Library
Lesson 88: Mga Gawa 9


Lesson 88

Mga Gawa 9

Pambungad

Si Jesus ay nagpakita kay Saulo habang naglalakbay siya patungong Damasco, pagkatapos niyon ay nabulag si Saulo. Matapos siyang mapagaling ni Ananias, nabinyagan si Saulo at nagsimulang mangaral sa Damasco. Pagkaraan ng tatlong taon, nagpunta si Saulo sa Jerusalem, ngunit nang manganib ang kanyang buhay, ipinadala siya ng mga Apostol sa Tarso. Si Pedro ay gumawa ng mga himala sa Lidda at Joppe.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 9:1–9

Nagpakita si Jesus kay Saulo sa daan patungong Damasco

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Ensign o Liahona, Ene. 2010, 19):

“May isang bagay sa marami sa atin na hindi kayang patawarin at limutin ang nakaraang mga pagkakamali sa buhay—pagkakamali man natin o pagkakamali ng iba. …

“Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti [ng] mga tao” (Elder Jeffrey R. Holland).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag na nasa pisara. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan magiging mahalaga na hayaang magbago at magpakabuti ang iba at maniwalang magagawa nila ito?

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan magiging mahalaga na maniwalang magagawa nating magbago at magpakabuti?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 9 na matututuhan natin mula sa karanasan ng isang taong nagbago at nagpakabuti.

Ipaliwanag na karamihan ng nakatala sa Mga Gawa 9 ay nakatuon sa mga karanasan ng isang lalaking nagngangalang Saulo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paglalarawan kay Saulo:

Si Saulo ay isinilang sa Griyegong lungsod ng Tarso (tingnan sa Mga Gawa 21:39) at isang mamamayang Romano (tingnan sa Mga Gawa 16:37). Siya ay isang Judio mula sa angkan ni Benjamin (tingnan sa Mga Taga Roma 11:1) at nakapag-aral sa Jerusalem sa pagtuturo ni Gamaliel (tingnan sa Mga Gawa 22:3), isang bantog na Fariseo at iginagalang na guro ng mga batas ng mga Judio (tingnan sa Mga Gawa 5:34). Si Saulo ay naging isang Fariseo (tingnan sa Mga Gawa 23:6), at nagsasalita siya ng “wikang Hebreo” (marahil ay Aramaic) at Griyego (tingnan sa Mga Gawa 21:37, 40). Kalaunan ay nakilala siya sa kanyang Latin na pangalan na Pablo (tingnan sa Mga Gawa 13:9). (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pablo.”)

Ipaalala sa mga estudyante na naroon si Saulo nang batuhin si Esteban (tingnan sa Mga Gawa 7:58–59). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 8:1–3 at sa isa pang estudyante ang Mga Gawa 9:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinrato ni Saulo ang mga tagasunod ni Jesucristo.

  • Paano tinrato ni Saulo ang mga tagasunod ni Jesucristo?

  • Ayon sa Mga Gawa 9:1–2, bakit nagpunta si Saulo sa Damasco?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 9:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari habang naglalakbay si Saulo papunta sa Damasco.

  • Sino ang nagpakita kay Saulo?

Ibuod ang Mga Gawa 9:7–9 na ipinapaliwanag na nakita ng mga kasama ni Saulo ang liwanag ngunit hindi narinig ang tinig ni Jesus nang mangusap Siya kay Saulo (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mga Gawa 9:7; tingnan din sa Mga Gawa 22:9). Matapos ang pangitain, si Saulo ay nabulag. Siya ay inakay patungong Damasco, at hindi siya kumain o uminom sa loob ng tatlong araw.

  • Kunwari ay kayo si Saulo. Kung matindi ninyong inuusig ang mga disipulo ni Jesucristo, ano kaya ang maiisip at madarama ninyo sa pagkakataong ito?

Mga Gawa 9:10–22

Si Saulo ay napagaling ni Ananias ng Damasco, nabinyagan, at nangaral tungkol kay Jesucristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 9:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagawa ng Panginoon kay Ananias, isang miyembro ng Simbahan sa Damasco.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Ananias?

Ipaliwanag na ang talagang layunin ni Saulo sa pagpunta sa Damasco ay dakpin ang mga taong tulad ni Ananias.

  • Kung kayo si Ananias at alam ninyo ang reputasyon ni Saulo, ano kaya ang maiisip ninyo pagkatapos matanggap ang iniutos na ito ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 9:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Panginoon kay Ananias tungkol kay Saulo.

