Lesson 79
Juan 20
Pambungad
Sa Linggo matapos ang Pagpapako sa Krus, nakita ni Maria Magdalena na walang laman ang libingan at ipinaalam kina Juan at Pedro, na tumakbo naman patungo rito. Nagpakita kay Maria Magdalena ang nabuhay na muling Cristo at sa Kanyang mga disipulo kalaunan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 20:1–10
Nakita ni Maria Magdalena na walang laman ang libingan at sinabi kina Juan at Pedro, na tumakbo naman patungo rito
Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang Juan 20, sabihin sa kanila na isipin ang isang pagkakataon na pumanaw ang mahal nila sa buhay o ang mahal sa buhay ng kakilala nila.
-
Ano kaya ang madarama natin kapag namatay ang isang mahal natin sa buhay?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Juan 20, ipaalala sa kanila na pagkatapos mamatay ni Jesus nang mga alas-3 ng hapon nang araw ng Biyernes, ang kanyang katawan ay inihimlay sa isang libingan sa hapon ding iyon at inilagay ang isang malaking bato upang isara ang pasukan ng libingan. At simula na ng araw ng Sabbath sa paglubog ng araw. (Maaari mong ipaliwanag na bago ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ipinagdiriwang ang Sabbath ng mga pinagtipang tao ng Panginoon mula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na isipin kung ano kaya ang nadama ng mga disipulo ni Jesus sa kalunus-lunos na araw na iyon ng Biyernes.
“Iniisip ko kung gaano kadilim ang Biyernes na iyon nang iangat sa Krus si Cristo.
“Noong kahindik-hindik na Biyernes na iyon nilindol at nagdilim ang mundo. Hinaplit ng bagyo ang daigdig.
“Ang masasamang taong iyon na pumatay sa Kanya ay nagalak. Ngayong wala na si Jesus, tiyak na magkakawatak-watak ang mga sumunod sa Kanya. Sa araw na iyon nagtagumpay sila.
“Noong araw na iyon ang tabing ng templo ay nahapak sa dalawa.
“Kapwa namighati at nalumbay si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Jesus. Ang dakilang lalaking kanilang minahal at sinamba ay walang buhay na nakabayubay sa krus.
“Noong Biyernes na iyon nawalan ng pag-asa ang mga apostol. Si Jesus na kanilang Tagapagligtas—ang lalaking lumakad sa tubig at nagbangon sa mga patay—Siya mismo ay nasa kamay ng masasamang tao. Wala silang magawa habang nadaraig Siya ng Kanyang mga kaaway.
“Noong Biyernes na iyon ang Tagapagligtas ng sangkatauhan ay hinamak at sinaktan, inabuso at kinamuhian.
“Iyon ay araw ng Biyernes na puno ng masakit at nakapanlulupaypay na kalungkutang bumagabag sa kaluluwa ng mga yaong nagmahal at sumamba sa Anak ng Diyos.
“Palagay ko sa lahat ng araw sa simula pa lang ng kasaysayan, ang Biyernes na iyon ang pinakamadilim” (“Sasapit ang Linggo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 29).
-
Kung isa kayo sa sa mga disipulo na naroroon noong Biyernes na iyon, ano kaya ang maiisip o madarama ninyo?
Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, basahin nang malakas ang karagdagang pahayag ni Elder Wirthlin:
“Ngunit hindi nagtagal ang malungkot na araw na iyon” (“Sasapit ang Linggo,” 30).
Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano “hindi nagtagal ang malungkot na araw na iyon” habang pinag-aaralan nila ang Juan 20.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Maria Magdalena nang dumating siya sa libingan ni Jesus noong umaga ng unang araw ng linggo, o Linggo.
-
Ano ang nakita ni Maria?
-
Ano ang ginawa ni Maria nang malaman niya na naalis ang bato sa pasukan ng libingan? Ano ang inisip niya?
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 20:3–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Pedro at ni Juan, na tinukoy bilang “isang alagad” (talata 3), matapos marinig ang ibinalita ni Maria.
-
Ano ang ginawa nina Pedro at Juan matapos marinig ang ibinalita ni Maria?
-
Ayon sa talata 8, ano ang reaksyon ni Juan nang nakita niya ang libingang walang laman? Ano ang pinaniwalaan niya?
Maaari mong ipaliwanag na bago nakita ni Juan ang libingang walang laman, hindi pa niya lubos na naunawaan ang mga pahayag ng Tagapagligtas na babangon Siya mula sa kamatayan sa pangatlong araw. Nang nakita ni Juan ang libingang walang laman, naalala at naniwala na siya (tingnan sa Juan 20:8–9).
Juan 20:11–31
Nagpakita kay Maria Magdalena ang nabuhay na muling Tagapagligtas at sa Kanyang mga disipulo kalaunan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang kumausap kay Maria pagkatapos lisanin nina Pedro at Juan ang libingan.
-
Sa mga talata 12–13, sino ang kumausap kay Maria?
