Library
Lesson 128: I Mga Taga Tesalonica 3–5


Lesson 128

I Mga Taga Tesalonica 3–5

Pambungad

Hinangad ni Apostol Pablo na palakasin ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica. Itinuro niya sa kanila ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Tesalonica 3–4:12

Hinangad ni Apostol Pablo na palakasin ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica

handout iconBigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na quiz na tama o mali tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at sabihin sa kanila na piliin at markahan ang tama o mali sa tabi ng bawat tanong.

handout

I Mga Taga Tesalonica 3–5

Manwal ng Bagong Tipan Para sa Seminary Teacher—Lesson 128

  • T / M 1. Ang matatapat na Banal na namatay bago ang Ikalawang Pagparito ay hindi mabubuhay na mag-uli hanggang sa katapusan ng Milenyo.

  • T / M 2. Ang lahat ng nabubuhay na matatapat na Banal ay iaangat upang salubungin si Cristo sa Kanyang pagbabalik.

  • T / M 3. Ang Ikalawang Pagparito ay gaya ng pagdating ng isang magnanakaw sa hatinggabi na ikabibigla ng lahat.

Ipaliwanag na hindi mo sasabihin ang mga sagot sa maikling pagsusulit sa puntong ito pero maaaring malaman ng mga estudyante ang mga tamang sagot sa lesson sa araw na ito. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo habang pinag-aaralan nila ang I Mga Taga Tesalonica 3–5.

Ipaalala sa mga estudyante na matapos mangaral ng ebanghelyo sa maikling panahon sa Tesalonica, sina Pablo, Silas, at Timoteo at pinalayas sa bayan na iyon ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:5–15). Hindi naglaon ay ipinadala ni Pablo si Timoteo pabalik sa Tesalonica upang kumustahin ang mga bagong miyembro sa Simbahan at palakasin ang kanilang pananampalataya. Sa I Mga Taga Tesalonica 3:1–7, natutuhan natin na nag-ulat si Timoteo kay Pablo na ang mga Banal ay nanatiling tapat sa kabila ng mga nararanasang pang-uusig. Malamang na iniulat din ni Timoteo na maraming tanong ang mga Banal tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica upang sagutin ang kanilang mga tanong.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 3:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na hinahanap kung ano ang ipinagdasal ni Pablo para sa mga Banal sa Tesalonica noong malayo siya sa kanila.

  • Ano ang ipinagdasal ni Pablo noong nasa malayo siya?

  • Ano ang kahulugan ng mga katagang “malubos ang inyong pananampalataya” sa talata 10? (Hinangad ni Pablo na palakasin ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica.)

Ipaliwanag na ang isang paraan na ginawa ni Pablo upang mapalakas ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica ay sa pagtulong sa kanila na mas maunawaan kung paano maghanda sa Ikalawang Pagparito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 3:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung ano ang inasahan ni Pablo na gagawin ng Panginoon para sa mga Banal para maihanda sila sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang inasahan ni Pablo na gagawin ng Panginoon para maihanda ang mga Banal para sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 4:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Tesalonica upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Tesalonica upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito?

I-assign sa bawat isang estudyante sa klase ang isa sa mga sumusunod na reperensya (depende sa laki ng iyong klase, maaaring i-assign sa higit pa sa isang estudyante ang isang reperensya): I Mga Taga Tesalonica 4:2–5; 4:6–8; 4:9–12. Ipabasa sa mga estudyante ang naka-assign na reperensya sa kanila at pasagutan ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Tesalonica para malugod ang Panginoon sa kanila?

  • Sa palagay ninyo, paano sila matutulungan ng pamumuhay sa turong iyon para makapaghanda sa Ikalawang Pagparito?

Pagkatapos ng sapat na oras, ipaulat sa ilang estudyante ang kanilang sagot sa klase.

I Mga Taga Tesalonica 4:13–18

Nagturo si Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay at Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Ipakita ang larawan na Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org).

Ang Ikalawang Pagparito

Ipaliwanag na hindi lubos na naunawaan ng mga Banal sa Tesalonica ang ilang aspeto ng Ikalawang Pagparito. Nag-alala sila na ang mga miyembro sa Tesalonica na namatay na ay hindi makararanas ng mga pagpapala ng Ikalawang Pagparito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 4:13–14, 16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo sa matatapat na Banal tungkol sa mga namatay na bago ang Ikalawang Pagparito. Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang salitang nangatutulog na tumutukoy sa mga namatay na.

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo tungkol sa matatapat na Banal na namatay na bago ang Ikalawang Pagparito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang matatapat na Banal na namatay na bago ang Ikalawang Pagparito ay mabubuhay na mag-uli sa muling pagdating ni Cristo.)

