Library
Lesson 140: Santiago 1


Lesson 140

Santiago 1

Pambungad

Sumulat si Santiago sa nagkalat na sambahayan ni Israel, hinikayat silang maging matiisin sa kanilang mga paghihirap at humingi ng karunungan sa Ama sa Langit. Itinuro rin sa kanila ni Santiago na labanan ang tukso, maging mga tagatupad ng salita, maglingkod sa iba, at manatiling espirituwal na malinis.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Santiago 1:1–11

Sumulat si Santiago sa nagkalat na sambahayan ni Israel, hinikayat silang maging matiisin sa kanilang mga paghihirap at humingi ng karunungan sa Diyos

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Sana ay naging mas marunong ako! Sa pagsisimula ng klase, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang pahayag sa pisara. Sabihin sa kanila na maaari nilang isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng mga paksa o personal na sitwasyon na kailangan nilang ihingi ng karunungan. Maaari mong imungkahi na isama nila ang mga paksa sa ebanghelyo at mga tanong na kailangan ng agarang sagot. Ipabahagi sa ilang estudyante ang ilan sa mga paksa o tanong na kanilang isinulat. (Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapribado.)

Naghangad si Joseph Smith ng Karunungan sa Biblia

Idispley ang larawang Naghangad si Joseph Smith ng Karunungan sa Biblia (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 89; tingnan din sa LDS.org).

  • Anong mga tanong ang laging hinahanapan ng mga sagot ni Joseph Smith noong bata pa siya? (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, ipabasa sa kanila ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:9–10.)

Ipaliwanag na binabasa ni Joseph ang Sulat ni Santiago nang matuklasan niya kung paano maghanap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Si Santiago ay isang Apostol ni Jesucristo at isang bishop sa Jerusalem. Isinasaad din sa tradisyong Kristiyano na si Santiago ay anak nina Maria at Jose at, samakatwid, kapatid ni Jesus sa ina.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Santiago sa sambahayan ni Israel tungkol sa kanilang paghihirap at pagdurusa. Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talata 2, pinalitan ng “maraming paghihirap” ang mga katagang “sarisaring tukso.”

  • Ano ang itinuro ni Santiago sa sambahayan ni Israel tungkol sa kanilang mga paghihirap at pagdurusa?

  • Bakit mahalaga ang pagtitiis sa oras ng paghihirap at pagdurusa?

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Santiago 1:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang natuklasan ni Joseph Smith na nakatulong sa kanya na mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong.

  • Ano ang ipinayo ni Santiago na dapat gawin ng kanyang mga mambabasa para makahanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong?

  • Ano ang ibig sabihin ng nagbibigay ang Diyos nang “sagana” at “hindi nanunumbat”? (talata 5). (Ang ibig sabihin ng sagana ay malaya at bukas-palad. Ang ibig sabihin ng nanunumbat ay nagagalit o namumuna.)

Papuntahin sa pisara ang isang estudyante para isulat ang alituntunin na matututuhan natin mula sa Santiago 1:5–6. Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang estudyante ngunit dapat niyang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang Diyos ay saganang nagbibigay ng karunungan sa mga taong humihingi sa Kanya nang may pananampalataya.

  • Ano ang ibig sabihin ng “humingi [nang] may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan”? (talata 6).

Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung gaano nakaapekto sa batang Joseph Smith ang Santiago 1:5–6 habang naghahanap siya ng mga sagot (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Sabihin sa isa pang estudyante na ibuod ang resulta ng matapat na pagdarasal ni Joseph Smith sa kakahuyang malapit sa kanyang tahanan.

  • Kailan sinagot nang sagana ng Ama sa Langit ang inyong panalangin pagkatapos ninyong manalangin sa Kanya nang may pananampalataya?

Patotohanan na saganang nagbibigay ang Diyos ng karunungan sa mga taong humihingi sa Kanya nang may pananampalataya. Anyayahan ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Joseph Smith sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng alituntuning ito upang matanggap nila ang karunungan na kailangan nila mula sa Ama sa Langit.

Ibuod ang Santiago 1:7–11 na ipinapaliwanag na nagbabala si Santiago tungkol sa pag-dadalawang akala o pag-aalinlangan sa katapatan sa Panginoon. Itinuro rin ni Santiago na dapat magpakumbaba ang mayayaman dahil ang mga yaman sa mundo ay pansamantala lamang at di-nagtatagal.

