Library
Lesson 127: I Mga Taga Tesalonica 1–2


Lesson 127

I Mga Taga Tesalonica 1–2

Pambungad

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica pagkatapos malaman na nanatili silang matapat sa gitna ng mga pag-uusig. Pinuri niya ang kanilang katapatan at pagnanais na ituro ang ebanghelyo. Inilahad ni Pablo ang dahilan ng kanyang pangangaral sa mga Banal sa Tesalonica.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Tesalonica 1

Pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica dahil sa kanilang katapatan habang nakararanas ng mga paghihirap

Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang magagandang karanasan habang sinisikap na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

  • Ano ang ilang mga hamon na maaari nating maranasan kapag sinusubukan nating ibahagi ang ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa I Mga Taga Tesalonica 1–2 na makatutulong sa kanilang pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.

Ipahanap sa mga estudyante kung nasaan ang Tesalonica sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan sa mga Banal sa Tesalonica:

Ang mga Banal sa Tesalonica ang ilan sa mga pinakaunang nagbalik-loob na mga Europeo sa Simbahan. Sina Pablo, Silas, at Timoteo ang unang nagturo roon sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ngunit pinaalis sa bayang iyon ng ilang mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:5–15). Ang mga Banal sa Tesalonica ay patuloy na inusig kahit nakaalis na sina Pablo at ang kanyang mga kasama. Hindi naglaon ay sumulat si Pablo sa mga Banal upang palakasin ang kanilang mga loob sa pagharap sa mga pag-uusig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 1:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit nagalak si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica.

  • Bakit nagalak si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 1:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nangaral si Pablo sa mga taga Tesalonica sa kanyang huling pagdalaw.

  • Ayon sa talata 5, paano nangaral ng ebanghelyo si Pablo sa mga taga-Tesalonica? (Gamit ang mga salita at nang may kapangyarihan ng Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang tinutukoy ng salita at kapangyarihan ng ebanghelyo.

Elder Bruce R. McConkie

“Ang totoong ebanghelyo ay binubuo ng dalawang bagay: Ang Salita, at Ang Kapangyarihan. Ang sinuman ay maaaring malaman ang salita; ang mga aklat kung saan sila nakasulat ay madaling makuha ng lahat ng tao. Ngunit ang kapangyarihan ay dapat na magmula sa Diyos; ito ay ibinibigay at kailangang ibigay nang naaayon sa kanyang isip at kanyang kalooban sa kanila na binigyang-karapatang tumanggap dahil sa pagsunod sa mga kautusan.

“Ang salita ng ebanghelyo ay ang pasalita o pasulat na mga salaysay tungkol sa mga bagay na nararapat gawin ng tao upang maligtas. …

“Ngunit ang aktuwal na kaligtasan ay matatamo lamang kung ang kapangyarihan ng Diyos ay tinanggap at ginamit; at ang kapangyarihang ito ay ang kapangyarihan ng priesthood at kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:42–43).

  • Ayon kay Elder McConkie, ano ang tinutukoy ng salita ng ebanghelyo? Ano ang tinutukoy ng kapangyarihan ng ebanghelyo?

  • Ayon sa talata 6, ano ang ginawa ng mga taga-Tesalonica matapos silang maturuan ng ebanghelyo gamit ang salita at kapangyarihan ng Diyos? (Naging mga tagasunod sila ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod.)

  • Paano ninyo ibubuod bilang alituntunin ang mga turo ni Pablo sa mga talata 5–6? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagtuturo tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo gamit ang salita at kapangyarihan ng Diyos, matutulungan natin ang iba na maging mga tagasunod ng Panginoon at ng kanyang mga lingkod.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang maihanda ang ating mga sarili na ituro ang ebanghelyo na gamit ang salita at kapangyarihan ng Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 1:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang ginawa ng mga Banal sa Tesalonica matapos nilang matanggap ang ebanghelyo.

  • Ano pa ang ginawa ng mga Banal sa Tesalonica matapos nilang matanggap ang ebanghelyo? Paano naapektuhan ng kanilang halimbawa ang ibang nananalig sa paligid nila?

  • Anong katotohanan ang maaari nating matutuhan sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Maibabahagi natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng ating mga halimbawa.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pinakaepektibong paraan para maipangaral ang ebanghelyo ay sa pamamagitan ng halimbawa. Kung mamumuhay tayo ayon sa ating mga paniniwala, mapapansin ito ng mga tao. Kung mababanaag ang larawan ni Jesucristo sa ating buhay [tingnan sa Alma 5:14], kung tayo ay masaya at payapa sa mundo, nanaising malaman ng mga tao ang dahilan. Ang isa sa pinakamagagandang sermon na ipinahayag tungkol sa gawaing misyonero ay ang simpleng ideyang ito ni St. Francis of Assisi: ‘Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras, at kung kinakailangan, magsalita kayo’ [in William Fay and Linda Evans Shepherd, Share Jesus without Fear (1999), 22]” (“Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 77).

