Lesson 70
Juan 10
Pambungad
Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol at ibibigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. Nagpatotoo rin Siya na binigyan Siya ng Ama sa Langit ng kapangyarihang daigin ang kamatayan. Inakusahan ng ilang tao si Jesus ng kalapastanganan dahil sa paghahayag na Siya ang Anak ng Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 10:1–24
Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol at ibibigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tao
Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase. Ipiring ang mata ng estudyante, at pagkatapos ay kumuha ng ilang set ng mga banal na kasulatan, kasama na ang mga banal na kasulatan ng estudyanteng nakapiring ang mata. Sabihin sa estudyanteng nakapiring ang mata na kapain at hawakan ang mga banal na kasulatan at subukang alamin kung alin ang sa kanya. Pagkatapos subukan ito ng estudyante, itanong:
-
Bakit (o bakit hindi) mo nalaman kung aling mga banal na kasulatan ang sa iyo?
-
Kung sasabihin ko sa iyo na damhin mo ang bawat mukha ng mga kaklase mo, ilan sa palagay mo ang makikilala mo? (Huwag itong ipagawa sa estudyante.)
Sabihin sa estudyante na tanggalin ang piring sa kanyang mata at bumalik sa kanyang upuan. Ipaliwanag na may isang pastol sa Gitnang Silang ang tinanong kung gaano niya kakilala ang kanyang mga tupa. Sumagot siyang, “Kung pipiringan mo ang aking mga mata, at dadalhin sa akin ang kahit anong tupa, at ipapahawak sa aking mga kamay kahit ang mukha lang nito, masasabi ko sa iyo agad kung sa akin ito o hindi” (G. M. Mackie, Bible Manners and Customs [n.d.], 35).
-
Kung isa kang pastol, ano sa palagay mo ang kailangan mong gawin upang makilala mo rin tulad ng pastol na ito ang iyong mga tupa?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 10:14, na inaalam kung ano ang itinawag ni Jesus sa Kanyang Sarili. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Si Jesucristo ang Mabuting Pastol
-
Sa palagay ninyo, bakit angkop na titulo sa Tagapagligtas ang “mabuting pastol”?
Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanang nagtuturo kung paano naging ating Mabuting Pastol ang Tagapagligtas habang pinag-aaralan nila ang Juan 10.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kultura sa Juan 10:1–5, ipaliwanag na noong panahon ng Tagapagligtas, ginagabayan ng mga pastol ang kanilang mga kawan patungo sa kainan, tubigan, at tirahan sa umaga. Sa gabi, iniipon ng ilang pastol ang kanilang mga kawan sa isang kulungan. Ang kulungan ay isang kuweba o bakod na pinalilibutan ng mga pader na bato ng may matutulis na tinik sa ibabaw nito para mapigilan sa pagpasok ang mababangis na hayop.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa nang malakas sa bawat magpartner ang Juan 10:1–5, na inaalam ang ginagawa ng isang mabuting pastol. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng Si Jesucristo ang Mabuting Pastol (Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod: Pumapasok Siya sa pintuan, tinatawag Niya ang Kanyang mga tupa sa pangalan, at ginagabayan Niya ang Kanyang mga tupa.)
-
Ayon sa talata 3, paano ginagabayan ng pastol ang kanyang mga tupa palabas ng kulungan?
-
Ayon sa mga talata 4–5, bakit ang mga tupa ay sumusunod lamang sa kanilang pastol?
-
Ano ang itinawag ng Tagapagligtas sa mga sumusubok na pumasok sa kulungan ngunit hindi sa pintuan nito?
Ipaliwanag na kasama ang mga Fariseo sa grupo ng mga taong kinakausap ni Jesus (tingnan sa Juan 9:41).
-
Paano naging katulad ng mga magnanakaw, mga tulisan, at mga estranghero sa isang kulungan ang mga Fariseo?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 10:6, na inaalam ang reaksyon ng mga Fariseo sa itinuro ng Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Juan 10:7–16, ipinagpatuloy ng Tagapagligtas ang pagtuturo sa pagkakaiba Niya mula sa mga Fariseo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata 7–10 at pagkatapos ay basahin ang Joseph Smith Translation ng talatang ito: “Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito na hindi nagpatotoo sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa’t hindi sila dininig ng mga tupa.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga turo ni Jesus sa mga talatang ito.
