Library
Lesson 60: Juan 1


Lesson 60

Juan 1

Pambungad

Itinala ni Juan ang Pinakamamahal ang mahahalagang doktrinang may kinalaman sa tungkulin ni Jesucristo sa buhay bago ang buhay sa mundo. Nagpatotoo rin si Juan Bautista kay Jesucristo at bininyagan Siya. Inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na mag-aral sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 1:1–18; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19

Pinatotohanan ni Juan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos

Ang Panginoong Jesucristo

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Magdispley sa pisara ng larawan ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakikipag-usap sila sa isang taong kaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa magkakapartner na ang isa sa kanila ay tuturuan ang kapartner nila nang isang minuto tungkol kay Jesus na parang kakaunti lamang ang nalalaman nito tungkol kay Jesucristo. Pagkatapos ng aktibidad na ito, sabihin sa ilang estudyanteng naturuan tungkol kay Cristo na ibahagi sa klase kung ano ang itinuro sa kanila ng kapartner nila.

Maikling ipakilala ang aklat ni Juan na ipinapaliwanag na itinala ni Apostol Juan ang nais niyang malaman ng mga Banal tungkol kay Jesucristo. Si Juan ay saksi sa maraming tala na isinulat niya. Karamihan sa mga nakatala sa Ebanghelyo Ayon kay Juan ay hindi matatagpuan sa mga Ebanghelyo Ayon kina Mateo, Marcos, at Lucas, na isinulat upang tulungan ang mga Judio at mga Gentil na maniwala na si Jesus ang Mesiyas at ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kabaligtaran niyan, partikular na nagsulat si Juan para sa mga taong naniniwala na si Jesus ang Cristo.

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Juan 1, sabihin sa kanila na hanapin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na magpapalakas sa kanilang pananampalataya at patotoo kay Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–2 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanang itinuro ni Juan tungkol kay Jesucristo.

  • Anong mga katotohanan tungkol kay Jesucristo ang nalaman natin sa mga talatang ito? (Ang isang katotohanan na dapat matukoy ng mga estudyante ay si Jesucristo ay sumasa Diyos sa simula. Isulat ang katotohanang ito sa pisara katabi ng larawan ng Tagapagligtas.)

  • Ano ang ibig sabihin ng si Jesucristo ay sumasa Diyos sa simula? (Ipaliwanag na ang mga katagang “sa simula” ay tumutukoy sa buhay bago ang buhay sa mundo. Si Jesucristo ang Panganay ng Ama sa espiritu [tingnan sa D at T 93:21], Siya ay katulad ng Diyos at kabilang sa mga espiritung nagtipon “bago pa ang mundo” [Abraham 3:22–24], at Siya ang pinili ng Ama mula pa sa simula [tingnan sa Moises 4:2].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:3 (sa Gabay sa mga Banal ng Kasulatan), at ipahanap sa klase ang karagdagang katotohanan na itinuro ni Juan tungkol kay Jesucristo.

  • Ano pa ang itinuro ni Juan tungkol kay Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina tulad ng sumusunod: Lahat ng bagay ay nilikha ni Jesucristo. Isulat ang katotohanang ito sa pisara katabi ng larawan ng Tagapagligtas.)

Ipaliwanag na nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa sa ilalim ng pamamahala ng Ama at lumikha si Jesucristo ng mga daigdig na di-mabilang (tingnan sa Moises 1:33). Gayunman, ang Ama sa Langit ang siyang gumawa ng “dalawang paglikha”: ang paglikha ng lahat ng espiritu (kabilang na ang kay Jesucristo) at ang paglikha ng mga pisikal na katawan nina Adan at Eva (Bruce R. McConkie, A New Witness for the Articles of Faith [1985], 63; tingnan din sa Moises 2:27).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:4–5 (sa Gabay sa Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na alamin kung paano inilarawan ni Juan si Jesus at ang Kanyang ebanghelyo.

  • Paano inilarawan ni Juan si Jesus at ang Kanyang ebanghelyo?

  • Ano ang ibig sabihin ng “nasa kanya ang ebanghelyo”? (Si Jesucristo ang mabuting balita, ang pinakadiwa ng ebanghelyo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang ilaw ay lumiwanag sa sanlibutan, at hindi ito naunawaan ng sanlibutan”? (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:5).

Ipaliwanag na ang kasunod na itinuro ni Apostol Juan ay tungkol kay Juan Bautista. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:6–10 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ipinahayag ni Juan Bautista tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa mga talata 9–10, anong doktrina ang itinuro ni Apostol Juan tungkol kay Jesus? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan. Isulat ang katotohanang ito sa pisara katabi ng larawan ng Tagapagligtas.)

