Library
Lesson 65: Juan 6


Lesson 65

Juan 6

Pambungad

Sa araw matapos Niyang mahimalang pinakain ang mahigit 5,000 tao, itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan. Hindi tinanggap ng ilan sa Kanyang mga tagasunod ang Kanyang mga turo at tinalikuran Siya. Sa kabilang banda, nagpatotoo si Pedro na itinuro ni Jesus ang mga salita ng buhay na walang hanggan at Siya ang Anak ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 6:1–21

Mahimalang pinakain ni Jesus ang mahigit 5,000 tao at naglakad sa ibabaw ng dagat

Ipaliwanag na matapos patotohanan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagkadiyos at kabanalan sa Jerusalem (tingnan sa Juan 5), bumalik Siya sa Galilea, kung saan nagturo Siya at ang Kanyang mga Apostol ng ebanghelyo at nagpagaling ng maraming tao (tingnan sa Mateo 5–13). Pagkatapos ay tumawid si Jesus sa Dagat ng Galilea kasama ang Kanyang mga disipulo at mahimalang napakain ang mahigit 5,000 tao (tingnan sa Juan 6:1–13).

Magpakita ng isang tinapay. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang tala tungkol sa pagpapakain ng Tagapagligtas sa mahigit 5,000 tao gamit ang limang tinapay at dalawang maliliit na isda.

  • Ano kaya ang inyong maiisip kung nasaksihan ninyo ang himalang ito at nalaman na may kapangyarihang magpakain si Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang gustong gawin ng mga tao matapos silang mahimalang mapakain ni Jesus.

  • Ano ang gustong gawin ng mga tao?

Ipaliwanag na pinaniniwalaan ng mga Judio noong panahon ni Jesus na kapag dumating ang Mesiyas o ang Hari ng Israel, papakainin Niya ang mga tao ng tinapay mula sa langit.

  • Ayon sa talata 15, ano ang ginawa ni Jesus sa halip na hayaan ang mga tao na koronahan Siya bilang kanilang hari?

  • Bakit hindi gusto ni Jesus na makilala Siya bilang hari ng mga Judio?

Ibuod ang Juan 6:16–21 na ipinapaalala sa mga estudyante na pinatawid ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo sa Dagat ng Galilea, at noong hatinggabi habang nagsusumikap ang mga disipulo na sumagwan laban sa mga alon at hangin, naglakad si Jesus sa ibabaw ng dagat upang makasama sila. Ipaliwanag na ang tala ni Juan tungkol sa pangyayaring ito ay nagbibigay-diin na nang “malugod” na tinanggap ng mga disipulo si Jesus sa kanilang bangka, “pagdaka’y” (talata 21) nakadaong sila nang ligtas sa kanilang destinasyon. Ipaliwanag na kapag malugod nating tinatanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo, gagabayan Niya tayo nang ligtas sa mga paghihirap sa buhay.

Juan 6:22–59

Itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan

Ipaliwanag na itinala sa Juan 6:22–25 na naglakbay patungong Capernaum ang karamihan sa mga tao na pinakain ni Jesus upang hanapin Siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:26–27, pati na rin ang Joseph Smith Translation ng John 6:26: “Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil nais ninyong makinig sa aking mga sinasabi, o hindi rin dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay, at kayo’y nangabusog.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus sa mga tao.

  • Ayon sa Tagapagligtas, bakit hinahanap Siya ng mga taong ito? (Ipinahihiwatig ng mga salita ng Tagapagligtas na sumunod sila sa Kanya upang makakuha ng maraming pagkain sa Kanya.)

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nilang hangarin?

Ipaliwanag na ang “pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan” (talata 27) ay tumutukoy sa mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.

  • Paano tayo matutulungan ng mga talatang ito na maunawaan kung bakit hindi pinayagan ni Jesus ang mga taong ito na koronahan Siya bilang kanilang Hari?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:28–31, at sabihin sa klase na alamin ang hiniling ng mga tao kay Jesus upang mas mapatunayan sa kanila na Siya ang Mesiyas.

  • Ano ang nais ipagawa ng mga tao kay Jesus para sa kanila? (Ipaliwanag na ang mana ay “tinapay na galing sa langit” [talata 31] na ipinagkaloob ng Diyos sa mga anak ni Israel noong nagpagala-gala sila sa ilang.)

  • Kung aalalahanin ang ginawa ng Tagapagligtas noong nakaraang araw, ano ang ipinapakita ng kahilingang ito tungkol sa mga tao?

  • Bilang mga tagasunod ni Jesucristo sa panahong ito, sa anong mga paraan tayo maaaring matuksong umasal katulad nila?

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 6:32–35, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao bilang tugon sa kanilang paghiling ng palatandaan.

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Sarili nang banggitin Niya ang mana, o tinapay mula sa langit?

Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “ako ang tinapay ng kabuhayan” sa talata 35.

  • Sa paanong mga paraan natin maihahalintulad sa tinapay ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “hindi magugutom” ang mga taong lumalapit kay Jesucristo? (talata 35).

  • Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa talata 35? (Iba-iba man ang isagot ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, palulusugin Niya tayo sa espirituwal. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin ng mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 6:35.)

Isulat ang sumusunod na mga di-kumpletong pahayag sa pisara:

Lumalapit tayo kay Cristo sa pamamagitan ng …

Palulusugin Niya tayo sa pamamagitan ng …

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na magtulungan sa paggawa ng listahan sa kanilang mga notebook o scripture study journal ng ilang bagay na magagawa natin upang mapalapit kay Jesucristo at mga paraan na palulusugin Niya tayo sa espirituwal. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.

Upang matulungan ang klase na maramdaman ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning tinukoy nila sa talata 35, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang naramdaman nila nang mapalusog sila sa espirtuwal sa paglapit nila sa Tagapagligtas.

Ibuod ang Juan 6:36–47 na ipinapaliwanag na may ilang taong nagbulung-bulungan o dumaing laban sa Tagapagligtas dahil itinuro Niya na Siya ang tinapay na bumaba mula sa langit.

Upang maihanda ang mga estudyante na matukoy ang karagdagang alituntuning itinuro ng Tagapagligtas, sabihin sa ilang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at bigyan sila ng tig-iisang piraso ng tinapay. Sabihin sa kanila na amuyin ang tinapay at isipin kung ano kaya ang lasa nito.

  • Paano kayo mabubusog ng tinapay na ito kung inaamoy lang ninyo ito, iniisip lang kung ano kaya ang lasa nito, at hinahawakan lamang ito nang buong araw?

  • Ano ang dapat ninyong gawin upang matanggap ang sustansya ng tinapay?

Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 6:49–54. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano maiuugnay ang karanasan ng kanilang mga kaklase sa tinapay sa mga bagay na itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito.

  • Paano naiiba ang Tinapay ng Kabuhayan sa karaniwang tinapay? (Di-tulad ng tinapay na mabibigyan tayo ng panandaliang kabusugan, ibinibigay ni Jesucristo sa atin ang mga pagpapala na tatagal magpakailanman.)

Ituro ang sumusunod na pahayag sa talata 51: “Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.”

  • Paano ibinigay ng Tagapagligtas ang kanyang laman at dugo para sa buhay ng sanlibutan?

  • Ayon sa mga talata 53–54, ano ang itinuro ng Tagapagligtas na gawin ng mga tao?

Ipaliwanag na makahulugang ginamit ng Tagapagligtas ang mga katagang pagkain at pag-inom. Upang matulungan ang klase na maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas, sabihin sa mga nagboluntaryong estudyante na kainin ang tinapay. Pagkatapos ay paupuin na sila.

  • Ano ang nangyayari sa tinapay at sa sustansya nito kapag kinain ito? (Magiging bahagi ng katawan ang mga bitamina at sustansya, na magbibigay ng lakas at mabuting kalusugan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ni Jesucristo? (Maaaring ibig sabihin nito ay isapuso ang Kanyang mga turo at ang Pagbabayad-sala. Maaari din itong kumatawan sa pakikibahagi sa sakramento, na sinimulan ng Tagapagligtas kalaunan.)

  • Ayon sa talata 54, anong pagpapala ang matatanggap natin kung isasapuso natin, o ipamumuhay, o gagamitin, ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung isasapuso natin, o ipamumuhay, o gagamitin, ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatanggap natin ang buhay na walang hanggan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong, at sabihin sa ilan na ibahagi ang kanilang mga sagot:

  • Paano ba natin maisasapuso ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Maaaring kasama sa mga sagot ang pagtanggap kay Jesucristo bilang literal na Anak ng Diyos, pagtanggap ng sakramento bawat linggo, pagsunod sa mga kautusan, at pagtitiis hanggang wakas sa kabutihan [tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 1:358].)

Ipaliwanag na ang buhay na walang hanggan ay ang mabuhay magpakailanman sa piling ng Ama sa Langit at maging katulad Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:56–57, at sabihin sa klase na alamin kung paano tayo magiging katulad Nila kapag isinapuso natin ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na hindi natin pisikal na makakasama ang Tagapagligtas, sa halip ay mananatili sa atin ang Kanyang banal na impluwensya upang matulungan tayong maging mas katulad Niya at ng Ama sa Langit.

Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanan na natukoy ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang isang mithiin kung paano nila mas maisasapuso ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas o ang isa sa Kanyang mga turo.

