Library
Lesson 84: Mga Gawa 3


Lesson 84

Mga Gawa 3

Pambungad

Sa pintuan ng templo, pinagaling ni Pedro, na kasama si Juan, ang isang lalaking isinilang na pilay. Pagkatapos ay tinuruan ni Pedro ang mga taong nakasaksi sa pagpapagaling sa lalaking ito. Nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo, inanyayahan sila na magsisi, at ipinropesiya ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 3:1–11

Pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking isinilang na pilay

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na humiling sila ng isang partikular na bagay (marahil isang regalo sa kaarawan o Pasko) pero iba ang natanggap nila. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang mga karanasan nila at ipaliwanag kung ano ang kanilang nadama nang hindi nila natanggap ang kanilang gusto.

  • Paano natin maikukumpara ang mga karanasang ito sa paghingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa pagdarasal natin? (Kung minsan ay hindi sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa mga paraang inaasahan natin o ibinibigay ang mga pagpapalang hinihingi natin.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang naging karanasan nila nang hindi nila natanggap ang sagot o pagpapalang inaasahan nila mula sa Ama sa Langit.

Sabihin sa klase na alamin ang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 3 na makatutulong sa kanila kapag hindi nila natanggap ang mga sagot o pagpapalang inaasahan nila mula sa Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 3:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nakita nina Pedro at Juan sa pintuan ng templo.

  • Sino ang nakita nina Pedro at Juan sa pintuan ng templo?

  • Ano ang ibig sabihin ng ang lalaking ito ay “namanhik upang tumanggap ng limos”? (talata 3). (Maaari mong ipaliwanag na ang limos ay ang mga bagay na ibinibigay ng mga tao sa mga maralita.)

Ipaliwanag na nalaman natin mula sa Mga Gawa 4:22 na ang lalaking pilay ay mahigit 40 taon na.

  • Kung ang lalaking ito ay 40 taon nang hindi nakakalakad, ano kaya ang kondisyon ng kanyang mga binti?

Sabihin sa klase na pag-isipan kung ano ang madarama nila kung sila ang nasa kalagayan ng lalaking pilay.

  • Ano ang ilang karaniwang reaksyon ng mga tao sa isang taong nasa ganitong sitwasyon gaya ng lalaking pilay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 3:4–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Pedro para sa lalaking ito.

  • Ano ang ginawa ni Pedro para sa lalaking ito?

  • Ano ang napansin ninyo tungkol sa ginawa at sinabi ni Pedro?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 3:8, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ng lalaki pagkatapos na “siya’y itinindig” (talata 7) ni Pedro.

  • Ano ang ginawa ng lalaki pagkatapos na “siya’y itinindig” ni Pedro?

  • Sa paanong paraan mas malaki ang natanggap na pagpapala ng lalaking ito kaysa sa limos na una niyang hiningi?

Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang isang pangyayari na nakatanggap sila ng sagot o pagpapala mula sa Ama sa Langit na iba sa sagot o pagpapalang inaasahan nila.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa Mga Gawa 3:1–8 na makatutulong sa atin kapag hindi natin natanggap ang sagot o pagpapala na inaasahan natin mula sa Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat matukoy ang sumusunod na katotohanan: Maaaring hindi sagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa mga paraang gusto natin o inaasahan natin mula sa Kanya, ngunit ang Kanyang mga sagot ay palaging para sa ating higit na ikabubuti. Isulat sa pisara ang katotohanang ito, at sabihin sa mga estudyante na maaari nila itong isulat sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 6.)

  • Paano maaaring iba ang isagot ng Ama sa Langit sa ating mga panalangin sa mas gusto o inaasahan natin sa Kanya? (Halimbawa, maaari Niya tayong bigyan ng lakas na matiis ang pagsubok sa halip na alisin ito, o maaari Niya tayong bigyan ng karunungan para matulungan tayo na malutas ang isang problema sa halip na lutasin ito para sa atin.)

Ipaliwanag na sa tala na nasa Mga Gawa 3:1–8, makikita na mas malaki ang natanggap ng lalaking ito kaysa sa hiningi niya. Gayunman, sa ibang mga sitwasyon, maaaring hindi natin malinaw na makita na mas malaki ang natanggap natin kaysa hiningi natin.

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa katotohanan na nakasulat sa pisara kapag tumanggap tayo ng sagot sa ating mga panalangin na iba sa sagot na inasahan natin?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang karanasan nila kung saan ang isinagot ng Panginoon sa kanilang mga panalangin ay iba sa sagot na gusto nila pero ang naging resulta nito ay para sa higit nilang ikabubuti. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 3:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging reaksyon ng mga tao sa pagpapagaling sa lalaking ito.

