Library
Lesson 48: Lucas 7:18–50


Lesson 48

Lucas 7:18–50

Pambungad

Pinuri ni Jesus si Juan Bautista at nagpatotoo na si Juan ang naghanda ng daan para sa Kanyang ministeryo. Habang kumakain si Jesus kasalo si Simon na Fariseo, isang babaeng nagsisisi ang nagpakita ng kanyang pananampalataya at pagmamahal sa Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 7:18–35

Pinuri ni Jesus si Juan Bautista at nagpatotoo tungkol sa misyon ni Juan

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan ang bawat magkapartner ng isang papel. Sabihin sa mga magkakapartner na magsulat ng maraming bagay na natatandaan nila tungkol kay Juan Bautista hangga’t kaya nila sa loob ng isang minuto. Pagkatapos ng isang minuto, sabihin sa mga estudyante na bilangin ang nakasulat sa kanilang papel.

  • Ilan ang nailista ninyo tungkol kay Juan Bautista?

Anyayahan ang mga estudyante na sabihin sa klase ang ilan sa nailista nila.

Kung maaari, magdispley ng isang mahabang tambo at isang malambot na damit. Ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang mga bagay na ito upang ituro sa mga tao ang tungkol sa pagkatao ni Juan Bautista. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:24–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol kay Juan Bautista habang tinutukoy ang tambo at malambot na damit.

  • Paano naiiba si Juan Bautista sa tambo o damo? (Hindi tulad ng tambo, na natitinag o naililipad ng hangin, si Juan Bautista ay matatag at di-natitinag sa kanyang patotoo at pagtupad sa kanyang misyon.)

Nagtuturo si Juan Bautista

Nangangaral si Juan Bautista

Ipakita ang kalakip na larawan ni Juan Bautista at itanong:

  • Paano naiiba si Juan Bautista sa mga taong “nararamtan ng mga damit na maseselan” at nakatira sa “palasio ng mga hari” (talata 25)? (Si Juan Bautista ay nakatira sa ilang at nakasuot ng damit na gawa sa balahibo ng kamelyo, na napakagaspang. Sa halip na maghangad ng temporal na kaginhawahan, ang hinangad lamang ni Juan Bautista ay gawin ang kalooban ng Diyos.)

  • Ano ang sinabi ni Jesus tungkol kay Juan Bautista sa talata 26?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang natatanging tungkulin ni Juan Bautista, ipaliwanag na binanggit ni Jesus ang isang propesiya na ipinahayag daan-daang taon na ang nakalipas tungkol sa isang “sugo” na “maghahanda ng daan [ng Mesiyas]” (Malakias 3:1). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:27–28, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit si Juan Bautista ay natatangi mula sa ibang mga propeta.

  • Ano ang natatangi at mahalagang tungkulin ni Juan Bautista na inorden na gagawin niya noon pa man ? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Si Juan Bautista ang propetang inorden noon pa man para maghanda ng daan at magbinyag sa Anak ng Diyos.)

  • Paano inihanda ni Juan Bautista ang daan para sa pagdating ni Jesucristo?

Ipaliwanag na sinabi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa Lucas 7:28:

Propetang Joseph Smith

“Si Jesus ay itinuring na may pinakamaliit na karapatan sa kaharian ng Diyos, at [tila] pinakahuli sa nararapat nilang paniwalaan bilang propeta; para bang sinabi Niyang—‘Siya na itinuturing na pinakamaliit sa inyo ang pinakadakila kaysa kay Juan—ibig sabihin ay Ako mismo’” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 95).

Ibuod ang Lucas 7:29–35 na ipinapaliwanag na maraming naniwala sa mga turo ni Jesus, ngunit hindi tinanggap ng mga Fariseo at mga tagapagtanggol na naroon ang Kanyang mga turo. Ipinaliwanag ni Jesus na hindi nila tinanggap ang katotohanan kahit Siya o si Juan Bautista ang nagturo nito.

