Library
Lesson 43: Lucas 1


Lesson 43

Lucas 1

Pambungad

Ang anghel na si Gabriel ay nagpakita kay Zacarias at ibinalita na siya at ang kanyang asawang si Elisabet ay magkakaroon ng anak, na pangangalanan nilang Juan. Makaraan ang anim na buwan, nagpakita rin ang anghel na iyon kay Maria at ibinalitang magiging ina siya ng Anak ng Diyos. Dinalaw ni Maria si Elisabet, at nagalak sila sa pagdating ng Tagapagligtas. Makalipas ang tatlong buwan, isinilang ni Elisabet si Juan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 1:1–4

Ipinaliwanag ni Lucas ang mga dahilan kung bakit niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo

Idispley ang mga sumusunod na larawan, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang ipinapakita sa bawat isa: Naglalakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 29; tingnan din sa LDS.org), Nagpakita ang Anghel sa mga Pastol (blg. 31), Yumuyukod si Simeon sa Batang Cristo (blg. 32), Ang Batang si Jesus sa Templo (blg. 34), Ang Mabuting Samaritano (blg. 44), Sina Maria at Marta (blg. 45), at Ang Sampung Ketongin (blg. 46). Ipaliwanag na ang mga ito at marami pang ibang pangyayari at turo mula sa ministeryo ng Tagapagligtas dito sa mundo ay nakatala kay Lucas ngunit wala sa Mga Ebanghelyo Ayon kina Mateo, Marcos, at Juan.

Naglalakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem
Nagpakita ang Anghel sa mga Pastol
[Nagbigay-pitagan] si Simeon sa Batang Cristo
Si Cristo sa Templo

Si Cristo sa Templo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co., Inc.

Ang Mabuting Samaritano
Sina Maria at Marta
Ang Sampung Ketongin

© Providence Collection/Licensed mula sa GoodSalt.com

Maikling ipakilala ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas na ipinapaliwanag na sinimulan ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo sa pagtukoy sa isang taong nagngangalang “Teofilo” (talata 3) at ipinaliwanag ang kanyang mga dahilan sa pagsulat. Ang ibig sabihin ng Teofilo ay “kaibigan ng Diyos” (Bible Dictionary, “Theophilus”). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga dahilan ni Lucas sa pagsulat.

  • Ano ang ilan sa mga dahilan ni Lucas sa pagsulat ng talang ito?

  • Batay sa Lucas 1:4, ano ang maitutulong sa atin ng pag-aaral ng Ebanghelyo Ayon kay Lucas?

Tiyakin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Ebanghelyo Ayon kay Lucas, malalaman nila ang “katunayan” (talata 4) ng mga katotohanang itinuro sa kanila tungkol kay Jesucristo.

Lucas 1:5–25

Ibinalita ng anghel na si Gabriel ang pagsilang ni Juan kay Zacarias, at nagdalang-tao si Elisabet

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagpapala o sagot mula sa Diyos na hinihintay o inaasam nila. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 1 na makatutulong sa kanila kapag naghihintay sila ng pagpapala o sagot mula sa Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:5–7, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang naghihintay ng biyaya sa halos buong buhay nila.

  • Anong mga detalye ang nalaman natin tungkol kina Zacarias at Elisabet mula sa mga talatang ito?

Ibuod ang Lucas 1:8–10 na ipinapaliwanag na naatasan si Zacarias na magsunog ng kamangyan o insenso sa templo ng Jerusalem, isang karangalan na marahil ay minsan lang dumating sa buhay ng isang saserdote.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 1:11–13, na inaalam ang nangyari habang nasa templo si Zacarias.

  • Ayon sa talata 13, anong panalangin ang nasagot para kina Zacarias at Elisabet? (Ipaliwanag na maaaring maraming taon nang nananalangin sina Zacarias at Elisabet na magkaroon ng anak. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “dininig ang daing mo” sa talatang ito.)

  • Ano kaya ang naramdaman ni Zacarias nang marinig niya na siya at si Elisabet ay magkakaroon ng anak bagama’t sila ay “may pataw ng maraming taon” o matanda na? (talata 7).

Ibuod ang Lucas 1:14–17 na ipinapaliwanag na sinabi ng anghel na si Gabriel kay Zacarias na sila ni Elisabet ay “magkakaroon ng ligaya at galak” (talata 14) at na ang kanilang anak ang maghahanda ng maraming tao para sa Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:18–20, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon si Zacarias sa anghel. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang nangyari kay Zacarias dahil nagduda siya sa mga sinabi ng anghel?

  • Ayon sa talata 20, ano ang sinabi ng anghel na mangyayari sa mga salitang winika niya kay Zacarias? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga salita ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod ay magaganap sa kanilang kapanahunan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “sa kanilang kapanahunan”? (Ayon sa takdang panahon ng Panginoon.)

