Lesson 106
I Mga Taga Corinto 7–8
Pambungad
Nagturo si Pablo sa mga may asawa at walang asawa na mga miyembro ng Simbahan sa Corinto tungkol sa kasal at sa gawaing misyonero. Bilang pagtugon sa tanong tungkol sa pagkain sa karne na inihandog sa mga diyus-diyusan, itinuro ni Pablo sa mga Banal na isipin ang epekto sa iba ng kanilang ikinikilos at maging handang itigil ang ilang gawain kung ang mga ito ay espirituwal na ikatitisod ng iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 7
Nagpayo si Pablo sa mga may asawa at walang asawa na mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kasal
Kopyahin sa pisara ang sumusunod na diagram:
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng I Mga Taga Corinto 7, ipaalala sa kanila na, tulad natin, ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay nakatira sa isang lipunan na may nakalilito at nagsasalungatang mga pananaw tungkol sa pisikal na intimasiya o pakikipagtalik.
-
Ayon sa naaalala ninyo sa inyong pag-aaral ng I Mga Taga Corinto 5–6, anong mga maling paniniwala tungkol sa seksuwal na ugnayan ang laganap sa Corinto?
Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod sa kaliwang bahagi ng diagram sa ilalim ng “Maling Paniniwala:” Katanggap-tanggap na magkaroon ng pisikal na intimasiya o makipagtalik kahit kanino.
Ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay sumulat kay Apostol Pablo na humihingi ng patnubay hinggil sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 7:1, at sabihin sa klase na alamin ang tanong kay Pablo ng mga Banal sa Corinto.
-
Ano ang itinanong kay Pablo ng mga Banal sa Corinto?
Ipaliwanag na ipinapahiwatig ng mga katagang “mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae” sa talata 1 na may mga tanong ang mga Banal sa Corinto tungkol sa kung kailan at kung angkop ba ang pisikal na intimasiya. May ilang nagtanong kung ang mga may asawa rin ba ay dapat mayroong pisikal na intimasiya. Isulat ang sumusunod sa kanang bahagi ng diagram sa ilalim ng “Maling Paniniwala:” Hindi katanggap-tanggap ang magkaroon ng pisikal na intimasiya, kahit sa mag-asawa.
Ipaliwanag na ang dalawang maling paniniwala na nakasulat sa diagram ay nagpapakita ng pananaw na napakalaki ng kaibhan mula sa pamantayan ng Diyos para sa pisikal na intimasiya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 7:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa pisikal na intimasiya. (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na tumutukoy ang pakikiapid sa mga seksuwal na relasyon sa labas ng kasal at tumutukoy ang kaniya’y nararapat sa pagmamahal at intimasiya na nararapat lamang ipahayag ng mag-asawa sa isa’t isa.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag na matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:
“Ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado. Ito ay inordena ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Iniutos ng Diyos na ilaan ang seksuwal na intimasiya matapos ang kasal” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 35).
-
Mula sa nabasa natin, ano ang matututuhan natin tungkol sa pisikal na intimasiya o pakikipagtalik? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod sa diagram sa ilalim ng “Katotohanan:” Ang pisikal na intimasiya o pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay inorden ng Diyos.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit inorden ng Diyos ang pagtatalik pagkatapos ng kasal.
“Ang kapangyarihang lumikha ng bata ay hindi nagkataon lang na bahagi ng plano ng kaligayahan; ito ang susi sa kaligayahan.
“Ang hangaring magtalik ng mga tao ay hindi nagbabago at masidhi. Ang ating kaligayahan sa buhay na ito, ang ating kagalakan at kadakilaan ay depende sa paraan ng pagtugon natin sa masidhi at mapamukaw na pagnanasang ito” (“Ang Plano ng Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 26).
-
Ano ang mga layunin ng pisikal na intimasiya o pagtatalik ng mag-asawa?
-
Bakit napakahalaga ng kapangyarihang lumikha—ang kakayahang lumikha ng buhay—sa plano ng Ama sa Langit?
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 7:4–24 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na hindi dapat pigilin ng mga mag-asawa ang pagmamahal nila sa isa’t isa, na ang mga miyembro ng Simbahan na nabiyudo at nahiwalay sa asawa ay pinahihintulutang mag-asawa muli kung piliin nila, at na dapat “manatili sa Dios” ang mga miyembro ng Simbahan anuman ang kalagayan nila. Sinabi rin ni Pablo na iwasan ang diborsyo o pakikipaghiwalay sa asawa.
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa pang katotohanan mula sa mga isinulat ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 7, hatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante, at bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na handout:
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang katotohanan na natukoy nila sa I Mga Taga Corinto 7:12–17. Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang katulad ng sumusunod: Napalalakas ng matatapat na mga tagasunod ni Jesucristo ang kanilang mga pamilya.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na nagkaroon ng magandang epekto sa mga kapamilya na hindi miyembro ng Simbahan o hindi aktibo sa Simbahan.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 7:25–40 na ipinapaliwanag na nagbigay si Pablo ng kanyang opinyon hinggil sa mga miyembro na walang asawa na “tinawag sa ministeryo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, I Mga Taga Corinto 7:29 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]) at ipinaliwanag na ang kanilang sitwasyon ay nagtulot sa kanila na maglingkod sa Panginoon “nang walang abala” (talata 35), o walang temporal na tungkulin na maglaan para sa pamilya. Gayunman, hindi niya sila pinagbawalan na magpakasal.
