Library
Home-Study Lesson: II Ni Pedro–Judas (Unit 30)


Home-Study Lesson

II Ni Pedro–Judas (Unit 30)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng II Ni Pedro–Judas (unit 30) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (II NI Pedro)

Ginawa ni Apostol Pedro ang sulat na ito sa mga Banal upang tulungan sila sa dinaranas nilang pang-uusig, pagsubok, at apostasiya sa loob ng Simbahan. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga salita ni Pedro, nalaman nila na ang mga propeta ay tumatanggap ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at na ang mga huwad na guro ay naghahangad na linlangin tayo at paniwalain na ang kasalanan ay humahantong sa mas lubos na kalayaan. Nalaman din ng mga estudyante na makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng banal na pamumuhay at masigasig na pagbabantay sa Kanyang pagdating.

Day 2 (I Ni Juan)

Mula sa I Ni Juan, natutuhan ng mga estudyante na kung tatanggapin at susundin natin ang mga turo ng mga propeta at mga apostol, magkakaroon tayo ng pakikisama sa Ama at sa Anak. Bukod pa rito, natutuhan nila na kapag mahal natin ang Diyos, mamahalin natin ang ating kapwa.

Day 3 (II Ni Juan–III Ni Juan)

Sa dalawa pang ibang sulat ni Apostol Juan sa mga Banal, patuloy niyang ipinahayag ang kanyang pag-aalala sa mga impluwensya sa Simbahan ng mga nag-apostasiya. Natutuhan ng mga estudyante mula sa mga sulat na ito na kapag sinunod natin ang mga kautusan at naging mapagbantay, patuloy nating matatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap natin, at kung magiging matatag tayo sa doktrina ni Cristo, makakasama natin ang Ama at ang Anak. Natutuhan din ng mga estudyante na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay nagbibigay ng kagalakan hindi lamang sa ating sarili kundi sa iba rin at na dapat tanggapin at sang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang lahat ng tagapaglingkod ng Panginoon.

Day 4 (Judas)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa sulat ni Judas sa mga Banal na dumaranas ng matinding oposisyon, nalaman nila na dapat masikap na makipaglaban ang mga disipulo ni Jesucristo para sa ebanghelyo ni Jesucristo laban sa mga maling turo at masasamang gawain. Nalaman din ng mga estudyante na binabalaan at tinutulungan tayo ng mga apostol at mga propeta na makilala ang mga yaong naghahangad na pahinain ang ating pananampalataya at na maaari tayong manatiling tapat sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatatag ng ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Pambungad

Hinikayat ni Apostol Pedro ang mga Banal na pag-ibayuhin ang kanilang kaalaman tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng paghahangad na maging katulad Niya. Tiniyak niya sa kanila na makatutulong ang espirituwal na pag-unlad na ito na “mangapanatag … sa pagkatawag at pagkahirang” sa kanila (II Ni Pedro 1:10).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Ni Pedro 1:1–11

Itinuro ni Pedro kung paano makibahagi sa banal na katangian ni Jesucristo

Paalala: Sa pagtalakay sa sumusunod na alituntunin at mga banal na kasulatan, maging maingat na huwag talakayin ang paksang may kinalaman sa mga ordenansa at doktrina ng templo.

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: (mula sa “The Will Within,” Ensign, Mayo 1987, 68):

“Ang ating tungkulin ay maabot ang pinakamahusay natin” (Pangulong Thomas S. Monson).

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin ang pahayag na nasa pisara at talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang kapartner:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Monson sa maabot ang “pinakamahusay natin”?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maabot ang pinakamahusay natin?

  • Ano ang maaaring makahadlang sa atin para maabot ang pinakamahusay natin?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng II Ni Pedro 1 ang katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano maabot ang pinakamahusay nila.

Ibuod ang II Ni Pedro 1:1–2 na ipinapaliwanag na sumulat si Pedro sa mga miyembro ng Simbahan na nagkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo subalit maaaring natuksong bumalik sa masasamang gawain ng daigdig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pedro upang matulungan ang mga Banal na manatiling tapat sa kanilang patotoo sa Tagapagligtas.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang itinuro ni Pedro sa mga Banal?

  • Ano ang ibig sabihin ng “makabahagi … sa kabanalang mula sa Dios”? (II Ni Pedro 1:4).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Pedro 1:5–7, na inaalam ang mga katangian ni Jesucristo na sinabi ni Pedro na dapat taglayin ng mga Banal. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga katangiang nakita nila. Maaaring sabihin sa mga estudyante na hanapin sa diksiyonaryo ang ibig sabihin ng alinman sa mga katangiang ito na gusto nilang mas maunawaan pa.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa ng mga pangyayari kung saan naipakita ng Tagapagligtas ang isa sa mga banal na katangiang ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong alituntunin: Kapag nagkaroon tayo sa ating sarili ng mga banal na katangian, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pagpapala na matatanggap natin kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangian ng Tagapagligtas.

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangian? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para mabasa ito nang ganito: Kapag nagkaroon tayo sa ating sarili ng mga banal na katangian, makikila natin si Jesucristo.)

  • Sa inyong palagay, bakit makatutulong sa atin ang pagkakaroon ng mga banal na katangian na makilala si Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iba pang pagpapala na darating sa mga yaong masigasig sa pagkakaroon ng mga banal na katangian.

  • Anong pagpapala ang darating sa mga yaong masigasig sa pagkakaroon ng mga banal na katangian ni Jesucristo? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo” [talata 10] ay matanggap sa buhay na ito ang katiyakan mula sa Diyos na magtatamo kayo ng buhay na walang hanggan. Tinukoy rin ito ni Pedro bilang “lalong panatag na salita ng [propesiya]” [II Ni Pedro 1:19]. Tingnan din sa D at T 131:5.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung bakit dapat tayong maging masigasig sa pagpapaunlad ng ating banal na potensyal? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig tayo sa pagpapaunlad ng ating banal na potensyal habang nasa buhay na ito, makatatanggap tayo ng katiyakan ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga taong kilala nila na nagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo.

  • Alin sa mga katangian ni Cristo ang taglay ng mga taong naisip ninyo?

  • Sa paanong paraan nakatulong ang kanilang pagsisikap at mga katangian sa kanila at sa mga nakapaligid sa kanila?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na ang pagkakaroon ng mga banal na katangian ay tumutulong sa atin na makilala si Jesucristo at maihanda tayo sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isa sa mga banal na katangian na pinakagusto nilang taglayin. Sabihin sa kanila na isulat ang partikular nilang gagawin para magkaroon ng katangiang iyon.

Susunod na Unit (Apocalipsis 1–11)

Itanong sa mga estudyante kung may narinig na sila tungkol sa Apocalipsis. Ipaliwanag na ang ibig sabihin sa Griyego ng Apocalipsis ay “pag-aalis ng tabing” o paghahayag. Inilarawan ni Apostol Juan sa aklat ng Apocalipsis ang pangitain niya na naglalaman ng maraming propesiya tungkol sa ating panahon at sa mga pangyayari sa hinaharap, kabilang ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at ang katapusan ng mundo. Maraming simbolo sa pangitain ni Juan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga simbolo na nagpapakita ng tagumpay sa huli ng kabutihan laban sa kasamaan habang pinag-aaralan nila ang aklat ng Apocalipsis.