  • Ano ang kahulugan ng “ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya” sa talata 14? (Ang matatapat na banal na mabubuhay na mag-uli sa Ikalawang Pagparito ay iaangat upang salubungin si Jesucristo at bababa na kasama Niya sa kaluwalhatian [tingnan sa D at T 88:97–98].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 4:15, 17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa matatapat na Banal na nabubuhay pa sa muling pagparito ni Cristo. Ipaliwanag na binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang katapusan ng talata 15 at naging, “na sila na mga buhay sa pagparito ng Panginoon, ay hindi hahadlangan sila na mga naiwan sa pagparito ng Panginoon, na mga nangatutulog.” Ipaliwanag din na binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang talata 17 at naging, “Silang mga nangabubuhay, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito’y sPanginoon tayo magpakailan man.” Maaari mong ipaliwanag na pinalitan ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang tayo sa mga talatang ito ng sila, na nagpapakita na ang Ikalawang Pagparito ay hindi magaganap sa panahon ni Pablo.

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo sa matatapat na Banal tungkol sa mga nabubuhay kapag naganap ang Ikalawang Pagparito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang matatapat na Banal na nabubuhay kapag naganap ang Ikalawang Pagparito ay iaangat upang salubungin si Jesucristo sa Kanyang pagdating.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 4:18, na inaalam kung ano ang inaasahan ni Pablo na gagawin ng mga Banal matapos marinig ang mga katotohanang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman.

  • Anong kapanatagan ang naidulot sa inyo ng mga doktrinang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito?

I Mga Taga Tesalonica 5

Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 5:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang dalawang paghahalintulad na ginamit ni Pablo para ilarawan ang panahon kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang dalawang paghahalintulad na ginamit ni Pablo para ilarawan ang panahon kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito? (“Magnanakaw sa gabi” [talata 2] at “panganganak ng babaing nagdadalang-tao” [talata 3].)

Ipaliwanag na ang magnanakaw sa gabi ay karaniwang dumarating nang “hindi inaasahan at walang babala” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:54).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng paghahalintulad ni Pablo sa isang magnanakaw sa gabi tungkol sa Ikalawang Pagparito?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng paghahalintulad ni Pablo sa isang nanganganak na babae tungkol sa Ikalawang Pagparito?

Matapos masagot ng mga estudyante ang mga naunang tanong, maaari mong sabihin na itinuro ni Elder Bruce R. Mc Conkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa paghahalintulad sa isang babaeng nanganganak: “Hindi niya alam kung anong oras o minuto na lalabas ang bata, ngunit alam niya humigit-kumulang kung kailan ito” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:54). Batay sa paghahalintulad na ito, maaari din nating isipin kung paanong ang mga pagsubok bago ang Ikalawang Pagparito ay kapareho ng sakit habang nanganganak. Ngunit kagaya ng kamangha-manghang pagsilang ng isang sanggol, ganoon din ang Ikalawang Pagparito para sa mga matwid.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 5:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit hindi magugulat ang matatapat na Banal sa Ikalawang Pagparito.

  • Bakit hindi magugulat ang matatapat na Banal sa Ikalawang Pagparito?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “mga anak ng kaliwanagan”? (Ang mga katagang “mga anak ng kaliwanagan” sa talata 5 ay tumutukoy sa matatapat na miyembro ng Simbahan na “[nagwawaksi ng] mga gawa ng kadiliman” [Mga Taga Roma 13:12], kasama palagi ang Espiritu Santo, at kung gayon ay magiging handa para sa Ikalawang Pagparito [tingnan sa D at T 106:4–5].)

  • Ano ang ibig sabihin ng “mangagpuyat at mangagpigil”? (I Mga Taga Tesalonica 5:6).

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Tesalonica tungkol sa paraan kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Kung tayo ay matapat at magbabantay sa mga tanda bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, tayo ay magiging handa para sa Kanyang muling pagdating.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, at sabihin sa klase na pakinggan kung paano tayo makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang mundo ay puno ng mga kalamidad, mga kaguluhan. Ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay. Nakikita natin ang mga tanda gaya ng pagtubo ng mga dahon sa puno ng igos; at nalalamang malapit na ang panahon, kinakailangan ko at kinakailangan ninyo, at ng lahat ng tao sa buong mundo sa balat ng lupa, na pagtuunan ang mga salita ni Cristo, ng mga apostol at magbantay, dahil hindi natin nalalaman ang araw ni ang oras” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:52–53).

  • Ayon kay Pangulong Smith, paano tayo makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito?

Iparebyu sa mga estudyante ang quiz na tama o mali at ang mga sagot na isinulat nila sa simula ng klase.

  • Batay sa mga katotohanang natutuhan ninyo sa lesson na ito, may babaguhin ba kayong mga sagot? (Mga sagot: [1] Mali, [2] Tama, [3] Mali.)

Ibuod ang I Mga Taga Tesalonica 5:7–22 na nagpapaliwanag na nagbigay pa ng ibang payo si Pablo sa mga Banal kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang I Mga Taga Tesalonica 5:12–22, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal upang ihanda ang kanilang mga sarili sa pagharap sa Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isang payo na namumukod-tangi para sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o sa scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)

  • Anong payo sa I Mga Taga Tesalonica 5:12–22 ang namumukod-tangi para sa iyo?

