Lesson 45
Lucas 3–4
Pambungad
Si Juan Bautista ay nangaral ng pagsisisi at nagpatotoo tungkol sa darating na Mesiyas. Si Jesucristo ay bininyagan ni Juan at pagkatapos ay nag-ayuno sa ilang nang 40 araw. Pagkatapos maglakbay patungong Galilea, ipinahayag ni Jesus sa Nazaret na Siya ang Mesiyas. Hindi Siya tinanggap ng mga tao sa Nazaret, at nagpunta Siya sa Capernaum, kung saan Siya nagpagaling ng maysakit at nagpaalis ng mga demonyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 3:1–22
Si Juan Bautista ay nagpropesiya tungkol kay Jesucristo
Bago magklase, hilingin sa isang estudyante na pag-aralan ang tala tungkol kay Elijah at sa balo ng Sarepta sa I Mga Hari 17:1–16 at sa isa pang estudyante na pag-aralan ang tala tungkol kay Naaman at Eliseo sa II Mga Hari 5:1–15. Ipaliwanag na magbibigay sila ng maikling buod ng mga talang ito kalaunan sa lesson. Sabihin sa kanila na bigyang-diin ang ginawa ni Naaman at ng balo ng Sarepta para ipakita ang kanilang pananampalataya at ituro na ang dalawang ito ay mga Gentil (hindi kabilang sa sambahayan ni Israel).
Sa simula ng lesson, sabihin sa mga estudyante na isulat sa kapirasong papel ang isang pagkakataon na naramdaman nilang nakahiwalay o nakabukod sila sa mga taong nakapaligid sa kanila dahil sinusunod nila ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo (tiyakin na hindi isusulat ng mga estudyante ang kanilang pangalan sa papel nila). Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibigay sa iyo ang kanilang papel. Basahin nang malakas ang ilan sa mga karanasan sa klase.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 3:1–22 na magpapaliwanag kung bakit kung minsan ay maaaring madama ng mga taong sumusunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nakahiwalay sila sa iba.
Ipaliwanag na sa ilalim ng batas ni Moises, ang mataas na saserdote ay ang namumunong opisyal ng Aaronic Priesthood at pinuno ng bansang Israel. Gayunman, sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas, nadungisan ang katungkulan ng mataas na saserdote. Sa halip na Diyos ang pumipili, ang pumipili ng matataas na saserdote ay ang mga taong katulad nina Herodes at iba pang pinuno ng mga Romano (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “High priest”).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 3:2–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kanino nangusap ang Diyos sa halip na sa matataas na saserdote.
-
Sa halip na sa matataas na saserdote, kanino nangusap ang Diyos? (Kay “Juan ang anak ni Zacarias,” na kilala rin bilang si Juan Bautista.)
-
Ano ang itinuturo ni Juan Bautista?
Ipaliwanag na noong panahon ni Juan, may ilang tao na naniniwala na dahil mga inapo sila ni Abraham, sila ay mas mabuti o mas mahal ng Diyos kaysa sa mga hindi Israelita. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 3:7–9, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Juan Bautista sa mga Judio na kailangan nilang gawin upang malugod ang Diyos.
-
Ano ang itinuro ni Juan na kailangang gawin ng mga Judio upang malugod ang Diyos? (Ipaliwanag na ang “bunga” ay simbolo ng mga resulta ng mga pinili natin.)
-
Ayon sa talata 9, ano ang mangyayari sa mga hindi “nagbubunga ng mabuti,” o hindi namumuhay nang matwid?
Ibuod ang Lucas 3:10–15 na ipinapaliwanag na nagturo si Juan sa mga partikular na grupo ng mga Judio kung paano sila magbubunga ng mabuti. Kahanga-hanga ang ministeryo ni Juan, at inakala ng ilan na siya marahil ang Mesiyas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 3:16–17, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Juan na gagawin ng Mesiyas kapag Siya ay dumating.
-
Ano ang sinabi ni Juan na gagawin ng paparating na Mesiyas?
