Library
Lesson 103: I Mga Taga Corinto 1–2


Lesson 103

I Mga Taga Corinto 1–2

Pambungad

Matapos malaman ang tungkol sa mga nararanasang problema ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto, sumulat si Pablo sa mga miyembrong ito at hinikayat sila na alisin ang pagtatalo at magkaisa. Ipinaliwanag din niya na tinatawag ng Diyos ang mahihina at mapagpakumbaba upang mangaral ng Kanyang ebanghelyo at na ang mga bagay ng Diyos ay malalaman at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng Espiritu.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 1:1–16

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto at hinikayat sila na alisin ang pagtatalo at magkaisa

Ipakita sa klase ang larawan ng isang pamilya, sports team, at grupo ng magkakaibigan (o isulat sa pisara ang pamilya, sports team, magkakaibigan).

  • Ano ang maaaring magdulot ng paghahati-hati at pagtatalo sa mga grupong ito?

  • Paano makakaapekto ang mga paghahati-hati at pagtatalo sa isang pamilya, team, o magkakaibigan?

  • Paano makakaapekto sa Simbahan ang mga paghahati-hati at pagtatalo ng mga miyembro?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 1 ang isang katotohanan tungkol sa mga paghahati-hati at pagtatalo na itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Mapa sa Biblia, blg. 13 “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at hanapin sa mapa ang Corinto.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Noong kanyang pangalawang paglalakbay para sa gawaing misyoneryo, nagtungo si Pablo sa isang bayan na tinatawag na Corinto, kung saan ipinangaral niya ang ebanghelyo. Maraming tao ang nabinyagan noong panahong iyon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18). Kalaunan, habang nangangaral si Pablo sa Efeso, nalaman niya na nagkaroon ng mga problema sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto dahil ang ilang mga sumapi o nagbalik-loob ay bumabalik sa kanilang mga dating paniniwala at gawi na pagsamba sa diyus-diyusan. Sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto upang palakasin sila at ipaalala ang kanilang pangako na maglingkod sa Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 1:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano kinausap ni Pablo sa sulat ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto.

  • Paano kinausap ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto?

  • Ayon sa talata 1, ano ang katungkulan ni Pablo sa Simbahan?

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 1:3–9 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na pinasasalamatan niya ang Diyos para sa kanila dahil sa biyaya na kanilang natanggap sa pamamagitan ni Jesucristo, na pinagpala sila sa lahat ng paraan. Ipaliwanag na nang kausapin ni Pablo ang mga Banal, gumamit siya ng mga salita na nagsasaad na magkahiwalay na nilalang ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingnan sa talata 3).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 1:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang hinikayat ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto.

  • Ayon sa I Mga Taga Corinto 1:10, ano ang inaasahan ng Panginoon na gagawin natin bilang mga miyembro ng Simbahan? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Inaasahan ng Panginoon sa atin bilang mga Banal na magkaisa at alisin ang mga paghahati-hati at pagtatalo.)

  • Ano ang magagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan upang maalis ang mga paghahati-hati at pagtatalo sa ating mga pamilya? Sa ating mga ward? (Isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante.)

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin mula sa pagkakaisa at pag-aalis ng mga pagtatalo?

  • Kailan kayo napagpala dahil sa pagkakaisa sa isang klase, korum, o ward o branch?

Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa mga nakasulat na sagot sa pisara, at hikayatin sila na pumili ng isang paraan na maaalis nila ang mga paghahati-hati at pagtatalo at magtakda ng mithiin na gawin ito.

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 1:12–16 na ipinapaliwanag na naghahati-hati ang mga Banal sa Corinto ayon sa kung sino ang nagbinyag sa kanila. Nagkaroon ng pagtatalo dahil naniniwala sila na ang kanilang katayuan sa Simbahan ay batay sa kahalagahan o katungkulan ng mga taong nagbinyag sa kanila.

I Mga Taga Corinto 1:17–31

Itinuro ni Pablo na tinatawag ng Diyos ang mahihina upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo

Ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, maraming Griyego ang nakatira sa Corinto. Pinahahalagahan ng mga Griyegong ito ang mga ideyang pilosopikal at sekular na karunungan.

