Lesson 71
Juan 11
Pambungad
Nagpadala ng mensahe sina Maria at Marta kay Jesus na may sakit ang kanilang kapatid na si Lazaro. Ipinagpaliban ni Jesus ang paglalakbay Niya at dumating apat na araw matapos mamatay si Lazaro. Dahil sa pagmamahal at pagkahabag, muling binuhay ni Jesus si Lazaro. Binigyang-diin ng pangyayaring ito na si Jesus ang piniling Mesiyas at may kapangyarihan Siyang daigin ang kamatayan. Matapos marinig ang himalang ito, nagplano ang mga punong saserdote at mga Fariseo na patayin sina Jesus at Lazaro.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 11:1–46
Pinabangon ni Jesus si Lazaro mula sa kamatayan
Bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa papel ang isang pagsubok na naranasan nila o ng isang taong kilala nila. Habang nagsusulat ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibabahagi sa klase ang mga sinulat nila at hindi sasabihin kung kanino ito nanggaling, kaya hindi dapat isulat ang mga pangalan nila sa papel. Kunin ang mga papel, at basahin nang malakas ang ilan sa mga pagsubok. (Kung kaunti ang mga estudyante mo, at upang maiwasan nilang malaman ang pagsubok ng bawat isa, sabihin sa kanila na magtala ng ilang pagsubok na nakita nilang naranasan ng iba.)
-
Sa anong mga paraan naaapektuhan ang pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo kapag dumaranas sila ng mga pagsubok?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang makapagpapalakas ng pananampalataya natin kay Jesucristo kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok sa pag-aaral nila ng Juan 11.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 11:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga naranasang pagsubok ng ilang kaibigan ni Jesus.
-
Ayon sa talata 1, anong pagsubok ang naranasan ni Lazaro? Paano ito naging pagsubok din kina Maria at Marta?
-
Ano ang ginawa ni Maria at Marta dahil may sakit si Lazaro? Sa ginawa nila, ano ang ipinapakita nito tungkol sa kanila?
Ipaliwanag na nasa Betabara ng Perea si Jesus (tingnan sa Juan 1:28; 10:40), na mga isang araw na paglalakbay mula sa Betania. Samakatwid, aabutin ang isang tao nang isang araw upang madala ang mensaheng ito kay Jesus at isa pang araw para kay Jesus na makarating sa Betania.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 11:4–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinugon ni Jesus matapos marinig na may sakit si Lazaro.
-
Dahil alam na minamahal ni Jesus sina Marta, Maria, at Lazaro, ano ang maaaring inaasahan ng mga disipulo na gagawin ni Jesus matapos malaman na may sakit si Lazaro? (Kaagad na magpunta sa Betania at pagalingin si Lazaro; o marahil ay magsalita at pagalingin si Lazaro kahit malayo siya, tulad ng ginawa ni Jesus sa anak ng isang maharlika [tingnan sa Juan 4:46–53].)
-
Ano sa halip ang ginawa ni Jesus?
-
Ayon sa talata 4, ano ang sinabi ni Jesus na maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagkakasakit ni Lazaro?
Ipaalala sa mga estudyante na wala pang dalawang milya ang Betania mula sa Jerusalem sa lupain ng Judea (tingnan sa Juan 11:18). Ibuod ang Juan 11:8–10 na ipinapaliwanag na pinayuhan si Jesus ng ilang disipulo na huwag bumalik sa Judea dahil ninanais Siyang patayin ng mga pinunong Judio sa lugar na iyon (tingnan sa Juan 10:31–39 at sa Joseph Smith Translation, John 11:16 na nagsasabing “Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo’y magsiparoon din naman, upang tayo’y mangamatay na kasama niya; sapagkat nangatakot sila na dakpin si Jesus ng mga Judio at patayin siya, dahil hindi pa nila nauunawaan ang kapangyarihan ng Dios.” Tumugon si Jesus sa pagsasabing gagamitin Niya ang nalalabing oras ng Kanyang buhay upang gawin nang walang humpay ang Kanyang gawain.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 11:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus tungkol sa kalagayan ni Lazaro.
-
Ano ang maling pagkaunawa ng mga disipulo sa sinabi ni Jesus tungkol sa kalagayan ni Lazaro?
-
Ayon sa talata 15, bakit nagalak si Jesus na wala Siya roon upang pagalingin ang karamdaman ni Lazaro? (Sabihin sa mga estudyante na markahan ang pahayag na “upang kayo’y magsipaniwala” sa kanilang mga banal na kasulatan.)
Ipaliwanag na ipinahihiwatig ng Tagapagligtas na ang gagawin Niya sa Betania ay makatutulong sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga disipulo sa Kanya.
Ibuod ang Juan 11:16 na ipinaliliwanag na hinikayat ni Apostol Tomas ang kanyang mga kapwa disipulo na sumama sa kanya sa pagpunta sa Judea kasama si Jesus kahit nangangahulugan ito na mamatay kasama Siya.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 11:17, na inaalam kung gaano katagal nang patay si Lazaro nang dumating si Jesus sa Betania. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang kahalagahan ng pagkamatay ni Lazaro nang apat na araw.
“Nagsimula na ang pagka-agnas; matagal nang naitatag ang lubos na katiyakan ng kamatayan. … Para sa mga Judio, may espesyal na kahulugan ang apat na araw; naniniwala sila na sa ika-apat na araw, tuluyan nang nilisan ng espiritu ang katawan nito” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:533).
-
Para sa mga Judio, ano ang kahulugan ng isang taong patay na nang apat na araw?
-
Kung kayo si Marta o Maria, ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo nang hindi dumating si Jesus hanggang sa apat na araw nang patay si Lazaro?
