pagbibinyag sa Tagapagligtas. Ipahanap sa mga estudyante ang mga pagkakatulad ng kanilang binyag sa binyag ng Tagapagligtas sa pag-aaral nila ng mga talatang ito.

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:

Sino ang nagbinyag?

Paano bininyagan?

Bakit bininyagan?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 3:13–17, na inaalam ang mga sagot sa tatlong tanong na ito. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Sino ang nagbinyag kay Jesus? (Isulat ang Juan Bautista sa pisara sa tabi ng tanong na Sino ang nagbinyag?)

  • Bakit naglakbay si Jesus mula sa Galilea patungo sa ilog ng Jordan para magpabinyag kay Juan Bautista? (Ipaalala sa mga estudyante na hawak ni Juan ang mga susi ng Aaronic Priesthood at tanging siya lang nang panahong iyon ang may awtoridad na magsagawa ng ordenansa ng binyag. Isulat sa pisara ang Tamang awtoridad sa tabi ng Juan Bautista.)

  • Anong mga kataga sa talata 16 ang nagsasaad ng paraan ng pagbinyag kay Jesus? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na ang kaagad na “[pag-]ahon sa tubig” ni Jesus ay nagpapahiwatig na Siya ay nabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig—ibig sabihin Siya ay ganap na inilubog sa tubig. Isulat sa pisara ang Sa pamamagitan ng paglulubog sa tabi ng tanong na Paano bininyagan?)

Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nasa Ilog ng Jordan sila nang dumating si Jesus para magpabinyag.

  • Bakit nag-alangan si Juan noong una na binyagan ang Tagapagligtas? (Alam niya na ang tungkulin at awtoridad ni Jesus ay mas mataas kaysa taglay niya.)

  • Ayon sa talata 15, bakit sinabi ni Jesus na kailangan Niyang mabinyagan? (Para sa “pagganap ng buong katuwiran.” Isulat sa pisara ang mga katagang ito sa tabi ng Bakit bininyagan?)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang ito?

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pagganap ng buong katuwiran” ay paggawa ng lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit na gawin natin upang muli natin Siyang makasama. Kabilang dito ang pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan, na iniuutos ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak, kabilang na si Jesus. Sa pagpapabinyag, si Jesus ay nagbigay ng perpektong halimbawa na dapat nating tularan, nagpakita ng pagpapakumbaba, sinunod ang mga utos ng Kanyang Ama, at tumanggap ng ordenansang kailangan para matamo ang buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:4–11).

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga sagot sa tatlong tanong na nasa pisara para matukoy ang doktrinang matututuhan natin mula sa Mateo 3:13–17. Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ng isang may awtoridad ay kinakailangan sa kaligtasan.

  • Paano ninyo ihahambing ang inyong binyag sa halimbawang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na tinutulungan din tayo ng Mateo 3:16–17 na matutuhan ang doktrina tungkol sa Panguluhang Diyos. Ipabasang muli nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito, na inaalam ang itinuturo nito tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.

  • Nasaan ang bawat miyembro ng Panguluhang Diyos noong bininyagan ang Tagapagligtas? (Si Jesucristo ay nasa Ilog Jordan, ang Espiritu Santo ay bumaba sa Kanya nang tulad sa isang kalapati, at ang Ama sa Langit ay nangusap mula sa langit. Maaari mong ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay hindi nag-anyong kalapati. Sa halip, ang kalapati ay isang palatandaan o simbolo na bumaba ang Espiritu Santo kay Jesus.)

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa Panguluhang Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang.)

Ituro na maraming tao ang mali o hindi kumpleto ang kaalaman tungkol sa Panguluhang Diyos. Kapag mas nauunawaan natin ang tunay na katangian ng Panguluhang Diyos, mas mamahalin natin Sila at mas maghahanda tayo na magturo at magpapatoo tungkol sa Kanila sa iba.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katangian ng bawat miyembro ng Panguluhang Diyos, hatiin sila sa mga grupo na may tigtatlong katao at ipahanap sa kanila ang salitang “Diyos” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sa bawat grupo, mag-assign sa bawat estudyante ng isang miyembro ng Panguluhang Diyos. Ipabasa sa mga estudyante ang nakatala, na hinahanap ang impormasyon tungkol sa miyembro na na-assign sa kanila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ituro sa grupo nila ang natutuhan nila at ipaliwanag kung bakit mahalaga para sa atin na malaman ang mga katotohanang iyon.

