Library
Lesson 75: Juan 15


Lesson 75

Juan 15

Pambungad

Sa huling gabi ng Kanyang ministeryo sa mundo, matapos ang Huling Hapunan, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na Siya ang Tunay na Puno ng Ubas at ang Kanyang mga disipulo ang mga sanga. Inutos Niya sa Kanyang mga disipulo na mangagibigan sa isa’t isa at binalaan sila sa mga daranasin nilang pag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 15:1–11

Ipinaliwanag ni Jesus na Siya ang Tunay na Puno ng Ubas

Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang mga salitang matagumpay, hindi masaya, maligaya, patay, kapaki-pakinabang, hindi pinakikinabangan, mabunga, pinakikinabangan, masagana, at hindi matagumpay.

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakalipas na ang 60 taon at ngayon ay nagbabalik-tanaw sila sa kanilang naging buhay.

  • Alin sa mga salitang ito ang nais ninyong maglarawan sa buhay ninyo? Bakit?

puno ng ubas

Magdrowing sa pisara ng isang larawan ng puno ng ubas. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na gayahin ang drowing sa kanilang mga notebook o scripture study journal. Ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang metapora ng isang puno ng ubas upang matulungan ang Kanyang mga disipulo na maunawan kung paano magkaroon ng mabunga, kapaki-pakinabang, at masaganang buhay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 15:1–5. Sabihin sa kanila na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ibig sabihin ng mga bahagi ng metaporang ito.

  • Ano ang sinasagisag ng puno ng ubas? (Lagyan ang puno ng ubas sa pisara ng label na Jesucristo.)

  • Ano ang sinasagisag ng mga sanga? (Lagyan ang mga sanga ng label na Mga Disipulo ni Jesucristo.)

  • Kung si Jesucristo ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, ano naman ang sinasagisag ng bunga? (Kumatawan ang bunga sa mabubuting gawa at pagkilos na dapat gawin ng mga disipulo ni Jesucristo. Lagyan ang bunga ng label na Mabubuting Gawa.)

Banggitin ang paggamit ng salitang magsasaka sa talata 1.

  • Ano ang isang magsasaka? (Isang taong nangangalaga sa ubasan.)

  • Ayon sa mga talata 1–2, paano naging katulad ng isang magsasaka ang Ama sa Langit? (Ipaliwanag na itinanim ng Diyos Ama ang tunay na puno ng ubas [si Jesucristo] na pagkukuhanan ng iba ng pagkain.)

Ipakita sa klase ang isang maliit na sanga na pinutol mo mula sa isang puno at ipaliwanag kung gaano ka kasabik sa araw na makakakuha ka ng mga bunga mula rito at kainin ang mga iyon. Itanong sa klase kung kailan kaya sa palagay nila matitikman mo ang bunga mula sa sangang ito.

  • Bakit hindi magbubunga ng anuman ang sangang ito? (Dahil nakahiwalay ito sa puno, hindi ito makatatanggap ng sustansya upang magbunga.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 15:4–5. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan upang lumaki ang isang bunga sa sanga.

  • Ano ang sinabi ni Jesus na kailangan upang lumaki ang isang bunga sa sanga? (Dapat “manatili” ang sanga sa puno ng ubas.)

  • Paano naging katulad ng sangang ito ang isang taong nawalay o pinutol mula sa Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang mga salitang manatili o nananatili kapag nakita nila ito sa mga talata 4–5. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang manatili na ginamit sa mga talatang ito ay manatiling matatag at palaging nakaugnay kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan (tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Kayo’y Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32).

  • Ayon sa talata 5, ano ang resulta ng pananatili, o pagiging matatag na nakaugnay sa Tagapagligtas? (Magdudulot ng maraming bunga ang mga disipulo ni Jesucristo.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung susundin natin ang mga kautusan, mananatili tayo sa pagmamahal ng Tagapagligtas at …

Upang matulungan ang klase na maunawaan ang isang paraan na tinutulungan tayo ni Jesucristo na sumunod sa mga kautusan at manatili sa pagmamahal Niya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon na ang bawat tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan na nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng makakaya nila.” (Bible Dictionary, “Grace”).

