Library
Lesson 12: Mateo 7


Lesson 12

Mateo 7

Pambungad

Ipinagpatuloy ni Jesucristo ang Kanyang Sermon sa Bundok sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo na humatol nang matwid. Itinuro rin niya ang pagtanggap ng personal na paghahayag at pagsunod sa kagustuhan ng Ama sa Langit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 7:1–5

Bilang bahagi ng Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang paghatol nang matwid

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Dapat ba nating hatulan o hindi ang iba? Sa pagsisimula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang tanong.

Ang Sermon sa Bundok

Ang Sermon sa Bundok, ni Carl Heinrich Bloch. Sa kagandahang-loob ng National Historic Museum sa Frederiksborg Castle sa Hillerød, Denmark. Bawal kopyahin.

Idispley ang larawang Ang Sermon sa Bundok (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 39; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na sa patuloy na pagtuturo ni Jesucristo ng Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa paghatol.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol. Ipaliwanag na ang karaniwang inaakalang kahulugan ng talata 1 ay hindi tayo dapat humatol o humusga kahit kailan. Ipabasa sa isang estudyante ang Joseph Smith Translation, Matthew 7:1: “Ngayon, ito ang mga salitang itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo na dapat nilang sabihin sa mga tao, Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.”

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng humatol nang matwid?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang mangyayari sa atin batay sa paraan ng paghatol natin sa iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang mangyayari kung hahatulan natin nang matwid ang iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hahatulan natin ang iba nang matwid, bibigyan din tayo ng Diyos ng awa at katarungan.)

handout iconKung maaari, magpamahagi ng mga kopya ng sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya sa bawat estudyante. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa kalahati ng klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga uri ng paghatol na dapat nating gawin at hindi. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na alamin kung paano tayo hahatol nang matwid.

handout, paghatol

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 12

“Kung minsan ipinapalagay ng mga tao na masamang hatulan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi ninyo dapat hatulan o husgahan ang iba nang wala sa katwiran, kakailanganin ninyong magpasiya kung nararapat ang mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay ninyo. …

“Ang paghusga o paghatol ay mahalagang paggamit ng inyong kalayaang pumili at nangangailangan ng hustong pag-iingat, lalo na kapag hinuhusgahan o hinahatulan ninyo ang ibang mga tao. Lahat ng paghatol ninyo ay dapat magabayan ng matwid na mga pamantayan. Alalahanin na tanging Diyos lamang, na nakababatid sa niloloob ng isang tao, ang makagagawa ng huling paghatol sa mga tao (tingnan sa Apocalipsis 20:12; 3 Nephi 27: 14; D at T 137: 9). …

“… Hangga’t kaya ninyo, hatulan ang mga sitwasyon ng mga tao sa halip na ang mga tao mismo. Hangga’t maaari, iwasang humatol hanggang sa magkaroon kayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. Pakiramdamang lagi ang paghihikayat ng Banal na Espiritu, na siyang gagabay sa inyong mga pasiya” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 128–29).

  • Anong uri ng mga paghatol ang dapat nating gawin?

  • Paano tayo makahahatol nang matwid?

Magpakita ng maliit na piraso ng kahoy at mahaba at makapal na piraso ng kahoy. Ipaliwanag na nang ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa paghatol, ikinumpara Niya ang napakaliit na piraso ng kahoy sa puwing at ang malaking piraso ng kahoy sa tahilan (o beam). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:3, at ipahanap sa klase ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol sa iba.

  • Ano ang maaaring ihambing sa puwing at tahilan sa analohiya ng Tagapagligtas?

  • Paano ninyo sasabihin sa sarili ninyong mga salita ang itinuro ng Tagapagligtas sa talata 3?

Magpapunta ng dalawang estudyante sa harap ng klase. Sabihin sa isang estudyante na itapat ang tahilan sa mata niya. Tanungin ang pangalawang estudyante:

  • Gusto mo bang tanggalin ng estudyanteng may tahilan ang puwing sa mata mo? Bakit ayaw mo?

Itanong sa estudyanteng may tahilan:

  • Ano ang kailangan mo munang gawin para mas malinaw mong makita ang puwing sa mata ng kaklase mo?

Ipabasa sa estudyanteng may tahilan ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pagpansin na ito sa mga tahilan at puwing ay tila may kaugnayan sa kawalan natin ng kakayahan na makitang mabuti ang ating sarili. Hindi ko tiyak kung bakit nasusuri at nalulunasan natin ang mga kahinaan ng iba, samantalang madalas ay hirap tayong makita ang sarili nating kahinaan” (“Ako Baga, Panginoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 56).

Paupuin ang dalawang estudyante. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:4–5, at ipahanap sa klase kung kaninong mga pagkakamali ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating pinapansin.

  • Dapat ba nating pinapansin at itinatama ang mga pagkakamali ng iba o ang sa atin? Bakit?

