Lesson 62
Juan 3
Pambungad
Isang gabi, nagtungo ang Fariseong nagngangalang Nicodemo kay Jesus at nakipag-usap sa Kanya. Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na lahat ng tao ay kinakailangang ipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Pagkatapos nito, ipinaliwanag ni Juan Bautista sa kanyang mga disipulo na ang kanyang tungkulin ay ihanda ang daan para kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 3:1–21
Tinuruan ni Jesus si Nicodemo ng mga espirituwal na katotohanan
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na isang araw habang nag-uusap sila ng ilang kaibigan tungkol sa relihiyon, sinabi ng isa, “Basta’t mabuti akong tao, makakapunta ako sa langit.” Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang sasabihin nila sa kaibigang ito.
Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa Juan 3 kung ano ang kailangan nating gawin upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Ipaliwanag na sa simula ng Kanyang ministeryo, ang Panginoon ay pumunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua. Maraming tao sa Jerusalem ang naniwala kay Jesus pagkatapos nilang makita ang mga himalang ginawa Niya (tingnan sa Juan 2:23–25).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari habang nasa Jerusalem ang Tagapagligtas.
-
Sino ang bumisita kay Jesus?
Ipaliwanag na bilang “isang pinuno ng mga Judio” (Juan 3:1), si Nicodemo ay miyembro ng Sanedrin. Ang Sanedrin ay isang namumunong konseho na binubuo ng mga Fariseo at mga Saduceo na namamahala sa gawaing sibil at panrelihiyon ng mga Judio.
-
Sa palagay ninyo, bakit kaya gabi bumisita si Nicodemo kay Jesus?
-
Ayon sa talata 2, ano ang itinawag ni Nicodemo kay Jesus?
Ipaliwanag na ang pagtawag ni Nicodemo kay Jesus na “isang guro na nagbuhat sa Dios” (talata 2) ay nagpapahiwatig na gustong matuto ni Nicodemo mula kay Jesus. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo.
-
Ayon sa talata 3, ano ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo?
-
Ano ang inisip ni Nicodemo na kahulugan ng mga katagang “ipanganak na muli” (talata 3)?
Ipaliwanag na ang ipanganak na muli ay “ang matanggap ang Espiritu ng Panginoon ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa puso ng isang tao kung kaya’t nawawalan siya ng pagnanais na gumawa ng masama, sa halip ay nagnanais na hanapin ang mga bagay ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isilang na Muli, Isinilang sa Diyos,” scriptures.lds.org; tingnan din sa Mosias 5:2; Alma 5:14–15; Moises 6:59).
-
Ayon sa talata 5, anong dalawang bagay ang itinuro ni Jesus kay Nicodemo na kailangan upang makapasok sa kaharian ng Diyos? Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “ipanganak ng tubig at ng Espiritu”?
-
Paano ninyo ibubuod ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga kailangan upang espirituwal na ipanganak muli at makapasok sa kahariang selestiyal? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin gamit ang mga isinagot ng mga estudyante: Ang mabinyagan at makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay kailangan upang espirituwal na ipanganak muli at makatanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal.)
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyong kasama nila ang kaibigan nila. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante ng bawat magkakapartner na kunwari siya ang kaibigan na nag-aakala na ang kailangan lamang para makapasok sa kaharian ng Diyos ay ang pagiging isang mabuting tao. Sabihin naman sa isa pang estudyante sa bawat magkakapartner na magpraktis na mabigyang-linaw ang maling pagkaunawa gamit ang Juan 3:5.
Ibuod ang Juan 3:6–12 na nagpaliwanag na tinanong ni Nicodemo si Jesus kung paano mangyayaring ipanganak na muli ang tao. Tumugon si Jesus sa pagtatanong kung paano naging isang pinuno ng relihiyon at guro sa Israel si Nicodemo at hindi nito nalalaman na kailangan ang espirituwal na pagsilang na muli at kung paano mangyayari ang espirituwal na pagsilang muli.
Nabasa natin sa Juan 3:13–21 na ipinaliwanag ng Tagapagligtas kay Nicodemo kung paano mangyayari na ipanganak na muli ang tao. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 3:13–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano sinagot ni Jesus ang tanong ni Nicodemo.
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Sarili sa Juan 3:13? (Nagpatotoo Siya tungkol sa Kanyang Sarili bilang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit.)
Ipakita ang larawang Si Moises at ang Ahas na Tanso (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg.16; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nakatala sa mga banal na kasulatan na ipinapakita sa larawan. Kung kinakailangan, ipaliwanag na noong panahon ni Moises, ang Panginoon ay nagpadala ng mga makamandag na ahas bunga ng pagkakasala ng mga Israelita sa Diyos. Ang mga Israelita ay nalason nang tuklawin sila ng mga ahas. Iniutos ng Panginoon kay Moises na itaas at ipatong ang ahas na tanso sa isang tikin at ipinangako na gagaling ang sinumang Israelita na titingin sa ahas na nasa tikin. (Tingnan sa Mga Bilang 21:4–9.)
-
Ayon sa Juan 3:14, ano ang sinabi ni Jesus na sinasagisag ng ahas na tanso?
Ipakita ang larawang Ang Pagpapako sa Krus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 57; tingnan din sa LDS.org).
-
Ayon sa talata 15, anong pagpapala ang darating sa mga sumasampalataya sa Tagapagligtas?
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang doktrinang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit.
-
Bakit isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak?