Paalala: Maaari kang mag-anyaya ng dalawang estudyante na magtuturo sa sumusunod na dalawang scripture block. Makatutulong na ibigay ang assignment na ito sa mga student teacher isa o dalawang araw bago ang lesson para makapaghanda sila. Maaari mong anyayahan ang bawat student teacher na turuan ang buong klase. O, maaari mong hatiin sa dalawang grupo ang klase, sabihin sa dalawang student teacher na mag-tig-isang grupo sila at ituro sa mga ito ang kanilang scripture block, at pagkatapos ay magpalitan sila ng grupong tuturuan.

Student Teacher 1—Santiago 1:12–21

Itinuro ni Santiago ang tungkol sa tukso

Itanong sa mga estudyante:

  • Anong mga tukso ang kinakaharap ng mga kabataan ngayon? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Bakit mahirap kung minsan na labanan ang tukso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinangakong pagpapala sa mga nagmamahal sa Panginoon at lumalaban sa tukso. Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito, ang “nagtitiis ng tukso” ay pinalitan ng “nilalabanan ang tukso.”

  • Anong pagpapala ang darating sa mga taong minamahal ang Panginoon at nilalabanan ang tukso? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa paglaban sa tukso, na isa sa mga dapat gawin para matanggap ang putong ng buhay na walang hanggan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pinagmumulan at hindi pinagmumulan ng tukso.

  • Ayon sa talata 13, sino ang hindi pinagmumulan ng ating mga tukso?

Ipaliwanag na ang katagang pita sa talata 14 ay tumutukoy sa masamang pagnanais na maaaring mayroon tayo dahil sa ating nahulog na kalagayan. Inaakit tayo ni Satanas na magpatangay sa masasamang pagnanais na iyon.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tuksong nahihirapan silang paglabanan.

  • Paano tayo magkakaroon ng espirituwal na lakas na labanan ang tukso?

  • Sa paanong mga paraan naipapakita ng paglaban natin sa tukso ang ating pagmamahal sa Panginoon.

Magpatotoo sa katotohanan ng alituntuning natukoy ng mga estudyante sa Santiago 1:12. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila para malabanan ang tukso.

Ibuod ang Santiago 1:17–21 na ipinapaliwanag na itinuro ni Santiago na lahat ng mabuting kaloob ay nagmumula sa Diyos at ang mga Banal ay dapat humiwalay sa “lahat na karumihan” at tumanggap ng mga salita ng Panginoon “na may kaamuan” (talata 21).

Student Teacher 2—Santiago 1:22–25

Hinikayat ni Santiago ang kanyang mga mambabasa na maging tagapakinig at tagatupad ng salita

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Quentin L. Cook

“Kamakailan ay may nakilala akong isang mabait na binatilyo. Ang kanyang mga mithiin ay makapagmisyon, makapag-aral, makasal sa templo, at magkaroon ng tapat at maligayang pamilya. … Nadama ko na talagang gusto niyang magmisyon at umiiwas siyang magkasala nang mabigat na hahadlang sa kanya na magmisyon, ngunit ang ginagawa niya araw-araw ay hindi naghahanda sa kanya sa pisikal, emosyonal, sosyal, intelektuwal, at espirituwal na mga hamon na haharapin niya. Hindi siya natutong magsikap. Hindi siya seryoso sa pag-aaral o sa seminary. Nagsisimba siya, pero hindi nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nag-uukol siya ng maraming oras sa video games at social media. Akala niya ay sapat na ang makapagmisyon siya” (“Pumili nang May Katalinuhan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 47).

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Elder Cook, ano ang maaaring ipag-aalala ninyo dahil kulang ang paghahanda sa misyon ng binatilyong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Santiago na makatutulong sa binatilyong inilarawan sa ikinuwento ni Elder Cook.

  • Ano ang itinuro ni Santiago na makatutulong sa binatilyong iyon?

Ipaliwanag na, tulad ng nakatala sa Santiago 1:23–24, inihalintulad ni Santiago ang isang tagapakinig ngunit hindi tagatupad sa isang tao na tinitingnan ang sarili sa salamin ngunit nakalimutan kung ano ang itsura niya nang umalis na.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyayari sa mga taong pinipili na kumilos ayon sa mga katotohanang narinig nila.

