Library
Lesson 114: II Mga Taga Corinto 4–5


Lesson 114

II Mga Taga Corinto 4–5

Pambungad

Sa kanyang sulat sa mga Banal sa Corinto, itinuro ni Pablo na ang mga pagsubok at paghihirap sa buhay na ito ay panandalian lamang at maliit kung ihahambing sa mga pagpapala ng walang hanggan. Nagturo rin siya sa mga Banal tungkol sa Paghuhukom at nagpatotoo na ginawang posible ni Jesucristo para sa atin na makipagkasundo sa Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Corinto 4

Nagpatotoo si Pablo na kahit na may mga paghihirap siya, hindi siya natakot o nabagabag

Idispley ang larawan 1.

isang lalaki na itinutulak ang isa pang lalaki
  • Ano ang ipinapakita ng larawan na ito?

  • Ano ang maaaring maisip ng taong itinutulak tungkol sa tumutulak sa kanya?

Idispley ang larawan 2.

isang lalaki na itinutulak ang isa pang lalaki palayo sa kalsada na may parating na sasakyan
  • Nang makita ninyo ang unang larawan sa mas malaking konteksto nito, paano binago nito ang inyong paghusga sa ipinapakita nito?

Ipaliwanag na sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto upang tulungan sila na makita ang mas malaking konteskto ng kanilang mga paghihirap. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 4 na itinuro ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang mga paghihirap.

Ibuod ang II Mga Corinto 4:1–7 na ipinapaliwanag na tiniyak ni Pablo sa mga Banal na tunay niyang itinuro ang ebanghelyo sa kanila. Itinuro niya na si Satanas, ang “dios ng sanglibutang ito” (talata 4), ay pinipigilan ang mga tao mula sa pagtanggap sa ebanghelyo. Inihambing ni Pablo ang kanyang sarili at ang kanyang mga kapwa tagapaglingkod sa mga palayok na naglalaman ng “kayamanan” ng “liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios” (mga talata 6–7).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 4:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang mga hamon at hirap sa kanyang pagmimisyon.

  • Paano inilarawan ni Pablo ang mga hamon at hirap sa kanyang gawaing misyonero?

  • Anong mga kataga ang ginamit ni Pablo upang ilarawan kung paano siya tumugon sa mga hamon at hirap na ito?

  • Sa palagay ninyo, bakit nanatiling positibo ang pananaw ni Pablo habang dinaranas niya ang mga hamon at hirap na ito?

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 4:11–14 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na kahit na mamatay ang ilang tao para sa ebanghelyo ni Jesucristo, panandalian lamang ang kanilang kamatayan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 4:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang alam ni Pablo na tumulong sa kanya na harapin ang mga pagsubok at pag-uusig.

  • Ano ang alam ni Pablo na tumulong sa kanya na harapin ang mga pagsubok at pag-uusig?

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “bagama’t ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni’t ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw” (talata 16)? (Bagama’t si Pablo at ang kanyang mga kasama ay papanaw sa pisikal, lumalakas ang kanilang mga espiritu araw-araw.)

handout iconPagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magpartner na basahin nang malakas at magkasama ang II Mga Taga Corinto 4:17–18, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo sa mga Banal tungkol sa mga pagsubok at pag-uusig. Sabihin sa mga estudyante na magtulungan sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal. Maaari mong ibigay ang mga tanong sa isang handout o isulat sa pisara ang mga ito:

handout

II Mga Taga Corinto 4:17–18

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 114

  1. Anong mga katotohanan ang itinuro ni Pablo sa mga Banal tungkol sa mga pagsubok at paghihirap?

  2. Bakit mahalaga na makita ang ating mga paghihirap sa mas malawak na konteksto ng plano ng Ama sa Langit?

  3. Kailan mo nakita ang isang tao na nanatiling matibay habang may mga pagsubok dahil nakita niya ang kanyang mga paghihirap sa mas malawak na konteksto ng plano ng Ama sa Langit?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa unang tanong sa pisara. Maaaring isulat ng mga estudyante ang ilang posibleng mga katotohanan, kabilang ang mga sumusunod: Ang ating mga pagsubok at paghihirap sa buhay na ito ay maliit kung ihahambing sa walang hanggang mga pagpapala at pag-unlad na darating kapag matapat nating tinitiis ang mga ito. Dahil nagdudulot ang mga panandaliang paghihirap ng walang hanggang paglago at kaluwalhatian, hindi tayo dapat mabagabag sa mga panahong dumaranas tayo ng problema. May walang hanggang layunin ang ating mga paghihirap, kahit hindi natin ito nakikita habang narito tayo sa mundo.

