Library
Lesson 115: II Mga Taga Corinto 6–7


Lesson 115

II Mga Taga Corinto 6–7

Pambungad

Nagpatuloy si Pablo sa pagtatanggol sa kanyang mga ginawa bilang tagapaglingkod ng Diyos sa mga Banal sa Corinto. Ipinayo niya sa mga Banal na ihiwalay ang kanilang mga sarili sa lahat ng kasamaan. Tiniyak niya ang kanyang pagmamahal sa mga Banal at nagalak na naranasan nila ang kalumbayang mula sa Diyos at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Corinto 6:1–13

Inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng mga tagapaglingkod ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon:

  • Habang kayo at ang ilan ninyong ka-ward o ka-branch ay may service project, may ilang tao ang dumaan at nagsalita nang hindi maganda tungkol sa Simbahan. Ano ang maaaring mangyari kung kayo o ang mga ka-grupo ninyo ay sumagot din nang hindi maganda?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakaranas sila ng pagsalungat o pangungutya habang naglilingkod sila sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 6:1–13 na gagabay sa kanila sa mga panahong iyon.

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 6:1–2 na ipinapaliwanag na tinukoy ni Pablo ang kanyang sarili at ang kanyang mga kasama bilang “kalakip niyang gumagawa” (talata 1), na ang ibig sabihin ay “kalakip ni Cristo na gumagawa,” ayon sa Joseph Smith Translation ng 2 Corinthians 6:1. Binanggit ni Pablo ang mga salita ni propetang Isaias (tingnan sa Isaias 49:8) upang bigyang-diin na dumating na ang panahon upang isipin ng mga Banal ang kanilang kaligtasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 6:3–7. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang mga salita at kataga na naglalarawan sa pagsalungat na naranasan ni Pablo at ng kanyang mga kapwa tagapaglingkod. Sabihin sa naiwang kalahati na alamin ang mga salita at kataga na naglalarawan sa reaksyon ni Pablo at ng kanyang mga kapwa tagapaglingkod sa pagsalungat sa kanila.

  • Anong mga uri ng pagsalungat ang naranasan ni Pablo at ng kanyang mga kapwa tagapaglingkod?

  • Anong mga salita o kataga ang naglalarawan sa kanilang reaksyon sa pagsalungat sa kanila?

Basahing muli ang talata 3, at ipaliwanag na ang salitang ministerio ay tumutukoy sa gawain ng Simbahan.

  • Paano makaaapekto ang ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito sa mga opinyon ng iba tungkol sa Simbahan?

  • Paano mo ibubuod ang mga turo ni Pablo sa talata 3–7 bilang isang alituntunin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tumugon tayo sa pagsalungat nang may pagmamahal, kabutihan, at pagkamatwid, matutulungan natin ang iba na makita ang Simbahan sa isang positibong paraan.)

Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon na inilahad sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano tutugon nang matwid ang isang tao sa sitwasyong iyon at ano ang magiging bunga ng paggawa nito.

II Mga Taga Corinto 6:14–18

Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na umiwas sa mga makasalanan

handout iconPagpartner-partnerin ang mga estudyante, at bigyan ang bawat estudyante ng isang kopya ng kalakip na handout.

handout

II Mga Taga Corinto 6:14–18

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 115

Payo sa mga Banal

Mga Pangako mula sa Panginoon

Ipabasa sa mga magkapartner ang II Mga Taga Corinto 6:14–18. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na alamin ang payo ni Pablo sa mga Banal. Sabihin sa isa pang estudyante na alamin ang mga pangako mula sa Panginoon na matutupad kapag sinunod ng mga Banal ang payo ni Pablo. Sabihin sa kanila na gamitin ang nalaman nila upang magkasamang kumpletuhin ang chart. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pakikipagkasundo ay pagkakaisa, at ang belial ay tumutukoy sa kasamaan (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS version ng Biblia, “Belial”), at ang di sumasampalataya ay tumutukoy sa mga hindi naniniwala o sa isang tao na naniniwala sa mga diyos maliban pa sa Ama sa Langit. Dagdag pa rito, inihambing noon ni Pablo ang mga Banal sa Corinto sa templo ng Diyos; samakatwid, tumutukoy ang salitang templo sa kanila bilang isang lahi.