-
Anong karagdagang kaalaman tungkol sa mga magnanakaw ang ibinigay ng Joseph Smith Translation ng talata 8?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Ako ang pintuan” (mga talata 7, 9)?
Ipaliwanag na “tumatayo sa pasukan ng kulungan ng mga tupa ang mga pastol sa Israel at sinusuri ang bawat tupa na pumapasok, ginagamot ang mga sugat kung kinakailangan. Pagkatapos na matipon ang mga tupa sa kulungan sa gabi, hihiga sa pasukan ang pastol upang matulog, nakaharang upang hindi mapasok ng iba pang mga hayop o mga magnanakaw ang mga tupa” (New Testament Student Manual [Manwal ng Church Educational System, 2014], 231–32).
-
Paano natutulad ang mga ginagawa ng mga pastol na ito sa ginagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
-
Sa palagay ninyo, paano ibinibigay ng Tagapagligtas ang “kasaganaan” ng buhay (Juan 10:10) sa mga sumusunod sa Kanya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 10:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iba pang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng mabubuting pastol. Ipaliwanag na ang nagpapaupa ay isang tao na ang pangunahing layunin sa pagtatrabaho ay mabayaran lamang para dito.
Sabihin sa ilang estudyante na pumunta sa pisara at isulat ang iba pang nalaman nila tungkol sa Mabuting Pastol sa ilalim ng Si Jesucristo ang Mabuting Pastol. (Maaaring kasama sa mga sagot ang mga sumusunod: Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa, kilala Niya ang Kanyang mga tupa, at kilala Siya ng Kanyang mga tupa.)
-
Ano ang handang gawin ng isang pastol na hindi gagawin ng isang nagpapaupa?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang mga gagamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Bilang Mabuting Pastol, kilala ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Isulat ang mga katotohanang ito sa pisara sa ilalim ng Si Jesucristo ang Mabuting Pastol.)
Ipaalala sa mga estudyante ang pastol sa Gitnang Silangan na kilalang-kilala ang bawat tupa niya.
-
Gaano kaya kayo kakilala ng Tagapagligtas?
-
Paano kaya maaapektuhan ang inyong paraan ng pamumuhay sa bawat araw dahil nalaman ninyo na kilala kayo ng Tagapagligtas at handa Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa inyo?
Ipaliwanag na pagkatapos Niyang magturo na iaalay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, itinuro ng Tagapagligtas na may iba pa Siyang gagawin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 10:16. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa Kanyang mga tupa (ibig sabihin ang Kanyang mga tao).
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa Kanyang mga tupa?
-
Ano ang ipinahihiwatig ng talatang ito tungkol sa lugar kung nasaan ang Kanyang mga tupa?
Ipaliwanag na itinuturo ng Tagapagligtas sa mga Judio sa Jerusalem na bibisita Siya sa mga anak ng Diyos sa ibang mga lupain, ituturo Niya sa kanila ang ebanghelyo, at isasama sila sa Kanyang kawan (ang Kanyang Simbahan). Ipaliwanag na nilinaw ng Aklat ni Mormon ang talatang ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 15:15–17, 21; 16:1–3. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang reference na ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 10:16.
-
Paano makatutulong sa atin ang mga talatang ito upang mas maunawaan ang Juan 10:16? (Ang tinutukoy na “ibang mga tupa” ay ang mga Nephita at ang nawawalang lipi, hindi ang mga Gentil.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 10:17–18, na inaalam ang isang doktrina tungkol sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. (Maaaring iba’ iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Bilang literal na Anak ng Diyos, may kapangyarihan si Jesucristo na ialay ang Kanyang buhay at kunin itong muli. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salitang nagtuturo ng doktrinang ito sa mga talatang ito.)