  • Ano ang ilan sa mga paraan na pinalalakas tayo ni Jesucristo upang masunod ang mga kautusan?

Ibuod ang Juan 15:6–8 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na ang mga taong hindi nananatili sa Kanya ay katulad ng mga sangang pinutol. Nalalanta at namamatay ito, ngunit ang mga taong nananatili kay Jesucristo ay gumagawa ng mga mabubuting gawa na lumuluwalhati sa Diyos.

  • Ano ang magagawa natin upang manatili, o matatag na nakaugnay sa Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 15:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinurong gawin ni Jesus sa Kanyang mga disipulo at ang mga pagpapalang matatanggap nila.

  • Ano ang itinurong gawin ni Jesus sa Kanyang mga disipulo?

  • Paano tayo napapanatili sa pagmamahal ng Tagapagligtas kapag sinunod natin ang mga kautusan? (Ipaliwanag na bagama’t perpekto at walang hanggan ang pagmamahal sa atin ng Ama at Anak, ang pagsunod natin sa Kanilang mga kautusan ang nagtutulot sa atin na matanggap ang buong pagpapalang nais Nilang ipagkaloob sa atin [tingnan sa 1 Nephi 17:35; D at T 95:12; 130:20–21].)

  • Ayon sa talata 11, bakit itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na manatili sa Kanya at gumawa ng mabubuting gawa?

Sabihin sa mga estudyante kung paano nila tatapusin ang di-kumpletong pahayag sa pisara bilang isang alituntunin ayon sa nabasa nila sa talata 11. (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara na nagpapakita ng sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, mananatili tayo sa pagmamahal ng Tagapagligtas at makatatanggap ng ganap na kagalakan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit ang pananatili sa Tagapagligtas ay nagtutulot sa atin na matanggap ang ganap na kagalakan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang taong kilala nila na nakadama ng kagalakan dahil nananatili siya sa Tagapagligtas. Sabihin sa ilang estudyante na magkuwento tungkol sa taong naisip nila at ipaliwanag kung bakit mabuting halimbawa ang taong ito sa pagsunod sa alituntuning ito. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nakapagbigay sa kanila ng kagalakan ang pananatili sa Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan na magpapanatili sa kanila na matibay na nakaugnay sa Tagapagligtas at makatanggap ng mas malaking kagalakan.

Juan 15:12–17

Iniutos ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na mangagibigan sila sa isa’t isa

Isulat sa pisara ang sumusunod ng pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo,” Liahona, Abr. 2013, 38.)

“Tunay na ang pinakamainam na ebidensya ng ating pagsamba kay Jesus ay ang pagtulad natin sa Kanya” (Pangulong Russell M. Nelson).

Salungguhitan ang salitang pagsamba at pagtulad sa pahayag na nasa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang ibig sabihin ng mga salitang may salungguhit. (Ang pagsamba ay malaking pagmamahal at paggalang, at ang pagtulad ay nangangahulugang paggaya.)

  • Sa palagay ninyo, bakit ang pagtulad kay Jesus ang pinakamainam na paraan upang maipakita na minamahal at iginagalang natin Siya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 15:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kung paano natin Siya matutularan.

  • Ano ang iniutos ni Jesus na gawin natin? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Iniutos ng Tagapagligtas na ibigin o mahalin natin ang isa’t isa gaya ng pag-ibig o pagmamahal Niya sa atin. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 12.)

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng mahalin ang iba tulad ng pagmamahal sa inyo ni Jesucristo?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 15:13–17, na inaalam kung paano tayo minahal ng Tagapagligtas. Pagkatapos ng sapat na oras, pagpartner-partnerin sila at sabihin na talakayin nila sa kanilang mga kapartner ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa talata 13, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig o pagmamahal?

  • Paano Niya ipinakita ang ganitong klase ng pag-ibig o pagmamahal?

Upang matulungan ang estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ng pag-aalay sa ating buhay, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Claudio R. M. Costa ng Pitumpu:

Elder Claudio R. M. Costa

“Ibinigay [ni Jesucristo] sa atin ang pinakadakilang halimbawa ng pagmamahal nang sabihin Niyang ‘Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ [Juan 15:13]. Kalaunan ay nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan at sa huli ay inalay ang Kanyang buhay para sa ating lahat.

