Library
Lesson 95: Mga Gawa 18–19


Lesson 95

Mga Gawa 18–19

Pambungad

Si Pablo ay hindi tinanggap ng maraming Judio sa Corinto ngunit nagtagumpay doon sa mga Gentil. Isang mabait na mag-asawa, sina Aquila at Priscila, ang tumulong kay Apolos na maunawaan ang daan ng Diyos. Si Pablo ay nangaral sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gumawa ng mga himala, at iniwasan ang galit na mga tao sa dulaan o teatro sa Efeso.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 18:1–17

Nangaral si Pablo sa Corinto

Basahin nang malakas ang mga tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o scripture study journal:

  • Ano ang ilang paraan na nakibahagi kayo sa gawain ng Panginoon?

  • Anong mga hamon ang naranasan ninyo sa pagsisikap ninyong gawin ang gawain ng Panginoon?

Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 18 ang isang alituntunin na makatutulong sa kanila kapag nagsisikap silang gawin ang gawain ng Panginoon.

Ibuod ang Mga Gawa 18:1–4 na ipinapaliwanag na nilisan ni Pablo ang Atenas at naglakbay patungo sa Corinto, at doon ay nagturo sa sinagoga tungkol kay Jesucristo. (Maaari mong ipabuklat sa mga estudyante ang Mga Mapa sa Biblia blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang Atenas at Corinto.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 18:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong mga hamon ang naranasan ni Pablo nang magturo siya sa mga Judio sa Corinto tungkol kay Jesucristo.

  • Anong mga hamon ang naranasan ni Pablo?

  • Ano ang binalak gawin ni Pablo dahil hindi tinanggap ng mga Judio sa sinagoga ang kanyang mensahe?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 18:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari na maaaring nakapagbigay ng lakas ng loob kay Pablo.

  • Ano ang nangyari na maaaring nakapagbigay ng lakas ng loob kay Pablo?

  • Ayon sa talata 10, ano ang pangakong ibinigay ng Tagapagligtas kay Pablo kung ipangangaral niya ang ebanghelyo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa magagawa ng Panginoon para sa mga yaong karapat-dapat na gumagawa ng Kanyang gawain? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat, mapapasaatin ang Panginoon kapag ginagawa natin ang Kanyang gawain.)

  • Bakit mahalagang malaman na mapapasainyo ang Panginoon kapag ginagawa ninyo ang Kanyang gawain?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Ngayon, ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain o itinuturing ang sarili ninyo na kulang sa kakayahang magampanan ang tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito … ay gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na huhubugin ng Panginoon ang likod [natin] para makayanan ang pasanin na ilalagay [rito]” (“Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 62).

  • Kailan napasainyo ang Panginoon sa paggawa ninyo ng Kanyang gawain? Paano ninyo nalaman na Siya ay kasama ninyo?

Ibuod ang Mga Gawa 18:11–17 na ipinapaliwanag na patuloy na nangaral si Pablo sa Corinto nang isa’t kalahating taon (at may posibilidad na sa panahong ito niya ginawa ang kanyang mga sulat sa mga taga-Tesalonica). Habang siya ay nasa Corinto, tinangka ng ilang Judio na malitis si Pablo sa hukuman para sa mga itinuturo niya, pero tumanggi ang proconsul.

Mga Gawa 18:18–28

Tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos na maunawaan ang daan ng Diyos

Ibuod ang Mga Gawa 18:18–23 na ipinapaliwanag na sinamahan ng mag-asawang sina Aquila at Priscila si Pablo papunta sa Efeso. Iniwan ang mag-asawa sa Efeso, naglakbay si Pablo papunta sa Jerusalem at pahilaga papunta sa Antioquia. Sa Antioquia, tinapos niya ang kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay, na tumagal ng tatlong taon at umabot ng mga 3,000 milya (mga 4,828 kilometro) ang nalakbay niya. Pagkaraan ng ilang panahon, nilisan niya ang Antioquia at sinimulan ang kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay, nagpunta sa mga branch na itinatag niya noon at pinalakas ang mga miyembro.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 18:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa Efeso pagkaalis ni Pablo.

  • Ano ang nangyari sa Efeso pagkaalis ni Pablo?

  • Ano ang naunawaan na ni Apolos tungkol sa “mga bagay na tungkol kay Jesus”? (talata 25).

  • Ano ang hindi nalalaman ni Apolos? (Dahil ang “naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan” [talata 25], hindi naunawaan ni Apolos ang tungkol sa kabuuan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 18:26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa nina Aquila at Priscila nang marinig nila ang turo ni Apolos.