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante upang matukoy ang sumusunod na doktrina: Mahal na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak kaya ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magdusa para sa ating mga kasalanan. Idagdag ang doktrinang ito sa mga nakalista na sa pisara.)
-
Paano ipinakita ng Ama sa Langit ang pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin sa pagpapadala sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa mundo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pag-isipan kung ano ang mararamdaman nila sa nalaman nila na sila ay minamahal ng Ama sa Langit.
“Wala nang mas hihigit na katibayan sa walang-katapusang kapangyarihan at kaganapan ng pag-ibig ng Diyos na ipinahayag ni Apostol Juan [sa Juan 3:16]. … Isipin na lamang kung gaano ang pighati ng ating Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang Anak upang tiisin ang di-maarok na pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Iyan ang pinakamalaking katibayan ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!” (“Pag-ibig at Batas,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 26).
-
Ano ang pakiramdam na alam ninyo na mahal na mahal kayo ng Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magdusa at mamatay para sa inyo?
-
Ayon sa Juan 3:16–17, paano tayo maililigtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala? (Matapos sumagot ang mga estudyante, idagdag ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung naniniwala tayo kay Jesucristo, na kinapapalooban ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagsunod sa Kanyang salita, maaari tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.)
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga katotohanang itinuro ni Jesus kay Nicodemo na nakalista sa pisara.
-
Paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa isa’t isa?
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita natin ang ating paniniwala kay Jesucristo?
Magpatotoo na kapag ipinapakita natin ang ating pananalig kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa Kanya, tayo ay maliligtas at makatatanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga: Ipapakita ko ang aking pananalig kay Jesucristo sa pamamagitan ng … Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang parirala o mga katagang ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal sa pagsusulat ng mga gagawin nila upang maipakita ang kanilang pananalig kay Jesucristo.
Juan 3:22–36
Itinuro ni Juan Bautista na si Jesus ang Cristo
Magpakita ng isang malinaw na lalagyan na puno ng tubig. Patakan ng food coloring ang tubig nang isa o dalawang beses.
-
Paano maaaring maihambing ang food coloring sa inyong impluwensya sa iba?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang matututuhan natin tungkol sa impluwensya natin sa buhay ng iba.
“Bawat taong nabubuhay sa mundong ito ay nag-iimpluwensiya, sa mabuti man o sa masama. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 259).
“Malaki ang epekto ng ating mga salita at gawa sa mundo. Sa bawat sandali ng buhay ay bahagya ninyong binabago ang buhay ng buong mundo” (Mga Turo: David O. McKay 259).
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang alituntunin sa Juan 3:22–36 na nagtuturo sa atin kung paano natin maiimpluwensyahan nang mabuti ang iba.
Ibuod ang Juan 3:22–36 na ipinapaliwanag na nag-aalala ang ilang mga disipulo ni Juan Bautista dahil maraming taong sumusunod kay Jesucristo sa halip na kay Juan Bautista.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 3:27–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang pagkakaunawa ni Juan Bautista tungkol sa kanyang tungkulin na may kaugnayan kay Jesucristo.
-
Ano ang nais na ipaunawa ni Juan Bautista sa kanyang mga disipulo tungkol sa tungkulin niya? (Siya ay isinugo bago si Jesucristo upang maihanda ang iba para sa Kanya.)
-
Anong analohiya ang ginamit ni Juan Bautista (talata 29)?
Ipaliwanag na ang kasintahang lalaki ay kumakatawan kay Jesus, at ang kasintahang babae ay kumakatawan sa mga taong lumalapit kay Cristo, at ang kaibigan ng kasintahang lalaki ay kumakatawan kay Juan Bautista.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Juan Bautista nang sabihin niyang “Siya’y kinakailangang dumakila, nguni’t ako’y kinakailangang bumaba” (talata 30)? Ano ang ipinapakita nito tungkol sa ugali ni Juan Bautista?
-
Ano ang magagawa ni Jesucristo para sa mga tao na hindi magagawa ni Juan Bautista?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Juan Bautista tungkol sa kung ano ang magagawa natin upang maimpluwensyahan ang iba na gumawa ng mabuti? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, ngunit tiyakin na malinaw na naunawaan na maiimpluwensyahan natin ang iba na gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila patungo kay Jesucristo.)
-
Bakit mahalagang gamitin natin ang ating impluwensya sa pag-akay sa iba patungo kay Jesucristo?
-
Kailan kayo nakakita ng isang tao na inakay ang iba patungo sa Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano nila maaakay ang iba patungo sa Tagapagligtas. Hikayatin silang hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo sa kanilang pagsisikap na magawa ito.
Ibuod ang Juan 3:31–36 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Juan Bautista na isinugo ng Diyos si Jesucristo at na lahat ng maniniwala sa Kanya ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan.
Scripture Mastery—Juan 3:5
Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Juan 3:5, sabihin sa mga estudyante na isulat ang unang titik ng bawat salita ng talata sa kanilang mga scripture study journal. Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis sa pagbigkas nang malakas ng talata gamit ang mga unang titik at tingnan muli ito kung kinakailangan. Kapag nagawa nang bigkasin ng mga estudyante ang buong talata gamit ang mga unang titik, sabihin sa kanila na magpraktis sa pagbigkas ng naisaulong talata. Maaari mong sabihin sa kanilang magpraktis sa pagbigkas ng talatang ito sa simula o sa katapusan ng klase nang ilang araw.