Library
Home-Study Lesson: Lucas 18–Juan 1 (Unit 12)


Home-Study Lesson

Lucas 18Juan 1 (Unit 12)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng Daily Home-Study Lessons

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Lucas 18Juan 1 (unit 12) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Lucas 18–21)

Napag-aralan ng mga estudyante sa lesson na ito ang mga talinghaga ng likong hukom at ng Fariseo at publikano. Nabasa rin nila ang tungkol sa isang lalaking bulag na humingi ng tulong sa Panginoon at ang tungkol kay Zaqueo. Natutuhan ng mga estudyante mula sa mga tala na ito na kapag tapat at masigasig tayo sa pananampalataya sa Panginoon, matatamo natin ang Kanyang awa.

Day 2 (Lucas 22)

Sa pagbabasa ng mga estudyante tungkol sa payo ng Panginoon kay Pedro, natutuhan nila na kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, mapapalakas natin ang iba. Natutuhan din ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan sa pagbabasa nila ng tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani: Kapag handa tayong sumunod sa Ama sa Langit, bibigyan Niya tayo ng lakas na magawa ang ipinagagawa Niya. Nagpawis si Jesucristo ng malalaking patak ng dugo habang nagdurusa Siya sa Halamanan ng Getsemani.

Day 3 (Lucas 23–24)

Nabasa ng mga estudyante sa lesson na ito ang Pagpapako sa Krus, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Natutuhan nila ang mga sumusunod na katotohanan: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagpiling magpatawad sa mga taong nagmamalupit sa atin. Tutungo sa daigdig ng mga espiritu ang espiritu ng lahat tao sa oras ng kanilang kamatayan. Si Jesucristo ay may nabuhay na muling katawan na may laman at buto.

Day 4 (Juan 1)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga salita ni Juan na Pinakamamahal at ni Juan Bautista, natutuhan nila na kasama ng Diyos si Jesucristo sa simula pa lamang, na nilikha Niya ang lahat ng bagay, at Siya ang Ilaw ng Sanglibutan. Sa pagbabasa ng mga estudyante tungkol sa kung paano nakilala ng ilang mga disipulo si Jesucristo, natutuhan nila na kapag tinanggap natin ang paanyayang mag-aral at sumunod kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng sariling patotoo tungkol sa Kanya.

Pambungad

Makatutulong ang lesson na ito upang maunawaan ng mga estudyante kung paano aanyayahan ang Espiritu Santo upang magturo sa kanila tungkol kay Jesucristo. Gayundin, malalaman nila na si Jesucristo ay isang nabuhay na muling nilalang na may laman at buto.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 24:13–32

Kinausap ng nabuhay na muling Panginoon ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung nahirapan na ba silang malaman kung totoo ang isang alituntunin sa ebanghelyo.

Ipaliwanag na malalaman natin sa Lucas 24:13 na lumisan mula Jerusalem ang dalawang disipulo sa mismong araw na natagpuan ng isang grupo ng kababaihan na walang laman ang libingan ni Jesus. Naglakbay sila nang mga 6–7.5 milya (10–12 kilometro) patungo “sa isang nayong ngala’y Emaus.” Makatutulong sa atin ang pag-aaral ng kanilang karanasan sa daan patungong Emaus na malaman kung paano palalakasin ang ating mga patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nakisabay sa dalawang disipulo habang naglalakad sila.

  • Sino ang nakisabay sa mga disipulo habang naglalakbay sila patungong Emaus?

  • Bakit hindi nakilala ng mga disipulo si Jesus? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang nakatatakip sa Lucas 24:16 ay natatakpan.)

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 24:17–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang natutuhan ng mga disipulo mula kay Jesus habang naglalakad sila na kasama Niya nang hindi Siya nakikilala.

video iconKung mayroon sa inyong wika, sa halip na basahin ang Lucas 24:17–33, maaari mong ipalabas ang video na “Christ Appears on the Road to Emmaus” (3:32) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, na matatagpuan sa LDS.org. Sabihin sa klase na panoorin ang natutuhan ng mga disipulo mula kay Jesus habang naglalakad silang kasama Niya nang hindi Siya nakikilala. Bago ipalabas ang video, ipaliwanag na ang pag-uusap sa video ay mula sa Lucas 24:17–33 kaya maaaring tahimik na sabayan ng mga estudyante ang pagbabasa nito sa kanilang mga banal na kasulatan kung nais nila.

Ituro na sa video na ito, hindi natin maririnig kung ano ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo habang naglalakad sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo.

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo?

  • Anong bagay ang ginamit Niya upang magturo tungkol sa Kanyang Sarili? (Ang mga banal na kasulatan.)

