Lesson 77
Juan 17
Pambungad
Bago nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani, inalay Niya ang dakilang Panalangin ng Pamamagitan. Ipinagdasal Niya na makilala ng Kanyang mga disipulo at lahat ng sumusunod sa Kanya ang Ama sa Langit at matanggap nila ang buhay na walang haggan, at ipinagdasal din Niya na maging isa sila sa Kanya at sa Kanyang Ama.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 17:1–8
Nagdasal si Jesucristo sa Ama sa Langit
Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga pangalan ng mga sikat na tao. Dapat may alam ang mga estudyante tungkol sa kanila. Pagkatapos, sabihin sa kanila na magbanggit ng mga taong kilalang-kilala nila.
-
Ano ang pagkakaiba ng may alam kayo tungkol sa isang tao at talagang kilalang-kilala ninyo siya?
-
Ano ang kailangang gawin para talagang makilala ninyo ang isang tao?
-
Sinong mga tao ang nadarama ninyong mahalagang mas makilala pa? Bakit?
Ipaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na mahalagang makilala ang Ama sa Langit at Siya. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Juan 17 na makatutulong sa kanilang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Juan 17, ipaliwanag na sa pagitan ng Huling Hapunan ni Jesus at ng kanyang mga disipulo at nang pagpasok nila sa Halamanan ng Getsemani, nanalangin si Jesus at tinawag itong Panalangin ng Pamamagitan. Ang ibig sabihin ng salitang pumagitna ay makipag-usap sa isang tao para sa kapakanan ng iba. Sa pagkakataong ito, nakipag-usap si Jesucristo sa Ama sa Langit para sa kapakanan ng Kanyang mga disipulo, na nagsusumamo na makatanggap sila ng buhay na walang hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 17:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang buhay na walang hanggan.
-
Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang buhay na walang hanggan?
-
Ayon sa talata 3, paano ninyo ihahayag ang isang alituntuning nagtuturo ng dapat nating gawin upang makatanggap ng buhay na walang hanggan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na naipahayag na upang makatanggap ng buhay na walang hanggan, dapat makilala natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.)
Upang matulungan ang klase na maunawaan ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Magkaiba ang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos at ang talagang makilala siya. May kaalaman tayo tungkol sa kanya kapag nalaman natin na siya ay isang tunay na nilalang at na nilalang ang tao ayon sa kanyang larawan; kapag nalaman natin na kawangis ng Ama ang Anak; kapag nalaman nating nagtataglay ng partikular na mga katangian at kapangyarihan ang Ama at ang Anak. Ngunit kilala natin sila, sa pagkaunawa tungkol sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, kapag nadama at naranasan natin ang mga bagay na ginagawa nila. Ang makilala ang Diyos ay ang maisip ang mga naiisip niya, ang maramdaman ang mga nararamdaman niya, ang magkaroon ng kapangyarihang taglay niya, maunawaan ang mga katotohanang nauunawaan niya, at magawa ang mga ginagawa niya. Ang mga taong nakakakilala sa Diyos ay nagiging katulad niya, at magtatamo ng uri ng buhay na taglay niya, na siyang buhay na walang hanggan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:762).
-
Ano ang ipinagkaiba ng talagang kilala ninyo ang Ama at ang Anak mula sa pagkakaroon lang ng kaalaman tungkol sa Kanila?
-
Bakit hindi matatamo ng isang tao ang buhay na walang hanggan kung hindi niya kilala ang Diyos Ama at si Jesucristo?
-
Ano ang ilang paraan na makikilala natin ang Ama at ang Anak?
Ibuod ang Juan 17:4–5 na ipinapaliwanag na sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama na natapos na Niya ang gawaing ibinigay ng Kanyang Ama. Hiniling Niya sa Kanyang Ama na luwalhatiin Siya ng kaluwalhatiang tinamo Niya sa buhay bago ang buhay sa mundong ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 17:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Kanyang mga disipulo upang makilala ang Tagapagligtas.
-
Ano ang ginawa ng mga disipulo upang makilala ang Tagapagligtas? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga katagang “kanilang tinanggap,” “nangakilala nilang tunay,” at “nagsipaniwala” sa talata 8.)
Juan 17:9–19
Ipinagdasal ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 17:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung para kanino ang ipinagdasal ng Tagapagligtas.
-
Para kanino ang panalangin ng Tagapagligtas nang malapit na Niyang gawin ang Pagbabayad-sala?
-
Sa palagay ninyo, bakit makatutulong sa mga Apostol ang marinig na nagdasal ang Tagapagligtas para sa kapakanan nila?
Isulat sa pisara ang Juan 17:11–18. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga magkakapartner na pag-aralan ang mga talatang ito, na inaalam ang hiniling ni Jesus para sa Kanyang mga disipulo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga nalaman nila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilan na ibahagi sa klase ang nalaman nila.
Ipaliwanag na binanggit ng Tagapagligtas na patuloy na maninirahan ang mga disipulo Niya sa isang mundong masama at napopoot sa kanila.
