Library
Home-Study Lesson: Mga Gawa 20–Mga Taga Roma 7 (Unit 20)


Home-Study Lesson

Mga Gawa 20Mga Taga Roma 7 (Unit 20)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 20Mga Taga Roma 7 (unit 20) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilang mga doktrina at alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mga Gawa 20–22)

Mula sa mga misyon ni Pablo, nalaman ng mga estudyante na ang mga tunay na tagapaglingkod ng Panginoon ay matapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, at maligaya sila dahil dito. Natutuhan din nila na handang gawin ng mga tunay na tagapaglingkod ng Panginoon ang kalooban ng Diyos nang hindi alintana ang sariling paghihirap. Mula sa tala ng pagbabalik-loob ni Pablo, natutuhan ng mga estudyante na kung susundin natin ang mga salita ni Jesucristo, magiging lubos ang pagbabalik-loob natin.

Day 2: (Mga Gawa 23–28)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa patotoo ni Pablo kay Haring Agripa, nalaman nila na kapag tayo ay nagsisi at lumapit sa Diyos, madadaig natin ang kapangyarihan ni Satanas sa ating buhay, makatatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at magiging karapat-dapat na makapasok sa kahariang selestiyal. Natukoy rin nila ang katotohanan na para magbalik-loob kay Jesucristo, dapat nating piliin na maniwala at ganap na magtuon sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Mula sa tala ng paglalakbay ni Pablo patungong Roma, natutuhan ng mga estudyante na kapag matapat tayo, tutulungan tayo ng Diyos na gawing pagpapala ang mga pagsubok natin para sa ating sarili at sa iba.

Day 3 (Mga Taga Roma 1–3)

Sa sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma, nalaman ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag nagkaroon tayo ng patotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may kapangyarihang magligtas sa atin, hindi tayo mahihiya na ibahagi ito sa iba. Lahat ng tao na may pananagutan ay nagkakasala at nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabibigyang-katwiran o aariing-ganap at matatanggap ang kaligtasan.

Day 4 (Mga Taga Roma 4–7)

Mula sa mga turo ni Pablo sa mga Banal sa Roma, natutuhan ng mga estudyante na tayo ay nabibigyang-katwiran o naaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawa dahil sa biyaya. Napag-aralan din nila ang mga sumusunod na katotohanan: Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay maaaring maging simbolo ng kamatayan ng ating mga kasalanan at ng panibagong espirituwal na buhay. Kung magpapadaig tayo sa kasalanan, tayo ay magiging alipin ng kasalanan. Kung ihahandog natin ang ating sarili o susunod sa Diyos, magiging malaya tayo mula sa kasalanan at matatanggap ang kaloob na buhay na walang hanggan.

Pambungad

Bilang isang bilanggo, dinala si Pablo sa Roma sakay ng barko sa panahon ng taglamig. Bago umalis, nagbabala si Pablo na ang paglalakbay ay magbubunga ng “pinsala at … malaking kapahamakan” (Mga Gawa 27:10). Habang bumabagyo, ipinropesiya ni Pablo na kahit masira ang barko o daong, ang mga taong nakasakay ay maliligtas. Natupad ang propesiya ni Pablo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 27

Lumubog ang barko o daong na sinasakyan ni Pablo noong patungo siya sa Roma

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag. (Matatagpuan ang mga pahayag na ito sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 4, 1116.)

“Iwasan ang madalas na pakikipagdeyt sa iisang tao.”

“Huwag dumalo, tumingin, o makilahok sa anumang bastos, mahalay, marahas, o nagpapakita ng pornograpiya sa anumang paraan.”

“Kung inuudyukan kayo ng inyong mga kaibigan na gumawa ng masama, panindigan ang tama, kahit mag-isa lang kayong naninindigan.”

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga pahayag na nakasulat sa pisara.

  • Bakit pinipili ng ilang kabataan na hindi sumunod sa mga babala at payo na ito?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 27 na makatutulong sa paglakas ng kanilang pananampalataya na makinig sa mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Ipaalala sa mga estudyante na si Pablo ay maling pinaratangan ng pagtataksil at ikinulong. Inapela niya ang kanyang kaso kay Cesar sa Roma, na karapatan niya bilang isang Romano. Ibuod ang Mga Gawa 27:1–8 na ipinapaliwanag na naglakbay si Pablo kasama ang iba pang mga bilanggo sakay ng daong o barko patungong Roma, sa ilalim ng pangangalaga ng mga Romanong bantay. Matapos maglayag nang maraming araw, tumigil sila sa isang daungan sa isla ng Creta. Nang paalis na sila sa daungan, binalaan ni Pablo ang mga nasa daong na hindi nila dapat ituloy ang kanilang paglalakbay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo na mangyayari kung siya at ang iba pa sa daong ay magpapatuloy sa kanilang paglalakbay patungong Roma. Maaari mong ipaliwanag na ang salitang pagaayuno na ginamit sa talata 9 ay tumutukoy sa kusang hindi pagkain. Sa sitwasyong ito, ang “pagaayuno” ay maaaring tumutukoy sa banal na araw ng mga Judio na tinatawag na Araw ng Pagtubos, na tanda ng pagsisimula ng panahon kung kailan karaniwang itinuturing na delikado ang maglakbay sa Dagat Mediteraneo dahil sa malalakas na bagyo. Kadalasan na ipinagdiriwang ang Araw ng Pagtubos sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre. Ipaliwanag din na ang salitang lulan sa talata 10 ay tumutukoy sa kargamento ng daong.