Bigyan ng sapat na oras ang mga magkapartner na maibahagi sa isa’t isa ang kanilang mga nalaman at makumpleto ang chart.

Ipaliwanag na partikular na binalaan ni Pablo ang mga Banal na ihiwalay ang kanilang sarili mula sa “mga bagay na marumi” (talata 17)—kabilang ang pagsamba sa mga diyus-diyusan at mga gumagawa nito—upang mapangalagaan ang kanilang sarili mula sa kasalanan. Ang pagsamba sa mga diyus-diyusan ay ang pagmamahal o pagsamba sa anumang ginawa ng tao nang higit pa sa Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang Kung sa ibabaw ng heading na “Payo sa mga Banal” at Sa gayon sa ibabaw ng heading na “Mga Pangako mula sa Panginoon” sa kanilang mga handout.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 6:14–18? (Maaaring may matukoy na ilang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyakin na mabigyang-diin na kung ihihiwalay natin ang ating sarili sa maling mga gawain at maruruming bagay, tatanggapin tayo ng Panginoon.)

  • Ano ang maaaring ilang halimbawa ng maling mga gawain o maruruming bagay sa ating panahon?

  • Paano natin maihihiwalay ang ating sarili mula sa mga bagay na ito at sa mga taong nagtataguyod sa mga ito?

Ipaliwanag na ang alituntuning ito ay hindi nangangahulugang pakikitunguhan natin nang walang paggalang ang mga taong may ibang paniniwala o tumanggi na makisalamuha sa kanila kundi maninindigan tayo nang may paggalang para sa ating mga paniniwala at iiwasan ang anumang aktibidad na hahantong sa pagkakasala natin.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang isang pagkakataon na kanilang nadama na kasama nila ang Panginoon nang inihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa mga maling gawain na maglalayo sa kanila sa Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang kailangan nilang gawin upang maihiwalay ang kanilang sarili mula sa mga maling gawain at maruruming bagay upang matanggap nila ang mga pagpapala ng Panginoon.

II Mga Taga Corinto 7

Nagalak si Pablo sa tunay na pagsisisi ng mga Banal

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:

Sa isang interbyu para sa temple recommend para sa pagpapakasal, ipinagtapat ng isang dalaga sa kanyang bishop ang ilang dati niyang kasalanan. Pagkatapos ng patuloy na pag-uusap, nabatid ng bishop na ang dalaga ay hindi pa tunay na nagsisi sa kanyang mga kasalanan at na ang mga kasalanan niya ay mabigat at hindi siya karapat-dapat sa temple recommend. Ipinaliwanag ng bishop na kailangang magsisi nang lubos ang dalaga bago niya matanggap ang recommend. Nagulat siya, at sinabing nakapagsisi na siya dahil matagal na niyang hindi inulit ang anuman sa mga kasalanang iyon. Ipinaliwanag ng bishop na ang pagtigil lang sa paggawa ng kasalanan ay hindi lubos na pagsisisi, at inanyayahan siya na taos-pusong magsimula sa proseso ng tunay na pagsisisi.

  • Ano sa palagay ninyo ang madarama ng dalaga sa puntong ito ng interbyu?

Sabihin sa estudyante na magpatuloy sa pagbasa nang malakas sa sitwasyon:

Sinabi ng dalaga sa kanyang bishop na nanlulumo siya dahil naipamahagi na ang mga imbitasyon sa kasal at handaan. Sinabi niya na hindi niya kayang harapin ang lahat ng tanong at kahihiyan sa pagkaantala ng kanyang pagpapakasal. Itinanong niya kung may paraan ba na matuloy ang kanyang pagbubuklod sa templo nang ayon sa plano at pagkatapos ay magsisi kalaunan.

  • Ayon sa tugon ng dalaga sa bishop, ano ang pinaka-inaalala niya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 7 na kailangang maunawaan ng dalagang ito bago siya tunay na makapagsisi sa mga kasalanan niya.

