Library
Lesson 80: Juan 21


Lesson 80

Juan 21

Pambungad

Nagpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa Kanyang mga disipulo habang nangingisda sila. Sa dalampasigan, kumain si Jesus kasama ang Kanyang mga disipulo at sinabi kay Pedro na ipakita ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapakain sa Kanyang mga tupa. Ipinropesiya ni Jesus ang pagkamatay ni Pedro at ang pagbabagong-kalagayan ni Juan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 21:1–17

Nagpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa ilan sa mga disipulo Niya sa Dagat ng Tiberias (Dagat ng Galilea)

Magdrowing ng isang malaking puso sa pisara.

puso

Sabihin sa mga estudyante na lumapit sa pisara at magsulat sa loob ng puso ng dalawa o tatlo sa mga paborito nilang bagay. Ipaliwanag na maaaring mga tao, pag-aari, o aktibidad ang kabilang sa mga ito.

Pagkatapos ng mga estudyante, maaari mo ring isulat ang ilan sa iyong mga paboritong bagay.

Ibuod ang Juan 21:1–2 na ipinapaliwanag na pagkatapos makita nang dalawang beses ang nabuhay na muling Panginoon, sina Pedro at ang ilan sa mga disipulo ay nasa dalampasigan ng Dagat ng Galilea (na tinatawag ding Dagat ng Tiberias). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinasiyang gawin ni Pedro.

  • Sa inyong palagay, anong gawain ang maaaring idagdag ni Pedro sa ating listahan ng mga paboritong bagay sa pisara? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat ang pangingisda sa loob ng puso sa pisara.)

  • Gaano katagal nang nangingisda si Pedro at ang ibang mga disipulo? Gaano karami ang nahuli nila?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang nadama ni Pedro at ng ibang mga disipulo matapos ang isang mahabang gabi ng pangingisda nang walang huling isda.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari noong sumunod na umaga.

  • Sino ang nasa dalampasigan?

  • Nakilala ba ng mga disipulo si Jesus noong una?

  • Ano ang iniutos ni Jesus sa kanila?

  • Ano ang nangyari matapos nilang sundin ang sinabi ni Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Tatlong taon lamang bago iyon ang kalalakihan ding ito ay nangisda sa dagat ding iyon. Noon din sila ‘buong magdamag [na] nagsipagpagal, at walang [silang] nahuli’ [Lucas 5:5], sabi sa banal na kasulatan. Ngunit sinabihan sila ng isang kapwa taga-Galilea sa pampang na ihulog ang kanilang lambat, at nakahuli sila ng ‘lubhang maraming isda’ [Lucas 5:6], kaya napunit ang kanilang mga lambat, at bumigat nang husto ang dalawang bangka sa dami ng isda kaya nagsimula silang lumubog.

“Nangyayari na naman iyon” (“Ang Unang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 83–84).

  • Paano kaya nakatulong ang pangalawang himalang ito sa paghuli ng isda upang makilala ng mga disipulo kung sino ang nasa dalampasigan?

  • Ano kaya ang maaaring maisip o madama ninyo kung kasama kayo ng mga disipulo sa bangka?

Ibuod ang Juan 21:7–14 na ipinapaliwanag na habang nahihirapan ang mga disipulo na iangat ang lambat na puno ng isda sa bangka, sinabi ni Juan na ang lalaking nasa dalampasigan ay ang Panginoon. Sabik na tumalon si Pedro sa dagat at lumangoy papunta kay Jesus habang ang iba ay nagsiparoon sakay ng bangka. Nang dumating ang mga disipulo sa dalampasigan, naghahanda si Jesus ng pagkain para sa kanila.

Sabihin na ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ang talang ito sa pagtuturo na matapos kumain sina Pedro at ang ibang mga disipulo kasama ng Tagapagligtas, pinagmamasdan marahil ni Jesus ang “kanilang sira at maliliit na bangka, punit na mga lambat, at salansan ng 153 isda” (Ang Unang Dakilang Utos,” 84) at pagkatapos ay kinausap si Pedro.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paulit-ulit na itinanong ni Jesus kay Pedro. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang itinanong ni Jesus kay Pedro nang tatlong beses?

  • Nang itanong ni Jesus na, “Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” (talata 15), ano sa palagay ninyo ang tinutukoy ng salitang mga ito? (Tinutukoy marahil ni Jesus ang tumpok ng mga isda at iba pang mga bagay na nauugnay sa buhay ng isang mangingisda. Isulat sa pisara sa tabi ng puso ang sumusunod na tanong: Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?)

  • Paano sumagot si Pedro?