Sa katapusan ng lesson, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang patotoo sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 3:11. “Siya ang sa inyo’y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy”

Tinalakay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng mabinyagan sa apoy:

“Ipinag-uutos at itinatagubilin sa atin na mabuhay sa paraang mababago ang nahulog nating kalagayan sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney na ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo ay ‘pinagbabagong-loob [tayo] mula sa pagiging makamundo tungo sa pagiging esprirituwal. Nililinis nito, pinagagaling at ginagawang dalisay ang kaluluwa. … Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa tubig, ay mga pasimula lamang at kailangang lahat para dito, ngunit [ang binyag ng apoy] ang katuparan. Upang matanggap ang [binyag na ito ng apoy] ang isang tao ay dapat mahugasan sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo’ (Learning for the Eternities, comp. George J. Romney [1977], 133; tingnan din sa 3 Nephi 27:19–20).

“Kaya nga, habang tayo ay nagbabagong-loob at nagsisikap na mapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu, pinagiging banal tayo ng Espiritu Santo at pinadadalisay ang ating kaluluwa na parang tulad ng pagpapadalisay ng apoy (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14, 17). Sa huli tatayo tayo sa harapan ng Diyos na walang bahid–dungis” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 81).

Mateo 3:12. “Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay”

“Ang ‘kalaykay’ na tinukoy sa Mateo 3:12 ay isang bilao na ginagamit na pagtahip ng trigo sa hangin. Dahil dito naihihiwalay ang trigo sa ipa. Ang butil ng trigo ay babagsak na muli sa lupa habang tinatangay naman ng hangin ang ipa. Pagkatapos ay titipunin ang trigo sa bangan, o sa kamalig, at ang ipa o dayami ay susunugin sa apoy. Itinuro ni Juan Bautista na ang Tagapagligtas na kasunod niyang darating, ay paghihiwalayin ang mga naniniwala at mga di-naniniwala na katulad ng paghihiwalay sa trigo at ipa (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 17).

Mateo 3:16. Ang palatandaan ng kalapati

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang Espiritu Santo ay hindi nagpakita bilang kalapati matapos mabinyagan si Jesucristo. Sa halip, ang bumababang kalapati ay palatandaan na naroon ang Espiritu Santo sa kaganapang iyon. Itinuro ni Joseph Smith:

“Ang palatandaan ng kalapati ay pinasimulan bago pa nilikha ang mundo, isang saksi para sa Espiritu Santo, at hindi kayang mag-anyong kalapati ng diyablo. Ang Espiritu Santo ay isang personahe, at nasa anyo ng isang personahe. Hindi ito makikita sa anyong kalapati, kundi sa palatandaan ng kalapati. Ang Espiritu Santo ay hindi nagiging kalapati; ngunit ang palatandaan ng kalapati ay ibinigay kay Juan upang ipahiwatig ang katotohanan ng isinagawa, sapagkat ang kalapati ay isang simbolo o tanda ng katotohanan at kawalang-malay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 94–95).

Mateo 3:13–17 Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay isa ngunit magkakahiwalay rin:

“Naniniwala tayo na ang tatlong banal na personang ito na bumubuo sa isang Panguluhang Diyos ay nagkakaisa sa layunin, pag-uugali, sa patotoo, sa misyon. … Sa palagay ko tumpak na sabihing naniniwala tayo na Sila ay iisa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspeto ngunit hindi tayo naniniwala na Sila ay tatlong tao sa iisang katawan, na ideya ng mga Trinitarian na hindi kailanman itinuro sa mga banal na kasulatan dahil hindi ito totoo” (“Ang Iisang Dios na Tunay, at siyang Kanyang Sinugo sa makatuwid baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40).

Ipinaliwanag pa ni Elder Holland na isa sa mga dahilan ng kalituhan tungkol sa katangian ng Panguluhang Diyos ay na sa panahon ng Malawakang Apostasiya, “ang mga taong simbahan, pilosopo, at mga bantog na pinuno ng Simbahan” ay pinagtalunan ang katangian ng Panguluhang Diyos at sa huli ay nagpasiya na ang Diyos ay hindi kayang makilala at hindi maunawaan (tingnan sa “Ang Iisang Dios na Tunay, at siyang Kanyang Sinugo sa makatuwid baga’y si Jesucristo,” 40–41).