Library
Lesson 131: II Kay Timoteo 1–2


Lesson 131

II Kay Timoteo 1–2

Pambungad

Sa Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo, itinuro ni Pablo na ang takot ay hindi nagmumula sa Diyos at pinayuhan si Timoteo na huwag ikahiya ang kanyang patotoo kay Jesucristo. Hinikayat ni Pablo si Timoteo na matapat na pagtiisan ang mga pagsubok at sinabihan siya na turuan ang mga Banal na magsisi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Kay Timoteo 1

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na huwag ikahiya ang ebanghelyo

Isulat ang salitang Takot sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nakakaimpluwensya sa atin ang takot. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Sino sa atin ang makapagsasabi na hindi siya nakaramdam ng takot? Walang taong hindi nakadama nito. Ang ilan, siyempre, ay nakararanas ng mas matinding takot kaysa sa iba. Ang ilan ay madaling nakakawala mula rito, ngunit ang iba ay nabibihag at nahihila nito pababa at nadadala pa nga sa pagkatalo. Tayo ay nakadarama ng takot na makutya, takot na mabigo, takot sa kalungkutan, takot sa kamangmangan. Ang ilan ay natatakot sa kasalukuyan, ang ilan ay sa hinaharap. Ang ilan ay nagpapasan ng kasalanan at ibibigay ang halos lahat upang makawala mula sa mga pasaning ito ngunit natatakot na baguhin ang kanilang buhay” (“God Hath Not Given Us the Spirit of Fear,” Ensign, Okt. 1984, 2).

  • Ayon kay Pangulong Hinckley, paano tayo naaapektuhan ng takot?

  • Paano naaapektuhan ng takot ang ating kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng II Kay Timoteo 1 na makatutulong sa kanila na madaig ang takot.

Ipaliwanag na bago mamatay si Pablo, isinulat niya ang Ikalawang Sulat Kay Timoteo habang nakakulong sa Roma. Ibuod ang II Kay Timoteo 1:1–5 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Pablo ang kanyang pagnanais na makita si Timoteo at inalala ang matapat na pananampalataya ni Timoteo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 1:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinaalala ni Pablo na gawin ni Timoteo.

  • Ano ang ipinaalala ni Pablo na gawin ni Timoteo?

Ipaliwanag na ang “kaloob ng Dios” na natanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay malamang na tumutukoy sa Espiritu Santo. Ang “paningasin” ay nangangahulugang pagliyabing muli o buhayin. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na muling buhayin ang kaloob na Espiritu Santo, o masigasig na naisin na makasama ang Espiritu Santo.

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kapag masigasig nating hinahangad na makasama ang Espiritu Santo, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 1:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong mga pagpapala ang matatanggap kapag nasa atin ang Espiritu.

  • Ayon sa talata 7, anong mga pagpapala ang matatanggap natin kung nasa atin ang Espiritu?

  • Ano ang madaraig natin sa tulong ng mga pagpapalang ito?

Ipaliwanag na ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagkatakot ng mundo, na lumilikha ng pagkabalisa, kawalang-katiyakan, at pangamba. Naiiba ito sa tinutukoy ng banal na kasulatan na “pagkatakot sa Panginoon” (Mga Kawikaan 9:10). Ang pagkatakot sa Panginoon ay ang “makadama ng paggalang at pagpipitagan sa kanya at sumunod sa kanyang mga kautusan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Takot,” scriptures.lds.org).

  • Ayon sa talata 8, ano ang isinulat ni Pablo na dapat gawin ni Timoteo sa kanyang pagkaunawa na matutulungan siya ng Espiritu na madaig ang takot?

Tanungin ang mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag sa pisara gamit ang mga turo ni Pablo sa mga talata 7–8. Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara upang maituro nito ang sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig nating hinahangad na makasama ang Espiritu Santo, madaraig natin ang takot at hindi ikahihiya ang ating patotoo kay Jesucristo.

  • Paano tayo natutulungan ng banal na kapangyarihan, pag-ibig, at mabuting paghusga na natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu na madaig ang takot?

  • Paano natin maipapakita na hindi natin ikinahihiya ang ating patotoo kay Jesucristo?

