Home-Study Lesson
Mateo 1–5 (Unit 2)
Pambungad
Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang dapat nating gawin para maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit. Bukod pa riyan, sa pagrebyu ng mga estudyante sa mas mataas na batas ng Panginoon, mapag-iisipan nila kung paano mas masusunod ang mga utos ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 5:17–48
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo kung paano maging perpektong tulad ng Ama sa Langit
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano kayang utos ang pinakamahirap sundin ng mga tao? Kapag nagsimula na ang klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong. Ilista ang kanilang mga sagot sa pisara.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang utos na mahirap sundin. Maaari mong basahin ang Joseph Smith Translation ng Matthew 5:48, na nagsasabing “Kayo nga’y inuutusang mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”
-
Ano ang pakiramdam ninyo sa utos na mangagpakasakdal o maging perpekto?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mangagpakasakdal?
Ipaliwanag na ang salitang “mangagpakasakdal o perpekto” ay isinalin mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “kumpleto,” “tapos,” o “buung-buo.” Itanong sa klase kung paano ito nakatulong sa kanila na mas maunawaan ang talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging kumpleto o lubos ay maging tulad ng Ama sa Langit.
Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Sermon sa Bundok ng Tagapagligtas sa Mateo 5, hikayatin silang alamin ang mga alituntuning kailangan nilang sundin upang umunlad at maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.
Ibuod ang Mateo 5:17–20 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na Siya ay naparito para ganapin ang batas ni Moises, hindi sirain, o alisin, ang alinman sa mga walang hanggang katotohanan sa batas ni Moises. Ipinanumbalik ni Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo na nawala dahil sa kasamaan at apostasiya, itinama ang mga maling turo, at tinupad ang mga ipinropesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sa huli, bilang bahagi ng Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo, ilang aspeto ng batas ni Moises ang itinigil, tulad ng pagtutuli at pag-aalay ng hayop.
Ipaliwanag na kabilang sa Mateo 5:21–48 ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa iba’t ibang batas at kaugalian na binuo o idinagdag ng mga Judio sa ilalim ng batas ni Moises. Sa ipinaliwanag ni Jesucristo na tunay na kahulugan ng mga batas, nagturo Siya ng mas mataas na landas ng kabutihan. Ang mga miyembro ng Kanyang kaharian ay dapat ipamuhay ang mas mataas na batas na ito. Ang mas mataas na mga batas na ito ay nagbibigay ng patnubay upang matulungan ang mga disipulo ni Jesucristo na iwasang malabag ang mga utos ng Diyos.
Para matulungan ang mga estudyante na maalala ang ilan sa natutuhan nila tungkol sa mas mataas na batas sa kanilang home-study lesson, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga pangungusap: Huwag kayong papatay. Huwag kayong makikiapid.
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa mga batas na ito. (Kung hindi maalala ng mga estudyante, patingnan sa kanila ang Mateo 5:21–26 at ang Mateo 5:27–30.)
-
Ano ang ilang posibleng masamang mangyari kapag hindi tayo nakapagpigil ng galit?
-
Bakit mahalaga na patuloy nating disiplinahin ang ating pag-iisip?
Ibuod ang Mateo 5:31–37 na ipinapaliwanag na nagturo ang Panginoon tungkol sa diborsiyo, pag-aasawa, at pagsumpa.
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaklase sila na nagsasalita ng mga masama at masakit na bagay tungkol sa kanila. Itanong sa mga estudyante kung ano ang gagawin at sasabihin nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng batas ni Moises tungkol sa pagpaparusa sa mga taong nagkasala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang mga katagang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay nangangahulugan na sa ilalim ng batas ni Moises, ang kaparusahan ay dapat itumbas sa bigat ng kasalanang nagawa.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isa na basahin ang Mateo 5:39–42, at ipabasa sa partner niya ang Mateo 5:43–47. Sabihin sa kanila na alamin ang mas mataas na batas. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na talakayin sa isa’t isa ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o ilagay sa handout):
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.
Sabihin sa isang estudyante na basahin muli nang malakas ang Mateo 5:45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mangyayari kapag minahal natin ang mga kaaway natin at ginawan ng mabuti ang mga nagagalit sa atin.
-
Ano ang ang mangyayari kapag minahal natin ang mga kaaway natin at ginawan ng mabuti ang mga nagagalit sa atin?
-
Dahil alam natin na lahat tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, ano sa palagay ninyo ang kahulugan sa talatang ito ng maging mga anak ng ating Ama sa Langit? (Ibig sabihin ay maging tulad Niya at maging mga tagapagmana ng Kanyang kaharian.)
-
Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pagmamahal sa Kanyang mga kaaway at paggawa ng mabuti sa iba noong narito pa Siya sa mundo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila sa Mateo 5 tungkol sa kailangan nating gawin para maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.
-
Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin upang maging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sinunod natin ang mga turo at utos ng Tagapagligtas, tayo ay magiging perpektong tulad ng ating Ama sa Langit.)
Ipaalala sa mga estudyante na tanging sa pamamagitan ni Jesucristo at sa Kanyang biyaya tayo magiging ganap o perpekto (tingnan sa Moroni 10:32).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano maging ganap o perpekto, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim nating mga pagsisikap ay tila nakakapagod [mahirap] at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Nakalaan ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88).
-
Ayon kay Elder Nelson, kailan tayo magiging perpekto?
-
Paano maaaring makatulong ang pahayag na ito sa isang taong nahihirapan at pinanghihinaan ng loob dahil sa kanyang mga kahinaan at kakulangan?
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos upang kalaunan ay maaari silang maging tulad ng ating Ama sa Langit.
Susunod na Unit (Mateo 6:1–13:23)
Para matulungang maihanda ang mga estudyante sa susunod na unit, sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano ang Ginintuang Aral? Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol sa iba? Ano ang nangyayari sa mga naglilingkod sa dalawang panginoon? Ano ang kailangang gawin ng mga tao para mapagaling ng Tagapagligtas? Ipaliwanag na sa susunod na unit ay magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong malaman ang mga sagot sa tanong na ito at ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.