Lesson 86
Mga Gawa 6–7
Pambungad
Ang mga Apostol ay nag-ordena ng pitong disipulo na tutulong sa gawain ng Panginoon. Si Esteban, isa sa mga pinili, ay gumawa ng maraming himala. Pinaratangan siya ng ilang Judio ng kapusungan (o blasphemy) at dinala siya sa Sanedrin, kung saan siya ay nagbagong-anyo. Pagkatapos pagsabihan ang mga Judio sa hindi nila pagtanggap sa Tagapagligtas, nakita ni Esteban ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Pagkatapos ay itinapon siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 6:1–8
Pitong disipulo ang pinili na tumulong sa mga Apostol sa gawain
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang tao sa kanilang pamilya, ward, o komunidad na may problema o pangangailangang temporal.
-
Ano ang nadama ninyo nang isipin ninyo ang taong ito at ang kanyang kalagayan?
-
Ano sa palagay ninyo ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga taong ito?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang paraang inilaan ng Panginoon upang matugunan ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 6:1–8.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 6:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang alalahaning ipinabatid ng mga Greco-Judio sa mga Apostol. Ang mga Greco-Judio “ay mga Kristiyanong Judio na nagsasalita ng Griyego,” at ang mga Hebreo “ay mga Kristiyanong Judio na mula sa Palestina” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 288).
-
Anong alalahanin ang ipinabatid ng mga Banal na Greco-Judio?
Ipaliwanag na sa panahong ito, mabilis ang paglago ng Simbahan at gayon din ang mga temporal na pangangailangan ng maraming tao, kabilang na ang mga balo. Dahil responsibilidad ng mga Apostol ang pangangaral ng ebanghelyo sa “lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19), hindi nila personal na naasikaso ang pangangailangan ng bawat miyembro ng Simbahan.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 6:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nilutas ng mga Apostol ang problemang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong mga katangian ang dapat taglayin ng mga yaong napili para tumulong sa lumalaking pangangailangan ng Simbahan upang maging karapat-dapat sa tungkuling ito? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa mga talata 3 at 5 na naglalarawan sa mga katangiang ito.)
-
Paano natutulad ang paraang ito sa ginagawa ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ngayon para matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay tinatawag upang tumulong na matugunan ang mga pangangailangan ng iba.)
Papuntahin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang mga tungkulin sa Simbahan. Sa ilang tungkuling nailista nila, itanong:
-
Kaninong mga pangangailangan ang natutugunan ng mga taong naglilingkod nang tapat sa tungkuling ito?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang taglay ng mga taong tinawag na tumulong sa pagtugon sa pangangailangan ng iba ang mga katangiang binanggit sa mga talata 3 at 5?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 6:7–8. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga positibong ibinunga ng pagtawag sa pitong disipulong ito para maglingkod sa iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Mga Gawa 6:9–7:53
Si Esteban ay dinala sa Sanedrin at nagpatotoo na hindi nila tinanggap ang Mesiyas
Sabihin sa ilang estudyante na tumayo at ipakita kung paano nila hindi tinatanggap ang tulong ng ibang tao sa mga sumusunod na sitwasyon, kahit kailangan nila ng tulong: paggawa ng homework, pagluluto ng pagkain, paglutas ng malalaking problema sa kanilang buhay.
-
Bakit hindi natin tinatanggap kung minsan ang tulong ng iba?
-
Ano ang mga ibubunga ng hindi pagtanggap ng tulong ng iba?
Ipaliwanag na ang isang paraan ng pagtulong sa atin ng Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 6:9–7:53 ang mga ibubunga ng hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Mga Gawa 6:9, maraming taong hindi naniwala kay Jesucristo ang nakipagtalo kay Esteban nang ituro niya ang ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 6:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit naapektuhan ni Esteban ang mga nakipagtalo sa kanya. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang nagsisuhol sa talata 11 ay nagbigay ng suhol at nang-udyok.
-
Paano naapektuhan ng mga turo ni Esteban ang mga taong nakipagtalo sa kanya?
-
Ano ang ipinaratang kay Esteban?
Ibuod ang Mga Gawa 6:12–14 na ipinapaliwanag na si Esteban ay dinala sa namamahalang konseho ng mga Judio, na tinatawag na Sanedrin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 6:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang kakaiba sa hitsura ni Esteban nang tumayo siya sa harapan ng konseho.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng may “mukha ng isang anghel” si Esteban? (talata 15). (Si Esteban ay nagbagong-anyo. Ang banal na pagbabagong-anyong ito ay isang paraan upang ipakita ng Diyos sa mga tao na sinang-ayunan Niya si Esteban at ang mensahe nito. [Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 2:67.])
Ibuod ang Mga Gawa 7:1–50 na ipinapaliwanag na bilang tugon sa mga paratang sa kanya, inilahad ni Esteban ang ilan sa kasaysayan ng Israel.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 7:35–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Esteban tungkol sa pagtrato ng Israel noon sa propetang si Moises.
-
Ayon sa talata 35, paano tinrato ng mga anak ni Israel si Moises nang dumating siya upang iligtas sila mula sa Egipto?
-
Paano nila tinrato si Moises kahit nailigtas na niya ang mga ito (tingnan sa talata 39)?
Ipaalala sa mga estudyante na si Jesucristo ang propetang ipinropesiya ni Moises (tingnan sa talata 37).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 7:51–53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ikinumpara ni Esteban ang mga pinunong Judio sa kanyang panahon sa mga sinaunang Israelita na inilarawan niya.
-
Ayon sa talata 51, paano natutulad ang mga pinunong Judio sa panahon ni Esteban sa mga sinaunang Israelita na inilarawan niya? (Pareho nilang hindi sinunod ang panghihikayat ng Espiritu Santo. Ipaliwanag na ang “matitigas ang ulo, at di tuli ang puso” ay tumutukoy sa matinding kapalaluan at kasamaan ng puso ng mga Judio.)