  • Ano ang nangyayari sa mga hindi lamang tagapakinig kundi mga tagatupad din? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig at kikilos tayo ayon sa salita ng Diyos, pagpapalain Niya tayo sa ating mga gawa.)

Anyayahan ang mga estudyante na alamin kung sila ay tagapakinig at tagatupad ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong basahin nang malakas o isulat sa pisara ang mga tanong na ito.

  1. Ganap ba akong naniniwala sa mga katotohanang natututuhan ko sa mga banal na kasulatan, sa tahanan, at sa seminary?

  2. Gaano ako kadalas na nagtatakda ng mga espirituwal na mithiin na kumilos ayon sa mga katotohanang natututuhan ko? Gaano ko kadalas nagagawa ang mga ito? Gaano ko kadalas nalilimutan ang mga ito?

  3. Ano ang gagawin ko para maging mas tagatupad ng salita kaysa tagapakinig lamang?

Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating kapag kumikilos tayo ayon sa ating natutuhan.

Santiago 1:26–27

Pinayuhan ni Santiago ang mga Banal na magmalasakit sa kanilang kapwa

Matapos ituro ng dalawang estudyante ang kanilang scripture block, sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga ipinayo ni Santiago kung paano natin ipapamuhay ang ating relihiyon.

  • Ayon kay Santiago, ano ang ilang paraan na maipapamuhay natin ang ating relihiyon, o maipapakita ang ating katapatan sa Diyos?

Ipaliwanag na ginamit ni Santiago ang ideya na “dalawin ang mga ulila at mga babaing bao” na nangangailangan bilang isang halimbawa ng pagmamalasakit sa kapwa. Ang ibig sabihin ng “pagingatang walang dungis ang [sarili] sa sanglibutan” (talata 27) ay manatiling espirituwal na malinis, maging sa mundo na kitang-kita ang kasamaan.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talata 27? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Nagpapakita tayo ng dalisay na relihiyon kapag nagmamalasakit tayo sa iba at pinapanatili ang ating sarili na espirituwal na malinis. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Sa paanong mga paraan maaaring maging mahalagang pagpapakita ng ating katapatan sa Diyos ang pagmamalasakit sa ating kapwa at pananatiling espirituwal na malinis ang ating sarili?

  • Sino sa mga kilala ninyo ang mabuting halimbawa ng pagpapakita ng “dalisay na relihiyon” sa kanyang buhay sa araw-araw? Ano ang ginagawa ng taong ito na nagbigay ng inspirasyon sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kapirasong papel ang isa o dalawang gagawin nila sa susunod na linggo para ipakita ang pagmamalasakit sa isang tao o ang pagpapanatili sa kanilang sarili na “walang dungis … sa sanglibutan.” Anyayahan sila na maging tagatupad ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapamuhay ng alituntuning ito.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Santiago 1:5–6

Ipaliwanag na ang pagsasaulo ng Santiago 1:5–6 ay makatutulong sa mga estudyante sa buong buhay nila kapag may mga tanong sila tungkol sa ebanghelyo, kapag humihingi sila ng tulong sa Panginoon sa paggawa ng desisyon, at kapag itinuturo nila ang ebanghelyo sa iba.

Gamitin ang isa sa mga aktibidad sa pagsasaulo sa apendiks, o gumawa kayo ng sariling aktibidad para tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang talatang ito. Tandaan na rebyuhin nang madalas ang mga scripture mastery passage sa mga estudyante para tulungan silang maalala ang kanilang natutuhan. Maaari mong planuhing isama sa mga susunod na lesson ang pagrerebyu sa banal na kasulatang ito at pagpapabigkas nito sa mga estudyante.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Santiago 1:5. “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo”

Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng Santiago 1:5 sa mga Banal sa mga Huling Araw:

“Ang nag-iisang talatang ito ng banal na kasulatan ay nagkaroon ng malaking impluwensya at mas malaking epekto sa sangkatauhan kaysa anupamang ibang partikular na pahayag na itinala ng sinumang propeta sa anumang panahon. Makabubuting masabi na ang pinakadakilang pagpapakita ng ministeryo ni Santiago ay hindi ang kanyang pagkamatay bilang martir para sa patotoo ni Jesus, kundi ang kanyang pagbigkas, ayon sa patnubay ng Espiritu Santo, ng mga simpleng salitang ito na humantong sa pagbubukas ng kalangitan sa makabagong panahon.