  • Kailan kayo natulungan ng Espiritu na madaig ang takot o nabigyan ng tapang na manindigan sa inyong patotoo kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga bagay na maaari nilang gawin para anyayahan ang Espiritu na mapasakanila upang madaig nila ang takot at hindi ikahiya ang kanilang patotoo kay Jesucristo.

Ibuod ang II Kay Timoteo 1:9–18 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Timoteo na manatiling tapat sa totoong doktrina. Kinumpirma rin ni Pablo na lumalaganap na ang apostasiya sa Simbahan (tingnan sa II Kay Timoteo 1:15).

II Kay Timoteo 2

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na tiisin ang mga paghihirap nang buong katapatan

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang II Kay Timoteo 2:1, na inaalam ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo? (Ipaliwanag na natatanggap natin ang biyaya o banal na tulong ni Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Mga Taga Roma 5:2].)

  • Bakit maaaring mahirapan ang isang tao na manatiling malakas sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

Ipaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Timoteo na maging malakas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo dahil alam niyang makararanas si Timoteo ng mga paghihirap at pag-uusig bilang disipulo ni Cristo.

Magpakita ng mga larawan ng isang kawal, isang atleta, at isang magsasaka. (O maaari mong hilingin sa isang estudyante na gumuhit ng larawan ng tatlong taong ito sa pisara.)

mga larawan, kawal, hurdler, magsasaka

Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang metapora ng isang kawal, isang atleta o manlalaro, at isang magsasaka upang ituro kay Timoteo kung paano manatiling malakas sa pananampalataya sa kabila ng mga paghihirap.

Isulat ang kalakip na chart sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang notebook o sa scripture study journal, o ibigay ito bilang isang handout:

Metapora

Deskripsyon

Ang itinuturo ng metaporang ito tungkol sa pananatiling matatag sa pananampalataya

Kawal





Manlalaro o Atleta





Magsasaka





Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 2:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kawal, manlalaro at magsasaka. Ipaliwanag na ang salitang kahirapan (talata 3) ay tumutukoy sa pasakit at pagdurusa. Ang katagang “makikipaglaban sa mga laro” (talata 5) ay tumutukoy sa pakikipagtunggali sa mga palaro.

  • Ayon sa mga turo ni Pablo sa mga talata 3–4, ano ang gawain ng isang mabuting kawal? (Isulat ang sumusunod sa unang kahon sa ilalim ng “Deskripsyon” sa chart: Ang isang mabuting kawal ay responsableng tinitiis ang mga paghihirap at isinasantabi ang ibang mga alalahanin upang malugod ang kanyang pinuno.)

  • Ano ang ibig sabihin ng hindi “pinuputungan” o binibigyan ng gantimpala ang isang manlalaro sa talata 5 kung hindi siya makikipaglaban nang “matuwid” o patas? (Isulat ang sumusunod sa pangalawang kahon sa ilalim ng “Deskripsyon”: Nagiging matagumpay ang isang manlalaro kung sumusunod siya sa mga patakaran.)

  • Ayon sa talata 6, ano ang gantimpala ng isang magsasaka na nagpagal o nagsipag upang magkaroon ng ani? (Isulat ang sumusunod sa pangatlong kahon sa ilalim ng “Deskripsyon”: Kailangang magsipag ng isang magsasaka upang matamasa ang mga bunga ng kanyang mga paghihirap.)

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang kanilang mga chart sa pamamagitan ng pagsusulat sa ikatlong column ng itinuturo ng metapora tungkol sa pananatiling malakas sa pananampalataya. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot.

Ipaliwanag na sinabi ni Pablo na nakaranas siya ng maraming pagsubok dahil sa pagiging disipulo ni Cristo (tingnan sa II Kay Timoteo 2:9). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 2:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabing dahilan ni Pablo kung bakit tiniis niya ang ganoong paghihirap. Ipaliwanag na ang “mga hinirang” (talata 10) ay tumutukoy sa matatapat na miyembro ng Simbahan at ang salitang mangagtiis sa talata 12 ay tumutukoy sa pagtitiis at sa pananatiling tapat.