Juan 6:60–71

Nagpatotoo si Pedro na ang mga salita ng buhay na walang hanggan ay na kay Jesus

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Magpatuloy o huminto?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari kung saan kinailangan nilang magdesisyon kung itutuloy nila o ihihinto ang paggawa ng isang bagay na mahirap. Maaari mong sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na matapos ibigay ni Jesus ang sermon na nakatala sa Juan 6, kailangan ding pumili o magdesisyon ng Kanyang mga disipulo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:60, 66. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging reaksyon ng maraming disipulo sa mga turo ni Jesus.

  • Bakit pinili ng maraming disipulo ni Jesus na huminto sa pagsunod sa Kanya? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng katagang “matigas ang pananalitang ito” [talata 60] ay naramdaman nilang masyadong mahirap sundin ang mga turo ni Jesus.)

  • Bakit mahirap para sa ilang tao na sundin ang mga utos ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:67, at sabihin sa klase na alamin ang itinanong ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol.

  • Ano ang itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:68–69, at sabihin sa klase na alamin kung paano sinagot ni Pedro ang Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa isinagot ni Pedro, anong katotohanan ang maaari nating matutuhan na makatutulong sa ating manatiling tapat sa mga sandaling tila mahirap sundin ang Tagapagligtas o ipamuhay ang Kanyang mga turo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Ang matibay na patotoo kay Jesucristo ay makatutulong sa atin na manatiling tapat sa mga sandaling tila mahirap sundin ang Tagapagligtas o ipamuhay ang Kanyang mga turo.)

  • Paano nakatulong sa inyo o sa sinumang kilala ninyo ang matibay na patotoo sa Tagapagligtas upang manatiling tapat kahit na tila mahirap sundin ang mga turo ng ebanghelyo?

Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala sa kanilang mga patotoo kay Jesucristo kapag tila mahirap para sa kanila na ipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na maaaring nakadarama na hindi gaanong matibay ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo na palakasin ang kanilang patotoo sa pamamagitan ng pagsasapuso ng Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 6:33–35. Ang tunay na Tinapay ng Kabuhayan

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Jesucristo ang Tinapay ng Kabuhayan:

“Pinatototohanan ko na tunay na buhay ang Tinapay ng Kabuhayan na si Jesucristo, at ang walang hanggang kapangyarihan at saklaw ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa huli, ang Kanyang Pagbabayad-sala at Kanyang biyaya ang ating pagkain sa araw-araw” (“Pagkilala sa Tulong ng Diyos sa Ating mga Pagpapala sa Araw-Araw,” Ensign o Liahona, Ene. 2012, 23).

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa paggamit ng simbolismo ni Jesucristo, kasaysayan ng relihiyong Judio, at ang heograpikal na lokasyon ng mga nakikinig sa Kanya sa pagtuturo Niya tungkol sa Tinapay ng Kabuhayan (Juan 6), tingnan ang Thomas R. Valetta, “The True Bread of Life,” Ensign, Mar. 1999, 6–13; tingnan din sa “Juan 6:32–35, 48–51. ‘The True Bread from Heaven,’” sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 221–22.

Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang mana ay pagkaing galing sa langit; samantalang ang tinapay na ibinigay Niya sa kanila ay galing sa lupa, at pangkaraniwang tinapay na yari sa sebada [o barley]. Kailangang magpakita Siya sa kanila ng mas dakilang mga palatandaan, at bigyan sila ng mas saganang pagkain [o mas masarap na pagkain], bago nila matanggap Siya bilang Mesiyas na noong una ay inisip nila na Siya nga at ngayon ay inihayag Niya mismo na Siya nga ang Mesiyas” (Jesus the Christ ika-3 ed. [1916], 339–40).

Juan 6:53. “Kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagkain sa laman at pag-inom sa dugo ng Anak ng Diyos ay, una, pagtanggap sa kanya sa pinakaliteral at ganap na diwa nito, nang walang anumang pag-aalinlangan, bilang ang tunay na anak sa laman ng Amang Walang Hanggan; at, ikalawa, ito ay ang pagsunod sa mga kautusan ng Anak sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang ebanghelyo, pagsapi sa kanyang Simbahan, at matiyagang pagsunod at kabutihan hanggang sa wakas. Ang mga yaong kumakain sa ganitong paraan ng kanyang laman at umiinom ng kanyang dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ibig sabihin ay kadakilaan sa pinakamataas na langit sa daigdig na selestiyal” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo, [1965–73], 1:358).

Juan 6:56. “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako’y sa kaniya”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ibig sabihin ng katagang “nananahan sa akin, at ako’y sa kaniya”:

“Sapagkat silang nagkakaisa ay magkakapareho sa pag-iisip at paniniwala at pagkilos, nagtataglay sila ng magkakaparehong mga ugali at katangian. … Kaya, sa matalinghagang kahulugan, sila ay nasa isa’t isa, o sila ay nabubuhay sa isa’t isa” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:766).