  • Paano nagiging mas epektibong paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ang pagiging isang halimbawa kaysa sa pagsasalita lamang ng tungkol sa ebanghelyo?

  • Paano nakatulong ang halimbawa ng isang tao para matanggap o mas maipamuhay ninyo ang ebanghelyo?

I Mga Taga Tesalonica 2

Inilarawan ni Pablo kung paano sila naglingkod ng kanyang mga kasama sa mga taga-Tesalonica

Ipaliwanag na matapos purihin ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica dahil sa kanilang mabuting halimbawa, pinaalalahanan niya sila tungkol sa kanyang pagmamahal para sa kanila at sa kanyang ipinakitang halimbawa noong huling pangangaral niya ng ebanghelyo sa kanila.

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference at tanong:

I Mga Taga Tesalonica 2:1–13

  • Anong mga salita o parirala ang naglalarawan ng mabuting halimbawa ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa mga taga-Tesalonica?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Tesalonica 2:1–13 habang tahimik na sumasabay ang klase sa pagbasa. O, sa halip na ipabasa ito nang malakas, maaari mong sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo, o kumuha ng kapartner, o mag-isang pag-aralan ang mga talatang ito. Ipahanap sa mga estudyante ang mga salita o parirala na naglalarawan sa mabuting halimbawang ipinakita ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa mga taga-Tesalonica. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga nalaman nila.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang isa o dalawang salita o parirala na nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano maaaring maging gabay ang mga salita o pariralang iyon sa ating pagsisikap na maging mabubuting halimbawa sa iba.

Ibuod ang I Mga Taga Tesalonica 2:14–18 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo na inuusig ang mga Banal sa Tesalonica dahil tinanggap nila ang ebanghelyo. Sinabi niya sa mga Banal na sinubukan niyang bumisitang muli sa kanila ngunit siya ay “hinadlangan” ng kaaway (talata 18).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Tesalonica 2:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang inilarawan ni Pablo na kanyang “pagasa o katuwaan, o … ipinagmamapuri” (talata 19).

  • Ano ang inilarawan ni Pablo na kanyang “pagasa o katuwaan, o … ipinagmamapuri”?

  • Paano naglalarawan ng pag-asa, katuwaan, at kagalakan ng Ama sa Langit para sa atin ang pag-asa, katuwaan, o kagalakan ni Pablo?

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanan na natukoy sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip kung paano nila maibabahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol dito at sa pagpapakita ng mabuting halimbawa. Hikayatin silang gawin ang mga pahiwatig ng Espiritu na natatanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Tesalonica 1:1, 3. “Dios Ama, at sa Panginoong Jesucristo”

Madalas na simulan ni Pablo ang kanyang mga sulat nang may pagpapahayag tungkol sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesucristo, na pinagtitibay ang doktrina na ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay na mga nilalang.

I Mga Taga Tesalonica 1:4. “Ang paghirang sa inyo [ng Diyos]”

Ang salitang paghirang sa I Mga Taga Tesalonica 1:4 ay tumutukoy sa pagiging pinili ng Panginoon batay sa pagiging karapat-dapat sa buhay bago ang buhay sa mundo na mapabilang sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Ang mga hinirang ay “binibigyan ng mga natatanging pagpapala at tungkulin … nang sa gayon ay mapagpala nila ang lahat ng bansa sa daigdig” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghirang,” scriptures.lds.org).

I Mga Taga Tesalonica 1:6–9. “Kayo’y naging uliran ng lahat ng nangananampalataya”

Inilarawan ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nagagalak si Pablo sa mga Banal sa Tesalonica:

“Si Pablo ay nagalak sa katotohanan na hindi nawalang-saysay ang mga sinabi niya sa mga taga-Tesalonica, dahil nakinig sila nang may malaking interes, at ang itinuro sa kanila ay nagdulot ng matinding hangarin na mamuhay nang matwid. … Nagalak si Pablo na ang mensahe ng ebanghelyo ay tinanggap nang may ganoong kagalakan at kaligayahan, sa kabila ng maraming paghihirap. Bilang pagtatapos, binanggit niya ang kanilang pinakadakilang nagawa—na sila ay naging mga huwarang nakapagbibigay-inspirasyon sa kanilang kapwa at na mula sa kanila ay naipaabot ang salita ng Panginoon sa iba sa lahat ng dako, na lagpas pa sa hangganan ng kanilang bayan. Binigyan sila ng pagkilala ni Pablo nang sabihin niya sa kanila na saanman siya maglakbay, mayroong nagsasabi sa kanya tungkol sa kanilang mga kahanga-hanga at mabubuting gawa at pananampalataya sa Diyos” (“There Am I in the Midst of Them,” Ensign, Mayo 1976, 56–57).