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa ikalawang tanong. Matapos nilang magbahagi, isipin na itanong ang mga sumusunod:

  • Sa paanong mga paraan nagbibigay ng pag-unlad ang ating mga pagsubok at paghihirap?

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa mga katotohanang ito na malampasan nang nananampalataya ang mga pagsubok at paghihirap?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa ikatlong tanong. Maaari mong ibahagi ang isa sa iyong sariling mga karanasan.

II Mga Taga Corinto 5

Nagturo si Pablo sa mga Banal tungkol sa Paghuhukom at Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Bigyan ang bawat estudyante ng isang papel. Sabihin sa bawat isa na itupi ang papel sa gitna at isulat ang kanilang mga pangalan sa isang hati ng papel at Ama sa Langit sa kabilang hati. Ipaliwanag na noong pumarito tayo sa daigdig, nilisan natin ang kinaroroonan ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na punitin sa gitna ang kanilang mga papel at paghiwalayin ang dalawang hati.

  • Sa paanong mga paraan ipinapakita ng nahating papel ang mangyayari nang lisanin natin ang piling ng Ama sa Langit at naparito sa daigdig upang maranasan ang mortalidad?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 5 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang dapat nating gawin upang makabalik sa piling ng Ama sa Langit.

Ibuod ang II Mga Corinto 5:1–6 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Pablo na kahit nahiwalay tayo mula sa Diyos sa mortalidad at mamamatay kalaunan, tayo ay mabubuhay na mag-uli.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 5:6–7, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga Banal na dapat nilang gawin dahil nalaman nila na sila ay nahiwalay sa Diyos sa mortalidad.

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo tungkol sa ating pagkahiwalay sa Diyos sa mortalidad? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Dahil nahiwalay tayo mula sa Diyos sa buhay na ito, dapat tayong lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin o sa nakikita lamang. Sabihin sa bawat estudyante na isulat ang katotohanang ito sa papel na may pangalan nila.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “nagsisilakad … sa pamamagitan ng pananampalataya, [at ] hindi sa pamamagitan ng paningin”? (talata 7).

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga sitwasyon o pagpapasiya na makakaharap ninyo na mangangailangan ng paglakad ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin? (Isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang sa mga sagot nila ang pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan, pagpapasiya na magmisyon, o pagbabahagi ng kanilang mga patotoo.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na sila (o ang isang taong kilala nila) ay naglakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang mga karanasan nila.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sitwasyon o pagpapasiya na kasalukuyan nilang hinaharap kung saan nahirapan silang maglakad sa pamamagitan ng pananampalataya. Hikayatin sila na maglakad sa pamamagitan ng pananampalataya sa sitwasyong iyon at sa lahat ng mga sitwasyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 5:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin habang nakahiwalay mula sa Diyos sa mortalidad.

  • Ayon sa talata 9, ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin habang nakahiwalay tayo mula sa Diyos sa mortalidad?

  • Ayon sa mga turo ni Pablo na nakatala sa talata 10, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa dahilan kung bakit natin dapat pagsikapang gumawa ng mabubuting bagay sa buhay na ito? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang katulad ng sumusunod: Bawat isa sa atin ay hahatulan ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa sa buhay na ito. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang mga kataga sa talata 10 na nagtuturo ng katotohanang ito.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagbabago na kailangan nilang gawin upang mapaghandaan ang panahon na hahatulan sila ni Jesucristo. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na matatanggap nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 5:15–16. Ipaliwanag na nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang talata 16: “Kaya nga, mula ngayon hindi tayo muling mamumuhay pa ayon sa laman; oo, bagamat minsan tayong namuhay ayon sa laman, subalit ngayong nakikilala na natin si Cristo, mula ngayon tayo ay hindi na mamumuhay pa ayon sa laman.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Jesucristo para sa atin upang makabalik tayo sa piling ng Ama sa Langit.

  • Ayon sa talata 15, ano ang ginawa ni Jesucristo upang matulungan tayo na makabalik sa Ama sa Langit?

  • Ayon sa mga talata 15–16, ano ang ginagawa ng mga naniniwala dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Ang mga naniniwala ay namumuhay nang nakatuon kay Cristo at hindi sumusunod sa mga paraan ng mundo o nagpapadaig sa mga tukso. Sabihin sa bawat estudyante na isulat ang pahayag na ito sa papel na may pangalan nila.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 5:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakatutulong sa mga Banal ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik sa piling ng Ama sa Langit.