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 11:18–27. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Marta kay Jesus tungkol sa pagsubok na ito.
-
Anong mga pahayag sa mga talata 21–27 ang nagpapahiwatig na pinili ni Marta na sumampalataya kay Jesucristo sa panahong ito ng pagsubok? (Kung ipinalabas mo ang video, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isang minuto upang marebyu ang mga talatang ito.)
-
Alin sa mga sinabi ni Marta ang lubos na nagpahanga sa inyo? Bakit?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Marta tungkol sa magagawa natin habang dumaranas tayo ng mga pagsubok? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Maaari nating piliing sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong sinusubukan tayo.)
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Juan 11:25–26. Ipaliwanag na ang mga katagang “hindi mamamatay magpakailan man” (Juan 11:26) ay tumutukoy sa pangalawa o espirituwal na kamatayan, o pagkahiwalay mula sa kinaroroonan at kaharian ng Diyos.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa pahayag ng Tagapagligtas kay Marta? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay. Kung maniniwala tayo kay Jesucristo, matatanggap natin ang buhay na walang hanggan.)
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 11:28–36. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Maria kay Jesus at paano Siya tumugon. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “nalagim, pagkalagim” sa mga talatang ito ay pagdadalamhati o pagkalungkot.
-
Paano ipinakita ng sinabi ni Maria sa talata 32 ang kanyang pananampalataya sa Tagapagligtas?
-
Paano tumugon si Jesus nang makita Niya ang pag-iyak ni Maria at ng mga kasama niya?
-
Sa palagay ninyo, bakit tumangis o umiyak si Jesus?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 11:37, na inaalam ang inisip ng ilang tao na nagawa sana ni Jesus para kay Lazaro. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 11:38–46. Sabihin sa klase na alamin ang sumunod na ginawa ng Tagapagligtas.
-
Sa talata 40, ano ang ipinaalala ni Jesus kay Marta matapos siyang mag-alinlangan sa pagtanggal ng batong nakatakip sa libingan ni Lazaro?
-
Paano natupad ang pangakong ito? (Maaari mong ipaliwanag na hindi nabuhay na muli si Lazaro at hindi siya imortal; ibinalik ang kanyang espiritu sa katawan niya, ngunit mortal pa rin ang pisikal na katawang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie. Sabihin sa klase na pakinggan ang mahalagang layuning nagawa ng Tagapagligtas sa pagpapabangon kay Lazaro mula sa mga patay.
“Inihanda niya ang lahat, upang maipamalas ang isa sa kanyang mga pinakadakilang turo: Na siya ang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan, na ang imortalidad o kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ay dumating sa pamamagitan niya, at ang mga naniniwala at sumusunod sa kanyang mga salita ay hindi kailanman daranas ng espirituwal na kamatayan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:531).
-
Paano ipinakita ng himalang ito ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?
-
Paano ipinakita ng himalang ito ang kapangyarihan Niyang magbigay ng imortalidad at buhay na walang hanggan?
-
Paano tayo mapagpapala ng pagkaunawa sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magbigay ng imortalidad at buhay na walang hanggan?
Ipaalala sa klase na sa simula’y nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo sina Marta at Maria sa pagpapadala sa Kanya ng mensahe noong maysakit si Lazaro at nagpatuloy sa paniniwala at pagtitiwala sa Kanya kahit namatay na si Lazaro. Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung pipiliin nating sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas tayo ng pagsubok, …
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang alituntuning ito batay sa natutuhan ninyo sa Juan 11? (Matapos sumagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara upang ganito ang kalabasan: Kung pipiliin nating sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas tayo ng pagsubok, titibay at lalalim ang pananampalataya natin sa Kanya.)
Ipaalala sa mga estudyante na inisip ng ilang tao kung mapipigilan ni Jesus ang pagkamatay ni Lazaro (tingnan sa talata 37), ngunit hinintay ni Jesus na apat na araw nang patay si Lazaro bago siya dumating sa Betania (tingnan sa talata 37).
-
Paano pinagtibay at pinalalim ng pagbuhay kay Lazaro kahit na apat na araw na siyang patay ang pananampalataya ng mga disipulo ni Jesus at nina Marta at Maria sa Tagapagligtas? (Sa pagbuhay kay Lazaro kahit apat na araw na siyang patay, ipinakita ni Jesus na mayroon Siyang kapangyarihang daigin ang kamatayan na hindi maikakaila o hindi mauunawaan ng mga Judio.)
-
Kailan ninyo piniling sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas kayo ng pagsubok at napagtibay at napalalim ba ang inyong pananampalataya dahil dito?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang gagawin nila na makatutulong sa kanila na piliing sumampalataya kay Jesucristo sa mga panahong dumaranas sila ng pagsubok o sa panahong mararanasan pa lamang nila ito.
Juan 11:47–57
Nagplano ang mga punong saserdote at mga Fariseo na patayin si Jesus
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 11:47–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging reaksyon ng mga punong saserdote at mga Fariseo sa mga ulat na pinabangon ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ibuod ang Juan 11:49–57 na ipinaliliwanag na sinuportahan ni Caifas, ang punong saserdote, na dapat patayin si Jesus upang maiwasan ang pagwasak ng mga Romano sa kanilang bansa. At wala sa loob niyang nasabi ang mga epektong dulot ng pagkamatay ni Jesus sa mga anak ng Diyos. Determinado ang mga pinunong Judio na patayin si Jesus at inutos na sinumang may alam ng Kanyang kinaroroonan ay dapat ipabatid sa kanila upang madakip Siya.
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.