  • Ano ang alituntuning matututuhan natin sa mga talatang ito na makatutulong sa atin na iwasang hatulan nang hindi matwid ang iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung pagtutuunan nating alisin ang ating sariling mga kasalanan at kahinaan, mas malamang na hindi natin husgahan ang iba.)

  • Paano makatutulong sa atin ang alituntuning ito kapag nakakakita tayo ng kapintasan sa iba?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng maliit na piraso ng kahoy para matandaan nila ang alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga kasalanan o kahinaan na matatanggal nila sa kanilang buhay. Hikayatin silang hilingin sa Panginoon na tulungan silang tanggalin ang sarili nilang mga pagkakamali sa halip na husgahan ang iba.

Mateo 7:6–14

Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghahangad ng personal na paghahayag

Ibuod ang Mateo 7:6 na ipinapaliwanag na tinutulungan tayo ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito na maunawaan na iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na humayo sa sanlibutan para mangaral. Sila ay magtuturo ng pagsisisi ngunit iingatan sa kanilang mga sarili ang mga hiwaga ng kaharian. Sa madaling salita, hindi nila dapat talakayin ang mga sagradong paksa sa mga taong hindi handang tanggapin ang mga ito. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:9–11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].)

Ipaliwanag na ayon sa Joseph Smith Translation, ang Mateo 7:7 ay nagsisimula sa mga katagang “Sabihin sa kanila, Humingi sa Diyos.” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 7, na nagsisimula sa mga katagang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat ituro ng Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang ibinilin sa mga disipulo na sabihin sa mga taong gustong tumanggap ng kaalaman mula sa Diyos?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 7 tungkol sa mga gagawin natin para maunawaan ang sagradong kaalaman mula sa Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay humingi, naghanap, at kumatok sa ating pagsasaliksik sa katotohanan, sasagot ang Ama sa Langit at pagkakalooban tayo ng personal na paghahayag.)

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang humingi, maghanap, at kumatok na dapat nating gawin para makatanggap ng personal na paghahayag?

Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng isang pagkakataon na nakatanggap sila ng personal na paghahayag dahil sila ay humingi, naghanap, at kumatok.

Ibuod ang Mateo 7:9–11 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na tulad ng isang mapagmahal na ama na hindi bibigyan ng bato o ahas ang anak na humihingi ng tinapay o isda, gayundin naman na hindi ipagkakait ng Ama sa Langit ang personal na paghahayag sa Kanyang mga anak na humihingi nito.

Hikayatin ang mga estudyante na ipakita ang pananampalataya sa pamamagitan ng paghingi, paghanap, at pagkatok upang tumanggap ng personal na paghahayag at pang-unawa sa ebanghelyo. Magpatotoo na kapag ginawa nila ito nang may pananampalataya at pagtitiyaga, sasagot ang Ama sa Langit.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga karagdagang katotohanan na sinabi ng Tagapagligtas na ituro ng Kanyang mga disipulo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Mateo 7:15–27

Nangako ng kaligtasan ang Tagapagligtas sa mga susunod sa kagustuhan ng Ama

Sabihin sa mga estudyante na maglista sa pisara ng ilang ideya na karaniwang tinatanggap ng mundo ngunit salungat sa plano ng Ama sa Langit.

  • Bakit mahalagang mahiwatigan kung ang isang indibidwal o isang grupo ay nagpapalaganap ng ideya na salungat sa plano ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:15. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang babalang ibinigay ng Panginoon sa mga disipulo? Ayon sa Kanya, anong pagbabalatkayo ang ginagawa ng mga bulaang propetang ito?

Elder M. Russell Ballard

Ipaliwanag na nagbigay ng babala si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga bulaang propeta ng ating panahon na kinabibilangan ng “kapwa lalaki at babae na itinatalaga ang sarili na tagapaghayag ng mga doktrina ng Simbahan” gayundin ang “mga taong masugid na nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at patuloy na binabago ang paniniwala ng iba nang walang malasakit sa pangwalang-hanggang kapakanan ng kanilang inaakit” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:16–20. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang paraan na mahihiwatigan kung bulaang propeta o bulaang guro ang isang tao.

  • Ano ang isang paraan na mahihiwatigan natin kung ang isang tao ay bulaang propeta o bulaang guro? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Malalaman natin ang mga bulaang propeta sa kanilang mga bunga o ginagawa.)

Magpakita sa mga estudyante ng dalawang klase ng prutas. Itanong sa mga estudyante kung saan halaman galing ang bawat prutas. Ipaliwanag na katulad ng pagtukoy sa uri ng halaman sa pamamagitan ng bunga nito, matutukoy rin natin ang mga bulaang propeta at bulaang guro sa kanilang mga turo, kilos, at ideya.

  • Batay sa katotohanang ito, paano natin makikilala ang mga tao at grupo na dapat nating iwasan?

  • Paano nauugnay sa katotohanang ito ang mga ideyang nakasulat sa pisara?

