Lesson 44
Lucas 2
Pambungad
Sina Jose at Maria ay naglakbay patungong Betlehem, kung saan isinilang si Jesus. Sinunod ng mga pastol ang tagubilin ng isang anghel na hanapin ang bagong silang na sanggol na si Jesus, at pagkatapos ay ipinahayag nila sa iba ang pagsilang ni Jesus. Binasbasan ni Simeon si Jesus sa templo, at nagpatotoo si Ana na isinilang na ang Manunubos. Si Jesus ay lumaki “sa karunungan at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 2:1–20
Isinilang si Jesus sa Betlehem
Maaari mong ipakanta sa klase ang “O Magsaya” (Mga Himno, blg. 121) o iba pang himnong Pamasko bilang bahagi ng debosyonal.
Ipakita ang larawang Naglalakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 29; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano ang nalalaman nila tungkol sa mga kaganapang nangyari sa pagsilang ng Tagapagligtas.
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng Lucas 2:1–20, bigyan sila ng quiz na sasagutan ng tama o mali. (Bago magklase, maghanda ng kopya ng quiz para sa bawat estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa quiz habang pinag-aaralan nila ang Lucas 2.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:1–5 Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit naglakbay patungong Betlehem sina Jose at Maria.
-
Bakit naglakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem? (Gusto ni Cesar na magparehistro, o mabilang, ang mga tao. Ginagawa ito para sa pagbubuwis.)
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Mapa ng Biblia, blg. 11, “Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Nazaret at Betlehem sa mapa at, gamit ang key o panukat, kalkulahin kung gaano kalayo ang nilakbay nina Jose at Maria. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang layong 85–90 milya (137–145 kilometro) mula Nazaret hanggang Betlehem ay hindi kukulangin sa apat hanggang limang araw na paglalakad, at marahil mas mahaba pa para kina Jose at Maria dahil sa kalagayan ni Maria.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano sa palagay nila ang nararapat na kalagayan para sa pagsilang ng Lumikha at Tagapagligtas ng daigdig.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kalagayan ng pagsilang ni Jesus.
-
Sa kabila ng napakahalaga at natatanging katayuan ni Jesus bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, ano ang kalagayan ng Kanyang pagsilang?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 2:8–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ipinahayag ang pagsilang ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipakita ang larawang Nagpakita ang Anghel sa mga Pastol (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 31; tingnan din sa LDS.org).
-
Ayon sa talata 10, ano ang madarama natin dahil isinilang ang Tagapagligtas? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil isinilang ang Tagapagligtas sa mundo, makadarama tayo ng malaking kagalakan.)
Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Lucas 2, anyayahan sila na mag-isip ng mga halimbawa kung paano nagbibigay ng kagalakan sa iba ang kaalamang isinilang ang Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:15–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga pastol sa mensahe ng anghel.
-
Anong mga kataga ang nagpapakita kung paano tumugon ang mga pastol sa mensahe ng anghel? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang “magsiparoon nga tayo ngayon” sa talata 15 at “sila’y dalidaling nagsiparoon” sa talata 16.)
-
Ano ang nasaksihan o natanggap na patotoo ng mga pastol dahil sinunod nila ang mensaheng ito?
-
Ano ang ginawa ng mga pastol pagkatapos makatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo?
-
Sa inyong palagay, bakit ibinahagi ng mga pastol sa ibang tao ang naranasan nila?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa mangyayari kapag nagkaroon tayo ng sariling patotoo kay Jesucristo? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nagkaroon tayo ng sariling patotoo tungkol kay Jesucristo, nais nating ibahagi ang ating patotoo sa iba.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataong ninais nilang ibahagi sa ibang tao ang kanilang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Hikayatin silang pag-isipan kung ano ang naghikayat sa kanila na naisin iyon. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.
Lucas 2:21–39
Inihayag nina Simeon at Ana na si Jesus ang Tagapagligtas ng daigdig
Ibuod ang Lucas 2:21–24 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng pagsilang ni Jesus, dinala Siya nina Maria at Jose sa templo alinsunod sa batas ng mga Judio (tingnan sa Exodo 13:2). Nakilala ng dalawang tao sa templo nang araw na iyon ang sanggol na si Jesus bilang Mesiyas. Ipabasa nang tahimik sa mga kabataang lalaki sa klase ang tala tungkol kay Simeon sa Lucas 2:25–32. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga katagang “nag-aantay ng kaaliwan ng Israel” sa talata 25 ay tumutukoy sa mga naghihintay sa pagdating ng Mesiyas.) Ipabasa nang tahimik sa mga kabataang babae ang tala tungkol kay Ana sa Lucas 2:36–38. Habang binabasa ng mga estudyante ang naka-assign na mga talata sa kanila, sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano nakapagdulot ng kagalakan sa taong ito ang kaalamang isinilang na ang Tagapagligtas?
-
Ano ang pinatotohanan niya tungkol kay Jesucristo?
