Library
Lesson 47: Lucas 6:1–7:18


Lesson 47

Lucas 6:1–7:18

Pambungad

Si Jesus ay nagturo tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng mabuti sa iba, pati na sa araw ng Sabbath. Matapos manalangin nang buong gabi, tinawag Niya ang Labindalawang Apostol at pagkatapos ay tinuruan sila at ang maraming tao. Pinagaling din Niya ang alipin ng isang senturion at binuhay ang anak ng isang balo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 6

Si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabbath, pumili ng Labindalawang Apostol, at nagturo sa maraming tao

(Paalala: Karamihan sa nilalaman ng Lucas 6 ay natalakay sa mga lesson para sa Mateo 5–7; 10:1–4; at Marcos 3:1–6. Ang bahaging ito ng lesson ay magtutuon sa Lucas 6:31–38.)

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay narinig nila sa kanilang mga miting sa Simbahan sa araw ng Linggo ang tungkol sa gagawing paglilingkod sa isang pamilyang nakatira malapit sa kanila. Matapos ibalita ito, nakarinig sila ng apat na magkakaibang reaksyon ng mga miyembro. Ipabasa nang malakas sa apat na estudyante ang sumusunod na kunwaring reaksyon ng mga miyembro:

  1. “Matindi ang pinagdaanan ng pamilyang iyan. Masaya akong tutulong sa abot ng makakaya ko.”

  2. “Dapat may miryenda pagkatapos, dahil kung wala, hindi ako pupunta.”

  3. “Ayaw ko talagang pumunta, pero kailangan ko ng tulong sa susunod na linggo sa isang proyektong isinasaayos ko, kaya dapat siguro akong tumulong ngayon.”

  4. “Kung pupunta ang kaibigan ko, pupunta rin ako.”

  • Ano ang sinasabi ng mga halimbawang ito tungkol sa mga dahilan kung bakit minsan ay naglilingkod ang mga tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataong nakapaglingkod sila at ang nadama nila habang ginagawa ito. Sabihin sa kanilang alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na maglingkod nang mas makabuluhan sa pag-aaral nila ng Lucas 6–7.

Ibuod ang Lucas 6 na ipinapaliwanag na habang nasa Galilea si Jesus noong mga unang araw ng Kanyang ministeryo, pinagaling Niya ang natutuyong kamay ng isang lalaki sa araw ng Sabbath, buong gabing nanalangin, at tinawag ang Labindalawang Apostol. Pagkatapos ay nagsimula si Jesus na turuan sila at ang “lubhang malaking bilang ng mga tao” (talata 17) kung paano makatatanggap ng gantimpala mula sa langit.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 6:19, na inaalam ang ginawa ni Jesus para sa mga tao bago Siya nagsimulang magturo sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 6:31–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang ipinayo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo?

  • Ayon sa talata 35, ano ang dapat nating asahang kapalit ng kabutihang ginawa natin sa iba? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “huwag mawawalan ng pagasa [huwag maghintay ng kapalit].”)

  • Anong mga temporal na gantimpala ang maaaring asamin ng mga tao kapag naglingkod sila?

  • Kung gagawa tayo ng mabuti sa iba nang hindi naghihintay ng anumang kapalit, ano ang ipinangako ng Panginoon na mangyayari? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung gagawa tayo ng mabuti sa iba nang hindi naghihintay ng anumang kapalit, malaki ang magiging gantimpla natin at tayo ay magiging mga anak ng Kataastaasan.)

Ipaliwanag na bagama’t lahat tayo ay anak ng Diyos, isinasakatuparan ng mga taong gumagawa ng mabuti sa iba ang kanilang banal na potensyal sa pamamagitan ng pagiging katulad ng Ama sa Langit.

  • Bakit ang pangakong ito ang pinakamagandang gantimpala para sa pagmamahal at paggawa ng mabuti sa iba?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 6:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga halimbawang ibinigay ni Jesus na mga paraan na makagagawa tayo ng mabuti sa iba.

  • Ayon sa mga talata 36–37, anong mga halimbawa ang ibinigay ni Jesus na mga paraan na makagagawa tayo ng mabuti sa iba? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga taong gumagawa ng mabuti sa mga paraang ito ay tatanggap ng awa at kapatawaran sa Diyos.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talata 38, magdala sa klase ng isang timba, basket, o kahon at ilan pang ibang mga bagay, tulad ng damit, pagkain, at bote ng tubig. Tiyaking magdala ng mas maraming bagay kaysa sa magkakasya sa lalagyang dala mo. Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at sabihin sa kanya na hangga’t maaari’y pagkasyahin ang mga bagay sa lalagyan. Pagkatapos ng estudyante, itanong sa kanya:

  • Paano inilalarawan ng mga katagang “takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw” (talata 38) ang iyong pagsisikap na punuin ang lalagyang ito? (Pasalamatan ang estudyante, at paupuin siya.)