Ibuod ang Mateo 7:21–23 na ipinapaliwanag na hindi lahat ng nagsasabing naniniwala sila kay Jesucristo ay makapapasok sa Kanyang kaharian, kundi ang mga sumusunod sa kagustuhan ng Ama sa Langit at nakikilala Siya ang makapapasok sa kaharian ng langit.

Magpakita ng bato at isang tray ng buhangin. Itanong sa mga estudyante kung sa ibabaw ng bato o sa buhangin ba nila gustong itayo ang kanilang bahay. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 7:24–27.

  • Ayon sa talata 24, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng isang tao na katulad ng ginawa ng matalinong tao na nagtayo sa ibabaw ng bato?

  • Ayon sa talata 26, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng taong nagiging katulad ng taong mangmang na nagtayo sa ibabaw ng buhangin?

  • Ano sa palagay ninyo ang sinisimbolo ng ulan, baha, at hangin sa mga analohiyang ito (tingnan sa talata 27; tingnan din sa Helaman 5:12)?

  • Anong mga alituntunin tungkol sa pamumuhay ng mga turo ng Panginoon ang matututuhan natin mula sa mga analohiyang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang mga sumusunod na alituntunin: Kung pakikinggan at ipamumuhay natin ang mga turo ng Panginoon, palalakasin Niya tayo para makayanan natin ang ating mga pagsubok. Kung pakikinggan natin ang mga turo ng Panginoon ngunit hindi naman natin sinusunod ang mga ito, hindi tayo magkakaroon ng tulong na kailangan natin kapag dumating ang mga pagsubok.)

Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang itinuro ng Panginoon sa Sermon sa Bundok (tingnan sa Mateo 5–7). Hikayatin sila na tularan ang taong matalino sa pagpapasiya na kumilos ayon sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat kung paano isasagawa ang isa o mahigit pang mga alituntunin mula sa lesson na ito o sa mga nakaraang tatlong lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 7:1–2. Matwid na paghatol

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga alituntunin na tumutulong sa atin na humatol nang matwid sa halip na kaagad na humatol:

“May dalawang uri ng paghatol: kaagad na paghatol na ipinagbabawal sa ating gawin, at mga paghatol sa nararapat gawin na ipinagagawa sa atin, ngunit ayon sa matwid na mga alituntunin. …

“… Bakit iniutos ng Tagapagligtas na huwag tayong kaagad na humusga o humatol? Naniniwala ako na ibinigay ang kautusang ito dahil hinahatulan na natin kaagad na mapupunta sa impiyerno (o sa langit) ang isang tao dahil lang sa ginawa niya sa oras na iyon. …

“Lahat tayo ay nagpapasiya kung sino ang pipiliin nating kaibigan, kung saan ilalaan ang panahon at ang pera natin, at mangyari pa, kung sino ang pipiliin nating makasama nang walang hanggan. Tiyak na ilan sa mga paghatol na nararapat gawin ay kabilang sa mga tinukoy ng Tagapagligtas nang Kanyang ituro na ang ‘lalong mahahalagang bagay ng kautusan’ ay dapat pakatimbangin (Mat. 23:23). …

“Sa mga paghatol na nararapat gawin, tiyaking matwid nating magagawa ito. Dapat nating hingin ang gabay ng Espiritu sa ating mga pagpapasiya. Dapat ay limitahan natin ang ating paghatol o pagpapasiya sa kung ano lamang ang ipinagkatiwala sa atin. Hangga’t maaari, iwasan nating hatulan ang isang tao hanggang sa magkaroon tayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. Hangga’t maaari, dapat nating hatulan ang mga sitwasyon sa halip na ang mga tao. Sa lahat ng ating paghatol dapat nating gamitin ang mabubuting pamantayan. At, sa lahat ng ito ay dapat nating tandaan ang utos na magpatawad” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7, 9, 13).

Mateo 7:15–20. “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa”

Ipinahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na:

“Kapag iniisip natin ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro, naiisip din natin ang mga taong tinatanggap ang mga doktrina na maliwanag namang mali o ang mga taong inaakala na may awtoridad silang ituro ang ebanghelyo ni Cristo ayon sa sarili nilang interpretasyon. Madalas na iniisip natin na ang gayong mga tao ay may kaugnayan sa maliliit na grupo ng mga radikal na hindi gaanong tanggap sa lipunan. Gayunman, uulitin ko: may mga bulaang propeta at mga bulaang guro na mga miyembro o nagsasabing mga miyembro sila ng Simbahan. Sila ang mga nagsasabi, nang walang pahintulot, na ineendorso ng Simbahan ang kanilang mga produkto o gawain. Mag-ingat kayo sa mga iyan. …

“… Mag-ingat sa mga taong nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at patuloy na binabago ang paniniwala ng iba nang walang malasakit sa pangwalang-hanggang kapakanan ng kanilang inaakit” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 62–63).