Patingnan ang pahayag na nasa pisara at itanong:

  • Paano makakaapekto ang pagkaalam sa katotohanang ito sa paraan ng pagtugon natin sa mga pangako ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, baguhin ang katotohanang nakasulat sa pisara para mabuo ang sumusunod na pahayag: Mapagkakatiwalaan natin ang mga pangako ng Panginoon dahil ang Kanyang mga salita ay magaganap sa kanilang kapanahunan.)

  • Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang taong umaasam sa katuparan ng isang banal na pangako?

Ibuod ang Lucas 1:21–24 na ipinapaliwanag na nang lisanin ni Zacarias ang templo, hindi na siya makapagsalita. Si Elisabet ay nagdalang-tao kalaunan, tulad ng ipinangako ng anghel.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante (mas mainam kung isang dalagita) ang mga sinabi ni Elisabet sa Lucas 1:25. Sabihin sa klase na pag-isipan ang maaaring nadama ni Elisabet habang naghahanda siyang magkaroon ng anak. Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang sinabi ni Elisabet na “[in]alis [ng Panginoon] ang aking pagkaduhagi sa gitna ng mga tao” ay tumutukoy sa kahihiyang naranasan niya dahil sa isang maling paniniwala na karaniwan sa sinaunang mga kultura na ang hindi pagkakaroon ng anak ay kaparusahan mula sa Diyos.

Lucas 1:26–38

Ibinalita ni anghel Gabriel ang nalalapit na pagsilang ni Jesus kay Maria

Nagpakita si Anghel Gabriel kay Maria

Nagpakita si Anghel Gabriel kay Maria

Ipakita ang larawang Ang Pagbati ng Anghel: Nagpakita si Anghel Gabriel kay Maria (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 28; tingnan din sa LDS.org), at sabihin sa mga estudyante na isipin ang maaaring maramdaman nila kapag biglang magpakita sa kanila ang isang anghel. Ibuod ang Lucas 1:26–27 na ipinapaliwanag na sa ikaanim na buwang pagbubuntis ni Elisabet, isinugo si anghel Gabriel kay Maria, isang dalaga sa Nazaret.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:28–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at ipahanap ang mga kataga na nakatulong kay Maria na maunawaan ang kahalagahan ng gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos.

  • Ano ang mga katagang maaaring nakatulong kay Maria na maunawaan ang kahalagahan ng gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos?

  • Ano ang ibig sabihin ng titulong “Anak ng Kataastaasan” (talata 32)? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay Anak ng Diyos Ama.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 1:34, na inaalam ang itinanong ni Maria. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang pahayag ni Maria na “ako’y hindi nakakakilaIa ng lalake” ay nangangahulugang siya ay isang birhen.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:35–37, at ipahanap sa mga estudyante ang sagot ng anghel sa tanong ni Maria.

Ipaliwanag na hindi natin alam, maliban sa nakasaad sa banal na kasulatan, kung paano nangyari ang himala ng pagdadalang-tao kay Jesucristo; sinabi lang sa atin na ito ay kahima-himala at ang batang isisilang ay Anak ng Diyos.

  • Sa nakatala sa Lucas 1:37, anong katotohanan ang ipinahayag ng anghel na nakatulong na maipaliwanag ang kahima-himalang pangyayaring ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Walang salitang mula sa Diyos na di may kapangyarihan o walang imposible sa Diyos. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)

  • Sa palagay ninyo, ano ang sasabihin nina Maria o Elisabet para palakasin ang ating loob kapag nadarama nating imposibleng mangyari ang isang bagay na inaasam natin?

  • Ano ang isang karanasang nagpalakas sa inyong paniniwala na walang imposible sa Diyos?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 1:38, na inaalam kung paano tumugon si Maria sa anghel.

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo sa talatang ito na naniniwala si Maria sa mga salita ng anghel?

  • Paano naiba ang pagtanggap ni Maria sa mga salita ng anghel sa pagtugon ni Zacarias sa sinabi ng anghel sa templo?

Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang mga halimbawa nina Maria at Elisabet sa paniniwalang magagawa nila sa sarili nilang buhay ang lahat ng ipag-uutos ng Panginoon sa tulong Niya.

Lucas 1:39–56

Dinalaw ni Maria si Elisabet, at kapwa sila nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas

Si Maria at si Elisabet

Dinalaw ni Maria si Elisabet

Kung maaari, magdispley ng larawan ng pagdalaw ni Maria kay Elisabet sa panahong nagdadalang-tao siya. Sabihin sa mga estudyante kung nakikilala nila ang nasa larawan at kung ano ang ipinapakita sa larawan.