  • Ano ang ginawa nina Aquila at Priscila nang marinig nila ang turo ni Apollos?

  • Ano ang ibig sabihin ng “isinaysay [nila] sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat”? (talata 26). (Lalo pang tinuruan nina Aquila at Priscila si Apollos tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, na nakadagdag sa kaalaman at pag-unawa ni Apollos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 18:27–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang katibayan na tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos na maunawaan nang lubos ang daan ng Diyos.

  • Anong mga kataga sa mga talatang ito ang nagpapakita na tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos na maunawaan nang lalong maingat o nang lubos ang daan ng Diyos?

Mga Gawa 19:1–20

Ipinagkaloob ni Pablo ang kaloob na Espiritu Santo at gumawa ng mga himala

Ipaliwanag na matapos maglakbay ni Pablo sa iba’t ibang lugar, bumalik siya sa Efeso. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 19:2–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinulungan ni Pablo ang mga tao sa Efeso na maunawaan nang lubos ang daan ng Diyos.

  • Anong doktrina ang lubos pang ipinaunawa ni Pablo sa mga disipulo sa Efeso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag na inilathala sa ilalim ng pamamahala ni Propetang Joseph Smith, at sabihin sa klase na pakinggan kung bakit kinakailangang muling mabinyagan ang mga taong ito:

“Tila … ang ilang sekta ng mga Judio ay nagbibinyag tulad ni Juan [Bautista], at nakaligtaang ipaalam sa kanila na may isang darating na nagngangalang Jesucristo, na magbibinyag sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo:—na nagpahiwatig sa mga bagong binyag na ito na hindi awtorisado ang ginawang binyag sa kanila, at nang marinig nila ito, sila ay masayang nagpabinyag muli, at pagkatapos ipatong ang mga kamay sa kanila, natanggap nila ang mga kaloob, alinsunod sa pangako” (“Baptism,” editoryal na nalathala sa Times and Seasons, Set. 1, 1842, 904; ginawang makabago ang ispeling; si Joseph Smith ang patnugot ng pahayagan).

  • Bakit kailangang binyagang muli ang ilang tao sa Efeso?

  • Anong katotohanan tungkol sa binyag ang matututuhan natin mula sa Mga Gawa 19:2–6? (Maaaring magkakaiba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tulungan silang matukoy ang mga sumusunod na katotohanan: Ang binyag ay kailangang isagawa ng isang awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos. Upang makumpleto ang binyag, ito ay dapat lakipan ng pagtanggap ng Espiritu Santo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).

Ibuod ang Mga Gawa 19:7–10 na ipinapaliwanag na patuloy na nangaral si Pablo sa Efeso nang mahigit dalawang taon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 19:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga himalang nangyari sa Efeso habang naroon si Pablo.

  • Anong mga himala ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Isang paraan na naipapakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan ay sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 19:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari nang subukan ng ilang Judio na magpalayas ng mga diyablo tulad ng ginawa ni Pablo.

  • Ano ang nangyari nang subukan ng pitong anak na lalaki ng pangulong saserdote na magpalayas ng masamang espiritu?

  • Sino ang kinilala ng masamang espiritu? Sino ang hindi kinilala ng masamang espiritu?

  • Bakit hindi kinilala ng masamang espiritu ang mga anak na lalaki ni Esceva? (Dahil hindi sila awtorisadong magministeryo sa pangalan ni Jesucristo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 19:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng maraming tao nang malaman ang tungkol sa pangyayaring ito. Ipaliwanag na ang “mga kabihasnang magica” (talata 19) ay tumutukoy sa panggagaway at iba pang masasamang gawain.

  • Ano ang ginawa ng maraming tao matapos ang pangyayaring ito para ipakita na nananampalataya sila kay Jesucristo? (Ipinagtapat at tinalikuran nila ang kanilang masasamang gawain sa pagsunog ng kanilang mga aklat na may kaugnayan sa mga gawaing iyon.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano natin maipapakita ang ating pananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Sa pagtatapat at pagtalikod sa masasamang gawain, naipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.)

  • Anong mga sakripisyo ang kailangan nating gawin para talikuran ang kasalanang ipinagtapat natin?

Magpatotoo sa kahalagahan ng pagpapakita ng ating pananampalataya kay Jesucristo, hindi lamang sa pagtatapat ng ating mga kasalanan kundi sa pagtalikod din sa anumang bagay na maaaring humantong sa pagbalik nating muli sa mga kasalanang iyon.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung may anumang bagay sa kanilang buhay na nais ng Panginoon na talikuran nila. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natanggap nila sa lesson na ito.