“At makabubuting idagdag na ang bawat nagsisiyasat ng inihayag na katotohanan ay nasa katayuan din ni Joseph Smith noong siya ay nagsasaliksik. Kailangan niyang bumaling sa makapangyarihang Diyos at magtamo ng karunungan mula sa Diyos sa pamamagitan ng paghahayag kung nais niyang magkaroon ng lugar sa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:246–47).

Binigyang-diin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtatanong sa Diyos sa ating panahon:

“Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang mundo na hindi na nagtatanong sa Diyos ang mga tao—kundi sa Google na lang nila gustong magtanong. Kahit sa mga tanong tungkol sa pananampalataya, marami ang mas nagtitiwala na maibibigay ng Internet ang tumpak, walang kinikilingan, at balanseng mga sagot sa kanilang mga tanong kaysa sa pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ang ating Ama sa Langit. …

“… Ang Internet ngayon ay puno ng mga nag-aabang na malinlang ang mga walang alam at walang mga karanasan.

“Sa paghahanap natin ng katotohanan ng ebanghelyo, hindi lamang tayo kailangang humanap ng mapagkakatiwalaang mapagkukunan kundi kailangan din nating bigyan ng pantay na oras ang Panginoon sa ating araw-araw na gawain. Kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga lingkod ng Panginoon. Kailangan nating mamuhay nang matwid sa harapan ng Diyos—kailangan nating gawin ang Kanyang kalooban [tingnan sa Juan 7:16–17]. At kahit kailan ay hindi ituturing na labis ang pagsasabi natin na mahalagang dalhin ang ating mga espirituwal na alalahanin nang tuwiran sa Diyos at magtiwala sa Kanyang inspirasyon at patnubay” (“Women of Dedication, Faith, Determination, and Action” [mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 1, 2015], ce.byu.edu/cw/womensconference).

Santiago 1:6. “Humingi [nang] may pananampalataya”

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng paghingi nang may pananampalataya:

“Ang tipikal na halimbawa ng paghingi nang may pananampalataya ay si Joseph Smith at ang Unang Pangitain. Habang naghahanap ang batang si Joseph ng katotohanan tungkol sa relihiyon, binasa niya ang [Santiago 1:5–6]. …

“Pansinin ang kinakailangan sa paghingi nang may pananampalataya, na sa palagay ko ay nangangahulugan ng pangangailangang hindi lamang sabihin kundi gawin, ang dalawang obligasyong kapwa humiling at magsagawa, ang pangangailangang makiusap at kumilos” (“Humingi nang May Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 94).

Santiago 1:14; 4:7–8. Paglaban sa tukso

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kapag nagpasiya kayong panindigan ang tama, kapag nagtakda kayo ng sariling mga pamantayan at nakipagtipang susundin ang mga ito, kapag dumating ang mga tukso at kumilos kayo ayon sa inyong mga pamantayan, kayo ay patitibayin at palalakasin nang higit pa sa sarili ninyong kakayahan kung kailangan. Nagiging mahirap lamang ang pakikipaglaban sa tukso kapag walang tiyak na plano” (“Do What Is Right,” Ensign, Hunyo 1997, 53).

Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung makokontrol mo ang iyong mga iniisip, makakaya mong ihinto ang mga gawi, kahit na ang mga gawing nagpapasama sa ugali ng tao. Kung mahusay mong masusupil ang mga ito, mamumuhay ka nang maligaya. …

“Kapag natutuhan mong alisin sa entablado ng iyong isipan ang maruruming kaisipan, patuloy na punuin ito ng mga bagay na kapaki-pakinabang. Baguhin ang iyong kapaligiran upang magkaroon ka ng mga bagay na magbibigay sa iyo ng mabubuti at nagpapasiglang kaisipan. Manatiling abala sa mga bagay na mabubuti” (“Inspiring Music—Worthy Thoughts,” Ensign, Ene. 1974, 28).