“Maiaalay natin ang ating buhay para sa ating mga minamahal hindi sa pamamagitan ng pagkamatay para sa kanila, kundi sa pamumuhay para sa kanila—pag-uukol ng panahon sa kanila; pagiging bahagi lagi ng kanilang buhay; paglilingkod sa kanila; paggalang, pagiging magiliw, at pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa ating pamilya at sa lahat ng tao—gaya ng itinuro ng Tagapagligtas” (“Huwag Nang Ipagbukas pa ang Maaari Mong Gawin Ngayon,” Ensign o Liahona Nob. 2007, 74).

  • Ayon kay Elder Costa, ano ang ilang paraan na maiaalay natin ang ating buhay para sa iba?

  • Kailan may nag-alay ng kanyang buhay nang ganitong paraan para sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kautusan ng Panginoon na mahalin ang iba tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Bigyan sila ng ilang minuto upang magsulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal tungkol sa isang tao na sa palagay nila ay nais ng Tagapagligtas na pakitaan nila ng pagmamahal at isang plano kung paano nila gagawin ito.

Juan 15:18–27

Nagbabala si Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa mga pang-uusig na mararanasan nila dahil sa pagpapatotoo tungkol sa Kanya

Ipaliwanag na pagkatapos ituro ng Tagapagligtas sa mga disipulo Niya ang tungkol sa pananatili sa Kanya at pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa, itinuro Niya ang mangyayari sa kanila dahil sa patotoong mayroon sila sa Kanya at ang tungkuling ibahagi ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 15:18–20, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Jesus tungkol sa magiging pakikitungo ng sanglibutan sa Kanyang mga disipulo. (Ipaliwanag na sa mga talatang ito, tinutukoy ng “sanglibutan” ang mga taong makasalanan at kumakalaban sa Diyos.)

  • Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa magiging pakikitungo ng sanglibutan sa Kanyang mga disipulo?

Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na dahil “kinapopootan ng sanglibutan” ang mga disipulo ng Tagapagligtas, maaaring makaharap ng mga estudyante ang mga anti-Mormon at mga media at website na napopoot at kumakalaban sa Simbahan. Mararanasan ng ilang estudyante ang hindi pagtanggap sa kanila, pagpapahiya, at pananakot sa pamamagitan ng pagpapakita ng galit, kasama na ang cyberbullying.

Kung angkop, maaari mong ituro sa mga estudyante kung paano at saan sila makahahanap ng mga sagot sa mga paratang na puno ng pagkapoot laban sa Simbahan. Dagdag sa paghingi ng tulong sa mga mapagkakatiwalaang adult, makahahanap ang mga estudyante ng mga online resources sa , lds.org/topics, at seektruth.lds.org.

Ibuod ang Juan 15:21–25 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Jesucristo na ang mga yaong napopoot sa Kanya ay napopoot din sa Ama at pananagutin sila sa mga pagpili nila.

Ipaliwanag na sa kabila ng pagkapoot at pang-uusig ng iba sa mga tagasunod ng Tagapagligtas, naglaan si Jesucristo ng mga paraan upang matanggap ng mundo ang patotoo sa Kanya. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 15:26–27, na inaalam ang mga saksi na magpapatotoo kay Jesucristo sa mundo.

  • Sino ang sinabi ng Tagapagligtas na magpapatotoo sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan? (Ang Espiritu Santo at ang mga disipulo ng Tagapagligtas.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga alituntunin at mga katotohanan sa lesson na ito. Hikayatin silang pag-isipang muli ang naramdaman nilang gawin at sundin ang mga pahiwatig na matatanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 15:4–5. Kapag nanatili tayo sa Tagapagligtas, makagagawa tayo ng mabubuting gawa

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Hollang Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pananatili sa Tagapagligtas:

“Ang ‘abide in me’ [John 15:4] ay isang konseptong nauunawaan at sapat ang ganda sa eleganteng Ingles ng King James Bible, subalit ang ‘abide’ ay hindi na natin gaanong ginagamit. Kaya lalo akong humanga sa payong ito mula sa Panginoon nang malaman ko ang pagsasalin ng talatang ito sa ibang wika. Sa Espanyol ang pamilyar na pariralang iyon ay ‘permaneced en mi.’ Gaya ng pandiwang Ingles na ‘abide,’ ang ibig sabihin ng permanecer ay ‘manatili, mamalagi,’ ngunit maging ang [mga taong wikang Ingles ang gamit] gaya ko ay maririnig doon ang salitang ugat na ‘permanence’ sa salitang Ingles. Nangangahulugan ito ngayon ng ‘manatili—ngunit manatili magpakailanman.’ Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo … sa lahat ng tao sa mundo. Lumapit, ngunit lumapit upang manatili. Lumapit nang may paniniwala at pagtitiis. Mamalagi kayo, para sa inyong kapakanan at sa lahat ng henerasyong kasunod ninyo. …

“… [Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong ‘manatili’ sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan” (“Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32).

Itinuro ni Elder James M. Paramore ng Pitumpu ang tungkol sa kung paano ibinibigay ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan sa mga sumusunod sa mga kautusan:

“Kapag mapagpakumbaba nating hinahanap ang ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, at sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, ibibigay Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal at karamihan sa Kanyang mga kapangyarihan. Libu-libo na ang nagpatotoo na totoo ang Kanyang sinabi na ‘Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig’ (Juan 15:10). Pagkatapos tayo, tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, ay sisimulang iugnay ang ating sarili gaya ng mga sanga sa ‘tunay na puno ng ubas’, at makatatanggap ng gayon ding lakas at kapangyarihan at makakaasa ng gayon ding bunga. (Tingnan sa Juan 15:1–6.)” (“Love One Another,” Ensign, Mayo 1981, 54).

Juan 15:8–14. “Ay siyang nagbubunga ng marami”

Itinuro ni Pangulong John Taylor na kailangan nating maging mapagpakumbaba, mapanampalataya, masigasig, at masunurin kung nais nating maging mabubungang sanga tayo:

“Bilang isang Banal, ang sabi mo’y, ‘Palagay ko ay nauunawaan ko ang tungkulin ko, at nagagampanan ko itong mabuti.’ Maaaring tama iyan. Nakikita ninyo ang munting usbong o sanga; ito ay luntian, ito ay malago at perpektong halimbawa ng buhay, ginagampanan nito ang kanyang bahagi sa puno, at ito ay nauugnay sa tangkay, mga sanga, at ugat; ngunit kaya bang mabuhay ng puno kung wala ito? Oo, mabubuhay ito. Hindi na nito kailangang magmalaki at magyabang, at sabihing ‘napakaluntian ko at napakalago ko, at ang ganda ng pag-usbong ko, lumalaki ako at nasa tamang lugar ako at maayos ako.’ Ngunit kaya mo bang lumaki at lumago kung walang ugat? Hindi; nagagawa mo ito dahil bahagi ka ng puno. Gayundin sa mga taong ito. Kapag ginagawa nila ang kanilang bahagi; kapag ginagampanan nilang mabuti ang kanilang tungkulin, ipinamumuhay ang kanilang relihiyon at sumusunod sa Espiritu ng Panginoon, napapasakanila ang bahagi ng kanyang Espiritu para sa kanilang kapakinabangan. At hangga’t sila ay mapagpakumbaba, matapat, masigasig, at sumusunod sa mga batas at mga kautusan ng Diyos, sila ay nasa tama nilang kinalalagyan sa puno: sila ay yumayabong; ang mga usbong, bulaklak, dahon, at lahat ng nakapalibot sa kanila ay maaayos, at sila ay mahalagang bahagi ng puno” (Deseret News, Dis. 16, 1857, 323).

Juan 15:13. “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito”

Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang damdamin tungkol sa Juan 15:13:

Kaibigan ko si Jesus. Wala nang ibang nagbigay sa akin nang gayong karami. ‘Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ (Juan 15:13). Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa akin. Dahil sa Kanya ay matatamo natin ang buhay na walang hanggan. Diyos lamang ang makagagawa nito. Sana ay maging karapat-dapat ako na maging isang kaibigan Niya” (“My Testimony,” Ensign, Mayo 2000, 71).