  • Ayon sa mga sinabi ni Pablo sa mga talata 10 at 12, bakit siya handang magtiis ng paghihirap at manatiling tapat kay Jasucristo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo tungkol sa mangyayari sa atin kung titiisin natin ang mga paghihirap at mananatiling tapat sa Panginoon? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit kailangang matukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tinitiis natin ang mga paghihirap at nananatiling tapat sa Panginoon, matutulungan natin ang ating sarili at ang iba na matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)

  • Paano makatutulong ang matapat na pagtitiis natin sa ating mga pagsubok upang makamit ng iba ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo?

Ibuod ang II Kay Timoteo 2:13–19 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Timoteo na paalalahanan ang mga Banal na umiwas sa pakikipagtalo at “lumayo sa kalikuan” (talata 19).

Magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang lalagyan, gaya ng mangkok, o tasa, o plorera. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 2:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong uri ng mga sisidlan ang mayroon sa “isang malaking bahay.”

  • Ayon kay Pablo, anong uri ng mga sisidlan ang mayroon sa “isang malaking bahay”?

Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang iba’t ibang sisidlan, o lalagyan, bilang metapora para sa mga miyembro ng sambahayan, o Simbahan, ni Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 2:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dapat gawin upang maging “sisidlang … marapat gamitin ng may-ari.”

  • Ayon kay Pablo, ano ang dapat gawin upang maging “sisidlang … marapat gamitin ng may-ari”?

Ipaliwanag na ang katagang “malinis sa alin man sa mga ito” (talata 21) ay tumutukoy sa pagiging lubusang malinis mula sa kasalanan (tingnan sa talata 19).

  • Ayon sa paggamit ni Pablo sa mga sisidlan bilang isang metapora, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa paraan kung paano magiging mas mabuting lingkod ng Panginoon? (Dapat na matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung lilinisin natin ang ating sarili mula sa kasalanan, mapaglilingkuran natin nang mas mabuti ang Panginoon.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang malinis ang ating sarili mula sa kasalanan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Kay Timoteo 2:22, na inaalam kung ano pa ang maaari nating gawin upang malinis ang ating sarili sa kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman.

  • Kapag nalinis natin ang ating sarili mula sa kasalanan, paano ito nakatutulong sa atin na mapaglingkuran nang mas mabuti ang Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano naaangkop ang alituntuning ito sa mga naglilingkod sa Panginoon bilang mga missionary:

Elder Jeffrey R. Holland

“Walang misyonero ang kayang hamunin ang ibang tao na magsisi sa kasalanang seksuwal o lapastangang pananalita o panonood ng pornograpiya kung siya mismo ay hindi pa napagsisisihan ang mga kasalanang iyon! Hindi ninyo magagawa iyon. Ang Espiritu ay hindi mapapasainyo at mabubulunan kayo sa pagsasabi ng mga ito. Hindi kayo maaaring dumaan sa tinawag ni Lehi na ‘ipinagbabawal na landas’ [1 Nephi 8:28] at umasang magagabayan ang iba sa ‘makipot at makitid’ [2 Nephi 31:18] na landas—hindi magagawa iyan.

“… Sinuman kayo at anuman ang nagawa ninyo, mapapatawad kayo. … Ito ang himala ng kapatawaran; ang himala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi ninyo ito magagawa kung hindi kayo tapat sa ebanghelyo, at hindi ninyo pinagsisihan ang kailangang pagsisihan. Hinihiling ko sa inyong … maging aktibo at malinis. Kung kailangan, hiling kong maging aktibo at maging malinis kayo” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 45).

  • Bakit kailangang maging malinis mula sa mga kasalanan kapag nangangaral ng ebanghelyo?

Magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan ng alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang anumang kasalanan na kailangan nilang pagsisihan upang mapaglingkuran nila nang mas mabuti ang Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Kay Timoteo 1:7. “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng Espiritu ng katakutan”

Nagturo si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa pinanggagalingan at epekto ng takot:

“Kilalanin natin na ang takot ay hindi nagmumula sa Diyos, ngunit ang nakakabagabag at mapanirang bagay na ito ay nagmumula sa kaaway ng katotohanan at kabutihan. Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya. Ito ay nakapagpapahina at nakamamatay.