  • Bakit mahihirapan ang isang taong nagpapahalaga sa mga pilosopiya ng mundo na tanggapin ang ebanghelyo? (Maaari mong basahin ang 2 Nephi 9:28.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 1:17–31 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kamalian ng karunungan ng mundo.

Hatiin ang klase sa apat na grupo. I-assign ang isa sa mga sumusunod na scripture reference sa bawat grupo: I Mga Taga Corinto 1:17–18; I Mga Taga Corinto 1:19–20; I Mga Taga Corinto 1:21–22; at I Mga Taga Corinto 1:23–24. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang ito sa kanilang grupo, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa karunungan ng mundo kung ihahambing sa karunungan ng Diyos. Ipaliwanag na ang sinasabi ng mga talang “sapagka’t hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo” sa talata 17 ay hindi ipinadala si Pablo upang makilala batay sa dami ng mga nabinyagan niya. Maaari mo ring ipaliwanag na tinutukoy ng mga talatang “karunungan ng marurunong” sa talata 19 at “karunungan ng sanglibutan” sa talata 20 ang maling pilosopikal na tradisyon noon.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibuod sa klase ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa karunungan. Matapos makapag-report ang lahat ng grupo, itanong:

  • Sa palagay ninyo, bakit itinuturing ng mga di-naniniwala na kamangmangan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 1:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa karunungan ng tao kung ihahambing sa karunungan ng Diyos. Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang mga katagang “kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao” at “kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao” upang ipakita ang lubos na karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Hindi mangmang ang Diyos, ni wala Siyang anumang kahinaan.

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo tungkol sa karunungan ng tao kung ihahambing sa karunungan ng Diyos? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang karunungan ng Diyos ay higit kaysa karunungan ng tao.)

  • Sa paanong mga paraan maaaring makaimpluwensya ang pag-unawa sa katotohanang ito sa isang tao na naghahanap ng mga solusyon sa kanyang mga problema?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 1:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang pinipili ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo.

  • Sino ang pinipili ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo?

  • Sa palagay ninyo, bakit pinipili ng Diyos ang mga yaong itinuturing ng mundo na mangmang at mahina upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo?

I Mga Taga Corinto 2

Ipinaliwanag ni Pablo kung paano natin malalaman ang mga bagay ng Diyos

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Nakaupo ako sa eroplano katabi ang isang atheist na agad iginiit na walang Diyos kaya ibinahagi ko sa kanya ang aking patotoo. ‘Nagkakamali ka,’ sabi ko, ‘mayroong Diyos. Alam ko na Siya ay buhay!’

“Tumutol siya, ‘Hindi mo alam. Walang nakakaalam niyan! Hindi mo maaaring malaman iyan! Nang hindi ako makumbinsi, itinanong ng atheist, na isang abugado, ang pinakamahalagang tanong sa paksa ng patotoo. ‘Sige nga,’ ang patuya at mayabang niyang sabi, ‘sabi mo alam mo. Sabihin mo sa akin kung paano mo nalaman.’

“Nang tangkain kong sumagot, kahit mataas ang pinag-aralan ko, wala akong masabi. …

“Nang gamitin ko ang mga salitang Espiritu at saksi, tumugon ang atheist, ‘Hindi ko alam ang pinagsasabi mo.’ Ang mga salitang panalangin, pahiwatig, at pananampalataya, ay pawang walang kahulugan sa kanya. ‘Nakita mo,’ wika niya, ‘hindi mo talaga alam. Kung alam mo, masasabi mo sa akin kung paano mo nalaman.

“Hindi ko alam ang gagawin ko” (“Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” Liahona, Enero 2007, 51).

  • Ano kaya ang sasabihin ninyo sa atheist?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 2 na makatutulong sa kanila na malaman kung bakit hindi maunawaan ng lalaking iyon si Pangulong Packer at bakit dapat silang magtiwala sa kaalaman nila tungkol sa mga espirituwal na bagay.

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 2:1–8 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na hindi niya ginamit ang karunungan ng mundo upang ituro sa kanila ang ebanghelyo. Nagturo siya sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu upang magkaroon sila ng pananampalataya sa Diyos. Sinabi rin sa kanila ni Pablo na hindi nauunawaan ng mga di-naniniwala ang mga hiwaga ng Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Corinto 2:9–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit sinabi ni Pablo na malalaman at mauunawaan ng ilang tao ang “malalalim na mga bagay ng Dios” (talata 10), habang ang iba ay hindi.

