Lesson 56
Lucas 18–21
Pambungad
Sa pagpunta ni Jesucristo sa Jerusalem sa huling pagkakataon sa mundong ito, itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo at nagsagawa ng mga himala sa mga tao. Matagumpay Siyang nakapasok sa Jerusalem sakay ng isang asno, muling nilinis ang templo, at nagturo sa mga tao roon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 18–21
Nagturo ang Tagapagligtas habang papunta Siya sa Jerusalem
Ipaliwanag sa mga estudyante na alam na nila ang maraming pangyayaring nakatala sa Lucas 18–21 mula sa kanilang pag-aaral ng Mateo at Marcos. Upang marebyu ang dalawa sa mga pangyayaring ito, ipakita ang sumusunod na mga larawan: Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 48; tingnan din sa LDS.org) at Matagumpay na Pagpasok (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 50). Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga kuwentong ito para sa klase at ipaliwanag kung ano ang naalala nila na natutuhan nila rito.
Maaari mong gamitin ang sumusunod na buod ng Lucas 18–21 kung kailangan ng tulong ng mga estudyante para maalala ang mga kuwentong ito. (Paalala: Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung kailan naganap sa buhay ng Tagapagligtas ang mga pangyayari sa lesson na ito, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang graphic na Ang Buod ng Buhay ni Jesucristo sa Mundo sa apendiks ng manwal na ito.)
Sa pagpunta ni Jesucristo sa Jerusalem sa huling pagkakataon sa Kanyang buhay sa mundong ito, nagturo Siya ng ilang talinghaga at nagpagaling ng maraming tao. Inanyayahan Niya ang isang mayamang batang pinuno na ibigay ang lahat ng kanyang ari-arian sa mga maralita at sumunod sa Kanya. Pinagaling Niya ang isang lalaking bulag. Sa kabila ng pangungutya, sinaluhan Niya sa pagkain ang isa sa mga punong maniningil ng buwis sa Jerico.
Dumating siya sa Jerusalem at, sa gitna ng mga hiyaw ng papuri, sumakay sa isang batang asno sa pagpasok Niya sa lungsod. Muli Niyang pinaalis ang mga mamamalit ng salapi sa templo, nagturo sa mga tao roon, at sumagot sa mga tanong ng mga punong saserdote at eskriba. Pinuri Niya ang isang balo na naghulog ng dalawang lepta sa kabang-yaman ng templo. Itinuro rin Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ipaliwanag na karamihan sa mga tala na pag-aaralan ng mga estudyante sa lesson na ito ay natatangi sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas.
Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga talang ito, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara:
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng sumusunod na mga tala mula sa mga isinulat ni Lucas.
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture references: Lucas 18:1–8; Lucas 18:9–14; Lucas 18:35–43; Lucas 19:1–10. Ipaliwanag na ang mga talatang ito sa banal na kasulatan ay kinapapalooban ng mga talinghaga at mga kaganapan mula sa huling paglalakbay ng Tagapagligtas papunta sa Jerusalem sa Kanyang buhay sa mundong ito.
Mag-assign ng isang estudyante sa bawat scripture reference na nakasulat sa pisara, o maaaring hatiin ang klase sa apat na grupo at bigyan ang bawat grupo ng isang scripture reference na nasa pisara. Sabihin sa bawat estudyante o grupo na basahin ang talatang naka-assign sa kanila at maghandang isadula ang pangyayari o ang talinghagang nakapaloob dito. (Kung hindi mo igugrupo ang mga estudyante, maaari mong ipasadula sa buong klase ang bawat isa sa mga tala. Kung pipiliin mong huwag isadula ang mga tala, maaari mong hilingin sa mga estudyante na pag-aralan ang naka-assign na scripture reference sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na mga tanong at pagkatapos ay pagtuturo sa isa’t isa ng kanilang natutuhan.) Ipaliwanag na isang estudyante sa klase o sa bawat grupo ang dapat na maging narrator at magbabasa ng tala sa banal na kasulatan habang isinasadula ito ng ibang mga miyembro ng klase o grupo. Bilang pagpipitagan at paggalang sa Tagapagligtas, sabihin sa mga magsasadula ng Lucas 18:35–43 at Lucas 19:1–10 na gawin ito nang walang taong gaganap na Jesucristo. Sabihin sa narrator na basahin ang mga sinabi ni Jesus, at sabihin sa ibang gumaganap na tumugon na parang kasali Siya sa senaryo.