Ipaliwanag na ang mga katagang “kayo’y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy” (talata 16) ay tumutukoy sa nagpapadalisay at nagpapabanal na epekto ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang talata 17, magdispley ng isang dakot na butil o maliliit na bato at kaunting kusot (sawdust) o maliliit na piraso ng diyaryo. Paghaluin ang mga butil at kusot, at ilagay ito sa isang mababaw na trey.
-
Paano maihihiwalay ng isang tao ang mga butil mula sa kusot?
Ipaliwanag na pagkatapos anihin at giikin ang trigo (kung saan inihihiwalay ang butil mula sa iba pang bahagi ng halaman), ang butil ay tinatahip. Ang pagtatahip ay isang sinaunang paraan na ginagamit para ihiwalay ang trigo mula sa ipa (ang balat) nito at sa talupak (husk). Gumagamit ang tagatahip ng malaking pala o kahoy na sambat (isinalin sa mga banal na kasulatan bilang “kalaykay”) para malipad ng hangin ang nagiik na trigo. Tatangayin ng hangin ang mas magaan at di-kanais-nais na ipa, at ang mas mabigat na mga butil ng trigo ay babagsak sa isang tumpok na nasa sahig ng giikan.
Para mailarawan ang konseptong ito, magpakita ng isang pamaypay (maaari kang gumamit ng makapal na papel, karton, o nakatuping papel kung kinakailangan). Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at sabihin sa kanya na paypayan ang mga butil at sawdust. Habang pinapaypayan na ito ng estudyante, dahan-dahang yugyugin ang pinaghalong butil at sawdust para liparin ng hangin ang sawdust samantalang ang mga butil ay nahuhulog pabalik sa tray. Paupuin ang estudyante.
-
Ano ang sinisimbolo ng trigo at ng ipa? (Ang trigo ay sumisimbolo sa mabubuti at ang ipa ay sumisimbolo sa masasama.)
-
Ayon sa mga talata 16–17, sino ang naghihiwalay sa mabubuti mula sa masasama? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hinihiwalay ni Jesucristo ang mabubuti mula sa masasama.)
-
Bagama’t ang huling paghihiwalay ng mabubuti mula sa masasama ay magaganap sa Araw ng Paghuhukom, sa papaanong paraan nahihiwalay ngayon ang mga disipulo sa ibang tao dahil sa pagsunod nila kay Jesucristo at pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo?
-
Bakit kailangan nating maunawaan na mararamdaman natin na nakahiwalay tayo sa ibang tao dahil ninais nating sundin si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo?
Ibuod ang Lucas 3:18–22 na ipinapaliwanag na dumating si Jesus upang magpabinyag kay Juan Bautista. Kalaunan, si Juan Bautista ay ipinakulong ni Herodes.
Lucas 3:23–38
Ang angkang pinagmulan ni Jesucristo ay inilahad
Ibuod ang Lucas 3:23–38 na ipinapaliwanag na isinama ni Lucas ang talaangkanan o genealogy ni Jesus at nagpatotoo na si Jose ang “sinasapantaha” (hindi totoong) ama ni Jesus, na Anak ng Diyos.
Lucas 4:1–13
Si Jesus ay tinukso ni Satanas sa ilang
Ipaliwanag na naglalaman ang Lucas 4:1–13 ng tala tungkol sa pag-aayuno ni Jesus nang 40 araw sa ilang at ang pagtanggi sa mga tukso ni Satanas.
Lucas 4:14–30
Ipinahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas
Ilista sa pisara ang mga salitang nangaaapi, bihag, dukha, at bulag. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sandaling nadama nila ang isa o mahigit pa sa mga salitang ito. Sabihin sa kanila na alamin kung paano mapapawi ang mga nadaramang ito sa pag-aaral nila ng Lucas 4:14–30.
Ibuod ang Lucas 4:14–17 na ipinapaliwanag na pagkatapos lisanin ni Jesus ang ilang, nagsimula Siyang mangaral sa mga sinagoga sa Galilea. Di-nagtagal, bumalik Siya sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Habang naroon, Siya ay tumayo sa sinagoga at nagbasa mula sa aklat ni Isaias.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 4:18–21, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Isaias tungkol sa banal na misyon ng Mesiyas.