  • Ayon sa mga talata 9–10, bakit nauunawaan ni Pablo at ng iba pang sumasampalatayang tao ang mga bagay ng Diyos?

  • Ayon sa talata 14, bakit hindi maunawaan ng ilang tao ang mga bagay ng Diyos?

  • Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin malalaman at mauunawaan ang mga bagay ng Diyos? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Malalaman at mauunawaan lamang natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.)

Balikan ang tala ni Pangulong Packer, at ipaliwanag na nabigyang-inspirasyon si Pangulong Packer na itanong sa lalaking nakaupo sa tabi niya sa eroplano kung ano ang lasa ng asin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitira sa tala ni Pangulong Packer:

Pangulong Boyd K. Packer

“Pagkaraan ng ilang pagtatangka, siyempre pa, hindi niya ito magawa. Hindi niya maipaliwanag, sa salita lamang, ang napakakaraniwang karanasang tulad ng lasa ng asin. Muli akong nagpatotoo sa kanya at sabi ko, ‘Alam kong mayroong Diyos. Pinagtawanan mo ang patotoong iyon at sinabi mong kung [talagang] alam ko, malinaw kong masasabi sa iyo kung paano ko nalaman. Kaibigan, kung espirituwal ang pag-uusapan, nalasahan ko na ang asin. Hindi ko maipapaliwang sa iyo sa mga salita kung paano ko nalaman ito gaya ng pagsasabi mo sa akin kung ano ang lasa ng asin. Pero uulitin ko sa iyo, mayroong Diyos! Talagang buhay Siya! At dahil lang sa hindi mo alam, huwag mong tangkaing sabihin sa akin na hindi ko rin alam, dahil alam ko!’

“Nang maghiwalay kami, narinig kong ibinulong niya, ‘Hindi ko kailangan ang relihiyon mo para suportahan ako! Hindi ko kailangan iyan.’

“Mula nang maranasan ko iyon, hinding-hindi na ako nahihiya na hindi ko maipaliwanag sa mga salita lamang ang lahat ng alam kong espirituwal” (“Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” 14–15).

Isulat sa pisara ang mga salitang Mga Bagay ng Diyos at itanong sa mga estudyante ang maituturing nila na mga bagay ng Diyos na malalaman at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

  • Bakit mahalaga para sa atin na maniwala na malalaman at mauunawaan lamang natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu?

Ibaling ang atensyon ng mga estudyante sa nakalista sa pisara, at sabihin sa kanila na ibahagi ang isang karanasan na nalaman at naunawaan nila ang isa sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng Espiritu. Maaari mong ibahagi ang iyong sariling karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang magagawa nila upang hangarin ang tulong ng Espiritu habang sinisikap nilang malaman at maunawaan ang mga bagay ng Diyos.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Corinto 1:17–2:13. Ang karunungan ng sanglibutan

“Nang nagsalita si Pablo laban sa ‘karunungan ng sanglibutan’ (I Mga Taga Corinto 1:20), tinutukoy niya ang maling mga pilosopikal na kaugalian noong panahon niya at hindi ang makabuluhang paghahangad ng kaalaman at edukasyon, na hinihikayat ng Panginoon (tingnan sa Mateo 23:27; 2 Nephi 9:29; D at T 88:78–80). Ginamit ni Pablo ang mga salitang marunong at karunungan nang paulit-ulit sa I Mga Taga Corinto 1:17–2:13 upang tukuyin ang mga pilosopiya ng mundo at ang mga yaong nagtataguyod sa mga ito. Madalas na paksa ng mga pampublikong debate ang mga pilosopikal na ideya. Inihambing ni Pablo ang limitadong karunungan ng tao sa makapangyarihang mensahe ng Anak ng Diyos na ipinako sa krus (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:17–25). Hindi alintana ang mga yaong nangutya sa ebanghelyo, ang pananampalataya ng mga Banal ay hindi dapat nakasalalay sa ‘karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios’ (I Mga Taga Corinto 2:5).