  • Sa paanong paraan si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan? (Tingnan sa D at T 88:5–13.)

Ibuod ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:11–18 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na ipinapaliwanag na nagpatotoo si Juan Bautista na lahat ng yaong naniniwala kay Jesucristo ay tatanggap ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Ituro na sa mga talata 14 at 16, tinukoy ni Juan si Jesucristo bilang “ang Salita.” Ipaliwanag na ito ay isang titulo ni Jesucristo na matatagpuan sa ilang talata sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Juan 1:1, 14; I Ni Juan 1:1; Apocalipsis 19:13; D at T 93:8–10; Moises 1:32).

Ipaliwanag na gumagamit tayo ng mga salita upang makipag-ugnayan at maipahayag ang ating mga saloobin, damdamin, at ideya sa iba.

  • Sa paanong paraan angkop na titulo ang “ang Salita” kay Jesucristo?

Ipaliwanag din na kung wala ang Pagsasalin ni Joseph Smith, maaaring maging mali ang pagkaunawa natin sa Juan 1:18 na walang taong nakakita kailan man sa Diyos Ama. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:19 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Pagsamahin ang dating magkakapartner sa unang aktibidad sa simula ng lesson. Sabihin sa magkakapartner na ang isa sa kanila ay tuturuan ang kapartner nila nang isang minuto tungkol kay Jesucristo gamit ang mga doktrinang natukoy ng klase sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Bakit mahalaga para sa sinuman na malaman ang mga doktrinang ito tungkol kay Jesucristo?

Juan 1:19–34; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:20–34

Si Juan Bautista ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at bininyagan Siya

Ibuod ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:20–28 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na ipinaliliwanag na ang mga Judio ay nagsugo ng mga saserdote kay Juan Bautista upang magtanong kung siya ang Mesiyas. Ipinaliwanag ni Juan na ang kanyang tungkulin ay patotohanan ang Mesiyas, na magbibinyag sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo. Kinabukasan, nakita ni Juan Bautista si Jesus, na bininyagan niya nang nakaraang araw.

Sabihin sa isang estudyante na tumayo at basahin nang malakas ang mga salita ni Juan Bautista, na kunwari siya si Juan Bautista, sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:29–33 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nais ni Juan Bautista na malaman ng mga tao tungkol kay Jesucristo.

Ituro ang larawan ni Jesucristo at ang mga katotohanang nakasulat sa pisara at itanong:

  • Anong iba pang katotohanan o paglalarawan tungkol kay Jesucristo ang maidaragdag natin mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:29–33? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Sa palagay ninyo, bakit tinukoy ni Juan Bautista si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos”?

Juan 1:35–51

Inaanyayahan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na mag-aral pa tungkol sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may isang tinedyer na dumalo ng pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo at narinig ang ilan niyang kaibigan na nagpatotoo na alam nila na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas. Nagtataka ang tinedyer na ito kung paano “nalaman” ng mga kaibigan niya ang mga bagay na iyon.

  • Paano ninyo sasagutin ang ganyang tanong?

Sa pag-aaral ng klase ng Juan 1:35–51, sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang magagawa natin upang matanggap (o mapalakas) ang ating sariling patotoo kay Jesucristo bilang Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:35–37, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ni Juan Bautista sa kasunod na araw pagkatapos niyang binyagan si Jesus.

  • Ano ang ginawa ni Juan nang makita niya si Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:38–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus sa dalawang disipulo.

  • Ano ang itinanong ni Jesus sa dalawang disipulo?

  • Ano ang kanilang sagot?

  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa dalawang disipulong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:40–42, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang nalaman ni Andres pagkatapos niyang tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito kayo, at inyong makikita.”

  • Ano ang nalaman ni Andres sa pagtanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito kayo, at inyong makikita”? (Na si Jesus ang Mesiyas, o ang Cristo. Maaari mo ring ipaliwanag na nalaman natin mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 1:42 na si Pedro ay tatawaging “Cefas, na, ang kahulugan ay, isang tagakita, o isang bato” [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan], na ipinahihiwatig na si Pedro ay magiging isang tagakita [seer] sa Simbahan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:43–46, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kay Felipe. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Aling mga salita sa talata 45 ang nagpapahiwatig na nakatanggap si Felipe ng patotoo tungkol kay Jesucristo pagkatapos niyang tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya?

  • Anong paanyaya ang ibinigay ni Felipe kay Natanael?

Ipabasa nang malakas sa tatlong estudyante ang Juan 1:47–51. I-assign ang isa bilang narrator, ipabasa naman sa isa ang mga sinabi ni Jesus, at sa isa pa ang sinabi ni Natanael. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nangyari nang tanggapin ni Natanael ang paanyaya na mag-aral kay Jesus.