  • Paano nailalarawan ng mga katagang ito ang paraan ng paggantimpala sa atin ng Ama sa Langit kapag tumulong tayo sa iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag bukas-palad tayong nagbigay sa iba, tayo ay lalong pagpapalain ng Ama sa Langit.)

  • Sa papaanong paraan tayo magiging bukas-palad sa pagbibigay sa iba?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na sila o ang isang taong kilala nila ay nagbigay nang bukas-palad sa iba. Ipakita ang mga sumusunod na tanong (o bigyan ng kopya ang mga estudyante), at sabihin sa kanilang sagutan ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal (o sa handout na ibinigay mo):

  • Paano ka o ang isang taong kilala mo pinagpala ng Panginoon sa pagbibigay nang bukas-palad?

  • Ano ang gagawin mo para maging mas bukas-palad sa iba?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang sinumang estudyante na gustong magbahagi ng isinulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin na tulungan ng Panginoon sa pagsisikap nilang maging mas bukas-palad sa iba.

Lucas 7:1–10

Pinagaling ni Jesus ang alipin ng isang senturion

Ipaliwanag na matapos magturo sa maraming tao, si Jesus ay pumunta sa isang bayan na tinatawag na Capernaum.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 7:2–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang humingi ng tulong kay Jesus pagkatapos mabalitaang naroon Siya sa bayan.

  • Sino ang humingi ng tulong kay Jesus?

Ipaliwanag na ang senturion ay isang Romanong opisyal na namumuno sa isang hukbong militar na binubuo ng 50 hanggang 100 kalalakihan.

  • Ano ang bumabagabag sa senturion?

Ipaliwanag na kadalasan ay ayaw ng mga Judio sa mga senturion dahil kumakatawan sila sa kapangyarihan ng mga Romano sa pamahalaan at militar na namumuno sa mga Judio at sa kanilang lupain (tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 153).

  • Anong klaseng tao ang senturion na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ipinakita ng senturion ang malaking pananampalataya kay Jesucristo.

  • Paano ipinakita ng senturion ang kanyang malaking pananampalataya kay Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nagantimpalaan ang pananampalataya ng senturion na ito. Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang nalaman nila.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Sa pagsampalataya kay Jesucristo, makatutulong tayo na mapagpala ang buhay ng iba.)

Lucas 7:11–18

Binuhay ni Jesus ang anak ng isang balo

Ipaliwanag na kinabukasan matapos pagalingin ng Tagapagligtas ang alipin ng senturion, gumawa Siya ng isa pang himala.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Jesus at ng mga disipulo habang papalapit na sila sa lungsod na tinatawag na Nain.

video icon Sa halip na ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:11–12, maaari mong ipanood ang isang bahagi ng video na “The Widow of Nain” (0:00–0:45) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, na makukuha sa LDS.org.

  • Ano ang nakita ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo habang papalapit sila sa pasukan ng lungsod?

  • Ayon sa talata 12, bakit napakasakit ng pagkamatay ng binata para sa babaeng ito?

Ipaliwanag na hindi lamang namatayan ng kanyang kaisa-isang anak ang babaeng ito, ngunit pumanaw na rin noon ang kanyang asawa. Bukod pa sa matinding kalungkutang naramdaman niya, wala na ring susuporta o tutustos sa kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:13–15, o ipalabas ang natirang bahagi ng video (0:45–2:23). Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng Tagapagligtas nang makita Niyang nagdadalamhati ang babaeng ito. (Maaari mong ipaliwanag na ang kabaong ay ang pinaghihimlayan ng patay.)

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa babaeng ito?

  • Ayon sa talata 13, bakit binuhay ni Jesus ang anak ng babaeng ito? (Maaari mong ipaliwanag na hindi hiniling ng balo na buhayin ang kanyang anak ngunit napansin Niya ang pangangailangan ng balo at Siya ay tumulong na tugunan ito.)

  • Ano ang mararamdaman ninyo kung kayo ang nasa sitwasyon ng balo at nakitang binuhay ng Tagapagligtas ang inyong nag-iisang anak?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa kung paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagiging mahabagin sa iba at pagtulong na matugunan ang kanilang mga pangangailangan na hindi nila binabanggit.)

  • Paano natin malalaman ang mga pangangailangan ng iba kung hindi nila ito sinasabi sa atin?

Ipaliwanag na kapag hinangad ng mga estudyante ang patnubay ng Espiritu Santo, makatatanggap sila ng inspirasyon kung paano tumugon sa nakatagong mga pangangailangan ng iba. Bukod pa riyan, maaaring pag-isipan ng mga estudyante ang natanggap na payo noon ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Kapag may nakilala ka, [isipin] mo na parang mabigat ang problema nila, at mas malamang na tama ka” (“Sa Lakas ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 16).