-
Ayon sa talata 52, sino ang hindi tinanggap at inusig ng mga sinaunang Judio dahil hindi nila sinunod ang panghihikayat ng Espiritu Santo? (Ang mga propeta, pati na si Moises.)
-
Ayon kay Esteban, sino ang hindi tinanggap ng konseho ng mga Judio? (Ang “Matuwid na Ito” [talata 52], na nangangahulugang ang Tagapagligtas.)
Ipaliwanag na inilalarawan ni Esteban na tulad ng hindi pagtanggap ng sinaunang Israel kay propetang Moises, hindi rin tinanggap ng mga pinunong Judio sa panahon ni Esteban ang Tagapagligtas.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo ay maaaring humantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta.)
-
Paano hahantong ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo sa hindi natin pagtanggap sa mga turo ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta? (Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at nagpapatotoo sa katotohanan ng Kanyang mga salita at mga salita ng Kanyang mga propeta. Samakatwid, ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo ay magpapahina sa patotoo ng isang tao at sa kanyang determinasyon na sundin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga propeta.)
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano matutukso ang isang tao na hindi sundin ang panghihikayat ng Espiritu Santo sa mga sumusunod na sitwasyon: (1) pagpili ng libangan at media, (2) pagpili kung susundin ang payo ng mga propeta sa pakikipagdeyt, at (3) pagpapasiya kung ipamumuhay ang mga alituntunin ng pagsisisi na itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta.
-
Ano ang maaari nating gawin para masunod ang impluwensya ng Espiritu Santo sa halip na balewalain ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano humahantong ang pagsunod sa impluwensya ng Espiritu Santo sa pagtanggap nila sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta at sa pagsasabuhay sa kanilang mga turo.
Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila sa darating na linggo para masigasig na maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na isulat ang mithiing ito sa kanilang notebook o scripture study journal, at hikayatin sila na tuparin ang mithiing iyan.
Mga Gawa 7:54–60
Si Esteban ay binato hanggang sa mamatay
Isulat sa pisara ang salitang paghihirap, at tanungin sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin nito. Matapos silang sumagot, isulat sa pisara ang sumusunod na kahulugan sa tabi ng salita: sanhi ng malaking problema o pagdurusa.
-
Bakit dapat nating asahan na makadaranas tayo ng paghihirap bilang mga tagasunod ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 7:54–60 ang isang alituntunin na makatutulong sa atin kapag dumaranas tayo ng paghihirap.
Ipaliwanag na pagkatapos pagsabihan ni Esteban ang mga pinunong Judio, sila ay “nangasugatan sa puso” (talata 54) at nagalit.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 7:55–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naranasan ni Esteban sa sandaling ito ng pag-uusig.
-
Anong impluwensya ang pumuspos kay Esteban?
-
Sino ang nakita ni Esteban?
Idispley ang larawang Nakita ni Esteban si Jesus sa Kanang Kamay ng Diyos (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 63; tingnan din sa LDS.org).
-
Anong pangunahing doktrina tungkol sa Panguluhang Diyos ang matututuhan natin mula sa pangitain ni Esteban? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 7:55–56.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 7:57–60. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng mga tao kay Esteban. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang bukod-tangi sa inyo tungkol sa panalangin ni Esteban?
-
Sa inyong palagay, bakit inilarawan ni Lucas ang kalunus-lunos na kamatayan ni Esteban gamit ang mga katagang “nakatulog siya”? (talata 60). (Ipaliwanag na tumutukoy marahil ang mga katagang ito sa isang napakabuting tao na nagkaroon ng kapahingahan mula sa mga paghihirap ng mortalidad at ang kapayapaang nadama ng taong iyan sa pagpunta sa kabilang buhay [tingnan sa D at T 42:46].)
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang naranasan ni Esteban bago siya dinakip at pinatay (tingnan sa Mga Gawa 7:55–56).
-
Paano pinalakas ng Diyos si Esteban sa mga naranasan niya sa Sanedrin? (Si Esteban ay napuspos ng Espiritu Santo at nakita ang Tagapagligtas na nakatayo sa kanan ng Diyos.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Esteban na makatutulong sa atin na manatiling tapat kay Jesucristo sa sandali ng mga paghihirap natin? (Maaaring iba-iba ang matukoy na alituntunin ng mga estudyante, ngunit tiyaking mauunawaan nila ang sumusunod na alituntunin: Kung mananatili tayong tapat kay Jesucristo sa mga paghihirap natin, sasamahan Niya tayo.)
-
Sa paanong paraan tayo sinasamahan ng Panginoon sa pagharap natin sa mga paghihirap?
-
Bagama’t nawalan ng buhay si Esteban, ano ang natamo niya?
Ipaliwanag na si Esteban ay itinuturing na unang Kristiyanong martir. Bukod pa rito, maaari siyang ituring bilang simbolo ni Cristo, dahil siya at ang Tagapagligtas ay parehong dinala at iniharap sa konseho para litisin, nagpahayag ng mga katotohanan sa harap ng kanilang mga kaaway, ibinigay ang kanilang buhay para sa mabuting layunin, at sinalita ang gayon ding mga kataga habang sila ay dumaranas ng kamatayan (tingnan sa Lucas 23:33–34, 46). Maaari mong sabihin na isang lalaking nagngangalang Saulo—na kalaunan ay naging si Apostol Pablo—ang naroon at nasaksihan ang pagkamatay ni Esteban (tingnan sa talata 58).
Patotohanan ang mga katotohanang itinuro sa buong lesson na ito.