  • Ano kaya ang madarama ninyo kung nasa posisyon kayo ni Pedro at tatlong beses kayong tinanong ni Jesus kung mahal ninyo Siya?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit itinanong ito nang tatlong beses ni Jesus, sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sinagot ni Jesus, (at dito ay inaamin ko muli akong gumamit ng mga salitang wala sa banal na kasulatan) marahil parang ganito ang sinabi Niya: ‘Pedro, bakit ka narito? Bakit narito tayong muli sa pampang na ito, sa tabi ng mga lambat ding ito, at ito pa rin ang pinag-uusapan natin? Hindi pa ba malinaw noon at ngayon na kung gusto ko ng isda, makakakuha ako? Ang kailangan ko, Pedro, ay mga disipulo—at kailangan ko sila magpakailanman. Kailangan ko ng magpapakain at magliligtas sa aking mga tupa. Kailangan ko ng mangangaral ng aking ebanghelyo at magtatanggol sa aking simbahan. Kailangan ko ng isang taong mahal ako, totoong mahal ako, at minamahal ang ipinagagawa sa akin ng ating Ama sa Langit. … Kaya, Pedro, sa ikalawa at malamang ay huling pagkakataon, hinihiling kong iwan mo ang lahat ng ito at humayo ka at magturo at magpatotoo, gumawa at maglingkod nang tapat hanggang sa araw na gawin nila sa iyo ang mismong ginawa nila sa akin’” (“Ang Unang Dakilang Utos,” 84).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pedro? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung mahal natin ang Tagapagligtas at ang Ama sa Langit nang higit kaysa anupaman, mapapakain natin ang Kanilang mga tupa.)

  • Sino ang mga tupa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano natin sila pakakainin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Ito ang panawagan ni Cristo sa bawat Kristiyano ngayon: ‘Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa’—ibahagi ang aking ebanghelyo sa mga bata at matatanda, na nagpapasigla, nagpapala, nagpapanatag, naghihikayat, at nagpapalakas sa kanila, lalo na sa mga yaong iba ang iniisip at pinaniniwalaan kaysa atin” (“Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 91).

Upang matulungan ang klase na maunawaan kung paanong nauugnay sa atin ang alituntunin na katutukoy lang nila, sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa ng sumusunod na mga sitwasyon. (Maaari mong iakma ang mga sitwasyong ito ayon sa mga pangangailangan at interes ng mga estudyante mo.) Pagkatapos na mabasa ang bawat sitwasyon, ibigay ang mga sumusunod na tanong.

  1. Inanyayahan ng isang grupo ng mga batang lalaki ang isang bata na sumama sa kanila sa pananghalian, at umaasa siya na maging kaibigan nila. Habang nag-uusap sila, isa sa mga bata ang nagsimulang pagtawanan nang hayagan ang isa pang batang lalaki.

  2. Isang dalagita ang mahilig maglaro ng soccer. Nag-uukol siya ng maraming oras bawat linggo sa paglalaro ng soccer at kaunting oras lamang ang nailalaan niya para sa ibang bagay tulad ng family home evening at personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  3. Abalang-abala ang isang binatilyo sa pag-aaral at sa mga extracurricular activity. Buong linggo niyang inaabangan na makasama ang mga kaibigan sa Biyernes ng gabi sa kanyang libreng oras. Bago niya natawagan nang gabing iyon ang isa sa mga kaibigan niya, tumawag ang home teaching companion niya upang alamin kung maaari siyang sumama sa kanya upang tulungan ang isa sa mga pamilya na binibisita nila na nangangailangan ng agarang tulong.

  • Ano ang mga pagpipilian ng taong ito?

  • Ano ang magagawa ng taong ito upang maipakita ang kanyang pagmamahal sa Panginoon? Paano maipapakita sa aksiyon o kilos na iyon ang pagmamahal sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

“Minamahal kong mga kapatid, hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari sa atin sa Araw ng Paghuhukom, ngunit ikagugulat ko nang lubos kung sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay hindi niya itatanong sa atin ang mismong itinanong ni Cristo kay Pedro na: ‘Inibig mo baga ako?’” (“Ang Unang Dakilang Utos,” 84).

Ibahagi ang iyong patotoo sa kahalagahan ng pagpili na mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang higit pa sa anumang bagay at pagpapakita ng pagmamahal na iyon sa pagpapakain sa Kanilang mga tupa.

Tukuyin ang mga bagay na nakalista sa puso sa pisara at sa tanong na nakasulat sa tabi ng mga bagay na ito: “Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” Salungguhitan ang salitang mga ito, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga notebook o scripture study journal:

  • Kung itatanong sa inyo ni Jesus ito, ano sa palagay ninyo ang tinutukoy Niyang “mga ito” sa buhay ninyo?

  • Paano ninyo sasagutin ang Kanyang tanong?

  • Paano ninyo maipapakita ang pagmamahal ninyo sa Panginoon?