-
Ano ang pinatotohanan ni Jesus sa mga tao sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Si Jesus ang Mesiyas na isinugo upang pagalingin ang namimighati at iligtas ang mga espirituwal na bihag.)
-
Ano ang mga naranasan ninyo na nagpakita sa inyo na patuloy tayong pinagagaling at inililigtas ni Jesucristo sa ating panahon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 4:22, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon ang mga tao sa Nazaret sa hayagang pagpapahayag ni Jesus na Siya ang matagal nang hinihintay na Mesiyas.
-
Ano ang reaksyon ng mga tao sa pahayag ni Jesus?
-
Batay sa talata 22, bakit sa palagay ninyo nahirapan ang mga tao sa Nazaret na maniwala na si Jesus ang Mesiyas?
Ibuod ang Lucas 4:23 na ipinapaliwanag na alam ni Jesus na hahamunin Siya ng mga tao sa Nazaret na patunayan na Siya ang Mesiyas sa pagpapaulit sa Kanya ng mga himalang ginawa Niya sa Capernaum.
Sabihin sa mga estudyante na mabilis na basahin ang Lucas 4:24–27, na inaalam ang dalawang tala mula sa Lumang Tipan na binanggit ng Tagapagligtas bilang tugon Niya sa mga tao sa Nazaret. (Maaaring kailanganin mong linawin na ang Elias ay tumutukoy kay Elijah at si Eliseo ay tumutukoy kay Elisha.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Sabihin sa dalawang estudyante na hinilingan mong pag-aralan ang mga talang ito na ilahad na ngayon ang kanilang buod. Pagkatapos, ipaliwanag na itinuro ni Jesus sa mga tao ng Nazaret na bagama’t may mga Israelitang balo at ketongin, ang nakaranas ng mga himala ay dalawang hindi Israelita (mga Gentil).
-
Paano nagpakita ng pananampalataya si Naaman at ang balo ng Sarepta?
-
Paano naiiba ang pananampalataya ng balo at ni Naaman sa pananampalataya ng mga tao sa Nazaret?
Ituro na kakaunti lang ang naisagawang himala ni Jesus sa Nazaret dahil karamihan sa mga tao roon ay walang pananampalataya sa Kanya (tingnan sa Mateo 13:54–58; Marcos 6:1–6).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pananampalataya kapag inihambing natin ang mga tao sa Nazaret sa balo at kay Naaman? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makakakita tayo ng mga himala.)
Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at maglista ng mga paraan na maipapakita natin na sumasampalataya tayo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Matapos maglista ang mga estudyante, itanong:
-
Ano ang mga halimbawa ng mga pagpapala o himala na dumarating lamang kapag kumilos muna tayo nang may pananampalataya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 4:28–30, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon kay Jesus ang mga tao sa sinagoga. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa paanong paraan ipinapakita ng talang ito kung paano ihihiwalay ni Jesucristo ang masasama sa mabubuti? (Tingnan sa Lucas 3:17.)
Lucas 4:31–44
Si Jesus ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang malakas ang Lucas 4:31–44 at alamin ang mga pagpapalang natanggap ng mga tao ng Capernaum kumpara sa mga pagpapalang natanggap ng mga tao ng Nazaret. Pagkatapos nilang magbasa, sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila ang kanilang isasagot sa mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Ano ang kaibahan ng reaksyon kay Jesus ng mga tao sa Capernaum sa reaksyon ng mga tao sa Nazaret?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ng mga tao ng Capernaum, kumpara sa mga pagpapalang natanggap ng mga tao sa Nazaret?
-
Paano inilalarawan ng mga talang ito ang alituntunin na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, makakakita tayo ng mga himala?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot sa huling dalawang tanong.
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa mga pagpapalang natanggap mo habang ipinapakita mo ang iyong pananampalataya sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang paraan na maipapakita nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Anyayahan sila na magtakda ng mithiin na gawin ang mga bagay na isinulat nila.