Lesson 100
Mga Taga Roma 4–7
Pambungad
Ipinaliwanag ni Pablo kung paano binigyang-katwiran o inaring-ganap si Abraham sa pamamagitan ng biyaya. Pagkatapos ay inilarawan ni Pablo ang mga pagpapalang darating sa mga taong binigyang-katwiran at itinuro na sumisimbolo ang binyag sa kamatayan mula sa kasalanan at sa pagkabuhay dahil kay Cristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Roma 4–5
Ipinaliwanag ni Pablo kung paano binigyang-katwiran o inaring-ganap si Abraham sa pamamagitan ng biyaya
Kopyahin sa pisara ang sumusunod na larawan at mga kataga.
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay halos mamatay na sila sa uhaw sa isang disyerto at may isang bote ng tubig sa ibabaw ng kalapit na burol.
-
Alin sa mga sumusunod ang magliligtas sa iyo: (a) ang paniniwala mo na maililigtas ka ng tubig, (b) ang pagsisikap mong makarating sa tubig at inumin ito, o (c) ang tubig mismo? (Huwag sabihin kung tama ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaliwanag na makatutulong sa atin ang sitwasyong ito na maunawaan ang mga turo ni Pablo sa Mga Taga Roma 4–7 tungkol sa kung paano nauugnay ang pananampalataya, mga gawa, at biyaya sa doktrina ng pagbibigay-katwiran o pag-aaring-ganap. (Ipaalala sa mga estudyante na ang mga turo ni Pablo tungkol sa pagbibigay-katwiran ay ipinakilala sa Mga Taga Roma 1–3.)
-
Ayon sa mga turo ni Pablo sa Mga Taga Roma 1–3, ano ang ibig sabihin ng mabigyang-katwiran o maaring-ganap? (Ang mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala o matwid.)
Magbigay ng konteksto para sa Mga Taga Roma 4 na ipinapaliwanag na masyadong binigyang-diin ng ilang mga Banal na Judio sa Roma ang kahalagahan ng kanilang sariling pagsisikap at ng batas ni Moises para mabigyang-katwiran o maaring-ganap.
-
Paano maaaring may gayon ding maling pagkaunawa tungkol sa pagbibigay-katwiran ang mga tao sa panahong ito?
-
Alin sa mga opsyon na nakasulat sa pisara ang maaaring kumatawan sa ideya na maliligtas tayo ng ating mga gawa? (Isulat ang (Mga Gawa) sa tabi ng opsyon B.)
Ipaliwanag na sinubukan ni Pablo na itama ang maling pagkaunawang iyon na umiral sa panahon niya sa pamamagitan ng pagpapaalala sa mga Judio tungkol sa sinaunang patriyarka na si Abraham, na itinuring ng maraming Judio na binigyang-katwiran o inaring-ganap.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith Translation, Romans 4:2–5, at sabihin sa klase na pakinggan kung bakit itinuring na matwid si Abraham: “Sapagkat kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon siyang ipagmamapuri sa kanyang sarili; datapuwa’t hindi galing sa Diyos. Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? At sumampalataya si Abraham sa Diyos, at sa kanya’y ibinilang na katuwiran. Ngayon sa kanya na inaring-ganap sa pamamagitan ng batas ng gawa, ibinibilang ang ganti, hindi biyaya, kundi utang. Datapuwa’t sa kanya na hindi ninanais na maaring-ganap ayon sa batas ng gawa, ngunit sumasampalataya sa kanya na hindi umaaring ganap sa masama, ang kanyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.”
-
Ano ang hindi batayan sa pagbibigay-katwiran o pag-aaaring ganap kay Abraham? (Ang “batas ng mga gawa.”)
-
Ayon sa mga turo ni Pablo na nakatala sa Mga Taga Roma 1–3, bakit hindi tayo mabibigyang-katwiran o maaaring-ganap ng batas ng mga gawa? (Itinuro ni Apostol Pablo na “ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” [Mga Taga Roma 3:23]. Upang mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng batas ng mga gawa, kailangang hindi tayo magkasala kailanman.)
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Mga Taga Roma 4:6–8, binanggit ni Pablo si Haring David upang mas mailarawan na hindi tayo mabibigyang-katwiran o mapapawalang-sala ng ating mga gawa lamang.
