Lesson 118
Mga Taga Galacia 1–4
Pambungad
Pinagsabihan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Galacia dahil sa pagsunod sa mga maling turo at tinuruan sila na maaari silang maging tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Galacia 1–2
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal dahil sa pagsunod sa mga huwad na guro at hinikayat silang magbalik-loob sa ebanghelyo
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sinabi ng isa sa kanilang mga kapatid o kaibigan na hindi na siya sigurado kung ang mga turo ng Simbahan ay totoo. Bunga nito, ang taong ito ay tumigil na sa pagsisimba at hindi na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang class notebook o scripture study journal kung ano ang sasabihin nila sa kapatid o kaibigan na ito upang matulungan siya na malaman na ang mga turo ng Simbahan ay totoo.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang isang katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung papaano makikilala ang mga totoong turo habang pinag-aaralan nila ang Mga Taga Galacia 1.
Ipaliwanag na ang Galacia ay isang rehiyon sa gitnang hilagang Asia Minor na sinasakop ang mga bayan na binisita ni Pablo sa kanyang pangalawa at pangatlong pangmisyonerong paglalakbay (tignan sa Mga Gawa 16:6; 18:23). (Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang Galacia sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero.”) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang problema na mayroon sa mga Banal sa Galacia.
-
Bakit maraming mga Banal sa Galacia ang tumatalikod mula sa totoong ebanghelyo?
Ipaliwanag na ang mga nagsisiligalig o nanggugulo sa mga taga-Galacia at nagpapasama sa mga turo ng ebanghelyo ay nagdulot ng pagdududa tungkol sa mga turo ni Pablo na ang kaligtasan ay nagmumula lamang kay Jesucristo. Ang mga huwad na guro na ito ay mga Kristiyanong Judio na nagsasabing kailangang tuliin ang mga Banal sa Galacia (tignan sa Bible Dictionary ng LDS English version ng Biblia, “Circumcision”) at sundin ang mga ritwal ng batas ni Moises upang maligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga nagtuturo ng ebanghelyo na taliwas sa itinuro niya bilang isang Apostol ng Panginoon. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pinagmulan ng mga turo ni Pablo.
-
Ayon sa talata 2, sino ang pinagmulan ng mga turo ni Pablo?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga salita ni Pablo sa mga talata 10–12 tungkol sa totoong doktrina? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ipinahahayag ni Jesucristo ang mga totoong doktrina sa Kanyang mga propeta.)
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa katotohanang ito kapag may mga katanungan tayo tungkol sa mga turo ng mga propeta?
Ipaliwanag na dahil ipinahahayag ni Jesucristo ang totoong doktrina sa Kanyang mga propeta, maaari din Niyang ipahayag sa atin ang katotohanan ng mga turo ng mga propeta.
-
Ano ang maaari nating gawin upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon upang malaman natin sa ating mga sarili kung ang mga turo ng mga propeta ay totoo?
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon na binanggit mo sa simula ng lesson. Anyayahan ang ilang mga estudyante na ipaliwanag sa klase kung paano nila gagamitin ang katotohanang katutukoy lamang nila tungkol sa paghahayag upang tumugon sa tao na may pagdududa sa mga turo ng Simbahan.
Magpatotoo na maaari nating makilala ang totoong doktrina habang pinag-aaralan natin ang mga turo ng mga propeta at nagnanais ng paghahayag mula sa Diyos.
Ibuod ang Mga Taga Galacia 1:13–2:21 na ipinapaliwanag na isinalaysay ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob at ang kayang mga naunang paglalakbay bilang misyonero. Ipinaliwanag din niya na ang kaligtasan ay hindi matatagpuan sa batas ni Moises, ngunit tayo ay napapatawad, o nabibigyang-katwiran, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Taga Galacia 3–4
Inanyayahan ni Pablo ang mga taga-Galacia na magtamo ng lahat ng mga pagpapala na ipinangako kay Abraham sa pamamagitan ni Jesucristo
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon. Matapos basahin ang bawat isa, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit ang tauhan sa sitwasyon ay maaaring makadama na mas mahirap sa kanila na matanggap ang lahat ng mga pagpapala ng Panginoon kumpara sa iba na nasa Simbahan na naging matapat sa ebanghelyo simula pa sa pagkabata.
-
Isang binatilyo ang lumaki sa isang pamilya na di-gaanong aktibo at hindi naturuan ng ebanghelyo noong bata pa siya. Nagiging aktibo nang muli ang kanyang pamilya sa Simbahan at nagsisimula nang matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo.
-
Pinupuna ng isang babae ang Simbahan sa loob ng maraming taon. Nakaranas siya kamakailan ng pagbabago ng puso at nabinyagan.
Ipahanap sa mga estudyante ang katotohanan sa Mga Taga Galacia 3–4 na maaaring makatulong sa atin na maunawaan kung anong mga pagpapala ang maaaring matanggap ng lahat, anupaman ang kanilang kalagayan at nagawa noon.
Ipaliwanag na maraming Banal sa Galacia ay mga Gentil na nabinyagan sa Kristiyanismo at hindi mga literal na inapo ni Abraham, na pinangakuan ng lahat ng mga pagpapala ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga “sa pananampalataya” (talata 7), o sa mga naniniwala, kay Jesucristo.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga naniniwala kay Jesucristo?
-
Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Panginoon kay Abraham?
-
Ayon sa talata 9, ano ang mangyayari sa mga may pananampalataya kay Jesucristo?
Ipaliwanag na ang maging “pinagpala kay Abraham na may pananampalataya” ay ang mapagpala rin ng tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan niya ang lahat ng tao ay maaaring magtamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo (tingnan sa Abraham 2:11).
Ibuod ang Mga Taga Galacia 3:10–25 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na ang layunin ng batas ni Moises ay ang tulungan ang mga Israelita na lumapit kay Jesucristo at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala na ipinangako kay Abraham.
-
Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala na ipinangako kay Abraham?
Isulat ang sumusunod na di-kumpletong pahayag sa pisara: Ang lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo at pumapasok sa tipan ng ebanghelyo ay magiging …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita o kataga na maaari nilang gamitin para mabuo ang di-kumpletong alituntunin sa pisara.
-
Ayon sa talata 28, ano ang nangyayari sa magkakaibang mga indibidwal kapag pumasok sila sa tipan ng ebanghelyo?
-
Ayon sa talata 29, ano rin ang nangyayari sa mga napabilang sa mga binhi ni Abraham sa pamamagitan ni Jesucristo?
Ipaliwanag na ang isang tagapagmana ay isang tao na binigyang-karapatan ng batas na tumanggap ng lupain, o mga ari-arian, ng ibang tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 4:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung kanino tayo magiging mga tagapagmana.
-
Kanino tayo magiging mga tagapagmana? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara sa paraang maipahahayag ang sumusunod na katotohanan: Ang lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo at pumapasok sa tipan ng ebanghelyo ay magiging isa kay Cristo at mga tagapagmana ng Diyos.)
-
Bakit mahalagang malaman na ipinapangako ng Diyos ang mga pagpapalang ito sa lahat ng pumapasok sa tipan, anuman ang kanyang kalagayan?
Magpatotoo na ang mga pangako ng Ama sa Langit ay para sa lahat ng mga pumasok sa tipan ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na maging matapat sa pagtupad ng mga tipan na ginawa nila.
Ibuod ang Mga Taga Galacia 4:8–31 na ipinapaliwanag na inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na magbalik kay Cristo at takasan ang pagkaalipin na nagmumula sa pagsunod sa batas ni Moises.