Lucas 7:36–50

Habang kumakain si Jesus kasalo si Simon na Fariseo, hinugusan ng isang babae ang mga paa ng Tagapagligtas gamit ang kanyang mga luha

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Mapapatawad ba ako?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na maaaring naisip nila kung mapapatawad ba sila. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanang sumasagot sa tanong na ito sa patuloy na pag-aaral nila ng Lucas 7.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto at nilalaman ng Lucas 7:36–50, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod at paliwanag:

Isang Fariseo na nagngangalang Simon ang nag-imbita kay Jesus na kumain sa kanyang tahanan. Sa ganitong piging, ang mga panauhin ay hihilig sa almuhadon na nakapaligid sa isang mababang mesa at nakaunat ang kanilang mga paa malayo sa mesa. Kaugalian sa panahong iyon na pahintulutan ang mga taong nangangailangan na kumuha ng mga natirang pagkain mula sa piging. Kaya, karaniwan na para sa mga hindi imbitado ang pumasok sa bahay sa oras ng piging (tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, 3rd ed. [1916], 261).

  • Paano inilarawan ni Lucas ang babae sa Lucas 7:37?

  • Paano ipinakita ng babae ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas? (Maaari mong ipaliwanag na ang “sisidlang alabastro na puno ng unguento” ay isang bote na puno ng mamahaling pabango.)

  • Ano ang naisip ni Simon nang makita niya ang ginagawa ng babae?

Para marebyu ang talinghagang itinuro ni Jesus, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 7:40–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kay Simon.

Kopyahin sa pisara ang sumusunod na chart.

May pautang =

Taong may utang na 50 denario =

Taong may utang na 500 denario =

Ipaliwanag na ang may pautang ay isang taong nagpahiram ng pera; ang taong nanghiram ng pera ay ang taong may utang. Sumang-ayon ang nangutang na babayaran ang nagpautang o siya ay makukulong. Sabihin sa isang estudyante na ibuod sa sarili niyang salita ang talinghaga.

  • Sino ang kumakatawan sa may pautang? (Isulat sa pisara ang Jesucristo sa tabi ng “May pautang.”)

  • Alin sa mga may utang ang maaaring kumakatawan sa babae, at alin ang maaaring kumakatawan kay Simon na Fariseo? Bakit? (Isulat ang Simon na Fariseo sa ilalim ng “Taong may utang na 50 denario” at Babae sa ilalim ng “Taong may utang na 500 denario.”)

Ipaliwanag na sa panahon ni Jesus, kaugalian na parangalan ng nangangasiwa ng piging ang kanyang panauhing-pandangal sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa kanila gaya ng paghalik sa kanila bilang tanda ng pagbati, pagbibigay ng tubig para ipanghugas ng kanilang paa, at pagpapahid ng langis sa kanilang ulo (tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, 261).

I-resume ang video sa time code 7:25 at ihinto ito pagkasabi ni Jesus ng, “Go in peace [Yumaon kang payapa]” (Lucas 7:50) (time code 8:52). O, sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 7:44–47. Sabihin sa klase na alamin kung paano inasikaso ni Simon si Jesus kumpara sa pag-aasikaso ng babae sa Kanya at ang nadarama ng bawat isa kay Jesus.

  • Ayon sa mga talata 44–47, ano ang ilang pagkakaiba sa pag-aasikaso ni Simon kay Jesus at sa pag-aasikaso ng babae sa Kanya at ano ang nadarama ng bawat isa tungkol kay Jesus? (Isulat sa chart na nasa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Kapag nasabi na ng mga estudyante ang nalaman nila, ang chart ay dapat katulad ng sumusunod:

May pautang = Jesucristo

Taong may utang na 50 denarioSimon na Fariseo

Hindi nagbigay ng tubig kay Jesus para mahugasan ang Kanyang mga paa

Hindi Siya hinagkan o hinalikan

Hindi Siya pinahiran ng langis

Minahal Siya nang kaunti

Taong may utang na 500 denarioBabae

Hinugasan ang Kanyang mga paa gamit ang kanyang mga luha at kinuskos ang mga ito gamit ang kanyang buhok

Hinagkan o hinalikan ang Kanyang mga paa

Pinahiran ng unguento ang Kanyang mga paa

Mahal na mahal Siya

  • Anong pagpapala ang tinanggap ng babae mula sa Tagapagligtas?