“‘Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan’ [II Kay Timoteo 1:7].

“Ang mga alituntuning ito ay mabibisang lunas sa mga takot na ninanakawan tayo ng lakas at pinatutumba tayo sa pagkatalo. Binibigyan tayo ng mga ito ng kapangyarihan.

“Anong kapangyarihan? Ang kapangyarihan ng ebanghelyo, ang kapangyarihan ng katotohanan, ang kapangyarihan ng pananampalataya, at kapangyarihan ng priesthood” (“God Hath Not Given Us the Spirit of Fear,” Ensign, Okt. 1984, 2).

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng takot sa Diyos sa takot sa mundo:

“Naiiba ngunit nauugnay sa mga takot na madalas nating madama ang tinatawag sa mga banal na kasulatan na ‘katakutan sa Diyos’ (Sa Mga Hebreo 12:28) o ‘pagkatakot sa Panginoon’ (Job 28:28; Mga Kawikaan 16:6; Isaias 11:2–3). Di-tulad ng makamundong takot na lumilikha ng pangamba at pagkabalisa, ang takot sa Diyos ay pinagmumulan ng kapayapaan, katiyakan, at tiwala.

“Ngunit paano nakalulugod o espirituwal na nakakatulong ang anumang may kaugnayan sa takot?

“Ang matwid na takot na pinipilit kong ilarawan ay kinapapalooban ng malalim na pagpipitagan, paggalang, at paghanga sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa Mga Awit 33:8; 96:4), pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Deuteronomio 5:29; 8:6; 10:12; 13:4; Mga Awit 112:1), at pag-asam sa Huling Paghuhukom at katarungan sa Kanyang kamay” (“Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Takot,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 48).

II Timoteo 1:7–8. “Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon”

Ibinahagi ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, ang sumusunod na salaysay ni Marie Madeline Cardon, isang dalagitang nabinyagan sa Italy na nagpakita ng tapang sa pagtatanggol sa kanyang bagong pananampalataya:

“Nabasa ko kamakailan ang kuwento ni Marie Madeleine Cardon, na, kasama ng kanyang pamilya, ay tinanggap ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo mula sa mga unang missionary na tinawag na maglingkod sa Italy noong 1850. Siya ay dalagitang 17 o 18 taong gulang nang mabinyagan. Isang araw ng Linggo, habang nagdaraos ng [worship service] sa kanilang tahanan sa tuktok ng Alps sa hilagang Italy, isang galit na grupo ng kalalakihan, kasama ang ilang lokal na mga pastor, ang nagtipon sa paligid ng bahay at nagsimulang magsigawan, maghiyawan, at pinalalabas ang mga missionary. Palagay ko hindi iyon dahil gustung-gusto nilang maturuan ng ebanghelyo—balak nilang manakit. Ang batang si Marie ang lumabas ng bahay para harapin ang grupo.

“Patuloy silang naghiyawan at pilit na pinalalabas ang mga missionary. Itinaas ni Marie ang Biblia na hawak niya at inutusan silang umalis. Sinabi niya sa mga ito na ang mga elder ay nasa ilalim ng kanyang pangangalaga at hindi nila maaaring saktan ni isang buhok nila sa ulo. Makinig sa kanyang mga salita: ‘Lahat sila’y nagulat. … Kasama ko ang Diyos. Siya ang naglagay ng mga salitang iyon sa aking bibig, dahil kung hindi, di ko ‘yon masasambit. Kaagad na huminahon ang lahat. Walang nagawa ang malalakas na lalaki sa harap ng isang mahina, nangangatog, ngunit walang-takot na bata.’ Pinaalis ng mga pastor ang grupo, na tahimik namang umalis na nahihiya, takot, at nagsisisi. Natapos ng munting kawan ang kanilang pulong nang payapa.

“Naiisip ba ninyo ang matapang na dalagitang iyon, na kaedad ng marami sa inyo, na nakatayo sa harap ng isang grupo at ipinagtatanggol ang kanyang bagong natagpuang paniniwala nang buong tapang at pananalig?” (“Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 14).