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga talata 14–16 tungkol sa paninirahan sa mundo bilang mga disipulo ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa Simbahan, madalas nating binabanggit ang mga katagang: ‘Mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo.’ …
“Marahil, dapat nating banggitin ang mga kataga … bilang dalawang magkahiwalay na utos. Una, ‘Mamuhay sa mundo.’ “Makibahagi; matuto. Sikaping maging maunawain at mapagparaya at pahalagahan ang pagkakaiba-iba. Gumawa ng mga makabuluhang ambag sa lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikilahok. Pangalawa, ‘Hindi mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo.’ Huwag sumunod sa mga maling landas o magbago para lang makibagay o tanggapin ang hindi tama. …
“Kailangang mas nakakaimpluwensya ang mga miyembro ng Simbahan sa halip na maimpluwensyahan. Dapat tayong magsikap na pigilin ang paglaganap ng kasalanan at kasamaan sa halip na magpatangay na lamang dito. Kailangan ng bawat isa na tumulong sa paglutas sa problema sa halip na iwasan o pabayaan ito” (“The Effects of Television,” Ensign, Mayo 1989, 80).
-
Bakit nais ng Panginoon na manatili tayo sa mundo bagama’t hindi tayo mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo?
Sabihin sa mga magkakapartner na umisip ng isang halimbawa kung paano mamumuhay ang isang tao sa mundo ngunit hindi mamumuhay nang tulad ng mga nasa mundo sa bawat sumusunod na mga sitwasyon:
-
Sa paaralan
-
Kasama ang mga kaibigan
-
Online
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag sa klase ang mga halimbawang naisip nila. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila, o ng isang taong kilala nila, na nagpapakita ng pamumuhay sa mundo ngunit hindi namumuhay tulad ng mga nasa mundo.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas masusunod nila ang Tagapagligtas sa pamumuhay sa mundo ngunit hindi namumuhay tulad ng mga nasa mundo.
Juan 17:20–26
Nanalangin ang Tagapagligtas para sa lahat ng taong tumanggap ng Kanyang ebanghelyo
Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at gawin ang isang gawain na makapagpaparumi sa kanilang mga kamay (tulad ng paglilinis sa mga eraser ng pisara o paghuhukay upang mahanap ang isang bagay sa isang basurahan). Hikayatin ang estudyante na subukang panatiliing malinis ang kanyang mga kamay habang ginagawa ito.
Pagkatapos itong magawa ng estudyante, sabihin sa estudyante na ipakita sa klase ang kanyang mga kamay.
-
Paano katulad ng aktibidad na ito ang ating pagsisikap na mamuhay sa mundo ngunit hindi mamuhay nang tulad ng mga nasa mundo? (Sa kabila ng ating pagsisikap, hindi tayo mananatiling lubos na malinis mula sa mga kasalanan at kasamaan na mayroon sa mundo.)
-
Kung hindi tayo magiging malinis mula sa ating mga kasalanan, ano ang mangyayari sa atin? Bakit? (Mahihiwalay tayo mula sa Diyos magpakailanman dahil walang maruming bagay ang makapananahanan sa Kanyang kinaroroonan [tingnan sa 1 Nephi 15:33–34].)
Pasalamatan ang estudyante, at paupuin na siya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 17:20–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagdasal ni Jesucristo.
-
Ano ang ipinagdasal ni Jesucristo? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang salitang isa kapag nakita ito sa mga talata 20–23.)
-
Ano ang magtutulot sa atin na maging isa sa Ama at sa Anak? (Ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na matatanggap natin sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan, at ang kaloob ng Espiritu Santo.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo at natanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala, magiging iisa tayo sa Ama at sa Anak.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang literal na ibig sabihin ng salitang Ingles na Atonement ay makikita na sa mismong kataga: at-one-ment, ang pagsasama-sama ng mga bagay na nahiwalay o nalayo” (“The Atonement of Jesus Christ,” Ensign, Mar. 2008, 34–35).
-
Mula sa inyong nalalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, bakit nais ninyong maging isa sa Kanila?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang pagpapalang darating sa mga naghahangad na maging isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“Hindi lang natin dapat masigasig na hangarin na malaman ang Panginoon, ngunit magsikap tayo, tulad ng paanyaya Niya, na maging isa sa Kanya (tingnan sa Juan 17:21). …
“… Puno ng paghihirap at suliranin ang mga araw na darating. Ngunit dahil sa katiyakang dulot ng personal na ugnayan sa Diyos, mabibigyan tayo ng nakapapanatag na katapangan” (“That We Might Know Thee,” Ensign, Ene. 1999, 2, 5).
Patotohanan ang kahalagahan na makilala si Jesucristo at ang Ama sa Langit at ang pagnanais na maging isa sa Kanila.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga magagawa nila upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at mapatibay ang ugnayan nila sa Kanila.
Sabihin sa mga estudyante na itala ang mga saloobin nila sa kanilang mga scripture study journal o notebook. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na handang magbahagi ng kanilang mga saloobin at damdamin sa klase.
Scripture Mastery—Juan 17:3
Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Juan 17:3, sabihin sa kanilang dalhin ang scripture mastery card na naglalaman ng talatang ito sa susunod na linggo. Hikayatin silang rebyuhin ang talata at magsanay na bigkasin ito kung may pagkakataon. Maaari mong imungkahi na subukan nilang bigkasin ito nang walang kopya sa isang kapamilya at ipaliwanag ang ibig sabihin nito. Sa simula ng klase sa mga darating na linggo, sabihin sa mga estudyante na ipaalam kung gaano na nila naisaulo ang talatang ito ito.