Habang naghahanda ang mga grupo, sabihin sa kanila na sama-samang pag-usapan ang mga sumusunod na tanong at maghandang magreport sa klase tungkol sa kanilang mga sagot matapos nilang magsadula. (Isulat ang mga tanong na ito sa pisara o magbigay sa kanila ng handout.)
-
Ano ang hangad ng pangunahing tauhan (balo, maniningil ng buwis, bulag na lalaki, o si Zaqueo) sa talang ito?
-
Ano ang ginawa ng pangunahing tauhan na nagpapakita na tapat ang kanyang hangarin?
-
Anong nangyari dahil sa katapatan ng pangunahing tauhan?
-
Anong mga alituntunin o mga doktrina ang natukoy ninyo sa kuwento?
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa klase o bawat grupo na isadula ang naka-assign na tala sa kanila habang binabasa ng narrator ang mga talata. Habang nanonood o tahimik na sumasabay sa pagbasa ng mga banal na kasulatan ang klase, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang itinuturo sa atin ng bawat tala tungkol sa pagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon. Pagkatapos ng bawat pagsasadula, sabihin sa klase o grupo na magreport tungkol sa kanilang mga sagot sa mga naunang tanong. Sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang mga alituntunin o mga doktrina na natukoy nila.
Matapos magreport ng mga grupo tungkol sa kanilang mga sagot, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong mga pagkakatulad ang napansin ninyo sa mga ginawa ng bawat pangunahing tauhan? (Bawat isa sa kanila ay nagpakita ng pagtitiyaga o katapatan nang hangarin nilang makamtan ang kanilang mga naisin.)
-
Ano ang maituturo sa atin ng mga pag-uugaling ito tungkol sa pagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon?
-
Anong mga pagkakapareho ang napansin ninyo na natanggap ng bawat pangunahing tauhan dahil sa kanyang mga ginawa? (Tumanggap ang bawat isa sa kanila ng tulong o awa.)
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin mula sa mga pagkakatulad sa mga tala. Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin, ngunit tiyaking mabigyang-diin na kung tapat at masigasig tayo sa pagsampalataya sa Panginoon, matatamo natin ang Kanyang awa. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ipinapakita ng isang taong nananampalataya sa Panginoon.
“Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos” (“Humingi nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 95).
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga tanong na nakasulat sa pisara sa simula ng lesson. Sabihin sa mga estudyante na humarap sa kanilang kapartner at pag-usapan ang mga sagot sa mga tanong.
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa panahong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar, at sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin ng madama ang awa ng Panginoon:
“Ang magiliw na awa ng Panginoon ay siyang lubhang personal at indibiduwal na mga pagpapala, kalakasan, proteksyon, katiyakan, patnubay, mapagmahal na kabaitan, kasiyahan, suporta, at mga espituwal na kaloob na natatanggap natin mula at dahil kay at sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 99).
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong.)
-
Sa papaanong paraan nagpakita kayo o ang isang taong kakilala ninyo ng pananampalataya kay Jesucristo? Paano kayo o sila kinaawaan bunga nito?
-
Isipin kung papaano ninyo hahangarin ang tulong o awa ng Panginoon sa inyong buhay? Ano ang gagawin ninyo para maipakita ang inyong pananampalataya sa Panginoon upang kayo ay kaawaan Niya?
Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng isinulat nila. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal na bagay. Maaari ka ring magbahagi ng iyong sariling karanasan tungkol sa alituntunin at magpatotoo sa katotohanan nito.