Mga Gawa 19:21–41

Ang mga sumasamba sa huwad na diyosang si Diana ay nagsalita nang laban kay Pablo at naging dahilan ng kaguluhan sa bayan

Ibuod ang Mga Gawa 19:21–41 na ipinapaliwanag na ang pagsamba kay Diana, na huwad na diyosa ng mga Romano, ay isa sa mga nagpapalago sa ekonomiya ng Efeso. Dahil sa pangangaral ni Pablo laban sa pagsamba sa mga huwad na diyos, inudyukan ng mga panday na gumagawa ng mga dambana at mga imahen ni Diana ang mga tao laban kay Pablo. Nagtipon ang mga tao sa dulaan ng bayan (na kasya ang 24,000 katao) na nagkakagulo at nagagalit. Hinangad ni Pablo na magsalita sa mga tao, ngunit siya ay hinikayat ng ilang disipulo at mga pinuno ng pamahalaan na huwag pumasok sa dulaan o teatro. Napayapa ng kalihim-bayan ang mga tao, at sila ay nag-alisan. Ipaliwanag na ang pagprotekta kay Pablo ay halimbawa kung paanong hindi mahahadlangan ang gawain ng Diyos kapag nahaharap sa masasamang pagsalungat. (Sa panahong ito sa Efeso [mga A.D. 57] isinulat ni Pablo ang I Mga Taga Corinto.)

Magtapos na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 18:11–12. Maaari bang mapagaling ang isang tao gamit ang panyo lamang?

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagpapagaling ay nangyayari sa pamamagitan ng lakas ng pananampalataya; walang bisa o kapangyarihang magpagaling ang anumang kasuotan o iba pang bagay, pag-aari man ito ni Pablo o ni Jesus o sinupaman. Ngunit maaaring gamitin ang mga ritwal at mga bagay upang magpalakas ng pananampalataya” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:169).

Mga Gawa 18:18. “Na inahit niya ang kaniyang buhok … : sapagka’t siya’y may panata”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa talatang ito:

“‘Bilang paghikayat na mas mapaunlad ang personal na kabutihan, makabuluhan at marapat para sa mga banal na madalas na gumawa ng panata sa Panginoon. Ang mga ito ay sagradong pangako na gagampanan ang mga tungkulin, iiwas sa kasalanan, susundin ang mga kautusan, o susulong nang may higit na paglilingkod sa kaharian. Sa gayon nangako si Jacob na tatanggapin si Jehova bilang kanyang Diyos at magbabayad ng tapat na ikapu (Gen. 28:20–22), at nangako si Ana na ibibigay si Samuel sa Panginoon para sa kanyang paglilingkod. (I Sam. 1:9–18.)

“‘Dapat ialay ng mga banal ang kanilang mga panata sa araw ng Panginoon at sa lahat ng panahon (D at T 59:8–12); at kapag inialay ang mga ito, dapat itong tuparin. (D at T 108:3; Blg. 30:2; Ec. 5:4–5.) …’ (Mormon Doctrine, ika-2 ed., p. 825.)

“Ang panata ni Pablo ay hindi binanggit nang malinaw. Mula sa katotohanang inahitan niya ang kanyang ulo, ipinapalagay na sinusunod niya ang kaugalian ng mga Judio na may kinalaman sa mga Nazareo. (Blg. 6.) Kung totoo ito, isinasagawa niya ang isang di-kinakailangan at maling seremonya, para sa malinaw na layuning pagbigyan ang mga Judiong miyembro ng Simbahan o mga maaaring sumaping Judio o pareho. Ihambing sa Mga Gawa 21:17–26” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:165).

Mga Gawa 19:13. “Datapuwa’t ilan sa mga Judiong pagalagala [ay] nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu”

Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa mga huwad na saserdote:

“Sa paggaya sa tunay na orden kung saan ang diyablo ay napapalayas ng mga tao, ang mga huwad na mangangaral (na wala talagang kapangyarihan ng priesthood) ay sinusubukang palayasin ang mga ito sa pamamagitan ng eksorsismo. Ang hindi makadiyos na gawaing ito ay malamang na karaniwan noong sinauna kaysa sa panahong ito, sapagkat kakaunti na ang mga taong naniniwala sa mga himala o sa pagpapalayas ng mga totoong diyablo. Ngunit simula noong panahong iyon ay karaniwan ito para sa mga tinatawag na saserdote na subukang palayasin ang masasamang espiritu mula sa mga tao o paalisin sila mula sa mga partikular na lokasyon sa pamamagitan ng mga mahika, mga orasyon, o matitinding panawagan” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 259).