  • Paano naiiba ang pananaw ng Panginoon tungkol kay Saulo sa pananaw ni Ananias tungkol kay Saulo?

  • Ayon sa talata 15, ano ang nais ng Panginoon na kahinatnan at gawin ni Saulo? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang “sisidlang hirang” ay tumutukoy sa katotohanang si Saulo ay inorden sa kanyang ministeryo bago pa siya isinilang.)

  • Ayon sa talata 16, bagama’t si Saulo ay magiging sisidlang hirang sa Panginoon, ano ang mararanasan niya?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paano tayo tinitingnan ng Panginoon? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, ngunit tiyaking mabibigyang-diin na alam ng Panginoon ang maaari nating kahinatnan at alam ng Panginoon ang ating potensyal na makatulong sa Kanyang gawain. Isulat sa pisara ang mga katotohanang ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano magagamit ang kanilang kaalaman, mga katangian, at mga abilidad sa pagtulong sa Panginoon sa Kanyang gawain. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang naisip nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 9:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Ananias pagkatapos ipaunawa sa kanya ng Panginoon ang potensyal ni Saulo at ang misyon nito sa hinaharap.

  • Ano ang ginawa ni Ananias para kay Saulo?

  • Ayon sa talata 20, ano ang “pagdaka’y,” o kaagad, ginawa ni Saulo pagkatapos mabinyagan at lumakas?

Ipaliwanag na ang pagsisisi, binyag, at pangangaral ni Saulo ay nagpakita ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo at pagpapasakop sa kalooban ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 9:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang reaksyon ng mga tao sa pangangaral ni Saulo.

  • Ano ang reaksyon ng mga tao sa pangangaral ni Saulo?

  • Bakit namangha ang mga tao habang pinakikinggan nila si Saulo?

Ipaalala sa mga estudyante na ang itinanong ni Saulo kay Jesus na nakatala sa Mga Gawa 9:6 ay nagpakita ng kanyang pagpapakumbaba at hangaring sumunod sa kalooban ng Panginoon.

  • Tulad ni Saulo, ano ang dapat nating gawin para magbago at maabot ang potensyal na nakikita sa atin ng Panginoon? (Gamit ang salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung pasasakop tayo sa kalooban ng Panginoon, magagawa nating magbago at maabot ang potensyal na nakikita Niya sa atin.)

Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Bigyan ang isang estudyante ng malambot na molding clay, at ang isa pang estudyante ng matigas na molding clay. (Kung wala kang molding clay, sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ginagawa nila ang aktibidad na ito, pagkatapos ay itanong sa kanila ang mga tanong na kasunod ng aktibidad.) Bigyan ang mga boluntaryo ng 30 segundo o mahigit pa para makagawa ng isang bagay na napili nila gamit ang kanilang clay. Kung ang estudyanteng may gamit na matigas na clay ay nagsabing napakahirap gumawa, hikayatin siyang magpatuloy.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na idispley ang nagawa nila. Itanong sa estudyanteng nabigyan ng matigas na clay:

  • Bakit napakahirap lumikha ng isang bagay gamit ang iyong clay?

Pasalamatan ang mga boluntaryo at pabalikin na sila sa kanilang upuan. Itanong sa klase:

  • Paano maihahalintulad ang matigas na clay sa isang taong hindi sumusunod sa kalooban ng Panginoon?

  • Paano maihahalintulad ang malambot na clay sa isang taong sumusunod sa kalooban ng Panginoon?

  • Paano nakatutulong sa inyo o sa iba ang pagsunod sa Panginoon na magbago at maabot ang potensyal na nakikita sa atin o sa kanila ng Panginoon?

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Wala nang mas mahalaga pang katanungan sa buhay ng isang [tao] kaysa sa yaong itinanong ni Pablo: ‘… ‘Panginoon, ano ang nais mong ipagawa sa akin?’” (“Listen to a Prophet’s Voice,” Ensign, Ene. 1973, 57).

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang tanong na “Panginoon, ano ang nais mong ipagawa sa akin?” Sabihin sa kanila na isulat ang anumang pahiwatig na natanggap nila. Pagkatapos ng sapat na oras, basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Benson:

“Wala nang mas mabuting gagawin ang isang [tao] kaysa tahakin ang landas na maghahatid sa kanya sa sagot sa tanong na iyan at pagkatapos ay isagawa ito” (“Listen to a Prophet’s Voice,” 57).