  • Ano ang reaksyon ng mga tao sa pagpapagaling sa lalaking ito?

Mga Gawa 3:12–26

Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nangaral ng pagsisisi

Sabihin sa klase na isipin na kunwari ay kabilang sila sa mga tao sa templo na nakasaksi sa pagpapagaling sa lalaking pilay. Ipaliwanag na ang mga taong ito ay madalas makita ang lalaking pilay na namamalimos kapag pumapasok sila sa mga pintuan ng templo, ngunit matapos siyang mapagaling, nakita nila siyang lumulukso at naglalakad.

  • Kung kasama kayo ng mga taong nasa templo, paano mababago ang pananaw ninyo tungkol kina Pedro at Juan matapos ninyong masaksihan ang himalang ito?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin nang malakas ang Mga Gawa 3:12–16, na inaalam kung paano ipinaliwanag ni Pedro sa mga tao ang pagpapagaling sa lalaking pilay. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Sinabi ba ni Pedro na siya ang nagpagaling sa lalaki?

  • Ayon kay Pedro, sa anong kapangyarihan napagaling ang lalaki? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga lingkod ni Jesucristo ay maaaring makagawa ng mga himala sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanyang pangalan.)

Ipaliwanag na ginamit ni Pedro ang pagkakataong ito upang turuan ang mga tao tungkol kay Jesucristo, na kamakailan lamang ay hinatulang mamatay ng Kanyang sariling tao ngunit nadaig ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Mga Gawa 3:17–21, pati na ang mga binago sa Joseph Smith Translation sa talata 17 at 20 sa LDS English version ng Biblia. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paanyaya ni Pedro sa mga tao.

  • Ano ang paanyaya ni Pedro sa mga tao?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mensahe ni Pedro, ipaliwanag na nagsasalita si Pedro sa mga taong humiling o pumayag sa Pagpapako kay Jesucristo sa krus (tingnan sa Mga Gawa 3:14–15). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Hindi sinabi [ni Pedro] sa kanila, ‘Magsisi kayo at magpabinyag, para sa kapatawaran ng mga kasalanan;’ ngunit ang sinabi niya ay, ‘Mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon.’ [Mga Gawa 3:19.]

“… Hindi sila maaaring binyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan sapagkat pinadanak nila ang dugo ng isang taong walang kasalanan” (sa History of the Church, 6:253).

Ituro ang mga katagang “magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; at kaniyang suguin [si Jesucristo]” (mga talata 19–20).

  • Ano sa palagay ninyo ang tinutukoy ng mga katagang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang itinalagang panahong ito, ang panahon ng kaginhawahan, ay mangyayari sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, sa araw na isugong muli ng Panginoon si Cristo sa lupa.

“… Ito ang panahong ‘ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.’ (Ikasampung Saligan ng Pananampalataya.) Panahon ito ng ‘bagong lupa’ na nakita ni Isaias (Isa. 65:17), ang mundong mananatili kapag tumigil ang kasamaan, kapag dumating ang panahon ng milenyo” (sa Conference Report, Okt. 1967, 43).

Ang Ikalawang Pagparito

Sa pisara, idispley ang larawang Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org). Isulat sa pisara ang Ang panahon ng kaginhawahan malapit sa larawan.

  • Sa paanong paraan pagiginhawahin ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Ito ay malilinis sa kasamaan.)

Ituro ang mga katagang “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” (talata 21).

  • Sa inyong palagay, ano ang tinutukoy ng “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay”? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ito ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Si Jesucristo ay mananatili sa langit sa panahon ng apostasiya, ngunit Siya ay muling babalik sa mundo upang ibalik o ipanumbalik ang lahat ng bagay na nauukol sa ebanghelyo. Maaari mo ring ipaliwanag na ginamit ni Pedro ang mga katagang “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” upang ilarawan ang mga mangyayaring pagdalaw ni Jesucristo sa mundo bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.)

  • Kailan dumalaw si Jesucristo sa mundo bilang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang pagpapakita ng Tagapagligtas sa Unang Pangitain ni Joseph Smith [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17] at sa templo sa Kirtland [tingnan sa D at T 110:2–5].)

Ang Unang Pangitain

Sa pisara, idispley ang larawang Ang Unang Pangitain (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90; tingnan din sa LDS.org). Isulat sa pisara ang Ang mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay malapit sa larawan.

  • Ayon sa talata 21, sino pa maliban kay Pedro ang nagsalita tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga propeta sa lahat ng panahon ay nagpropesiya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.)