  • Paano nakatutulong sa atin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik sa piling ng Ama sa Langit? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay maaaring maging mga bagong nilalang at maging kaayon ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa papel na may nakasulat na “Ama sa Langit”.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “bagong nilalang”? (talata 17).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 27:23–26, na inaalam ang anumang dagdag na detalye tungkol sa ibig sabihin ng pagiging isang bagong nilalang. Pagtapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: Sabihin sa klase na pakinggan ang kanyang paliwanag tungkol sa paraan kung paano tayo magiging mga bagong nilalang.

Elder David A. Bednar

“Ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay humihingi ng mahalaga at permanenteng pagbabago sa ating katauhan na nagiging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagdudulot ng pagbabago sa paniniwala, puso, at buhay ng isang tao upang tanggapin at sundin ang kagustuhan ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 3:19; 3 Nephi 9:20) at nakapaloob dito ang tapat na pangako na maging disipulo ni Cristo.

“… Kapag iginagalang natin ang mga ordenansa at tipan ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa D at T 20:25), “[nagpapatuloy] sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20), at [n]agtitiis nang may pananampalataya hanggang sa wakas (tingnan sa D at T 14:7), tayo ay nagiging mga bagong nilalang kay Cristo (tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:17)” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 107).

Sabihin sa bawat estudyante na pagtabihin ang dalawang papel. Ipaliwanag na ang makipagkasundo ay ang pagsasama ng dalawang partido na nagkahiwalay. Dahil sa Pagkahulog ni Adan at dahil na rin sa ating sariling mga kasalanan, espirituwal tayong nahiwalay mula sa Ama sa Langit. Nag-aalok si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, na ipagkasundo tayo sa Ama at maibalik ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 5:20–21. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto?

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo na nakatala sa talata 21? (Bagama’t walang kasalanan si Jesucristo, nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan upang maging matwid o mabuti tayo.)

Patotohanan ang mga katotohanan na natukoy ng mga estudyante sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na tingnan muli ang mga katotohanang isinulat nila at isipin ang kailangan nilang gawin upang makasundo ang Diyos o manatiling kasundo ang Diyos. Hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na matatanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Mga Taga Corinto 4:5–10. “Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis”

Sa isang mahirap na panahon, si George A. Smith, na Unang Tagapayo kay Brigham Young, ay nakatanggap ng payo mula sa kanyang pinsan na si Propetang Joseph Smith na katulad ng mga turo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto:

“[Sinabi niya sa akin na] hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kailanman kahit anong hirap ang pumaligid sa akin. Kung ako ay ibaon sa pinakamalalim na hukay ng Nova Scotia at ang [buong] Rocky Mountains ay maibunton sa akin, hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kundi umasa, manampalataya at manatiling matapang at ako ay makaaahon sa ibabaw ng bunton” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 273).

II Mga Taga Corinto 4:17. Pagpapanatiling nasa tamang perspektibo ang pananaw sa mga paghihirap sa buhay

Ginamit ni Elder Paul V. Johnson ang mga sinabi ni Pablo upang tulungan tayo na makita ang ating mga paghihirap sa buhay nang may pangwalang-hanggang pananaw:

“Itinuro ni Apostol Pablo, ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan’ [II Mga Taga Corinto 4:17]. Mapapansing ginamit ni Pablo ang salitang ‘magaang kapighatian.’ Ito ay mula sa isang taong binugbog, binato, nasira ang barkong sinasakyan, ibinilanggo, at dumanas ng maraming iba pang pagsubok [tingnan sa II Mga Taga Corinto 11:23–28]. Palagay ko marami sa atin ang hindi ituturing na magaang ang ating mga kapighatian. Subalit kumpara sa mga pagpapala at pag-unlad na tatanggapin natin sa bandang huli, kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, tunay ngang magaan ang ating mga kapighatian” (“Higit Pa sa mga Mapagtagumpay sa Pamamagitan Niyaong sa Atin ay Umiibig,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 79).

II Mga Taga Corinto 5:19. “Pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang turo ni Pablo tungkol sa pakikipagkasundo:

“Ang pakikipagkasundo ay pagtubos sa tao mula sa isang kalagayan ng pagkakasala at espirituwal na kadiliman at muli siyang ipagkakasundo at ipagkakaisa sa Diyos. Sa pamamagitan nito, hindi na magkaaway ang Diyos at ang tao. Ang tao, na noong una ay mahalay at masama, na namuhay ayon sa paraan ng laman, ay nagiging mga bagong nilalang ng Espiritu Santo; siya ay isinilang muli; at, tulad ng isang maliit na bata, ay buhay kay Cristo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:422–23).