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na humingi ng sagot sa tanong na ito at kumilos ayon sa anumang pahiwatig na natanggap nila.

Mga Gawa 9:23–31

Nanganib ang buhay ni Saulo sa Jerusalem, at ipinadala siya ng mga Apostol sa Tarso

Ipaliwanag na pagkatapos ng pagbabalik-loob ni Saulo, nanirahan siya sa Arabia at kalaunan ay bumalik sa Damasco (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:17). Ibuod ang Mga Gawa 9:23–26 na ipinapaliwanag na nagsabwatan ang mga Judio sa Damasco na patayin si Saulo, ngunit tinulungan siya ng mga miyembro ng Simbahan na makatakas sa lungsod. Tatlong taon pagkaraan ng kanyang pagbabalik-loob (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:18), si Saulo ay nagpunta sa Jerusalem, kung saan takot ang mga miyembro na tanggapin siya dahil hindi sila naniniwala na naging disipulo siya ni Jesucristo.

  • Sa inyong palagay, bakit atubiling tanggapin ng ilang miyembro ng Simbahan na naging disipulo na ni Jesucristo si Saulo?

Ibuod ang Mga Gawa 9:27–31 na ipinapaliwanag na si Bernabe, isang miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 4:36–37), ay dinala si Saulo sa mga Apostol at sinabi sa kanila ang tungkol sa pangitain ni Saulo at sa matapang nitong pangangaral sa Damasco. Pagkatapos ay malugod na tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan si Saulo. Nang hangarin ng mga Greco-Judio sa Jerusalem na patayin si Saulo, ipinadala siya ng mga lider ng Simbahan sa Tarso. Ang Simbahan ay nagkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa Judea, Galilea, at Samaria.

Mga Gawa 9:32–43

Si Pedro ay gumawa ng mga himala sa Lidda at Joppe

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa isang estudyante sa bawat magkapartner ang Mga Gawa 9:32–35 at ipabasa naman sa isa pang estudyante ang Mga Gawa 9:36-42. Sabihin sa kanila na alamin ang mga himalang ginawa ni Pedro at ang ginawa ng mga tao. Ipaliwanag na ang pagkaawang gawa (talata 36) ay pagbibigay ng mga handog sa mga maralita.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila ang mga himalang ginawa ni Pedro at ang ginawa ng mga tao. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ayon sa mga talata 35 at 42, paano tumugon ang mga tao sa Lidda at Joppe sa nakitang paglilingkod ni Pedro?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa ginawa nila tungkol sa posibleng epekto ng paglilingkod sa iba? (Gamit ang salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa paglilingkod sa iba, matutulungan natin ang mga tao na bumaling sa Panginoon at maniwala sa Kanya.)

Ipaliwanag na ang pagbibigay ng basbas ng priesthood ay isang paraan ng paglilingkod sa iba. Upang matulungan ang mga estudyante na maisip pa ang iba pang paraan na makapaglilingkod tayo sa iba, itanong:

  • Ayon sa mga talata 36 at 39, paano naglingkod si Tabita sa iba?

  • Paano natutulungan ng isang taong “puspos ng mabubuting gawa” (talata 36) at naglilingkod sa iba ang mga tao na bumaling sa Panginoon at maniwala sa Kanya?

  • Kailan nakatulong sa inyo o sa iba ang mabubuting gawa ng isang tao para bumaling kayo sa Panginoon at maniwala sa Kanya?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 9:1–2. Ang awtoridad ni Saulo na dalhing nakagapos ang mga miyembro ng Simbahan sa Jerusalem

Si Saulo ay tumanggap ng awtoridad mula sa mataas na saserdote sa Jerusalem na magtungo sa ibayo ng Judea at dalhin ang mga Judio sa Sanedrin para litisin, na maipagkakaloob ng mataas na saserdote dahil “pinahintulutan ng mga Romano ang Sanedrin na magkaroon ng hurisdiksyong sibil at kriminal (maliban sa mabibigat na kasalanan) sa buong komunidad ng mga Judio, maging sa labas ng Palestina” (J. R. Dummelow, patnugot, A Commentary on the Holy Bible [1909], 831). Dahil ang mga batas ni Moises ay nagsilbing batas sibil gayon din bilang batas panrelihiyon para sa mga Judio, ang mga Kristiyanong Judio ay maaaring hulihin bilang mga kriminal. Ang dalang “mga sulat” ni Saulo ay mga dokumento na naglalaman ng mga tagubilin na may kinalaman sa layunin ni Saulo at pagpapatunay ng kanyang awtoridad na isagawa ang kanyang layunin.