-
Bakit taglay ng Tagapagligtas ang katangiang mamatay at ibangon ang sarili matapos mamatay? (Mula sa Kanyang ina, si Maria, isang mortal na babae, namana ni Jesus ang mortalidad, kasama na ang katangiang mamatay. Mula kay Elohim, ang Kanyang Ama, namana Niya ang kawalang-kamatayan o imortalidad, ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Sa gayon, namana Niya ang katangiang mamatay at mabuhay muli, na kailangan ni Jesus upang magawa ang Pagbabayad-sala. [Tingnan ang lesson sa Mateo 1–2.])
Ibuod ang Juan 10:19–24 na ipinapaliwanag na matapos ituro ng Tagapagligtas ang mga bagay na ito, nagkaiba-iba sa mga opinyon ang mga tao kung sino si Jesus. Lumapit sila kay Jesus sa templo at pinilit Siyang ihayag ang Kanyang tunay na pagkatao bilang ang Cristo.
Juan 10:25–42
Ipinahayag ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos
Sabihin sa isa pang estudyante na pumunta sa harapan ng klase. Piringan ang estudyante, at pagkatapos ay sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagsabi ng isang partikular na salita (halimbawa, “pastol”). Sabihin sa nakapiring na estudyante na makinig sa bawat tao na nagsasabi ng salita at tingnan kung makikilala niya kung sino ang nagsasalita sa pakikinig sa tinig nila.
-
Bakit mas madaling makilala ang ilang boses kaysa sa iba?
Sabihin sa estudyante na tanggalin ang piring at bumalik sa kanyang upuan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 10:25–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tugon ng Tagapagligtas sa hiling ng mga tao na sabihin kung Siya nga ang Cristo.
-
Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tupa? (Naririnig ng mga tupa ng Tagapagligtas ang Kanyang boses at sumusunod sa Kanya.)
-
Ayon sa talata 28, ano ang matatanggap ng mga taong nakikinig sa boses ng Tagapagligtas at sumusunod sa Kanya?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Ang mga estudyante ay maaaring makatukoy ng iba’t ibang mga alituntunin, ngunit tiyaking nabigyang-diin na kung makikilala natin ang boses ng Mabuting Pastol at susunod sa Kanya, gagabayan Niya tayo patungo sa buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito sa ilalim ng Si Jesucristo ang Mabuting Pastol. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 10:27–28.)
Ipaalala sa klase ang pangalawang estudyanteng piniringan at ang kanyang kakayahang makilala ang boses ng kanyang mga kaklase.
-
Ano ang magagawa natin upang makilala ang tinig ng Tagapagligtas? (Tingnan din sa D at T 18:34–36.)
-
Ano ang mga nagawa ninyo upang mas makilala ang tinig ng Tagapagligtas?
-
Sa anong mga paraan natin maipapakita ang pagsunod natin sa Tagapagligtas?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila mas maririnig ang tinig ng Tagapagligtas at masusunod Siya. Sa kanilang mga scripture study journal, sabihin sa kanila na magsulat ng (1) isang mithiing mas makinig sa tinig ng Tagapagligtas at mga paraan kung paano nila magagawa ito o (2) isang mithiing mas sundin ang Kanyang tinig at kung paano nila magagawa ito.
Ibuod ang Juan 10:31–42 na ipinapaliwanag na matapos magpatotoo ang Tagapagligtas na iisa Siya at ang Kanyang Ama, hinangad ng mga pinunong Judio na batuhin Siya dahil sa panlalapastangan. Gayunman, sinagot Niya ang kanilang paratang sa pagbanggit sa Mga Awit 82:6, na mababasa nang ganito, “Aking sinabi, Kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.” Pagkatapos ay tinanong ng Tagapagligtas ang mga Judio kung bakit nila pinaratangan Siya ng panlalapastangan nang sabihin Niyang Siya ang Anak ng Diyos, gayong sinasabi ng mga banal na kasulatan na tayo ay mga anak ng Diyos at maaaring maging mga diyos din.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanan at mga alituntuning itinuro sa Juan 10 at sa paghihikayat sa kanila na ipamuhay ang mga ito.