  • Sina Maria at Elisabet ay tila mga karaniwang babae, ngunit sa papaanong paraan nila ginampanan ang mahahalagang tungkulin na magpapabago sa mundo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:41–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang patotoo ni Elisabet kay Maria.

  • Ano ang naunawaan na ni Elisabet tungkol kay Maria?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante (mas mainam kung isang dalagita) ang Lucas 1:46–49. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano pinuri ni Maria ang Panginoon.

  • Anong mga kataga ang ginamit ni Maria na nakatala sa talata 49 para ilarawan ang ginawa ng Panginoon para sa kanya? (“Mga dakilang bagay.”)

Ipabasa muli nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 1:38, 45–46, na inaalam ang nagawa ni Maria kaya gumawa ang Panginoon ng “mga dakilang bagay” para sa kanya.

  • Ano ang nagawa ni Maria kaya gumawa ang Panginoon ng “mga dakilang bagay” para sa kanya?

Ituro na tulad nina Zacarias, Elisabet, at Maria na may kani-kanyang tungkulin na gagampanan sa banal na plano, tayo rin ay may mahahalagang gawain na ibinigay sa atin ng Panginoon.

  • Batay sa halimbawa ni Maria, ano ang mangyayari sa ating buhay kung tapat nating gagampanan ang mga tungkuling ibinigay ng Panginoon sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung sisikapin nating magampanan ang mga tungkuling ibinigay ng Panginoon sa atin, Siya ay gagawa ng mga dakilang bagay sa ating buhay.)

  • Ano ang ilang tungkulin na nais ng Panginoon na magampanan ninyo sa Kanyang plano?

  • Ano ang maaaring mangyari sa inyong buhay kapag tumugon kayo sa Panginoon tulad ng ginawa ni Maria?

Lucas 1:57–80

Isinilang si Juan Bautista

Ibuod ang Lucas 1:57–80 na ipinapaliwanag na matapos magsilang si Elisabet, sinang-ayunan ni Zacarias na ang dapat ipangalan sa bata ay Juan. Nang gawin niya ito, kaagad siyang nakapagsalita at nagpropesiya tungkol sa misyon nina Jesucristo at Juan.

Magpatotoo na kapag talagang tinupad natin ang mga ibinigay na tungkulin sa atin tulad nina Zacarias, Elisabet, at Maria, ang Panginoon ay gagawa ng mga dakilang bagay para sa atin at sa pamamagitan natin. Hikayatin ang mga estudyante na gampanan ang kani-kanilang tungkulin sa plano ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 1:34–35. Ang paglilihi o pagdadalang-tao kay Jesucristo

Sa pagtuturo mo ng Lucas 1:34–35, maaaring magkaroon ng mga tanong tungkol sa paglilihi o pagdadalang-tao kay Jesucristo. Kapag may ganitong mga tanong, isaisip ang paalalang ito ni Pangulong Lee:

“Kung matalino ang mga guro sa pagtuturo tungkol sa [paglilihi kay Jesucristo] na kakaunti lang ang binanggit tungkol dito ng Panginoon, lilimitahan nila ang pagtalakay sa paksang ito sa mga salitang nakatala lamang para sa paksang ito sa Lucas 1:34–35. …

“Sapat na para sa Panginoon ang kaalamang ibinigay Niya sa atin tungkol sa bagay na ito at maghintay tayo hanggang sa magpasiya Siyang dagdagan ang sinabi Niya sa atin ang tungkol dito” (The Teachings of Harold B. Lee, ed. Clyde J. Williams [1996], 14).

Lucas 1:38. “Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita”

Ang paglalarawan ni Lucas sa wikang Griyego ng mga sinabi ni Maria ay nagpapakita ng tibay ng kanyang determinasyon. Hindi siya nag-atubiling sumunod at determinadong tinanggap ang kanyang tungkulin sa plano ng kaligtasan, na parang sinasabing, “Opo, gagawin ko po. Ako ay magiging lingkod ng Panginoon tulad ng sinabi mo.” (Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa tugon ni Maria, tingnan ang bahagi para sa Lucas 1:38 sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 142.)

Lucas 1:76. “Propeta ng Kataastaasan”

Sina Zacarias at Elisabet ay kapwa inapo ni Aaron, na siyang pinagmulan ng angkan ng lahat ng saserdote at matataas na saserdote ng Israel. Samakatwid, tunay na tagapagmana si Juan ng Aaronic Priesthood at ng pamumuno nito. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Si Juan ay isang saserdote katulad ng kanyang ama, at may hawak ng mga susi ng Aaronic Priesthood” (sa History of the Church, 5:257).