Mga Gawa 9:1–22. Pagbabalik-loob ni Saulo

Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee na “Si Saulo ng Tarso ay isa sa matatapang at masigasig sa pagpuksa sa Kristiyanismo na pinaniniwalaan niya na isang sektang dinudungisan ang salita ng Diyos” (sa Conference Report, Okt. 1946, 144). Gayunman, ang karanasan niya sa nabuhay na muling Tagapagligtas ay nagdulot ng malaking pagbabago kay Saulo. Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring naranasan ni Saulo sa pagiging bulag niya nang tatlong araw:

“Sa pagiging bulag [ni Saulo] nang tatlong araw, nagsimula ang pagbabago ng pagkatao na kalaunan ay magpapabago sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Marahil ay nakadama siya ng matinding pagdadalamhati ng kaluluwa, ng panunurot ng budhi, ng matinding kalumbayan dahil sa kasalanan, na nagpakumbaba ng kanyang sarili para makasunod sa tagubilin ni Ananias” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:90).

Ganito ang sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter tungkol sa pagbabalik-loob ni Saulo:

“Upang malubos ang pagbabalik-loob [ni Saulo], siya ay bininyagan. Nagbago ang buhay ni Pablo. Kamangha-mangha na ang lalaking humawak sa mga kasuotan ng mga taong pumatay kay Esteban ay naging pangunahing tagapagtaguyod ng mga alituntuning naging sanhi ng pagkamatay ni Esteban. …

“… Ang buhay ni Pablo ay binago ng dalawang pangyayaring naganap sa Daan ng Damasco. Dati, siya ay isang agresibong taga-usig ng Kristiyanismo, ngunit matapos ang pangyayari sa Daan ng Damasco, siya ay isa na sa pinakamasisigasig na tagapagpalaganap nito” (sa Conference Report, Okt. 1964, 108–9).

Mga Gawa 9:2. Ang pagsisikap ni Saulo na madakip ang mga tagasunod ni Jesucristo

Itinuro ni Pangulong David O. McKay ang tungkol sa pagsisikap ni Saulo na madakip ang mga tagasunod ni Jesucristo:

“Determinado siyang wakasan ang inaakala niyang maling pananampalataya kaya humingi siya ng pahintulot bilang pinuno ng Sanedrin na dakpin ang mga tagasunod ni Jesus saanman niya makita ang mga ito. Siya ay nagpunta sa mga bahay-bahay, kinakaladkad ang mga kalalakihan mula sa kanilang asawa at mga anak. Dinakip nga rin niya ang mga kababaihan at ipinabilanggo sila! Walang alinlangan na ang pagtangis at pagmamakaawa ng malilit na bata ay lalo pang dumurog sa kanyang nagdadalamhating puso na halos higit pa sa pagkamatay ng tapat na si Esteban. Walang alinlangan, na habang sapilitan niyang kinukuha ang mga kalalakihan at kababaihan sa kanilang mga tahanan, ang maputlang mukha ng mga nahihintakutang anak, at kanilang mga hikbi ay natimo sa kanyang mapagmatigas na kaluluwa na magpapakumbaba sa kanya at kung hindi man ay babagabag sa buong buhay niya! Isang bagay lamang ang nakapagpanatag sa kanya kalaunan nang gunitain niya ang mga nakasusuklam na karanasang iyon. Ito iyon, na mismong siya ang nagsabi: ‘Tunay na ako maʼy nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay na laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret’ [Mga Gawa 26:9]. Si Saulo ay tapat sa kanyang ginagawa. Hindi siya naniwala na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at inisip na magiging kasiya-siya sa kanyang Ama sa langit na mahimok niya ang bawat taong naniniwala kay Cristo na itatwa ang Kanyang pangalan” (Ancient Apostles, ika-2 edisyon [1921], 147–48).

Mga Gawa 9:15–16. Nakikita ng Panginoon ang maaari nating kahinatnan

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson sa mga miyembro ng Simbahan na tingnan ang bawat tao ayon sa nakikita ng Panginoon sa kanila (tingnan sa “Tingnan ang Kapwa Ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 70).