“Ang mensahe ng isang Mesiyas na ipinako sa krus ay mahirap matanggap ng kapwa mga Judio at Gentil. Sa mundo ng mga Romano, ang pagpapako sa krus ay isang kaparusahan na inilaan sa mga kriminal o alipin at simbolo ng kahihiyan at pagkatalo. Ang ideya na may isang tao na magdurusa at mamamatay para sa iba, at pagkatapos ay mabubuhay muli ay ‘kamangmangan’ sa mga Griyegong pilosopikal kung mag-isip (I Mga Taga Corinto 1:23). Para sa mga Judio, na ang konsepto tungkol sa Mesiyas ay nagbibigay ng pag-asa ng kamaharlikaan, kapangyarihan, at tagumpay, ang mensahe na namatay sa krus ang Mesiyas ay ‘katitisuran’ at isang hindi katanggap-tanggap na ideya (I Mga Taga Corinto 1:23)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 364).

I Mga Taga Corinto 1:18–29. “Pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas”

“Habang maraming Judio at Gentil ang hindi tinatanggap ang mensahe ng ebanghelyo at itinuturing itong ‘kamangmangan’ (I Mga Taga Corinto 1:18), itinuro ni Pablo na ‘ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao’ (I Mga Taga Corinto 1:19–25). Kadalasang isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga tao na maaaring tawagin na ‘mangmang’ o ‘mahihina’ (tingnan sa D at T 35:13–14; 124:1). Sa I Mga Taga Corinto 1:28, ang ‘mga bagay na mababa ng sanglibutan’—silang mga aba at mapagpakumbaba—ay ang mga yaong pinili ng Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang gawain” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 364).

I Mga Taga Corinto 2:6–16. Ang “mga bagay ng Dios” ay “sinisiyasat ayon sa espiritu”

Dahil ang mga “mga bagay ng Dios” ay “sinisiyasat [lamang] ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:14), silang mga makamundo ang pag-iisip ay hindi mauunawaan ang mga espirituwal na katotohanan. Naglaan ang Diyos ng isang paraan para matamo natin ang espirituwal na kaalaman. Itinuro ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu:

“Sa daigdig ng agham, ang siyentipikong pamamaraan ay ginagamit upang malaman ang katotohanan at maisulong ang kaalaman. Napakalaking tulong nito sa nagdaang mga taon at nagbigay ng malaking kaalaman sa agham at patuloy nitong pinapawi ang kamangmangan tungkol sa ating pisikal na mundo. Gayunman, ang pag-alam ng mga bagay na espirituwal ay nangangailangan ng kakaibang paraan kaysa pag-aaral ng mga bagay ukol sa agham. Ang siyentipikong pamamaraan at katalinuhan ay malaking tulong, ngunit hindi ito magdudulot kailanman ng espirituwal na kaalaman.

“Ang pag-alam sa mga bagay na espirituwal ay nangangailangan ng katalinuhan, ngunit hindi ito sapat. Nalalaman lamang natin ang mga bagay na espirituwal sa pamamagitan ng Espiritu. …

“… Ang mga sagot sa mga tanong na espirituwal ay ibinibigay sa mga taong hindi nagmamatigas ng kanilang puso; na nagtatanong nang may pananampalataya, naniniwala na sila ay tatanggap; at masigasig na sumusunod sa mga kautusan. Kahit na sinusunod natin ang huwarang ito, hindi natin nakokontrol ang oras ng pagtanggap ng mga sagot. Kung minsan ay mabilis na dumarating ang mga sagot, at minsan ay dapat nating isantabi ang mga tanong at magtiwala sa pananampalataya na idinulot ng mga sagot na alam natin” (“A Pattern for Learning Spiritual Things” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], si.lds.org).

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang mga ibinigay na pamamaraan ng pagtamo ng banal na kaalaman ay kakaiba mula sa mga pamamaraan na ginamit ng mga taong nagtamo ng kaalaman sa pamamagitan lamang ng pag-aaral. Halimbawa, ang isang madalas na paraang ginagamit sa mga paaralan ay ang debate o harap-harapang talakayan, isang paraan kung saan marami akong karanasan. Ngunit iniutos sa atin ng Panginoon sa sinauna at makabagong mga banal na kasulatan na hindi natin dapat pagtalunan ang mga bahagi ng kanyang doktrina. (Tingnan sa 3 Ne. 11:28–30; D at T 10:63). … Ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ang patotoo ay natatanggap mula sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at tahimik na pagmumuni-muni” (“Alternate Voices,” Ensign, Mayo 1989, 29).