Library
Lesson 87: Mga Gawa 8


Lesson 87

Mga Gawa 8

Pambungad

Ang pang-uusig sa Simbahan sa Jerusalem ay nagdulot ng pagkalat ng mga miyembro ng Simbahan sa buong Judea at Samaria. Si Felipe ay naglingkod sa Samaria, kung saan maraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos ipagkaloob nina Pedro at Juan ang kaloob na Espiritu Santo sa mga bagong miyembro, isang manggagaway na nagngangalang Simon ang nagtangkang bilhin ang priesthood. Pinapunta kalaunan ng Diyos si Felipe sa isang opisyal na taga-Etiopia na tinuruan ni Felipe tungkol kay Jesucristo at nabinyagan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 8:1–25

Si Felipe ay naglingkod sa Samaria, kung saan si Simon na manggagaway ay nagtangkang bilhin ang priesthood

Magdispley ng kaunting pera. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakatanggap sila ng malaking halaga ng pera.

  • Anong bagay ang bibilhin ninyo sa perang iyon?

Ipaliwanag na may mga taong naniniwala na mabibili ng pera ang anumang bagay. Gayunman, ilan sa pinakamahahalagang bagay sa buhay ay hindi mabibili ng pera. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 8 ang isang kaloob mula sa Diyos na hindi mabibili ng pera.

Ipaalala sa mga estudyante na natutuhan natin sa Mga Gawa 7 ang tungkol sa pagkamatay ni Esteban sa mga kamay ng mga taga-usig. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 8:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa pang-uusig sa Simbahan sa Jerusalem. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng kinakaladkad (Mga Gawa 8:3) ay puwersahang hinihila o hinahatak.

  • Ano ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa pang-uusig sa kanila?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pangalang Felipe sa talata 5. Ipaalala sa mga estudyante na si Felipe ay isa sa pitong disipulo na inordena upang tumulong sa Labindalawang Apostol sa pangangasiwa sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 6:5). Sabihin sa mga estudyante na sumangguni sa handout na “Buod ng mga Gawa ng mga Apostol” (tingnan ang apendiks ng manwal na ito) at alamin ang iniutos ng Tagapagligtas na nakatala sa Mga Gawa 1:8.

  • Ayon sa Mga Gawa 8:5, paano sinimulang gawin ni Felipe ang iniutos ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang reaksyon ng mga Samaritano sa pangangaral ni Felipe.

  • Ano ang reaksyon ng mga Samaritano sa pangangaral ni Felipe?

  • Bukod sa pangangaral ng ebanghelyo, ano ang iba pang ginawa ni Felipe?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang deskripsyon sa isang Samaritanong nagngangalang Simon.

  • Ano ang nalaman natin tungkol kay Simon mula sa mga talatang ito? (Ipaliwanag na ang “paggamit ng kapangyarihan na nakuha sa tulong o kapangyarihan ng masasamang espiritu ay tinatawag na panggagaway” [Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 2:82].)

  • Ano ang naging impluwensya ni Simon sa mga tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Simon sa pangangaral ni Felipe. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 13, paano naapektuhan si Simon ng “mga himala at mga tanda” na nakita niya?

Ibuod ang Mga Gawa 8:14–16 na ipinapaliwanag na pumunta sina Pedro at Juan sa Samaria matapos marinig na tinanggap ng mga tao roon ang salita ng Diyos. Nagdasal sila na makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ang mga nabinyagang Samaritano.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 8:17, na inaalam ang ginawa nina Pedro at Juan para sa mga bagong miyembro ng Simbahan sa Samaria.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa paraan ng pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang kaloob na Espiritu Santo ay ipinagkakaloob pagkatapos ng binyag sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga awtorisadong mayhawak ng priesthood.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inalok ni Simon kay Pedro.

  • Ano ang inalok ni Simon kay Pedro?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa perang idinispley mo sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila sasagutin si Simon kung sila ang nasa sitwasyon ni Pedro.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 8:20–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro kay Simon tungkol sa pagtanggap ng priesthood.

  • Ano ang itinuro ni Pedro kay Simon tungkol sa priesthood, tulad ng nakatala sa talata 20?

  • Nang alukin niya ng pera ang mga Apostol bilang kapalit ng pagtanggap ng priesthood, ano ang hindi naunawaan ni Simon tungkol sa priesthood? (Dahil ang priesthood ay pag-aari ng Diyos, ito ay maibibigay lamang ayon sa Kanyang kalooban. Itinatag ng Diyos ang paraan sa pagtatamo ng priesthood.)