Para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning natukoy nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Kaunti lang ang nakatala sa ministeryo ng Panginoon na mas nakakaantig sa akin kaysa sa Kanyang ipinakitang pagkahabag sa nagdadalamhating balo ng Nain. …

“Anong kapangyarihan, kabaitan, pagkahabag ang ipinakita ng ating Panginoon! Maaari din nating mapagpala ang iba kung tutularan lamang natin ang Kanyang dakilang halimbawa. Naririyan ang mga pagkakataon sa lahat ng dako. Ang kailangan lamang ay mga matang makakakita sa kalunus-lunos na kalagayan at mga taingang dirinig sa tahimik na mga pagsamo ng namimighating puso. Oo, at isang kaluluwang puno ng pagkahabag, upang hindi lamang tayo makapag-usap nang mata sa mata o makarinig, kundi sa maringal na paraan ng Tagapagligtas, maging nang puso sa puso” (“Meeting Life’s Challenges,” Ensign, Nob. 1993, 71).

  • Kailan kayo o ang pamilya ninyo kinahabagan o pinaglingkuran ng iba, kahit hindi ninyo ito hiningi?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagtulad sa halimbawa ni Cristo na magkaroon tayo ng kakayahang malaman ang hindi masabing mga pangangailangan ng iba?

Kung hindi mo ipinanood ang video, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging reaksyon ng mga tao sa pagbuhay sa anak ng balo.

  • Ano ang reaksyon ng mga tao pagkatapos buhayin ni Jesus ang anak ng balo?

Ipaliwanag na kaya nasabi ng mga tao na “lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta” (talata 16) ay dahil sa pagkakatulad ng pagbuhay sa anak ng balo ng Nain sa pagbuhay ng mga propeta sa Lumang Tipan na sina Elijah at Eliseo sa mga anak na lalaki (tingnan sa I Mga Hari 17:17–24; II Mga Hari 4:17–22, 32–37; New Testament Student Manual, 154).

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataon na matugunan ang hindi masabing mga pangangailangan ng iba. Hikayatin silang maglingkod nang taos-puso at huwag maghintay ng anumang kapalit.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 6:31–38. Bakit natin pinaglilingkuran ang iba

Si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtala ng ilan sa mga posibleng dahilan kung bakit tayo naglilingkod at tinukoy ang mga dahilan kung bakit kailangan nating maglingkod:

“Ang mga tao ay naglilingkod sa isa’t isa dahil sa magkakaibang kadahilanan, at ang ilang kadahilanan ay mas mabuti kaysa iba. Marahil wala ni isa sa atin ang naglilingkod sa tuwina sa abot ng ating makakaya para sa iisang kadahilanan lamang. Dahil hindi tayo perpektong nilalang, marahil karamihan sa atin ay naglilingkod para sa ilang kadahilanan, at ang mga ito ay maaaring manaka-nakang magbago habang nagiging espirituwal tayo. Ngunit lahat tayo ay dapat magsikap na maglingkod para sa mga kadahilanang pinakadakila at pinakamabuti.

“Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit tayo naglilingkod? Magmumungkahi ako ng anim na dahilan, mula sa mababa, pataas.

“Ilan ay naglilingkod para magantimpalaan. …

“Ang isa pang dahilan ng paglilingkod—marahil ay mas mainam kaysa sa una, ngunit nasa kategorya pa rin ng paghahangad ng gantimpala mula sa mundo—ay ang pagnanais na magkaroon ng mabuting kaibigan o makakasama. …

“Maaaring naglilingkod naman ang ilan dahil sa takot na maparusahan. …

“Ang ibang tao ay maaaring naglilingkod dahil sa responsibilidad o katapatan sa mga kaibigan o pamilya o tradisyon. …

“Ang isang pinakadakilang dahilan sa paglilingkod ay ang pag-asam ng walang-hanggang gantimpala. …

“Ang huling dahilan na tatalakayin ko ay, sa aking opinyon, ang pinakadakila sa lahat. Sa kaugnayan nito sa paglilingkod, ito ang sinasabi ng mga banal na kasulatan na ‘isang daang kagalinggalingan’ (I Cor. 12:31).

“‘Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo’ (Moro. 7:47). …

“Ang alituntuning ito—na mahal natin ang Diyos at ang ating kapwa-tao kaya tayo naglilingkod sa halip na para sa sariling kapakinabangan o anumang iba pang hindi gaanong magandang hangarin—ay talagang mataas na pamantayan. Ganito ang nais mangyari ng Tagapagligtas, dahil kanyang inilakip sa kanyang kautusang magmahal nang walang kasakiman at nang taos-puso ang huwaran sa pagiging sakdal” (“Why Do We Serve?” New Era, Marso 1988, 6, 7; tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Why Do We Serve?” Ensign, Nob. 1984, 12–15).