Upang maibuod ang Mga Taga Roma 4:9–15, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Upang pabulaanan ang ideya na silang mga nagpatuli lamang at sumusunod sa batas ni Moises ang makatatanggap ng pagpapala ng pagiging matapat, itinuro ni Pablo na natanggap ni Abraham ang mga pagpapala ng kanyang katapatan bago pa siya matuli at ang pagtutuli ay tanda ng kanyang katapatan. Patuloy na naging tapat si Abraham pagkatapos makipagtipan sa Diyos at magpatuli. Sa paraang ito, si Abraham ay naging ama ng lahat ng matapat, maging ng mga di-tuli (mga Gentil) o ng mga tuli (mga Judio).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Taga Roma 4:16 at sabihin sa klase na pakinggan ang mas kumpletong paliwanag kung paano tayo mabibigyang-katwiran: “Dahil dito kayo ay mabibigyang-katwiran dahil sa pananampalataya at mga gawa, sa pamamagitan ng biyaya, sa katapusan ang pangako ay tiyak na mapapasalahat ng binhi; hindi lamang sa kanila na nasa batas, kundi sa kanila rin na nasa pananampalataya ni Abraham; na ama nating lahat.”
-
Paano tayo mabibigyang-katwiran? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrinang tulad ng sumusunod: Tayo ay mabibigyang-katwiran dahil sa pananampalataya at mga gawa sa pamamagitan ng biyaya.)
Ipaalala sa mga estudyante na ang biyaya ay tumutukoy sa mga pagpapala, awa, tulong, at lakas na matatanggap natin dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Alin sa mga opsyon na nakasulat sa pisara ang maaaring kumatawan sa Pagbabayad-sala at biyaya ni Jesucristo? Aling opsyon ang maaaring kumatawan sa ating pananampalataya sa Kanya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang (Pagbabayad-sala at biyaya ni Jesucristo) sa tabi ng opsyon C at (Pananampalataya) sa tabi ng opsyon A.)
-
Kung tayo ang nasa sitwasyong ito, maililigtas ba tayo ng ating paniniwala at pagsisikap kung wala namang tubig? (Hindi.) Paanong tulad ng Pagbabayad-sala at biyaya ni Jesucristo ang tubig sa sitwasyong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Ang kaligtasan ay hindi natatamo sa pagsunod; natatamo ito sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos [tingnan sa Mga Gawa 20:28]. …
“Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 109, 110).
Ipaliwanag na bagama’t tinutulungan tayo ng sitwasyong inilarawan sa pisara na maunawaan kung paano nag-aambag ang pananampalataya, mga gawa, at biyaya sa atin na mabigyang-katwiran, hindi nito ipinapakita ang lahat ng paraan na matatanggap natin ang biyaya ng Tagapagligtas. Hindi lamang nagbibigay si Jesucristo ng tubig na nakapagliligtas ng buhay na sumisimbolo sa Kanyang biyaya, na nagbibigay-katwiran sa atin at nililinis tayo mula sa kasalanan; tinutulungan Niya rin tayo na magkaroon ng pananampalataya at lakas na kailangan natin upang matamo ang tubig, o matanggap ang Kanyang biyaya. Tayo ay mapagpapala ng biyayang ito bago, habang, at pagkatapos tayong manampalataya sa Kanya at gumawa ng mabuti.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay ginagawang posible ang pagsisisi at … pinalalakas din tayo nitong makita, magawa, at maging mahusay sa mga paraang hinding-hindi natin makikita o maisasagawa gamit ang ating limitadong kakayahan bilang mortal” (“Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 47).
-
Paano makatutulong sa atin ang biyaya ng Tagapagligtas na manampalataya sa Kanya at gumawa ng mabuti?
-
Ano ang ilang magagawa natin upang ipakita ang ating pananampalataya kay Cristo at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Kanyang biyaya? (Magsisi at sumunod sa mga utos at tanggapin ang mga ordenansa ng ebanghelyo.)
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante at sabihin sa kanila na ipaliwanag sa bawat isa kung paano tayo natutulungan ng pananampalataya at mabubuting gawa na matanggap ang biyaya ng Tagapagligtas upang mabigyang-katwiran tayo. (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan na iligtas tayo ay maghihikayat sa atin na tanggapin ang mga kailangang ordenansa at sundin ang mga utos ng Diyos, na nagtutulot sa atin na mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas.)
Ibuod ang Mga Taga Roma 5 na ipinapaliwanag na nagturo si Pablo tungkol sa kapayapaan na darating sa mga yaong ginagamit ang biyaya ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan sa mga talata 1–2). Ipinaliwanag pa niya na ang biyaya na matatanggap natin dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay lubos na sapat para madaig ang mga epekto ng Pagkahulog.
Mga Taga Roma 6–7
Itinuro ni Pablo kung paano tayo magiging malaya sa kasalanan at magkakaroon ng buhay na walang hanggan
Itanong sa mga estudyante kung paano sila tutugon sa sumusunod na sitwasyon:
Nagpaplano ang inyong kaibigan na magmisyon pero ginagawa niya sa kasalukuyan ang mga bagay na salungat sa mga pamantayan ng Panginoon. Nang sabihin ninyong nag-aalala kayo sa ginagawa ng inyong kaibigan, sinabi niyang, “Hindi problema iyan. Dahil sa Pagbabayad-sala, makapagsisisi naman ako bago magmisyon.”