  • Paano makatutulong sa iyo at sa iba ang pamumuhay ng payong ito para maging handa sa Ikalawang Pagparito?

  • Paano mo hihikayatin ang isang tao na ipamuhay ang payong ito sa araw-araw?

Pagkatapos ng sapat na oras, ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang sagot sa isang kaklase.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 5:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na gagawin ng Diyos sa matatapat na Banal habang naghahanda sila para sa Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang gagawin ng Diyos sa matatapat na Banal habang naghahanda sila para sa Ikalawang Pagparito?

Magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang naituro sa lesson na ito, at sabihin sa mga estudyante na matapat na maghanda para sa Ikalawang Pagparito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Tesalonica 4:17. “Aagawing kasama nila”

“Sa Joseph Smith Translation ng 1 Thessalonians 4:17 ay ganito ang mababasa: ‘Kung magkagayon silang mga nangabubuhay, ay aagawing kasama nilang mga nangatitira sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.’ Maraming Kristiyano ang gumagamit ng salitang rapture o nag-uumapaw na kaligayahan (mula sa katagang Latin na ang kahulugan ay ‘iaangat’) kapag tinutukoy ang panahon na ang mabubuti ay iaangat upang salubungin ang Tagapagligtas sa Kanyang pagparito” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 450).

I Mga Taga Tesalonica 5:19. “Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu”

“Sa bandang katapusan ng I Mga Taga Tesalonica, nagbigay si Pablo ng mga praktikal na payo kung paano makapaghahanda para sa pagparito ng Panginoon (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:6–23). Bilang bahagi ng kanyang payo, sinabi ni Pablo sa mga Banal na ‘huwag patayin ang ningas ng Espiritu’ (I Mga Taga Tesalonica 5:19). Ang patayin ang ningas ng Espiritu ay ang apulahin o pigilan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa buhay ng isang tao (tingnan din sa Mga Taga Efeso 4:30–31). Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar [ng Korum ng Labindalawang Apostol] na upang lubos na makasama ang Espiritu, kailangan nating iwasan ang mga aktibidad na naglalayo sa atin sa Espiritu:

“‘Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong bagay na naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layunin ng isang bagay na makalibang, halimbawa, ay naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang liibangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon. Dahil itinataboy natin ang Espiritu ng Panginoon kapag ginagawa natin ang mga aktibidad na alam nating dapat iwasan, at dahil dito’y talagang hindi para sa atin ang mga bagay na iyon.

“‘… Sa pag-uukol natin ng ibayong pansin sa Espiritu ng Panginoon, dapat nating sikaping matukoy ang pagdating ng mga paramdam at impluwensya o pangyayaring naglalayo sa atin sa Espiritu Santo’ (‘Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,’ Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 451).

I Mga Taga Tesalonica 5:20–21 “Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti”

Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay pinapayuhan na suriin at patunayan (o subukin) ang mga bagay na nababasa, naririnig, o naituro sa atin. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na maaari nating subukin ang katotohanan ng ating nababasa, naririnig, o naituro sa pagkumpara nito sa mga turo ng salita ng Diyos na nasa mga banal na kasulatan (tingnan sa Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:203). Kung ang ating binabasa, naririnig o ang naituro sa atin ay hindi nakaayon sa mga salita ng Diyos o hindi matatagpuan sa mga banal na Kasulatan o sa mga salita ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol “na naaayon sa mga … pamantayang banal na kasulatan,” responsibilidad natin na huwag tanggapin ito dahil ito ay hindi totoo (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, 3:203). Kung ito ay totoo, tayo ay may responsibilidad na mamuhay ayon sa mga turong ito.

I Mga Taga Tesalonica 5:22. “Layuan ninyo ang bawa’t anyo ng masama”

“Itinuro ni Pablo sa mga Banal na layuan ang bawat ‘anyo’ ng masama, o sa ibang salita, lumayo sa lahat ng ‘uri’ ng di-mabubuting gawain. Ginagamit din ng mga pinuno ng Simbahan ang I Mga Taga Tesalonica 5:22 upang ituro na kailangan nating iwasan na magmukhang gumagawa tayo ng masama. Halimbawa, itinuro ni Pangulong James E. Faust [ng Unang Panguluhan]: ‘Mahigpit ko kayong hinihimok na kung may duda sa isipan o puso ninyo kung tama o mali ang gagawin ninyo, huwag itong gawin. Responsibilidad ng mga propeta ng Diyos na ituro ang salita ng Diyos, hindi para ipaliwanag ang bawat kaliit-liitang detalye ng ikikilos ng tao. Kapag sinisikap nating iwasan hindi lang ang kasamaan kundi anumang anyo nito, kikilos tayo para sa ating sarili at hindi tayo ang pinakikilos’ (‘Ang Lalamunan ng Diyablo,’ Ensign o Liahona, Mayo 2003, 51). Nagbigay din ng gayong payo si Pablo sa I Mga Taga Corinto 8:9–13” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 451).