  • Ayon sa Mga Gawa 27:10, ano ang ibinabala at ipinropesiya ni Pablo na mangyayari kapag nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon sa babala ni Pablo ang Romanong senturion at ang iba pa sa daong.

  • Sa palagay ninyo, bakit mas madali para sa senturion na maniwala sa may-ari ng daong kaysa kay Pablo?

  • Ayon sa talata 12, bakit hindi pinansin ng karamihan sa mga taong nasa daong ang babala ni Pablo? (Maaaring kailanganing mong ipaliwanag na ang salitang daungan ay tumutukoy sa isang pantalan at ang ibig sabihin ng bagay ay maginhawa.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 27:13–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari nang patuloy na maglayag ang daong patungong Roma.

  • Ano ang nangyari nang patuloy na maglayag ang daong patungong Roma?

  • Ayon sa talata 20, ano ang nadama ng mga nasa daong tungkol sa kanilang sitwasyon habang bumabagyo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 21 tungkol sa mangyayari kapag hindi natin pinansin ang mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon? (Maaaring iba’t iba ang gamiting salita ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag hindi natin pinansin ang mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, inilalagay natin ang ating sarili sa panganib. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Ipaliwanag na maaaring kabilang sa panganib ang pagkawala ng mga pagpapala na matatanggap sana natin.)

Rebyuhin sa mga estudyante ang mga dahilan ng hindi pagpansin ng senturion at ng iba pang tao sa babala at payo ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 27:11–12).

  • Paano ginagawa rin ng mga tao sa panahong ito ang gayon ding pagdadahilan sa hindi pagpansin sa mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon?

Gamit ang Para sa Lakas ng mga Kabataan o ang kamakailan lang na mga mensahe sa conference, magbigay ng karagdagang halimbawa ng babala at payo ng mga propeta na sa palagay mo ay nauugnay sa mga estudyante sa iyong klase.

  • Anong panganib ang maaaring kahantungan ng mga tao na hindi nakikinig sa gayong mga babala at payo ng mga propeta?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:22–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga tao sa daong.

  • Kung naroon kayo sa daong na nasa gitna ng isang matinding bagyo, anong mga salita mula kay Pablo ang magpapanatag sa inyo?

  • Ano ang ipinropesiya ni Pablo na mangyayari sa daong?

Ibuod ang Mga Gawa 27:27–30 na ipinapaliwanag na noong ika-14 na gabi ng bagyo, naghagis ang mga tripulante o crew ng apat na angkla o anchor sa dagat para maiwasan ang paghampas ng daong sa mga bato. Nagpunta ang mga tripulante sa harapan ng daong at kumilos na tila maghahagis pa sila ng mas maraming angkla. Ngunit, ang plano talaga nila ay pabayaan ang daong at tumakas sakay ng isang maliit na bangka dahil natakot sila na baka lumubog ang daong.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 27:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babalang ibinigay ni Pablo sa senturion at sa mga kawal. Ipaliwanag na ang salitang ang mga ito sa talata 31 ay tumutukoy sa mga tripulante na nagtatangkang tumakas.

  • Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa senturion at mga kawal?

  • Paano tumugon ang mga kawal sa babala at payo ni Pablo? (Sinunod nila ang kanyang babala at pinigilan ang mga tripulante sa pagtakas sa pamamagitan ng pagputol sa mga tali ng maliit na bangka at hinayaang maanod ito palayo nang walang sakay.)

Ibuod ang Mga Gawa 27:33–44 na ipinapaliwanag na iminungkahi ni Pablo na lahat ng mga nasa daong ay kumain at ipunin ang kanilang lakas. Kalaunan, sa araw ding iyon, nasira ang daong habang naglalayag patungo sa lupa, pero lahat ng tao ay nakaligtas. Ipaalala sa mga estudyante ang propesiya ni Pablo na nakatala sa Mga Gawa 27:22–26 na wala ni isang mamamatay kahit lumubog ang daong.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa tala na ito tungkol sa mangyayari kapag sumunod tayo sa payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susunod tayo sa payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Kung susunod tayo sa payo at mga babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, malalabanan natin ang mga panganib na nagbabanta sa atin. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga alituntuning natukoy nila sa Mga Gawa 27, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

“Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong iantala ang pagsunod sa inspiradong payo o nagpasiya na hindi ako kasali doon, napag-alaman ko na inilagay ko ang sarili ko sa panganib. Sa bawat pagkakataon na nakinig ako sa payo ng mga propeta, nadama ang pagpapatibay nito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ito, natuklasan kong napunta ako sa ligtas na lugar” (“Kaligtasan sa Payo,” Liahona, Hunyo 2008, 4).

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagsunod sa mga babala at payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon na mapaglabanan ang mga panganib na nagbabanta sa inyong espirituwal at pisikal na kaligtasan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may mga babala o payo mula sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na hindi nila sinusunod o mag-isip ng mga paraan para mas masunod nila ang mga babala at payo na kanilang natanggap. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang mithiin tungkol sa paraan kung paano nila mas masusunod ang payo na iyon.

Susunod na Unit (Mga Taga Roma 8I Mga Taga Corinto 6)

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 8–16 at I Mga Taga Corinto 1–6 sa susunod na linggo, matututuhan nila ang tungkol sa matalinong payo na ibinigay ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma at Corinto na makatutulong sa kanila na mas maging malapit sa Diyos sa mundong puno ng kasamaan at kaguluhan. Sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Bakit tulad ng templo ang ating mga pisikal na katawan? Paano dapat lutasin ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang mga di-pagkakaunawaan?