Juan 21:18–25

Ipinropesiya ni Jesus ang magiging kamatayan ni Pedro at ang pagbabagong-kalagayan ni Juan

Ibuod ang Juan 21:18–21 na ipinapaliwanag na ipinropesiya ni Jesus na sa pagtanda ni Pedro ay “iuunat [niya ang kanyang] mga kamay” (talata 18) at dadalhin sa hindi niya nais puntahan. Pinaniniwalaang namatay si Pedro sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Gayunman, sinabing hiniling ni Pedro na ipako siya sa krus nang pabaligtad dahil itinuring niya ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat mamatay nang tulad ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:151–52).

Pagkatapos marinig ang propesiyang ito, itinanong ni Pedro kung ano ang mangyayari kay Apostol Juan, na kilala rin bilang si Juan ang Pinakamamahal. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sinagot ng Tagapagligtas si Pedro.

  • Ano ang nalaman ni Pedro tungkol kay Juan?

Ipaliwanag na ang salitang manatili sa talata 22 ay nangangahulugang manatiling buhay sa mundo. Sa gayon, mananatili si Juan sa mundo bilang isang taong nagbagong-kalagayan hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay “mga tao na nagbago upang hindi nila maranasan ang sakit o kamatayan hanggang sa kanilang pagkabuhay na mag-uli sa kawalang-kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-Kalagayan, Mga,” scriptures.lds.org).

  • Ayon sa talata 22, ano ang nais ni Jesus na pagtuunan ni Pedro sa halip na mag-alala sa mangyayari kay Juan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais ipabatid ni Juan sa lahat habang tinatapos niya ang kanyang tala.

  • Ano ang nais ipabatid ni Juan sa lahat habang tinatapos niya ang kanyang tala?

Isulat ang sumusunod na mga tanong sa pisara:

Sa lahat ng mga nakasulat sa mga tala nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, anong kuwento, pangyayari, o turo mula sa ministeryo ng Tagapagligtas ang pinaka-nakaantig sa inyo? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito. Maaari mong patugtugin ang recording ng isang himno, tulad ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67), at hayaan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga banal na kasulatan at mga notebook o scripture study journal upang maalala ang ilan sa mga katotohanang nalaman nila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na pumunta sa harapan ng klase upang ibahagi ang kanilang sagot sa mga tanong.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa katotohanan ng mga tala tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesucristo at sa Pagbabayad-sala na isinulat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 21:1–19. Ang unang dakilang utos

Para sa karagdagang komentaryo tungkol sa pag-uusap nina Jesus at Pedro na nakatala sa Juan 21, basahin ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang Unang Dakilang Utos” (Ensign o Liahona, Nob. 2012, 83–85).

Juan 21:22–23. “Manatili hanggang sa ako’y pumarito”

“Sa simula ng Kanyang ministeryo sa mundo, sinabi ni Jesus na, ‘May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian’ (Mateo 16:28). Ipinropesiya ng nabuhay na muling si Cristo na si Juan ang siyang tutupad sa propesiyang iyan at ‘ma[na]natili’ sa mundo hanggang sa Kanyang pagparitong muli (tingnan sa Juan 21:22–23). Ang mas kumpletong tala ng pag-uusap na ito ng Tagapagligtas, ni Pedro, at ni Juan ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 7, na ‘isang naisaling ulat ng talaang isinulat ni Juan sa balat ng tupa at itinago niya na rin’ (D at T 7, pambungad ng bahagi). Nilinaw ng pagpapahayag na ito na hiniling si Juan sa Tagapagligtas ang ‘kapangyarihan sa kamatayan, upang ako ay mabuhay at makapagdala ng mga kaluluwa sa inyo,’ at bilang tugon, ibinigay ng Tagapagligtas kay Juan ang kapangyarihang mabuhay hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 7:1–3). Samakatwid, si Juan ay naging isang nilalang na ‘nagbagong-kalagayan.’ Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay “nagbago upang hindi nila maranasan ang sakit o kamatayan hanggang sa kanilang pagkabuhay na mag-uli sa kawalang-kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-Kalagayan, Mga,”; scriptures.lds.org). Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga taong nagbagong-kalagayan, tingnan ang 3 Nephi 28:4–40, na nagpapatunay na naranasan din ng tatlong disipulong Nephita ang pagbabagong nangyari kay Juan (tingnan sa 3 Nephi 28:6)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 271).

Itinuro ni Propetang Joseph Smith noong Hunyo 1831 na nagmiministeryo si Juan sa nawawalang sampung lipi noong panahong iyon (tingnan sa History of the Church, 1:176). Maliban sa pahayag na ito, wala na tayong alam na detalye tungkol sa ministeryo ni Juan bilang nilalang na nagbagong-kalagayan. Hindi mabuting magbigay ng haka-haka tungkol sa kinaroroonan o mga nagawa ni Juan.