Home-Study Lesson
Mateo 6:1–13:23 (Unit 3)
Pambungad
Tulad ng nakatala sa Mateo 7, ipinagpatuloy ni Jesucristo ang Kanyang Sermon sa Bundok sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo na humatol nang matwid. Itinuro rin Niya ang pagtanggap ng personal na paghahayag at pagsunod sa kagustuhan ng Ama sa Langit.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Sa home-study lesson para sa unit 1 at day 3 lesson ngayong linggo, pinag-aralan ng mga estudyante ang scripture mastery passage sa Mateo 11:28–30. Maaari mong rebyuhin sandali ang talata sa mga estudyante.
Mateo 7:1–5
Bilang bahagi ng Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang paghatol nang matwid
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Dapat ba nating hatulan ang iba o hindi? Sa pagsisimula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong.
Idispley ang larawang Ang Sermon sa Bundok (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 39; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na sa pagpapatuloy ng pagtuturo ni Jesus ng Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa paghatol.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol. Ipaliwanag na ang karaniwang inaakalang kahulugan ng talata 1 ay hindi tayo dapat humatol kahit kailan. Ipabasa sa isang estudyante ang Joseph Smith Translation ng Matthew 7:1, “Ngayon ito ang mga salitang itinuro ni Jesus sa kanyang mga alagad na dapat nilang sabihin sa mga tao. Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan; kundi humatol kayo nang matuwid.”
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng humatol nang matwid?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang mangyayari sa atin batay sa paraan ng paghatol natin sa iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “sa panukat na inyong isusukat” ay ang paraan ng pagsukat o paghatol ninyo.)
-
Ano ang mangyayari kung hahatulan natin nang matwid ang iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hahatulan natin ang iba nang matwid, bibigyan din tayo ng Diyos ng awa at katarungan.)
Kung maaari, bigyan ng kopya ng sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya ang bawat estudyante. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang uri ng paghatol na dapat at hindi natin dapat ginagawa at paano tayo hahatol nang matwid.
“Kung minsan ipinapalagay ng mga tao na masamang hatulan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi ninyo dapat hatulan o husgahan ang iba nang wala sa katwiran, kakailanganin ninyong magpasiya kung nararapat ang mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay ninyo. …
“Ang paghusga o paghatol ay mahalagang paggamit ng inyong kalayaang pumili at nangangailangan ng hustong pag-iingat, lalo na kapag hinahatulan ninyo ang ibang mga tao. Lahat ng paghatol ninyo ay dapat magabayan ng matwid na mga pamantayan. Alalahanin na tanging Diyos lamang, na nakababatid sa niloloob ng isang tao, ang makagagawa ng huling paghatol sa mga tao (tingnan sa Apocalipsis 20:12; 3 Nephi 27:14; D at T 137:9). …
“… Hangga’t kaya ninyo, hatulan ang mga sitwasyon ng mga tao sa halip na ang mga tao mismo. Hangga’t maaari, iwasang humatol hanggang sa magkaroon kayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. Pakiramdamang lagi ang paghihikayat ng Banal na Espiritu, na siyang gagabay sa inyong mga pasiya” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 208–11.
-
Anong uri ng mga paghatol ang dapat nating gawin?
-
Paano tayo makahahatol nang matwid?
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga sitwasyon na kailangang humatol nang matwid ang isang tao?
Magpakita ng maliit at malaking piraso ng kahoy. Ipaliwanag na nang ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa paghatol, ikinumpara niya ang napakaliit na piraso ng kahoy sa puwing at ang malaking piraso ng kahoy sa tahilan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol.
-
Ano ang maaaring ilarawan ng puwing at tahilan sa analohiya ng Tagapagligtas? (Inilalarawan nito ang maliliit at malalaking kamalian, kahinaan, o kasalanan.)
-
Paano ninyo sasabihin sa sarili ninyong mga salita ang itinuro ng Tagapagligtas sa talata 3?
Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isang estudyante na itapat ang tahilan sa mata niya. Tanungin ang pangalawang estudyante:
-
Gusto mo bang tanggalin ng estudyanteng may tahilan ang puwing sa mata mo? Bakit ayaw mo?
Tanungin ang estudyanteng may tahilan:
-
Ano ang kailangan mo munang gawin para mas malinaw mong makita ang puwing sa mata ng kaklase mo?
Paupuin ang dalawang estudyante. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kaninong mga pagkakamali ang dapat nating alalahanin ayon sa Tagapagligats.
-
Dapat bang nakatuon tayo sa pagtama sa pagkakamali ng iba o ang sa atin? Bakit?
-
Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito na makatutulong sa atin na iwasang hatulan nang hindi matwid ang iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung pagtutuunan natin ang pagtanggal ng ating sariling mga kasalanan at kahinaan, mas malamang na hindi natin husgahan ang iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.
-
Paano makatutulong sa atin ang alituntuning ito kapag nakakakita tayo ng kapintasan sa iba?
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng maliit na piraso ng kahoy para mapaalalahanan sila sa alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga kasalanan o kahinaan na maaaring matanggal nila sa kanilang buhay. Hikayatin silang manalangin sa Panginoon na tulungan silang tanggalin ang sarili nilang mga pagkakamali sa halip na husgahan nang hindi matwid ang iba.
Mateo 7:24–27
Nangako ng kaligtasan ang Tagapagligtas sa mga susunod sa kagustuhan ng Ama
Magpakita ng bato at isang tray ng buhangin. Itanong sa mga estudyante kung sa ibabaw ng bato o sa buhangin ba nila gustong itayo ang kanilang bahay. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:24–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus kung saan maitutulad ang pagtatayo ng bahay sa bato at pagtatayo ng bahay sa buhangin.
-
Ayon sa talata 24, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng isang tao na katulad ng ginawa ng matalinong tao na nagtayo sa ibabaw ng bato?
-
Ayon sa talata 26, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng isang tao na katulad ng ginawa ng taong mangmang na nagtayo sa ibabaw ng buhangin?
-
Ano sa palagay ninyo ang sinisimbolo ng ulan, baha, at hangin sa mga analohiyang ito (tingnan sa talata 27; tingnan din sa Helaman 5:12)?
-
Anong mga alituntunin tungkol sa pamumuhay ng mga turo ng Panginoon ang matututuhan natin mula sa mga analohiyang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang mga sumusunod na alituntunin: Kung pakikinggan at ipamumuhay natin ang mga turo ng Panginoon, palalakasin Niya tayo para makayanan natin ang ating mga pagsubok. Kung pakikinggan natin ang mga turo ng Panginoon ngunit hindi naman natin sinusunod ang mga ito, hindi tayo magkakaroon ng tulong na kailangan natin kapag dumating ang mga pagsubok.)
Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang taong matalino sa pamamagitan ng pagpapasiyang kumilos ayon sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat kung paano isasagawa ang isa o mahigit pang mga alituntunin mula sa lesson na ito o sa kanilang pag-aaral ng natitirang bahagi ng Sermon sa Bundok.
Susunod na Unit (Mateo 13:24–17:27)
Sabihin sa mga estudyante na sa susunod na linggo ay babasahin nila ang tungkol sa masamang balak na humantong sa kamatayan ni Juan Bautista. Malalaman din nila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Bakit pinapugutan ng ulo ni Herodes si Juan? Bakit lumubog sa tubig si Pedro matapos niyang makalakad sa ibabaw nito? Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang pakiramdam ng mamatayan ng matalik na kaibigan o kapamilya. Hikayatin sila, sa pag-aaral nila ng susunod na unit, na alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay at ano ang nangyari sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.