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 7:1–7 na ipinapaliwanag na nagpatuloy si Pablo sa pagtatanggol laban sa mga nagnanais na siraan siya at tiniyak sa mga Banal sa Corinto na wala siyang ginawang masama kaninuman.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 7:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakaapekto sa mga Banal sa Corinto ang isa sa mga naunang sulat ni Pablo.

  • Paano nakaapekto sa mga Banal ang sulat?

  • Bakit nagalak si Pablo sa kanilang kalungkutan o kalumbayan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 7:10–11. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang dalawang uri ng kalungkutan o kalumbayan na binanggit ni Pablo at kung ano ang idudulot nito.

  • Ano ang dalawang uri ng kalumbayan na binanggit ni Pablo?

Isulat sa pisara ang Kalumbayang mula sa Diyos at Kalumbayang ayon sa Sanlibutan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson, na ipinaliwanag ang mga katagang “kalumbayang ayon sa sanlibutan”:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Pangkaraniwan nang makakita ng mga lalaki’t babae sa mundo na nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali. Kung minsan ay dahil ito sa kanilang mga ginawa na nagdulot ng matinding kalungkutan at pighati sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay. Kung minsan ang kanilang kalungkutan ay dahil nahuli sila at pinarusahan sa kanilang mga ginawa. Ang gayong makamundong damdamin ay walang ‘kalumbayang mula sa Dios’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 96).

  • Paano ninyo maibubuod kung ano ang kalumbayang ayon sa sanlibutan?

  • Ayon sa talata 10, ano ang maidudulot ng kalumbayang ayon sa sanlibutan? (Ipaliwanag na tinutukoy ng salitang ikamamatay sa talata 10 ang espirituwal na kamatayan, na ang ibig sabihin ay pagkawalay sa Diyos. Sa ilalim ng heading na “Kalumbayang ayon sa Sanlibutan” sa pisara, isulat ang sumusunod na katotohanan: Ang kalumbayang ayon sa sanlibutan ay magdudulot ng espirituwal na kamatayan, o pagkawalay sa Diyos.)

  • Sa paanong mga paraan magdudulot sa isang tao ng espirituwal na kamatayan ang kalumbayang ayon sa sanlibutan? (Nahahadlangan nito ang isang tao mula sa tunay na pagsisisi at pagtanggap ng kapatawaran sa Ama sa Langit.)

  • Ayon sa talata 10, ano ang idinudulot ng kalumbayang mula sa Diyos? (Sa ilalim ng heading na “Kalumbayang mula sa Diyos” sa pisara, isulat ang sumusunod na katotohanan: Ang kalumbayang mula sa Diyos ay hahantong sa pagsisisi natin ng ating mga kasalanan at pagtanggap ng kaligtasan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung bakit ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi natin, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang kalumbayang mula sa Diyos ay kaloob ng Espiritu. Ito ay malalim na pagkaunawa na nagalit ang ating Ama at ating Diyos sa ating mga ginawa. Ito ay matindi at malinaw na kaalaman na dahil sa ating ikinilos ay naghirap at nagdusa ang Tagapagligtas, Siya na walang–sala, maging ang pinakadakila sa lahat. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang katawan dahil sa ating mga kasalanan. Ang tunay na pagdadalamhating ito ng isipan at espiritu ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan na pagkakaroon ng ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu.’ … Gayong damdamin ang talagang kailangan para sa tunay na pagsisisi” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 97).

  • Sa palagay ninyo, bakit naaakay tayo ng kalumbayang mula sa Diyos na tunay na magsisi sa ating mga kasalanan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sitwasyon tungkol sa dalaga na naghahangad ng temple recommend.

  • Sa mga sinabi ng dalaga sa bishop, ano ang nagpapakita na hindi pa siya nakaranas ng kalumbayang mula sa Diyos?

  • Ano ang magagawa natin upang palitan ang kalumbayang mula sa sanlibutan ng kalumbayang ayon sa Diyos?

Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pakiramdam ng kalumbayang mula sa Diyos na nararanasan natin kapag nagsisisi tayo ay magkakaiba ayon sa bigat ng kasalanan.