-
Sino ang kumausap kay Maria sa talata 15? Sa palagay ni Maria, sino si Jesus?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus kay Maria nang makilala niya Siya.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng katagang “huwag mo akong hipuin” (talata 17), ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Binangit sa King James Version na sinabi ni Jesus na ‘Huwag mo akong hipuin.’ Sinabi naman sa Joseph Smith Translation na ‘Huwag mo akong hawakan.’ Mababasa sa iba’t ibang pagsasalin ng talata mula sa Griyego ang ‘Huwag kang kumapit sa akin’ o ‘Huwag mo akong hawakan.’ Ang ilang kahulugan ay nagsasabing ‘Huwag kang kumapit sa akin kailanman’ o ‘Huwag mo akong hawakan kailanman.’ Ang iba ay nagsasabing itigil na ang paghawak o pagkapit sa kanya, na nagpapahiwatig na nakahawak na sa kanya si Maria. Mayroong magandang dahilan para isiping ganito ang sinabi ng nabuhay na muling Panginoon kay Maria: ‘Hindi mo na akong maaaring hawakan, dahil ako ay aakyat na sa aking Ama’” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 4:264).
-
Ayon sa talata 17, ano ang iniutos ni Jesus kay Maria?
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isa sila sa mga disipulong nakarinig sa patotoo ni Maria. Ipasagot sa mga estudyante ang sumusunod na mga tanong sa kanilang mga notebook o scripture study journal:
-
Ano sa palagay ninyo ang inyong mararamdaman habang nakikinig kayo kay Maria?
-
Maniniwala ba kayo sa kanya? Bakit oo o bakit hindi?
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Ipaalala sa kanila na nahirapan ang ilang disipulo na maniwala sa patotoo ni Maria (tingnan sa Marcos 16:11).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:19–20, at sabihin sa klase na alamin ang nangyari noong gabing iyon.
-
Ano ang nangyari noong gabing iyon nang magkakasama ang mga disipulo?
-
Anong mahalagang doktrina ang natutuhan ni Maria at ng mga disipulo? (Maaaring iba’t iba sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Nadaig ni Jesucristo ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.)
-
Ayon sa talata 20, ano ang nadama ng mga disipulo nang makita nila ang nabuhay na muling Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin:
“At, sa isang iglap, ang mga matang puno ng luha ay natuyo. Ang mga labing umusal ng mga dalangin ng hirap at pagdurusa ay puno na ngayon ng papuri, sapagkat si Cristo Jesus, ang Anak ng buhay na Diyos, ay tumayo sa kanilang harapan bilang unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli, katibayan na ang kamatayan ay simula lamang ng bago at kahanga-hangang pag-iral ” (“Sunday Will Come,” 30).
-
Paano makatutulong sa atin ang kaalaman na nabuhay muli si Jesucristo kapag nagdadalamhati tayo sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay? (Dahil nabuhay na muli si Jesucristo, lahat ng nabuhay sa mundong ito ay mabubuhay ring muli [tingnan sa I Mga Taga-Corinto 15:20–22].)
Ibuod ang Juan 20:21–23 na ipinapaliwanag na matapos ipakita ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at tagiliran, inatasan Niya silang gawin ang Kanyang gawain at sinabi sa kanila, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo” (talata 22).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sinong Apostol ang wala sa banal na pangyayaring ito.
-
Sinong Apostol ang wala nang makita ng ibang mga disipulo ang nabuhay na muling Panginoon?
-
Ayon sa talata 25, ano ang sinabi ni Tomas na kailangan niya upang maniwala?
-
Paano naiiba ang tugon ni Tomas na nakatala sa talatang ito mula sa tugon ni Juan nang makita niya ang libingang walang laman na nakatala sa Juan 20:8?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahirap para kay Tomas na maniwala?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 20:26–29. Sabihin sa klase na alamin ang naranasan ni Tomas walong araw makalipas niyang sabihin na hindi siya naniniwala na nabuhay na muli si Jesus.
-
Pagkatapos hayaan ni Jesus na hipuin ni Tomas ang Kanyang mga kamay at tagiliran, ano ang nais Niyang piliing gawin ni Tomas? (Manampalataya at maniwala.)
-
Ayon sa talata 29, ano ang nais ng Panginoon na maunawaan ni Tomas?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa turo ng Tagapagligtas? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain tayo kapag pinili nating maniwala kay Jesucristo kahit hindi natin Siya nakikita.)
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong estudyante, at bigyan ang bawat grupo ng handout na naglalaman ng sumusunod na mga tanong.
Sabihin sa bawat grupo na talakayin ang mga tanong na ito at isulat ang kanilang mga sagot sa handout o sa kanilang scripture study journal. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
Ipaliwanag na kahit itinuro ni Jesus na pagpapalain tayo kung pipiliin nating maniwala sa Kanya kahit hindi pa natin Siya nakikita, maglalaan siya ng mga patotoo bilang batayan ng ating paniniwala.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 20:30–31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit itinala ni Juan ang mga pangyayaring ito.
-
Bakit itinala ni Juan ang mga pangyayaring ito? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang buhay [talata 31] ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan.)
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 31 tungkol sa mga patotoo ng mga apostol at mga propeta? (Maaaring iba’t iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Nagpapatotoo ang mga Apostol at propeta kay Jesucristo upang maniwala tayo na Siya ang Anak ng Diyos. Sa pagpiling maniwala sa patotoo ng mga apostol at mga propeta kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan. Ipinapahiwatig ng paniniwalang ito na magsisikap ang isang tao na sundin ang Kanyang mga kautusan at mamumuhay nang tapat sa patotoong iyon.)
-
Paano pinalalakas ng mga patotoo ng mga apostol at mga propeta ang inyong paniniwala kay Jesucristo?
Tapusin ang lesson na ibinabahagi ang iyong patotoo kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang natukoy nila sa Juan 20 sa pamamagitan ng pagtukoy kung paano nila maipapakita ang kanilang paniniwala kay Jesucristo.