Lesson 81
Mga Gawa 1:1–8
Pambungad
Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagministeryo si Jesus sa Kanyang mga Apostol nang 40 araw. Inihanda Niya sila na maging mga saksi Niya sa buong mundo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 1:1–8
Nagministeryo si Jesus sa Kanyang mga disipulo nang 40 araw
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nilapitan sila ng isang kaibigan na iba ang relihiyon dahil nais nitong may mas malaman pa tungkol sa ating Simbahan at nagtanong, “Sino ang namumuno sa inyong simbahan?”
Sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila sasagutin ang tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 1:1–8 na makatutulong sa pagsagot sa tanong na sino ang namumuno sa Simbahan.
Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang aklat ng Mga Gawa at alamin ang buong pamagat ng aklat na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Batay sa buong pamagat, ano sa palagay ninyo ang matututuhan natin tungkol sa aklat na ito?
Ipaliwanag na ang aklat ng Mga Gawa ay simula ng mahalagang transisyon sa Bagong Tipan. Ang mga aklat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ay naglalahad ng mga tala tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa buhay na ito, kabilang ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang aklat ng Mga Gawa ay naglalahad ng ministeryo ng mga Apostol kasunod ng Pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 1:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung para kanino isinulat ang aklat na ito.
-
Para kanino isinulat ang aklat ng Mga Gawa?
Ipaliwanag na si Lucas ang may-akda ng aklat ng Mga Gawa at na ang “unang kasaysayan” na binanggit sa talata 1 ay ang aklat ni Lucas, na isinulat din para kay Teofilo. Ang layunin ni Lucas sa pagsulat ay tulungan si Teofilo na magkaroon ng sariling patotoo kay Jesucristo (tingnan sa Lucas 1:1–4).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 1:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung gaano katagal nagministeryo si Jesucristo sa Kanyang mga Apostol kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. (Maaari mong ipaliwanag na sa talata 3, ang salitang “makapaghirap” ay tumutukoy sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, at ang mga salitang “mga katunayan” ay tumutukoy sa mga di-maikakailang katibayan na ibinigay ni Jesus na Siya ay nabuhay na muli.)
-
Gaano katagal nanatili si Jesucristo na kasama ang Kanyang mga Apostol pagkatapos Niyang mabuhay na muli?
-
Ano ang itinuro ni Jesus sa kanila sa loob ng 40 araw na ito? (Mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.)
Magsimulang magdrowing ng isang simpleng bahay sa pisara. (O maaari kang gumawa ng isang maliit na bahay gamit ang mga blocks o clay.)
Kapag kalahati na ang naidrowing mo, papuntahin ang isang estudyante sa pisara at ipatapos ang idinrowing mo. Bigyan ng mga espesipikong instruksyon ang estudyante kung paano tapusin ang bahay. Maaari mong sabihin sa kanya na magdagdag ng bubong, ilang bintana, at landscaping. Pagkatapos ng sandaling pagtutulungan, pumunta sa kabilang panig ng silid at patuloy na magbigay ng mga instruksyon sa estudyante. Kapag tapos nang idrowing ang bahay, pasalamatan ang estudyante, at paupuin siya.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang drowing na bahay ay sumasagisag sa kaharian ng Diyos sa lupa, na siyang Simbahan ni Jesucristo.
-
Paano ipinapakita ng paraan ng pagdrowing natin ng bahay na ito kung paano itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa panahon ng Kanyang ministeryo sa buhay na ito at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli? (Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa buhay na ito, sinimulang itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan. Tumawag Siya ng iba pa para tulungan Siya sa pagtatatag nito, at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pinamahalaan Niya ang kanilang mga gawain kahit hindi na Niya sila kasama.)
-
Ayon sa talata 2, paano pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Mula sa unang talata [ng aklat ng Mga Gawa], sinasabi rito na ang Simbahan ay patuloy na pamamahalaan ni Jesucristo, hindi pamamahalaan ng tao o mga tao. … Sa katunayan, ang tila mas kumpletong pamagat na angkop para sa aklat ng Mga Gawa ay ‘Ang mga Gawa ng Nabuhay na Mag-uling si Cristo na Kumikilos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa Buhay at Ministeryo ng Kanyang Inordenan na mga Apostol.’ …
“Ang pamamahala sa Simbahan ay tulad pa rin ng dati. Ang Tagapagligtas ay hindi pisikal na narito para pamahalaan ang Kanyang Simbahan, ngunit ang pamamahala at pamumuno sa Simbahan ay parehong-pareho” (“Therefore, What?” [Church Educational System conference on the New Testament, Ago. 8, 2000], 6, si.lds.org).
-
Bakit mahalagang malaman na patuloy na pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa panahong ito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga karanasang nagpalakas sa kanilang patotoo na si Jesucristo ang namamahala sa Kanyang Simbahan sa panahong ito sa pamamagitan ng paghahayag. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 1:4-8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iniutos ni Jesus sa Kanyang mga Apostol.
-
Ayon sa talata 4, ano ang iniutos ni Jesus sa mga Apostol?
-
Ayon sa talata 5, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas na matatanggap ng mga Apostol kung mananatili sila sa Jerusalem?
-
Ayon sa talata 8, ano ang kapangyarihang ibibigay ng Espiritu Santo sa mga Apostol?
-
Ano ang malalaman natin tungkol sa mga Apostol mula sa itinuro ng Tagapagligtas sa talata 8? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga Apostol ay mga saksi ni Jesucristo at nagpapatotoo sa Kanya sa buong mundo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Sa ating panahon, ang Panginoon ay tumawag ng 15 natatanging saksi upang magpatotoo sa Kanyang kabanalan sa buong mundo. Natatangi ang kanilang tungkulin; sila ay mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, na Kanyang pinili at inatasan. Sila ay inutusang magpatotoo sa katotohanan ng Kanyang buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng banal na pagka-apostol na ipinagkaloob sa kanila” (“Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 4).