  • Ayon sa mga talata 21–23, bakit hindi pa natanggap ni Simon ang priesthood? Sa inyong palagay, sa paanong mga paraan “hindi matuwid sa harap ng Dios” ang puso ni Simon? (talata 21).

  • Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa pagtanggap ng priesthood? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang priesthood ay ipinagkakaloob ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa pamantayan ng pagiging karapat-dapat. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na ang priesthood ay ipinagkakaloob lamang ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa pamantayan ng pagiging karapat-dapat?

Ibuod ang Mga Gawa 8:25 na ipinapaliwanag na sina Pedro at Juan ay nangaral ng ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.

Mga Gawa 8:26–40

Tinuruan at bininyagan ni Felipe ang isang opisyal na taga-Etiopia

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan kinailangan o kakailanganin nila ang isang taong papatnubay sa kanila.

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaari ninyong mapatnubayan ang iba? (Maaari ninyong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga lugar o paksa na alam na alam nila o mga talentong napaghusay nila.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng natitirang tala sa Mga Gawa 8 ang isang mahalagang paraan na maaari silang maging patnubay sa iba.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit pumunta si Felipe sa Gaza.

  • Bakit pumunta si Felipe sa Gaza?

  • Sino rin ang naroon sa lugar na iyon na pinuntahan ni Felipe? (Isang bating [eunuch] na taga-Etiopia. Ipaliwanag na ang bating ay isang opisyal sa palasyo ng hari o reyna [tingnan sa Bible Dictionary, “Eunuch”].)

  • Ano ang ginagawa ng opisyal na taga-Etiopia sa kanyang karo? (Binabasa ang Esaias, o mga salita ni Isaias.)

Maglagay sa harapan ng klase ng dalawang silya na magkaharap. Sabihin sa dalawang boluntaryo na isadula ang kasunod na tala at gumanap bilang opisyal na taga-Etiopia at bilang Felipe. (Maaari mong i-assign ang mga gagampanang papel na ito bago magklase at sabihin sa mga estudyanteng ito na maghandang isadula ang kani-kanyang bahagi.) Paupuin ang estudyanteng gaganap bilang opisyal na taga-Etiopia sa isa sa mga silya at patayuin sa may pinto ang estudyanteng gaganap bilang Felipe. Anyayahan ang pangatlong estudyante na gumanap bilang narrator.

Ipabasa nang malakas sa mga estudyanteng ito ang Mga Gawa 8:29–39 at isadula ang kani-kanyang bahagi. Sabihin sa klase na tingnan kung ano ang nangyari sa pag-uusap ni Felipe at ng opisyal na taga-Etiopia. Habang binabasa at isinasadula ng mga estudyante ang kani-kanyang bahagi, gawin ang sumusunod:

  1. Matapos basahin ng narrator ang mga talata 32–33, sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat sa kanilang banal na kasulatan ang Isaias 53:7–8 bilang cross-reference sa tabi ng Mga Gawa 8:32–33.

  2. Matapos basahin ng narrator ang talata 35, sabihin sa estudyanteng gumaganap bilang Felipe na ipaliwanag sa klase kung ano ang ituturo niya tungkol sa Tagapagligtas sa sitwasyong ito. (Maaari mong sabihin sa klase na magmungkahi rin sila.)

  3. Kapag binasa ng narrator ang talata 38, sabihin sa mga gumaganap na huwag isadula ang pagbibinyag.

Pagkatapos magawa ang aktibidad na ito, pasalamatan ang mga estudyante at paupuin na sila.

  • Ayon sa talata 29, bakit pumunta si Felipe sa karo ng opisyal na taga-Etiopia?

  • Ayon sa talata 31, ano ang sinabi ng opisyal na kailangan niya para maunawaan ang mga isinulat ni Isaias?

  • Ayon sa mga talata 35–38, paano naging isang patnubay si Felipe para sa opisyal?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Felipe tungkol sa mga ibubunga ng pagsunod sa mga pahiwatig na mula sa Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na kapag sinunod natin ang mga pahiwatig na mula sa Diyos, makatatanggap tayo ng mga pagkakataon na matulungan ang iba na mapatnubayan patungo kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

handout iconBigyan ang mga estudyante ng mga kopya ng sumusunod na handout. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa handout at mag-isip ng mga paraan na matutulungan nila na mapatnubayan ang isang tao patungo kay Jesucristo. Ipaliwanag na magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi sa klase ang isinulat nila.

handout

Patnubayan ang Iba Patungo kay Jesucristo

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 87

Pumili ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • May kaibigan kang binatilyo na kabilang sa ibang Kristiyanong simbahan. Isang araw sa oras ng tanghalian, nadama mong kausapin siya tungkol sa Simbahan.