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang isang binatilyo na tumayo at ibuod ang tala na kanyang binasa, at sabihin ang mga sagot niya sa mga tanong. Ipakita ang larawang Yumuyukod si Simeon sa Batang Cristo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 32; tingnan din sa LDS.org).
Ibuod ang Lucas 2:33–35 na ipinapaliwanag na binasbasan din ni Simeon sina Maria at Jose.
Anyayahan ang isang dalagita na tumayo at ibuod ang talang binasa niya, at sabihin ang kanyang mga sagot sa mga naunang tanong.
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano makapagdudulot ng kagalakan sa atin ang kaalamang isinilang ang Tagapagligtas. Anyayahan ang mga gustong magpatotoo tungkol kay Jesucristo na ibahagi ito sa klase.
Ibuod ang Lucas 2:39 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng mga kaganapang ito, sina Maria, Jose, at Jesus ay bumalik sa Nazaret.
Lucas 2:40–52
Nagturo ang batang si Jesus sa templo
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na gusto nilang pagbutihin pa. Anyayahan ang ilang estudyante na gustong ibahagi sa klase ang isinulat nila. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)
-
Paano makatutulong sa inyo bilang kabataan ang malaman ang tungkol kay Jesus noong Siya ay bata pa?
Ipaliwanag na kakaunti lang ang detalye natin tungkol sa kabataan ni Jesus, ngunit ang mga nakatala ay maaaring maging malaking pagpapala at gabay sa atin sa paghahangad nating mas mapagbuti pa ang ating sarili. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa natitirang bahagi ng Lucas 2, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na malaman kung anong mga aspeto sa ating buhay ang dapat pang pagtuunan habang sinisikap nating mas mapagbuti pa ang ating sarili.
Ipakita ang larawang Nananalangin si Jesus Kasama ang Kanyang Ina (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 33; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Lucas ang kabataan ni Jesus. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng lumalakas ay lalo pang humuhusay o umuunlad. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 2:41–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Jesus noong Siya ay 12 taong gulang.
-
Bakit nagpaiwan ang batang si Jesus sa templo? (Ipabasa sa mga estudyante ang nakatala sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na inaalam kung paano nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang ginawa ni Jesus sa templo at kung paano mas akma ang paglilinaw na ito sa paglalarawan ng kaganapan sa Lucas 2:47.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:48–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Jesus kina Maria at Jose nang matagpuan Siya ng mga ito.
-
Ano ang sinabi ni Jesus kina Maria at Jose nang matagpuan Siya ng mga ito?
-
Ano ang inihahayag ng talang ito tungkol sa kaalaman ni Jesus sa Kanyang tunay na pagkatao at tungkol sa katangian Niya noong bata pa Siya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:51–52. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano lumaki si Jesus.
-
Ano ang ibig sabihin ng “lumalaki sa karunungan”? (Nagkakaroon ng karunungan.) Lumalaki sa “pangangatawan”? (Lumalakas ang pisikal na katawan.) Lumalaki sa “pagbibigay lugod sa Dios”? (Lumalakas ang espirituwalidad.) Lumalaki sa “pagbibigay lugod … sa mga tao”? (Nakikihalubilo sa tao.)
-
Batay sa talata 52, anong alituntunin ang mabubuo ninyo na maaaring gumabay sa atin sa pagtulad sa halimbawa ni Jesus? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungan at pagpapalakas ng katawan at espirituwalidad, at pagkatutong makihalubilo sa mga tao.)
-
Bakit mahalaga sa atin na lumakas o humusay sa bawat isa sa apat na aspetong ito? (Upang tayo ay maging matatag na tao.)
-
Paano kayo napagpapala habang sinisikap ninyong tularan ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapalakas o pagpapahusay ng inyong sarili sa mga aspetong ito?
Isulat sa pisara ang sumusunod na pamagat at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal: Intelektuwal, Pisikal, Espirituwal, at Sosyal. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mithiin sa ilalim ng bawat isa sa mga kategoryang ito para sa kanilang personal na pag-unlad. Hikayatin ang mga estudyante na tuparin ang mga mithiing ito. Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning natukoy sa lesson sa araw na ito.
(Narito ang mga sagot sa quiz: 1. Tama; 2. Mali; 3. Tama; 4. Mali; 5. Tama; 6. Mali.)
Scripture Mastery Review
Ang pag-uulit ay tumutulong sa mga estudyante na maalala ang lokasyon ng mga scripture mastery passage. Gamitin ang mga scripture mastery card, o pagawin ang mga estudyante ng sarili nilang mga card sa pamamagitan ng pagsulat ng mahahalagang salita o kahulugan sa harap ng mga blangkong notecard o papel at pagsulat naman ng mga reperensya sa likod nito. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na i-test ang nalalaman ng isa’t isa gamit ang mga card. Sabihin sa mga estudyante na gamitin nang madalas ang mga card para i-test ang sarili at isa’t isa. Maaari mong gamitin ang mga clue na nasa mga card para magawa ang scripture chase activity sa klase (tingnan sa “scripture chase” sa apendiks ng manwal na ito).