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Nagpapatotoo ang mga Apostol ng ating panahon na si Jesucristo ay …
Kung maaari, magbigay ng kopya ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign, Abr. 2000, 2) para sa bawat estudyante sa iyong klase. Maaari ka ring kumuha ng isang kopya, gupitin ito sa maliliit na bahagi, at ibigay ang mga bahagi sa mga estudyante. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang pahayag o bahagi, na inaalam kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara. Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, sabihin sa isa sa kanila na pumunta sa pisara at maging tagasulat. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at ipasulat sa pisara sa estudyanteng nasa harap ang kanilang mga sagot.
-
Alin sa mga pahayag na ito ang pinakamahalaga sa inyo?
-
Paano nakakaimpluwensya ang patotoo ng mga Apostol sa panahong ito sa inyong personal na patotoo kay Jesucristo?
Ipaliwanag na bagama’t ang Mga Gawa 1:8 ay partikular na tumutukoy sa ginagampanan ng mga Apostol bilang mga natatanging saksi ng Tagapagligtas, itinuturo rin nito sa atin kung ano ang makatutulong sa atin upang maging mga saksi ni Jesucristo sa buong mundo.
-
Batay sa pangako ng Panginoon sa mga Apostol sa Mga Gawa 1:8, paano tayo magiging mga saksi ni Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari tayong maging mga saksi ni Jesucristo.)
-
Sa paanong mga paraan tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na maging mga saksi ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga pagkakataon na nadama nila ang Espiritu Santo nang ibahagi ng iba ang kanilang patotoo kay Jesucristo. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasan na masyadong sagrado o personal.
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Espiritu Santo na magpatotoo sa iba tungkol kay Jesucristo?
Hikayatin ang mga estudyante na humanap ng mga pagkakataong maibahagi ang kanilang patotoo sa iba at magtiwala na pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga bagay na pinatototohanan nila.
Mga Gawa–Apocalipsis
Buod ng pangalawang bahagi ng Bagong Tipan
Ipaliwanag na ang Mga Gawa 1:8 ay hindi lamang nagtuturo ng mga katotohanan kundi nagbibigay rin ng buod ng huling bahagi ng Bagong Tipan.
-
Ayon sa ipinropesiya ng Tagapagligtas sa Mga Gawa 1:8, saan magpapatotoo ang Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanya?
Isulat sa pisara ang sumusunod: Mga Gawa 1–5 = Jerusalem; Mga Gawa 6–9 = Judea at Samaria; Mga Gawa 10–28 = Kahulihulihang hangganan ng lupa (tingnan sa Bible Dictionary, “Acts of the Apostles”).
Ipaliwanag na ang mga disipulo ay nagsimulang magpatotoo kay Jesucristo tulad ng ipinagagawa sa kanila. Una, nangaral ang mga Apostol sa Jerusalem, pagkatapos ay sa Judea at Samaria, at pagkatapos ay sa kahuli-hulihang hangganan ng lupa.
Ipabuklat sa mga estudyante ang mga nilalaman o table of contents ng Biblia. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga aklat sa Bagong Tipan na kasunod ng aklat ng Mga Gawa. Ipaliwanag na ang mga aklat ng Mga Taga Roma hanggang Sa Mga Hebreo ay mga sulat (mga liham) ni Apostol Pablo. Malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pagbabalik-loob at ministeryo ni Pablo sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 9, 13–28.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang I Mga Taga Tesalonica. Ipaliwanag na ang mga taga-Tesalonica ay ang mga taong naninirahan sa lungsod ng Tesalonica. Ipabuklat sa mga estudyante ang Mga Mapa sa Biblia blg. 13 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ang Mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” at hanapin ang Tesalonica sa mapa. Ipaliwanag na marami sa mga sulat sa Bagong Tipan ay para sa mga kongregasyon ng Simbahan sa iba’t ibang lungsod upang matugunan ang kani-kanilang mga pangangailangan. Maaari mo ring ipaliwanag na ang mga sulat na ito ay hindi inayos ayon sa pagkakasunud-sunod sa Bagong Tipan. Ang aklat ng I Mga Taga Tesalonica ay pinaniniwalaang unang sulat ni Pablo.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga nilalaman o table of contents at tukuyin ang iba pang aklat na ginawa bilang mga sulat para sa mga kongregasyon ng mga Banal.
Ipaliwanag na bukod sa pagsulat sa mga kongregasyon ng mga Banal, sumulat si Pablo sa mga indibiduwal na gaya nina Timoteo, Tito, at Filemon.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga aklat na kasunod ng Sa Mga Hebreo sa mga nilalaman o table of contents ng Biblia.
Ipaliwanag na bukod pa kay Pablo, ang iba pang mga Apostol at mga lider ng Simbahan ay nagsulat sa mga miyembro ng Simbahan. Nasa atin pa rin ang ilan sa mga sulat na ito, ang mga ito ay ang aklat ni Santiago hanggang aklat ni Judas. Ang aklat ng Apocalipsis ay nagtatala ng pangitaing nakita ni Apostol Juan.
Sabihin sa mga estudyante na patuloy na basahin nang mag-isa ang pangalawang bahagi ng Bagong Tipan. Hikayatin silang manalangin sa kanilang pag-aaral upang maipaunawa ito sa kanila ng Espiritu Santo at matulungan sila na magkaroon ng dagdag na kaalaman sa pag-aaral nila ng mga turo ng mga Apostol ng Bagong Tipan.