Library
Lesson 46: Lucas 5


Lesson 46

Lucas 5

Pambungad

Pagkatapos mahimalang makahuli ng maraming isda sa tulong ng Tagapagligtas, iniwan nina Pedro, Santiago, at Juan ang lahat upang sumunod sa Tagapagligtas at maging mga mamamalakaya o mangingisda ng mga tao. Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin at isang lalaking bulag. Tinawag Niya si Mateo para maging disipulo at itinuro na naparito Siya upang mangaral ng pagsisisi sa mga makasalanan. Itinuro rin ni Jesus ang talinghaga ng bagong alak sa mga lumang balat.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 5:1–11

Tinawag ng Panginoon sina Pedro, Santiago, at Juan na maging mga mamamalakaya o mangingisda ng mga tao

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Kailan kayo inutusang gawin ang isang bagay nang hindi nalalaman ang dahilan kung bakit ito gagawin? Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tanong at anyayahan ang ilan na magbahagi ng kanilang mga karanasan.

  • Bakit maaaring mahirap sundin ang mga instruksyon kapag hindi nauunawaan ang mga dahilan nito?

  • Anong mga utos o payo mula sa mga lider ng Simbahan ang maaaring mahirapan ang ilang kabataan na sundin kung hindi nila lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa Lucas 5:1–11 na makatutulong sa kanila kapag hindi nila lubusang nauunawaan kung bakit sila inuutusang sundin ang payo o mga kautusan ng Panginoon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas sa Lucas 5:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagagawa ng Tagapagligtas kay Simon (Pedro) pagkatapos Niyang mangaral. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin sa talata 4 ng mamalakaya ay mangisda o manghuli ng isda.)

  • Ano ang sinabi ni Simon sa Tagapagligtas tungkol sa nakaraang pagsisikap nila na makahuli ng isda?

  • Ano kaya ang naging karanasan noon ni Simon sa pangingisda kaya niya nasabi iyon nang utusan siya ng Tagapagligtas na ihulog muli ang mga lambat?

  • Ano ang sinabi ni Simon na nagpakita ng pagtitiwala niya sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 5:6–9, at sabihin sa klase na alamin ang nangyari nang sundin ni Simon ang iniutos ng Panginoon.

  • Ano ang nangyari nang sundin ni Simon ang iniutos ng Panginoon?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa kahandaan ni Simon na sundin ang utos ng Panginoon kahit hindi niya nauunawaan ang dahilan nito? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang utos ng Panginoon kahit hindi natin nauunawaan ang dahilan nito, maaari Siyang magbigay ng mas malalaking pagpapala kaysa inaasahan natin. Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa papaanong paraan humihingi ng pagtitiwala kay Jesucristo ang pagsunod sa alituntuning ito?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag:

Elder Richard G. Scott

“Ang buhay na ito ay isang karanasan sa pagtitiwala nang lubos—pagtitiwala kay Jesucristo, pagtitiwala sa Kanyang mga turo, pagtitiwala sa ating kakayahan kapag nahikayat ng Banal na Espiritu na sundin ang mga turong iyon upang lumigaya ngayon at upang mabuhay nang may layunin at lubos na kaligayahan sa kawalang-hanggan. Ang ibig sabihin ng magtiwala ay sumunod nang kusa nang hindi nalalaman ang wakas mula sa simula (tingnan sa Kawikaan 3:5–7). 3:5–7). Upang mabuti ang ibunga nito, dapat mas malakas at matibay ang inyong pagtitiwala sa Panginoon kaysa pagtitiwala ninyo sa inyong personal na nadarama at kaalaman” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17).

  • Paano tayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagtitiwala sa Tagapagligtas?

  • Paano kayo o ang inyong pamilya nakatanggap ng mas malalaking pagpapala kaysa inaasahan ninyo dahil sa pagsunod sa mga itinuro ng Panginoon kahit hindi ninyo lubos na naunawaan ang mga dahilan nito? (Maaaring kasama sa mga sagot ang mga karanasan na tumulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit nagbigay ang Panginoon ng gayong mga turo.)

Sa isang papel na maiuuwi nila, sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga payo o kautusan ng Panginoon na mas lalo pa nilang masusunod kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang mga dahilan sa paggawa nito. (Kung may oras pa, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011] para sa mga ideya.)

Ibuod ang Lucas 5:10–11 na ipinapaliwanag na iniwan nina Pedro, Santiago,at Juan ang kanilang mga bangkang pangisda at mga lambat para sumunod kay Jesus.

Lucas 5:12–26

Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin at isang lalaking lumpo

Ipakita sa mga estudyante ang sumusunod na mga bagay (o idrowing ang mga ito sa pisara): hiringgilya [syringe o injection], benda, sabon, at icepack.

  • Paano matutulungan ng mga bagay na ito ang mga tao para gumaling sa kanilang sakit o sugat?