Ibuod ang Mga Gawa 3:22–26 na ipinapaliwanag na nagpatotoo si Pedro na si Moises “at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod” (talata 24) ay nagsipagsalita tungkol kay Jesucristo at nagbabala tungkol sa mga ibubunga ng hindi pagtanggap sa Kanya (talata 23).

Maaari mong tapusin ang lesson na nagpapatotoo na si Jesucristo ay dumating sa mundo bilang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw at na Siya ay babalik sa Kanyang Ikalawang Pagparito upang linisin ang mundo sa kasamaan.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mga Gawa 3:19–21

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano gamitin ang Mga Gawa 3:19–21 sa pagbabahagi ng ebanghelyo bilang missionary, ilahad ang sumusunod na sitwasyon: Isang investigator ang nagtanong, “Saan makikita sa Biblia na ipanunumbalik ang ebanghelyo sa mga huling araw?”

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na maghanda ng isasagot sa tanong na ito gamit ang Mga Gawa 3:19–21 at isa pang ibang talata sa Biblia. Maaari mo silang hikayatin na tingnan ang “Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante na gumanap bilang investigator at ang isang magkapartner na estudyante bilang mga missionary sa harap ng klase. Sabihin sa magkapartner na estudyante na gumaganap na mga missionary na ibahagi ang kanilang inihandang sagot para sa estudyanteng gumaganap na investigator.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 3:6. “Ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo”

Habang naglilingkod bilang dean ng religious instruction sa Brigham Young University, ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Walang pera si Pedro pero may kayamanan siya: ‘nasa kanya’ pati ang lahat ng susi ng kaharian ng Diyos, kapangyarihan ng priesthood para bumuhay ng patay, pananampalataya para palakasin ang mga buto at litid, at matibay na pagkakapatiran sa Simbahan. Hindi niya kayang magbigay ng pilak o ginto ngunit maibibigay niya ang yaong palaging mabibili ‘ng walang salapi at walang bayad’ (Isa. 55:1)—at ibinigay niya ito” (“The Lengthening Shadow of Peter,” Ensign, Set. 1975, 30).

Mga Gawa 3:7. “At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinindig”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang tala tungkol sa pagpapagaling ni Pedro sa lalaking pilay ay nagpapakita ng katotohanang kumikilos ang mga mayhawak ng priesthood sa ngalan ni Jesucristo kapag nagbibigay sila ng mga basbas:

“Hindi hiniling ni Pedro sa Panginoon na pagalingin ang pilay; hindi siya nanalangin sa Diyos na ibuhos ang kanyang biyaya at pagpapagaling sa lalaking pilay. Sa halip—kumikilos sa pangalan ng Panginoon at sa pamamagitan ng natanggap na priesthood—siya mismo ang nag-utos na mangyari ang himala. Si Pedro ay lingkod ng Panginoon, ang kanyang kinatawan; siya ang namumuno sa ngalan ni Cristo, ginagawa ang gagawin ng Panginoon kung Siya mismo ay naririto” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:46).

Ang katotohanang ito ay makikita rin sa Doktrina at mga Tipan 36:2, kung saan ipinahayag ng Panginoon, “Aking ipapatong ang aking kamay sa iyo [Edward Partridge] sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon.”

Si Pangulong Harold B. Lee ay nagturo ng isa pang mahalagang katotohanan, gamit ang halimbawa ng ginawa ni Pedro matapos pagalingin ni Pedro ang lalaking pilay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood:

“Nakikita ba ninyo ang marangal na kaluluwang iyon, ang pinakapinuno na iyon ng mga apostol, na marahil ay nakaakbay sa lalaking ito, at nagsasabing, ‘Ngayon, kaibigan, lakasan mo ang loob mo, sasabayan kita sa iyong paglakad. Sabay tayong maglakad, at tinitiyak ko sa iyo na makakalakad ka, dahil natanggap mo ang basbas sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad na ibinigay ng Diyos sa amin, na kanyang mga lingkod.’ Pagkatapos ay lumukso sa tuwa ang lalaki.

“Hindi ninyo maiaangat ang ibang kaluluwa kung hindi kayo nakatayo sa mas mataas na lugar kaysa sa kanya. Kailangan ninyong tiyakin, kung sasagipin ninyo ang isang tao, na ipinapakita ninyo mismo ang halimbawang gusto ninyong gawin niya. Hindi ninyo mapag-aalab ang damdamin ng ibang tao kung hindi nag-aalab ang sarili ninyong damdamin” (“Stand Ye in Holy Places,” Ensign, Hulyo 1973, 123).