  • Habang naglalakad ka pauwi mula sa paaralan, nakakita ka ng isang dalagita na umiiyak. Nakilala mo na siya ay miyembro ng inyong ward at ilang taon nang hindi nagsisimba. Nadama mong dapat mo siyang kausapin. Habang sinisikap mong mapanatag siya, sinabi niya ang mga problema niya at itinanong, “Hindi ba ako puwedeng maging masaya?”

  • Pumanaw ang nanay ng isang binatilyo na nakaugnayan mo sa social media. Nadama mong tumugon sa sumusunod na post na ginawa niya kamakailan: “Pakiramdam ko’y nag-iisa ako ngayon. Sana’y may nakauunawa sa akin.”

Sa likod ng papel na ito o sa inyong notebook o scripture study journal, isulat kung ano ang sasabihin at gagawin ninyo na makatutulong para mapatnubayan ang taong ito patungo kay Jesucristo. Sa inyong isusulat, isama ang inyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan ang ibabahagi mo na makatutulong para mapatnubayan ang taong ito patungo kay Jesucristo?

  • Anong talata sa banal na kasulatan ang sasabihin mo na pag-aralan ng taong ito?

  • Ano ang sasabihin mo na gawin ng taong ito?

Pagkatapos ng sapat na oras, pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na ipaliwanag sa isa’t isa ang isinulat nila at kung bakit iyon ang gagawin nila. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag sa buong klase ang isinulat nila. Maaari mong sabihin sa mga estudyanteng pumili ng isa sa unang dalawang sitwasyon na isadula ang sasabihin at gagawin nila sa mga sitwasyong ito, at ikaw ang gaganap na taong sisikapin nilang tulungan. (Kung gagawin mo ito, bigyan ng isang minuto ang mga estudyante para makapaghanda bago mo ipasadula sa kanila ang sitwasyon na kasama ka.) Pagkatapos ay itanong sa klase ang mga sumusunod na tanong:

  • Kailan at paano kayo nakatulong sa pagpatnubay sa isang tao patungo kay Jesucristo?

  • Kailan at paano kayo napatnubayan ng isang tao patungo kay Jesucristo?

Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga pahiwatig mula sa Diyos para maakay sila sa mga taong maaari nilang mapatnubayan patungo kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan sa susunod na ilang araw kung ano ang magagawa nila para makatulong sila na mapatnubayan ang isang taong kilala nila patungo kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang mararanasan nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 8:18–23. Pagtamo at paggamit ng priesthood

Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan na ang paraan ng pagtatamo ng kapangyarihan ng priesthood ay kakaiba sa paraan ng pagtatamo ng kapangyarihan sa mundo:

“Ang pinakadakila sa lahat ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng priesthood, ay hindi natatamo sa paraang ginagamit ng mundo. Hindi ito mabibili o maipagbibili. … Marami sa inyo ang pinanonood at hinahangaan ang mga linebacker, power forward, at center, at ang mayayaman, tanyag, at makapangyarihan sa pulitika at militar. Ang kapangyarihan ng mundo ay kadalasang ginagamit nang may kalupitan. Gayunpaman, ang kapangyarihan ng priesthood ay nagagamit lamang sa pamamagitan ng mga alituntuning iyon ng kabutihan na ginagamit para pamahalaan ang priesthood” (“Power of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1997, 43).

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Ang pagiging karapat-dapat ay nagiging pamantayan para matanggap at magamit ang sagradong kapangyarihang ito” (“Personal Worthiness to Exercise the Priesthood,” Ensign, Mayo 2002, 52)

Mga Gawa 8:27–38. Patnubayan ang Iba Patungo kay Jesucristo

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtulong na mapatnubayan ang iba patungo sa Tagapagligtas:

“Upang ang bawat isa sa atin ay ‘[makalapit] kay Cristo’ [D at T 20:59], ang masunod ang Kanyang mga kautusan at matularan ang Kanyang halimbawa pabalik sa Ama ang talagang pinakadakila at pinakabanal na layunin ng buhay ng tao. Upang matulungan ang iba na magawa rin iyan—turuan, hikayatin, at mapanalanging patnubayan din sila sa pagtahak sa landas ng pagtubos—tunay na iyan ang pangalawang pinakamahalagang gawain sa ating buhay. Kaya marahil ay nasabi minsan ni Pangulong David O. McKay, ‘Wala nang higit pang dakilang tungkulin na maaaring ibigay sa sinumang lalaki [o babae] kaysa maging isang guro ng mga anak ng Diyos’ [sa Conference Report, Okt. 1916, 57]” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 25).