I Mga Taga Corinto 8
Sinagot ni Pablo ang tanong tungkol sa pagkain ng karne na inihandog sa mga diyus-diyusan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nagtrabaho ako sa isang department store. Dahil isa ako sa mga namamahala, naging mahalaga sa akin ang makihalubilo sa ibang mga negosyante. Ang mga miting sa karamihan ng mga organisasyong ito ay laging nagsisimula sa cocktail [kung kailan kinaugalian nang maghain ng alak]. Ito ang oras para makahalubilo at makilala ang mga taong kabilang sa organisasyon. Lagi akong hindi komportable sa ganitong mga pagtitipon. Noong una humingi ako ng lemon-lime soda. Ngunit hindi nagtagal at natuklasan ko na kakulay ng marami sa iba pang mga inumin ang lemon-lime soda. Hindi ko maipapakita sa iba na hindi ako umiinom ng alak samantalang may hawak akong soda” (“Ang Tradisyon ng Balanse at Matwid na Pamumuhay,” Liahona, Ago. 2011, 32–33).
-
Ano kaya ang nangyari kung patuloy na uminom ng soda si Elder Perry sa oras ng cocktail?
-
Ano ang iba pang mga sitwasyon kung saan ang ating halimbawa ay makaiimpluwensya nang negatibo kahit wala tayong ginagawang mali?
Ipaliwanag na gustong malaman ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto kung tama bang kainin nila ang mga inihandog sa mga diyus-diyusan, o mga diyos ng mga pagano.
Ipaliwanag na inihayag ni Pablo na maaaring isipin ng mga miyembro ng Simbahan na tama ito dahil alam nila na hindi totoo ang mga diyos ng mga pagano (tingnan sa I Mga Taga Corinto 8:4–6).
Ipabasa sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 8:1, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto.
-
Bagama’t alam ng mga tao na hindi totoo ang mga diyus-diyusan, ano ang sinabi ni Pablo na mas mahalaga kaysa sa alam nila? (Pag-ibig sa kapwa-tao, o di-makasariling pagmamahal sa iba.)
-
Ayon sa talatang ito, ano ang maaaring bunga ng kaalaman? (Nagiging mapagpalalo, o mayabang.) Ano ang maaaring ibunga ng pag-ibig sa kapwa-tao? (Pagpapatatag, o pagpapalakas ng sarili o ng iba.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 8:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kailan hindi dapat kainin ng mga Banal sa Corinto ang karne na maaaring inihandog sa mga diyus-diyusan. (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na tinutukoy ng mahihina sa mga talatang ito ang kahinaan sa pag-unawa at tinutukoy ng kalayaan [talata 9] ang kalayaan ng mga miyembro ng Simbahan na kainin ang mga inihandog sa mga diyus-diyusan.)
-
Ayon sa talata 9, sa anong kondisyon sinabi ni Pablo na hindi nila dapat kainin ang inihandog sa mga diyus-diyusan? (Kung magiging malaking hadlang ito para sa isang tao na may mahinang patotoo o walang kaalaman sa ebanghelyo.)
-
Ano ang halimbawang ibinigay ni Pablo sa talata 10 tungkol sa isang paraan na maaaring maging malaking hadlang ang pagkain ng inihandog sa mga diyus-diyusan? (Kapag ang isang miyembro ng Simbahan na may mas mahinang pananampalataya ay nakita ang isa pang miyembro na kumakain sa silid-kainan na karugtong o nakaugnay sa isang templo ng mga pagano, maaaring maniwala ang miyembro na may mas mahinang pananampalataya na walang mali sa pagsamba sa diyus-diyusan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 8:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ni Pablo sa tanong tungkol sa pagkain sa mga inihandog sa mga diyus-diyusan.
-
Ayon sa talata 13, ano ang sinabi ni Pablo na gagawin niya kapag siya ang nasa gayong sitwasyon? Bakit? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng makapagpatisod sa talatang ito ay espirituwal na matisod, magkasala, o mawalan ng pananampalataya.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano natin maiiwasan ang paggawa ng mga bagay na hahantong sa iba sa espirituwal na pagkatisod? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Maipapakita natin ang pag-ibig sa kapwa-tao para sa iba sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawain na maaaring humantong sa kanilang espirituwal na pagkatisod.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitira sa salaysay ni Elder Perry. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano ipinamuhay ni Elder Perry ang alituntuning ito:
“Nagpasiya ako na kailangan kong pumili ng inuming talagang magpapakita na hindi ako umiinom ng alak. Pinuntahan ko ang bartender at humingi ako ng isang basong gatas. Noon lang may humiling ng gayon sa bartender. Pumunta siya sa kusina at nakahanap ng isang basong gatas para sa akin. Kaya may inumin na ako na talagang ibang-iba sa itsura ng mga alak na iniinom ng iba. …
“Gatas na ang pinipili kong inumin sa mga cocktail. Hindi nagtagal marami na ang nakaalam na Mormon ako. Talagang ikinagulat ko ang respetong tinanggap ko, pati na ang nakatutuwang pangyayaring naganap. Nakisama na rin sa akin ang iba sa pag-inom ng gatas sa cocktail!” (“Ang Tradisyon ng Balanse at Matwid na Pamumuhay,” 33).
-
Ano ang iba pang halimbawa ng paraan kung paano natin maipapakita ang pag-ibig sa kapwa para sa iba sa pamamagitan ng pag-iwas na gumawa ng mga bagay na maaaring maging dahilan ng kanilang espirituwal na pagkatisod?
Magpatotoo sa mga katotohanan na natuklasan ng mga estudyante sa araw na ito, at hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga katotohanang ito.