Home-Study Lesson
Lucas 10:38–17:37 (Unit 11)
Pambungad
Tumugon ang Tagapagligtas sa mga pangungutya sa Kanya ng mga Fariseo tungkol sa pakikihalubilo Niya sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan sa pagbibigay sa kanila ng talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang isang putol na pilak o barya, at ng alibughang anak.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 15
Itinuro ni Jesus ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang isang putol na pilak o barya, at ng alibughang anak
Simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante kung nawalan na sila ng isang bagay na mahalaga sa kanila.
-
Ano ang handa ninyong gawin upang mahanap ito? Bakit?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng espirituwal na “nawawala” ang isang tao? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ito ay maaaring tumukoy sa mga taong hindi pa natatanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo o hindi kasalukuyang namumuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo.)
Sabihin sa klase na mag-isip ng isang taong kakilala nila na maaaring espirituwal na nawawala. Sabihin sa kanila na isipin ang nadarama nila tungkol sa taong ito.
Ipaliwanag na ang Lucas 15 ay naglalaman ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong espirituwal na nawawala. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa Lucas 15 tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit sa mga yaong espirituwal na nawawala at ang mga responsibilidad natin sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 15:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ibinulung-bulong ng mga Fariseo at mga eskriba.
-
Bakit bumulung-bulong o dumaing ang mga Fariseo at mga eskriba?
-
Ano ang ipinapakita ng pagbubulung-bulong na ito tungkol sa mga Fariseo at mga eskriba?
Ipaliwanag na tumugon sa kanila ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng tatlong talinghaga: isa ay tungkol sa nawawalang tupa, ang isa ay tungkol sa nawawalang isang putol na pilak o barya, at ang isa pa ay tungkol sa nawawalang anak. Sabihin sa kanila na pansinin kung bakit ang paksa sa bawat talinghaga ay nawala at kung paano ito nahanap.
Ipaliwanag na sa mga talinghaga ng nawawalang tupa at ng nawawalang isang putol na pilak o barya, inilarawan ng Tagapagligtas kung paano masigasig na hinanap ng pastol at ng babaeng nakawala sa isang putol na pilak o barya ang bagay na nawala sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 15:4–6, 8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang naramdaman ng pastol at ng babae nang mahanap nila ang tupa at ang isang putol na pilak o barya.
-
Ano ang kaibhan ng pagkawala ng tupa sa pagkawala ng isang putol na pilak o barya? (Ang tupa ay nawala dahil sa pagsunod nito sa normal na agos ng buhay at hindi dahil sa ito ay nagkamali, samantalang ang isang putol na pilak o barya ay nawala dahil sa kapabayaan ng may-ari nito [tingnan sa David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1945, 120–22].)
-
Anong salita ang ginamit para ilarawan ang nadama ng pastol at ng babae?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 15:7, 10, na inaalam kung saan inihalintulad ng Tagapagligtas ang kagalakan ng pastol at ng babae. (Ang pagkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi.)
Ipaliwanag na ang pangatlong talinghaga sa Lucas 15 ay kuwento tungkol sa isang alibughang anak (ibig sabihin ay isang taong maaksaya at maluho), ang kanyang nakatatandang kapatid, at ang kanilang ama.
Maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-tatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na chart. Ipabasa nang malakas ang Lucas 15:11–32 sa mga magkakagrupo. Mag-assign ng isang estudyante na pag-iisipan ang talinghaga mula sa pananaw ng alibughang anak, ang pangalawang estudyante naman ay pag-iisipan ito mula sa pananaw ng ama, at ang pangatlong estudyante mula sa pananaw ng nakatatandang kapatid.
Matapos magbasa ang mga estudyante, hilingin sa kanila na pag-usapan ang mga tanong sa handout sa kanilang mga grupo.
-
Bakit nawala ang alibughang anak? (Kumpara sa tupa at sa isang putol na pilak o barya, nawala ang alibughang anak dahil sa pagrerebelde nito.)
-
Sa pagkaunawang ang ama sa talinghagang ito ay kumakatawan sa Ama sa Langit, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagtugon ng Ama sa Langit sa mga taong bumabalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung babalik tayo sa Ama sa Langit, sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi ng tawad sa Kanya, Siya ay magagalak at malugod tayong tatanggapin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga taong nakadarama na sila ay espirituwal na nawawala?
Ipaalala sa mga estudyante ang nakatatandang kapatid sa talinghaga.
-
Bakit kaya nagalit ang nakatatandang kapatid?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa klase na pakinggan kung bakit nagalit ang nakatatandang kapatid.
“Dahil nadamang hindi siya pinahahalagahan at marahil medyo naawa sa kanyang sarili, ang masunuring anak na ito—at talagang masunurin siya—ay saglit na nalimutan na hindi niya kailanman naranasan ang marumihan o magdalamhati, matakot o masuklam sa sarili. Sandali niyang nalimutan na lahat ng bisiro sa rantso na pag-aari ng kanyang ama ay sa kanya na at gayon din ang lahat ng kasuotan sa damitan at lahat ng singsing sa taguan. Nalimutan niya sandali na ang kanyang katapatan ay nagantimpalaan at palaging gagantimpalaan. …
“… Siya na ang lahat ay nasa kanya na, at na sa kanyang kasipagan, ay nakamtan ito, ay nagkulang ng isang bagay na maaaring magturing sa kanya bilang tao ng Panginoon. Kailangan pa niyang maging mahabagin at maawain, na mga katangiang napakahalaga upang makita na ang pagbabalik na ito ng kanyang kapatid ay hindi upang makipagkumpetensya sa kanya. Kapatid niya ito. …
“Ang bunsong kapatid na ito ay talagang naging bilanggo—bilanggo ng kasalanan, kahangalan, at namuhay na parang isang baboy. Ngunit bilanggo rin ang nakatatandang kapatid. Hindi pa siya nakakawala sa kulungan ng kanyang sarili. Nakadama siya ng matinding pagkainggit. Nadama niyang binalewala siya ng kanyang ama at inagawan ng kanyang kapatid, gayong hindi naman totoo ang mga ito” (“The Other Prodigal,” Ensign, Mayo 2002, 63).
-
Ayon kay Elder Holland, bakit nagalit ang nakatatandang kapatid? Sa paanong paraan nawawala rin ang nakatatandang kapatid?
-
Ano ang kailangan nating alalahanin kapag nakita natin na kinaaawaan at pinagpapala ng Diyos ang mga yaong nagsisisi at bumabalik sa Kanya?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talinghagang ito tungkol sa pagiging mas katulad ng ating Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Magiging mas katulad tayo ng ating Ama sa Langit sa pagpapakita ng pagkahabag at kagalakan kapag nagsisisi ang ibang tao.)
Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa tao na inisip nila sa simula ng klase na maaaring espirituwal na nawawala. Hikayatin sila na mapanalanging pag-isipan kung paano nila matutulungan ang taong iyon na magsisi at mas mapalapit sa Ama sa Langit. Anyayahan sila na pag-isipan din kung sa paanong paraan na sila rin mismo ay maaaring nawawala at kailangang magsisi at bumalik sa Tagapagligtas.
Susunod na Unit (Lucas 18–Juan 1)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na pinagmalupitan sila ng isang tao at ano ang nadama nila. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng susunod na unit, matututuhan nila kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga nagmalupit sa Kanya. Sabihin sa kanila na pansinin ang karagdagang mga detalye sa tala ni Lucas tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo sa Getsemani at ano ang kinain ni Jesus matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.