  • Ano ang nangyari pagkatapos tanggapin ni Natanael ang paanyayang mag-aral kay Jesus?

  • Anong alituntunin ang maaari nating matutuhan mula sa mga talang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tinanggap natin ang paanyaya na mag-aral at sumunod kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng sariling patotoo tungkol sa Kanya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Tila ang pangunahing layunin ng ating paglalakbay sa buhay na ito at ang mga kasagutan sa mga pinakamahalagang katanungan sa buhay natin ay mauuwi sa dalawang napakaikling bahaging ito sa simula ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo. Ang isang bahagi ay ang tanong sa bawat isa sa atin sa mundong ito: ‘Ano ang inyong hinahanap? Ano ang gusto ninyo?’ Ang pangalawa ay ang Kanyang itinugon sa ating sagot, anuman ang sagot na iyan. Kahit sino pa tayo at kahit ano pa ang sagot natin, ang Kanyang tugon ay gayon pa rin palagi: ‘Magsiparito kayo,’ ang sabi Niya nang buong giliw. ‘Pumarito [kayo], sumunod [kayo] sa akin.’ Saan man kayo patungo, pumarito muna kayo at tingnan kung ano ang ginagawa ko, tingnan kung saan at paano ko ginugugol ang aking oras. Mag-aral sa akin, maglakad kasama ko, kausapin ako, maniwala. Pakinggan akong manalangin. At sa paggawa nito mahahanap ninyo ang mga sagot sa inyong mga panalangin. Ang Diyos ay magbibigay ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa” (“He Hath Filled the Hungry with Good Things,” Ensign, Nob. 1997, 65).

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang sariling mga pagsisikap na mag-aral kay Jesucristo at sundin Siya.

  • Sa paanong paraan nadagdagan ang inyong patotoo kay Jesucristo nang mag-aral at sumunod kayo sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ng ilang pangungusap tungkol sa gagawin nila upang mas lubos na matanggap ang paanyaya ng Tagapagligtas na “pumarito ka at tingnan mo” at mag-aral at sumunod sa Kanya.

Tapusin ang lesson na ibinabahagi ang iyong patotoo sa mga alituntuning natukoy sa klase sa araw na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 1:9. “Tunay na ilaw, sa makatuwid baga’y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa’t tao, na pumaparito sa sanglibutan”

Tanging ang mga isinulat ni Juan ang naglalaman ng mga turo tungkol sa Liwanag ni Cristo sa Bagong Tipan. Ipinaliwanag sa Bible Dictionary:

“Ang kahulugan ng liwanag ni Cristo ay ang mismong ipinahihiwatig ng mga salitang ito: kaliwanagan, kaalaman, at isang nagpapasigla, nagpapadakila, at patuloy na impluwensya na dumarating sa sangkatauhan dahil kay Jesucristo. Halimbawa, si Cristo ang ‘tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ (D at T 93:2; tingnan sa Juan 1:9). Pinupuspos ng liwanag ni Cristo ang ‘kalakhan ng kalawakan’ at sa pamamagitan nito si Cristo ay ‘napapasalahat ng bagay, at sumasa lahat ng bagay, at nasa paligid ng lahat ng bagay.’ Ito ay ‘nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay’ at ang ‘batas kung saan ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan.’ Ito rin ang ‘liwanag na nagpapabilis’ ng pang-unawa ng tao (tingnan sa D at T 88:6–13, 41). Sa ganitong paraan, ang liwanag ni Cristo ay nauugnay sa konsiyensya o budhi ng tao at nagsasabi sa kanya ng tama sa mali (Moro. 7:12–19).

“Ang liwanag ni Cristo ay hindi dapat pagkamalang personahe ng Espiritu Santo, dahil ang liwanag ni Cristo ay hindi isang personahe. Ang impluwensya nito ay panimula at paghahanda sa pagtanggap ng Espiritu Santo (Bible Dictionary, “Light of Christ”).

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod tungkol sa Liwanag ni Cristo:

“Ang Liwanag ni Cristo ay ang banal na kapangyarihan o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. Nagbibigay ito ng liwanag at buhay sa lahat ng bagay. Hinihikayat nito ang lahat ng taong may isip sa buong mundo na makilala ang mabuti sa masama, ang tama sa mali. Pinasisigla nito ang inyong budhi” (“Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 15).