Ipaliwanag na may mga tao talaga na sadyang lumalabag sa mga utos ng Diyos at pinaplanong magsisi na lang kalaunan, halimbawa, bago sila pumasok sa templo o magmisyon. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 6 kung bakit nakikita sa pag-uugaling ito ang lubhang maling pagkaunawa sa doktrina ng biyaya.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa nang malakas sa bawat magkapartner ang Mga Taga Roma 6:1–6, 11–12 at talakayin kung paano maitatama ng mga turo ni Pablo ang nasa isipan ng kaibigan nila. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:
-
Paano tumugon si Pablo sa maling palagay na ang biyaya ng Tagapagligtas ay basta na lang tayo palalayain mula sa ating mga kasalanan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “mga patay na sa pagkakasala” (talata 2) at “nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan” (talata 4)?
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang sinisimbolo ng pagbinyag sa pamamagitan ng paglulubog? (Kapag sumagot ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay maaaring maging simbolo ng kamatayan ng ating mga kasalanan at ng panibagong espirituwal na buhay.)
Ipaliwanag na kabilang sa bagong espirituwal na buhay na sinimulan natin noong mabinyagan tayo ay ang pagtanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at pangangakong susundin ang mga utos ng Diyos.
Upang maihanda ang estudyante na matukoy ang mga karagdagang alituntunin sa Mga Taga Roma 6, magdispley ng ilang pera.
-
Sino ang nagpapasuweldo sa isang empleyado? Bakit hindi sinusuwelduhan ng isang employer ang empleyado ng iba?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Roma 6:13, na inaalam ang dalawang “employer,” o panginoon, na sinusunod at pinaglilingkuran ng isang tao. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng ihandog sa talatang ito ay ialok o ibigay ang sarili.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Idrowing sa pisara ang sumusunod na chart:
Mga kabayaran ng kasalanan |
Mga kabayaran mula sa Diyos |
---|---|
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Roma 6:14–23. Sabihin sa kalahati sa kanila na alamin ang “kabayaran” (talata 23), o resulta, ng kasalanan at sa natitira na alamin ang mga kabayaran mula sa Diyos. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara upang isulat sa chart ang mga nalaman nila. (Dapat isulat ng mga estudyante sa ilalim ng ”Mga kabayaran ng kasalanan“ ang Kamatayan [tingnan sa mga talata 16, 21, 23], at dapat nilang isulat sa ilalim ng “Mga kabayaran mula sa Diyos” ang Pagiging Matuwid [tingnan sa talata 16], Kabanalan [tingnan sa mga talata 19, 22], Buhay na walang hanggan [tingnan sa talata 22], at Buhay na walang hanggan [tingnan sa talata 23].) Ipaliwanag na ang kamatayan bilang kabayaran ng kasalanan ay tumutukoy sa “paghiwalay sa Diyos at sa kanyang mga pamamatnubay” na ang ibig sabihin ay “ang mamatay sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kamatayan, Espirituwal na,” scriptures.lds.org).
-
Anong alituntunin tungkol sa mga resulta ng pagpapadaig sa kasalanan ang matututuhan natin mula sa Mga Taga Roma 6:16? (Iba’t iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung magpapadaig tayo sa kasalanan, tayo ay magiging alipin ng kasalanan.)
-
Paano tayo ginagawang alipin ng kasalanan ng pagpapadaig sa kasalanang iyon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na ang pagpapadaig ng isang tao sa kasalanan ay humantong sa pagkawala ng kalayaan.
Balikan ang nakalista sa ilalim ng “Mga kabayaran mula sa Diyos.”
-
Ano ang mga pagpapala ng paggawa ng mabuti sa halip na paggawa ng masama?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa turo ni Pablo tungkol sa paraan kung paano magiging malaya sa kasalanan at matanggap ang buhay na walang hanggan? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang Diyos, magiging malaya tayo sa kasalanan at matatanggap ang kaloob na buhay na walang hanggan.)
-
Sa paanong mga paraan natin sinusunod ang Diyos?
-
Sa paanong mga paraan ninyo naranasan ang kalayaan sa kasalanan dahil sinunod ninyo ang Diyos?
Patotohanan ang kahalagahan ng pagsunod sa Diyos. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin tungkol sa kung paano nila mas masusunod ang Diyos.
Ibuod ang Mga Taga Roma 7 na ipinapaliwanag na ginamit ni Pablo ang simbolismo ng kasal upang ituro na ang mga miyembro ng Simbahan ay malaya na mula sa batas ni Moises at nakaanib na kay Cristo. Nagsulat din siya tungkol sa labanan ng “laman” (talata 18), o mga pisikal na pagnanasa, at ng “pagkataong loob” (talata 22), o espirituwalidad.
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.