  • Sa talata 32, ano ang ibig sabihin ng nag-alab ang mga puso ng mga disipulo? (Nagpatotoo ang Espiritu Santo na totoo ang mga turo ni Jesus sa mga banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang maaaring nalaman ng mga disipulo sa paggamit ni Jesus ng mga banal na kasulatan sa pagtuturo sa kanila sa halip na ihayag na lamang kung sino Siya. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin.

  • Anong alituntunin ang itinuro ng mga talatang ito tungkol sa mga epekto ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na magturo sa atin tungkol kay Jesucristo.)

  • Maliban sa pag-alab ng ating mga puso, paano pa ninyo mailalarawan ang mararanasan natin kapag nagpapatotoo ang Espiritu Santo kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na nakatulong sa kanila na maramdaman na tinuturuan sila ng Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga talata at ang mga epekto ng nadama nila. Maaari mo ring ibahagi ang isang talata sa banal na kasulatan na nakatulong sa iyo.

Ipaalala sa mga estudyante na kahit mahalagang mabasa ang Bagong Tipan para sa seminary credit, mas mahalaga pa rin na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa paraang maaanyayahan ang Espiritu Santo na mapalakas ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas.

handout iconKung posible, magbigay ng mga kopya ng bookmark na naglalaman ng sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, o sabihin sa mga estudyante na isulat ang pahayag sa isang blangkong papel o card na magagamit nila bilang bookmark. (Isang printable PDF sheet na may maraming bookmark ang makukuha sa online version ng lesson na ito.)

handout, mga banal na kasulatan

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Home-Study Lesson (Unit 12)

Elder D. Todd Christofferson

“Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. …

“… Ang pananampalataya ay nakakamtan sa pagsaksi ng Banal na Espiritu sa ating mga kaluluwa, nang Espiritu sa espiritu, habang naririnig o binabasa natin ang salita ng Diyos. At lumalalim ang pananampalataya kapag patuloy tayong nagpapakabusog sa salita. …

“… Maingat at masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Pagnilayan at ipanalangin ang mga ito. Ang mga banal na kasulatan ay paghahayag, at magdudulot ang mga ito ng dagdag na paghahayag” (D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 34–35).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Christofferson. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga paraan na mapagbubuti nila ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na pag-aralan ang kanilang mga banal na kasulatan sa mga paraan na nag-aanyaya sa Espiritu Santo upang madagdagan ang kanilang pananampalataya at kaalaman kay Jesucristo. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang mithiing ito sa likod ng bookmark upang magamit nila ito bilang paalala sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan.

Lucas 24:36–39

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga disipulo at ipinakita sa kanila ang Kanyang nabuhay na muling katawan

Ipaliwanag na bumalik agad sa Jerusalem ang mga disipulo na nakasama ni Jesus sa daan patungong Emaus at sinabi sa mga Apostol at sa iba pang mga disipulo ang naranasan nila (tingnan sa Lucas 24:33–35).

Ipabasa nang malakas sa buong klase ang scripture mastery passage sa Lucas 24:36–39, na inaalam ang nangyari habang ikinukuwento ng mga disipulo ang kanilang karanasan sa iba pang mga disipulo.

  • Ano ang nangyari habang ikinukuwento ng mga disipulo ang kanilang karanasan?

Ipakita ang larawang Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 60; tingnan din sa LDS.org).

  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga disipulo upang matulungan silang maunawaan na hindi lamang Siya isang espiritu ngunit mayroon ding pisikal na katawan?

  • Anong doktrina ang malalaman natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring makatukoy ng iba’t ibang doktrina ang mga estudyante, ngunit tiyaking mabigyang-diin na si Jesucristo ay nabuhay na muling nilalang na may katawang may laman at buto. Isulat ang doktrinang ito sa pisara; tingnan din sa D at T 130:22.)

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ipaliwanag kung bakit mahalaga ang doktrinang ito sa kanila, o sabihin sa kanila na ibahagi ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal para sa assignment 3 sa Unit 12: Day 3 lesson. Tapusin ang lesson na ibinabahagi ang iyong patotoo sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Susunod na Unit (Juan 2–6)

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Juan 2–6, malalaman nila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Ano ang unang himala ni Jesus sa mga tao? Paano ito nakatulong sa Kanyang ina? Bakit Niya nilinis ang templo? Kanino unang inihayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas? Ano ang inihayag Niya sa babaeng ito tungkol sa buhay nito na Siya lamang ang nakaaalam? Bakit tinukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili bilang ang tubig na buhay at ang Tinapay ng Kabuhayan? Mababasa rin ng mga estudyante ang tungkol sa dakila at makapangyarihang pagmiministeryo ni Jesus.