Juan 1:14, 29. Mga titulo at pangalan ni Jesucristo tulad ng “ang Salita” at ang “Kordero ng Diyos”

Inihayag ni Apostol Juan na ang kanyang layunin sa pagsusulat ng aklat na ito ay upang hikayatin ang iba na maniwala kay Jesucristo. Sa buong Ebanghelyo niya, gumamit si Juan ng ilang pangalan o titulo upang matulungan ang mga mambabasa na kapwa maunawaan at makilala si Jesucristo bilang ang banal na Anak ng Diyos. Halimbawa, sa Juan 1, si Jesus ay tinukoy bilang “ang Salita” at bilang “Kordero ng Diyos.”

Si Jesus ang Salita ng Diyos dahil Siya ang tagapagpahayag o kinatawan ng Ama sa mundo; Siya ang nagpapahayag ng mga salita ng Ama; Siya ang sugo ng kaligtasan [tingnan sa D at T 93:8]; Siya ang sakdal o perpektong halimbawa ng pagsunod sa salita ng Diyos; Siya ang nagbibigay ng mga salita ng buhay na walang hanggan; at ang Kanyang salita ay nagbibigay ng buhay.

Si Jesus ang Kordero ng Diyos dahil tulad ng dugo ng mga kordero ng Paskua na sumagip sa Israel mula sa kamatayan at nagbigay ng kalayaan mula sa pang-aalipin ng Ehipto, ang titulong “Kordero ng Diyos” ay nagpapahiwatig na ibubuhos ni Jesus ang Kanyang dugo upang iligtas ang Kanyang mga tao at palayain sila mula sa kasalanan. (Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kordero ng Diyos.”)

Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan ay nagtala ng iba’t ibang pangalan o titulo na makatutulong sa mga mambabasa na maunawaan ang kabanalan at pagkadiyos ni Jesucristo. Ilan sa mga titulo ay ipinapahiwatig habang ang iba naman ay hayagang tinukoy kasama ng mga katagang “Ako ang …” Kasama sa ilang halimbawa ang pagkilala kay Jesus bilang ang Tagapagbigay ng Tubig na Buhay (tingnan sa Juan 4:10–14) at ang sinabi ni Jesus na “Ako ang tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:35); “Ako ang ilaw ng sanglibutan” (Juan 8:12); “Ako ang mabuting pastor” (Juan 10:11); “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan” (Juan 11:25); “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6); at “Ako ang tunay na puno ng ubas” (Juan 15:1).

Juan 1:19–28. Sino sina Elias at Elijah?

“Ang mga pinunong Judio ay nagtanong kay Juan kung siya ba si ‘Elias’ (ang pangalang Griyego para sa Hebreong ‘Elijah’), na ipinropesiyang babalik balang-araw (tingnan sa Malakias 4:5–6). Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang isang mas kumpletong tala tungkol sa itinugon ni Juan sa mga pinunong Judio, na nagpapakita ng kaalaman ni Juan tungkol sa kanyang sariling misyon bilang isang taong pumarito upang ihanda ang daan para sa Mesiyas. Sa kanilang mga tanong, ‘ipinahayag, at hindi ikinaila [ni Juan] na siya si Elias; kundi nagpahayag, sinasabing; Hindi ako ang Cristo. (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:21 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

“Naunawaan ni Juan, ang tila hindi naunawaan ng mga saserdote at Levita, na mayroong iba’t ibang kahulugan ang pangalan at titulong Elias (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ‘Elias’; scriptures.lds.org). Si Juan ay isang Elias, na ibig sabihin ay isang tagapagpauna ng Mesiyas, ngunit hindi siya ang Elias, na si Jesucristo, ang Mesiyas. Si Juan ay hindi rin ang propetang si Elijah, na ang pangalan sa Griyego ay Elias. …

“Nang sabihin ni Juan na hindi siya si Elijah, itinanongng mga pinunong Judio sa kanya, ‘Ikaw baga ang propeta?’ (Juan 1:21). Ang kanilang tanong ay tumutukoy marahil sa propesiya ni Moises sa Deuteronomio 18:15: ‘Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig.’ Gayunman, sa pagtatanong kay Juan kung siya ‘baga ang propeta’ kahit sinabi na ni Juan na hindi siya ang Cristo, ipinakita ng mga Judiong ito na hindi nila naunawaan na ang Mesiyas din ang tinutukoy ng propesiya ni Moises. Maraming Judio sa panahon ni Jesus ang naghintay sa pagdating ng isang propeta na magiging katulad ni Moises ngunit hindi siya ang Mesiyas. Nakita ito nang ipahayag noon ng maraming tao sa Jerusalem na si Jesucristo ay ‘ang Propeta,’ samantalang ang iba ay nagpahayag na Siya ay ‘ang Cristo’ (Juan 7:40–41; tingnan din sa 6:14)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 201–2).