Magpatotoo na kapag nakadama tayo ng kalumbayang mula sa Diyos sa halip na kalumbayang ayon sa sanlibutan para sa ating mga kasalanan, magagawa nating tunay na magsisi, maging malinis mula sa ating mga kasalanan, at matanggap ang kaligtasan kalaunan. Sabihin sa mga estudyante na hangarin ang kalumbayang mula sa Diyos sa kanilang pagsisikap na magsisi.

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 7:12–16 na ipinapaliwanag na ipinakita ni Pablo ang kanyang pagmamahal at tiwala sa mga Banal.

Mabilis na rebyuhin ang mga natukoy na mga katotohanan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng II Mga Taga Corinto 6–7, at hikayatin sila na sundin ang anumang inspirasyon na maaaring nadama nila upang maipamuhay ang mga katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Mga Taga Corinto 6:17. “Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo”

Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pangangailangan na ihiwalay ang ating mga sarili mula sa kasamaan at ang pagpapala na darating sa paggawa nito:

“Ang kahulugan ng salitang Banal sa Griyego ay ‘italaga, ihiwalay, [at] sagrado’ [sa Daniel H. Ludlow, ed., Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo (1992), 3:1249]. Kung nais nating maging mga Banal sa ating panahon, kailangang ihiwalay natin ang ating sarili sa masasamang ugali at nakapipinsalang gawain na talamak sa mundong ito.

“Madalas tayong napapakitaan ng karahasan at imoralidad. Patuloy na kinukunsinti ang mahahalay na musika at pornograpiya. Talamak na ang pagdodroga at pag-inom ng alak. Hindi na gaanong pinahahalagahan ang katapatan at pagkatao. Hinihingi ang kaniya-kaniyang karapatan, ngunit pinababayaan ang tungkulin, pananagutan, at obligasyon. Lumalala ang magagaspang na pananalita at pagkalantad sa kabastusan at kahalayan. Walang tigil ang kalaban sa kanyang mga pagtatangkang wasakin ang plano ng kaligayahan. Kung ihihiwalay natin ang ating sarili sa makamundong asal na ito, mapasasaating buhay ang Espiritu at mararanasan ang galak ng pagiging mga matwid na Banal sa mga Huling Araw” (“Isa Ka Bang Banal?” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 95-96).

II Mga Taga Corinto 7:8–11. “Ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay”

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang pagkakaiba ng kalumbayang ayon sa sanlibutan at kalumbayang mula sa Diyos:

“May mahalagang kaibhan sa pagitan ng kalungkutan dahil sa kasalanan na humahantong sa pagsisisi at ng kalungkutang humahantong sa kawalan ng pag-asa.

“Itinuro ni Apostol Pablo na ang ‘kalumbayang mula sa Dios ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas … datapuwa’t ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay [na]kamamatay’ [II Mga Taga Corinto 7:10; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang kalumbayang mula sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso.

“Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagbabalik-loob [tingnan sa Mga Gawa 3:19] at pagbabago ng puso [tingnan sa Ezekiel 36:26; II Mga Taga Corinto 5:17; Mosias 3:19]. Nagiging dahilan ito para kamuhian natin ang kasalanan at mahalin ang kabutihan [tingnan sa Mosias 5:2]. Hinihikayat tayo nitong bumangon at lumakad sa liwanag ng pagmamahal ni Cristo. Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa. Oo, ang taos-pusong dalamhati at taos na pagsisisi dahil sa pagsuway ay kadalasang masakit at napakahalagang mga hakbang sa sagradong proseso ng pagsisisi. Ngunit kapag ang pagkabagabag ay humantong sa pagkasuklam sa sarili o pinigilan tayong bumangong muli, humahadlang ito sa halip na maghikayat sa atin na magsisi” (“Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 56.)

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Mas gusto ng kapalaluan ang hindi taos-pusong pagsisisi, na binayaran ng mababaw na kalumbayan. Hindi nakapagtataka na ang mga nagnanais ng hindi taos-pusong pagsisisi ay hinahanap din ang paimbabaw na pagpapatawad kaysa sa tunay na pagkakasundo. Samakatwid, ang tunay na pagsisisi ay mas malalim kaysa sa pagsasabi lamang ng ‘Patawarin mo ako’” (“Repentance,” Ensign, Nob. 1991, 31).