  • Maliban sa karamdaman at pinsala sa katawan, ano pa ang kailangang mapagaling sa isang tao? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kasama sa mga sagot ang kasalanan, adiksyon, kawalan ng pag-asa, at kapighatian.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Lucas 5:12–25 na nagtuturo sa atin ng maaari nating gawin upang matulungan ang ating sarili at ang iba na makatanggap ng kinakailangang pagpapagaling.

Idrowing sa pisara ang sumusunod na chart at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

Mga Pagkakatulad

Mga Pagkakaiba

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya: Lucas 5:12–15 at Lucas 5:17–25. Ipaliwanag na isinasalaysay sa mga talatang ito na pinagaling ng Tagapagligtas ang dalawang lalaki. Isa sa mga lalaki ay may ketong, at ang isa pang lalaki ay lumpo, na ang ibig sabihin ay paralisado siya. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang bawat tala at pag-usapan ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano nagkatulad ang dalawang pagpapagaling na ito? Paano nagkaiba ang mga ito?

  • Ano ang naging bahagi ng pananampalataya sa bawat tala?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang chart ang nalaman nila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipamarka sa mga estudyante ang mga katagang “pagkakita sa kanilang pananampalataya” sa talata 20. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na nakatulong ang pananampalataya ng mga taong nagdala sa lalaking lumpo sa Tagapagligtas sa paggaling ng lalaking ito.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talang ito tungkol sa kung paano tayo mapapagaling at ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mapagaling? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay nanampalataya at lumapit sa Tagapagligtas, mapapagaling Niya tayo. Matutulungan natin ang iba na lumapit sa Tagapagligtas upang sila rin ay mapagaling. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)

  • Sa paanong mga paraan tayo napagagaling ng Tagapagligtas? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring alisin ng Tagapagligtas ang ating mga karamdaman, o maaari Niya tayong bigyan ng lakas ng loob, pananampalataya, kapanatagan, at kapayapaan na kailangan natin upang mapagtiisan o makayanan ang ating mga karamdaman.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga karamdamang nakalista sa pisara na kakailanganing mapagaling sa mga tao.

  • Ano ang magagawa ninyo para makatulong na madala ang mga tao sa Tagapagligtas upang sila ay Kanyang mapagaling?

  • Kailan kayo o ang isang kakilala ninyo napagaling sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

  • Kailan kayo nakakita ng isang taong nagdala sa Panginoon ng iba pang tao para mapagaling ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang magagawa nila para higit na manampalataya kay Jesucristo upang mapagaling, mapatawad, o mapanatag o ang magagawa nila upang madala ang isang kaibigan o ibang tao sa Tagapagligtas. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na maaaring matanggap nila.

Lucas 5:27–35

Nagtanong ang mga eskriba at Fariseo kung bakit kumakain si Jesus kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 5:27–28, at sabihin sa klase na alamin ang paanyaya ng Tagapagligtas kay Levi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang hinangaan ninyo sa tugon ni Levi sa paanyaya ng Tagapagligtas?

Ipaalala sa mga estudyante na si Levi ay tinatawag ding Mateo (tingnan sa Mateo 9:9). Siya ay maniningil ng buwis, na ibig sabihin ay nangongolekta siya ng mga buwis sa kanyang kapwa Judio para sa pamahalaan ng mga Romano. Karaniwang kinapopootan ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis at itinuturing sila na masasama, makasalanan, at mga taksil sa bansang Israel. Ibuod ang Lucas 5:29–35 na ipinapaliwanag na habang kumakain ang Tagapagligtas kasama si Levi at ang iba pa, kinutya Siya ng mga eskriba at Fariseo sa pagsalo sa mga makasalanan. Itinuro ni Jesus na naparito Siya upang mangaral ng pagsisisi sa mga makasalanan.

Lucas 5:36–39

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng bagong alak na nasa mga lumang balat

Ipaliwanag na gumamit ang Tagapagligtas ng talinghaga upang turuan ang mga eskriba at mga Fariseo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas sa Lucas 5:36–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga bagay na ginamit ng Tagapagligtas sa Kanyang talinghaga.

  • Anong mga bagay ang ginamit ng Tagapagligtas sa pagtuturo ng Kanyang talinghaga?

Magpakita sa mga estudyante ng isang pirasong bagong tela at isang pirasong lumang tela na may butas. Ipaliwanag na ang “bagong damit” sa talata 36 ay tumutukoy sa telang hindi pa umuurong. Hindi matatagpian ang isang lumang damit ng bagong tela dahil kapag umurong ang bagong tela, mas lalaki pa ang butas kaysa dati. Sa gayunding paraan, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi pagtatagpi sa mga sinaunang paniniwala at gawi kundi isang lubos at ganap na panunumbalik ng katotohanan.

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga balat ay tumutukoy sa “balat na sisidlan o wineskins,” at kung maaari, magpakita sa mga estudyante ng mga piraso ng bago at lumang balat.

  • Ano ang pagkakaiba ng bago at lumang balat? (Ang bagong balat ay malambot at madaling mabaluktot; ang lumang balat ay matigas at malutong na.)

Ipaliwanag na kapag ang bagong alak ay nagtagal sa balat na sisidlan, namumuo ang gas sa loob at nababanat ang balat. Kapag nabanat nang ganito ang balat na sisidlan, ang pagtatangkang lagyan muli ito ng bagong alak ay magdudulot ng maaaring pagputok nito.

Sa talinghaga, ang bagong alak ay sumasagisag sa mga turo ng Tagapagligtas at sa kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo, at ang lumang alak ay sumasagisagg sa mga gawi, kaugalian, at paniniwala ng mga Fariseo sa ilalim ng batas ni Moises.

  • Sa papaanong paraan sumasagisag ang “mga balat na luma” sa mga eskriba at mga Fariseo? (Tulad ng mga balat na luma na masyado nang matigas para malagyan ng bagong alak, ang mga eskriba at mga Fariseo ay matitigas ang puso at ayaw magbago upang matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo.)

  • Sino ang sinasagisag ng “mga bagong balat”? (Ang mga taong mapagpakumbaba at handang magbago upang matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo.)

  • Ano ang matututuhan natin sa talinghagang ito tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Upang matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo, dapat tayong maging mapagpakumbaba at handang magbago. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 5:36–39.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na rebyuhin ang Lucas 5 at maghanap ng mga halimbawa kung paano naging matigas at hindi nagbago ang mga tao sa kanilang saloobin sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo at maghanap din ng mga halimbawa kung paano nagpakumbaba at naging handang magbago at umunlad ang mga tao sa pagsunod sa Tagapagligtas. Sabihin sa ilang estudyante na ilahad ang nahanap nila.

Tapusin ang iyong lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa Lucas 5.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 5:23. “Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?”

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee ang sumusunod tungkol sa pinakadakilang mga himala sa panahong ito:

“Ang pinakadakilang mga himalang nakikita ko ngayon ay hindi naman ang pagpapagaling ng mga katawang may karamdaman, ngunit ang pinakadakilang mga himalang nakikita ko ay ang pagpapagaling ng mga kaluluwang may karamdaman, yaong mga may karamdaman sa kaluluwa at espiritu at mga nawawalan ng pag-asa at nababalisa, na halos maglaho na ang katinuan ng pag-iisip. Tinutulungan natin ang lahat ng tao na nasa ganitong kalagayan, dahil napakahalaga nila sa paningin ng Panginoon, at ayaw nating madama ng sinuman na sila ay nakaligtaan na” (“Stand Ye in Holy Places” Ensign, Hulyo 1973, 123).

Lucas 5:21–24. “Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang?”

Pinupuna ang pag-aalinlangan ng mga eskriba at mga Fariseo sa awtoridad ng Tagapagligtas na magpatawad ng kasalanan, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:

“Ang kaganapang ito sa buhay ng ating Panginoon ay malinaw at di-mapabubulaanan na siya ang Mesiyas; at alam na alam ito ng mga taong Kanyang pinaglingkuran. Madalas Siyang magpatotoo na ang Diyos ang kanyang Ama at pinagtibay ang personal na patotoong iyan sa pamamagitan ng walang kapantay na pangangaral at pagpapagaling. Ngayon layunin niya na ipahayag na ginawa niya ang hindi magagawa ninuman maliban ng Diyos at patunayan na nagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita pa ng kapangyarihan ng kanyang Ama.

“Kapwa alam ni Jesus at ng ‘mga dalubhasa sa batas’ na naroon noon na walang sinuman maliban sa Diyos ang makapagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya, dahil sa tuwiran at malakas na patotoo na ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanya … , ginawa ni Jesus ang hindi magagawa ng mga impostor—pinatunayan niya ang kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa pinatawad na lalaki” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:177–78).

Lucas 5:20. “Pagkakita [ni Jesus] sa kanilang pananampalataya”

Tinutukoy ang lalaking lumpo at ang mga katagang “pagkakita [ni Jesus] sa kanilang pananampalataya” (Lucas 5:20; idinagdag ang italics), itinuro ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu:

“Ang pinagsama-sama nating pananampalataya ay may epekto rin sa kapakanan ng iba.

“Sino ang mga taong iyon na binanggit ni Jesus? Maaaring kabilang dito ang apat na taong nagbuhat sa lalaking lumpo, ang tao mismo, ang mga tao na nagdasal para sa kanya, at lahat ng yaong nakikinig sa pangangaral ni Jesus at tahimik na nagsasaya sa kanilang puso para sa mangyayaring himala. Maaaring kabilang din ang isang asawa, magulang, anak na lalaki o babae, missionary, pangulo ng korum, pangulo ng Relief Society, bishop, at kaibigan sa malayong lugar. Matutulungan natin ang isa’t isa. Dapat ay palagi tayong sabik sa pagsagip sa mga taong nangangailangan” (“Tulung-tulong sa Pagsagip,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 16).