Ipaliwanag na sa hayagang pagkumpara kay Simon sa taong may utang na 50 denario, ipinapahiwatig ng Tagapagligtas na kailangan din ni Simon ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Lucas 7:47–50, at sabihin sa kanila na alamin ang dahilan kung bakit napatawad ang babaeng ito.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay nanampalataya sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pagmamahal at katapatan sa Panginoon, mapapatawad Niya tayo. Kapag natanggap natin ang kapatawaran ng Panginoon, lalo tayong mapupuspos ng hangaring mahalin at paglingkuran Siya.)

  • Bakit kaya nanaisin nating lalo pang mahalin at paglingkuran ang Tagapagligtas kapag nadama natin ang Kanyang pagpapatawad?

Sabihin sa tatlong estudyante na bawat isa sa kanila ay babasahin nang malakas ang isang talata mula sa sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

“Maraming antas ang personal na pagkamarapat at kabutihan. Gayunman, ang pagsisisi ay isang pagpapala sa ating lahat. Kailangang madama ng bawat isa sa atin ang mga bisig ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng ating mga kasalanan.

“Ilang taon na ang nakararaan, nahilingan akong bumisita sa isang tao na, sa isang yugto ng kanyang buhay, ay namuhay nang magulo, maraming taon na ang nakararaan. Bunga ng kanyang masasamang pasiya, natiwalag siya sa Simbahan. Matagal na siyang nakabalik sa Simbahan at tapat na sinunod ang mga utos, ngunit binabagabag pa rin ang kanyang konsiyensya ng mga dati niyang ginawa. Nang makausap ko siya, nadama ko ang kanyang pagkahiya at taimtim na pagsisisi sa paglabag sa kanyang mga tipan. Pagkatapos ng aming interbyu, inilagay ko ang aking mga kamay sa kanyang ulunan para bigyan siya ng basbas ng priesthood. Bago ako nakapagsalita, nadama ko ang matinding pagmamahal at pagpapatawad ng Tagapagligtas sa kanya. Kasunod ng basbas, nagyakap kami at hayagang umiyak ang lalaki.

“Namangha ako sa yakap ng mga bisig ng awa at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa taong nagsisisi, gaano man kasakim ang tinalikurang pagkakasala. Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. Maliban sa mga kasalanan ng ilang tao na pinili ang kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang pagkakasalang hindi mapapatawad. Napakagandang pribilehiyo para sa bawat isa sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Ang kapatawaran ng langit ay isa sa pinakamatatamis na bunga ng ebanghelyo, na pumapawi sa pagbagabag ng budhi at bigat sa ating puso at pinapalitan ito ng kagalakan at kapayapaan ng budhi” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–41).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naranasan nila ang pagpapatawad ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang naisip at nadama nila noon sa Tagapagligtas.

Banggitin ang tanong sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang isasagot nila kung may magtanong sa kanila ng “Mapapatawad ba ako?”

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na si Jesucristo ay may kapangyarihang patawarin tayo kung mananampalataya tayo sa Kanya at magsisisi sa ating mga kasalanan.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Para matulungan ang mga estudyante na marebyu ang limang scripture mastery passage na napag-aralan na nila sa kursong ito, maaari mo silang bigyan ng maikling quiz. Magbigay ng key words o mahahalagang salita mula sa seminary bookmark, at ipasulat sa mga estudyante ang kaukulang scripture reference. Tingnan ang apendiks ng manwal na ito para sa mas maraming ideya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 7:18–20. Nagduda ba si Juan Bautista na si Jesus ang Mesiyas?

Nagbigay ng malinaw na sagot si Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol sa tanong na ito:

“Ang anumang pahiwatig na hindi nakatitiyak o may pag-aalinlangan si Juan Bautista sa kanyang isipan, tungkol sa katauhan at misyon ng Panginoon, ay walang batayan. Sa katunayan, ginamit ng nakakulong na si Elias at tagapagpauna ng ating Panginoon ang paraang ito upang hikayatin ang kanyang mga alagad na iwan na siya at sumunod kay Jesus.

“Kilala ni Juan kung sino si Jesus; si Juan Bautista ay hindi nag-alinlangang tulad ng tambong naililipad ng hangin. … Sa katunayan, ang pagsusugong ito sa kanyang mga alagad kay Jesus ay ang huling dakilang pagpapatotoo ni Juan na si Jesus ang Kordero ng Diyos, sapagkat alam ni Juan Bautista na kapag personal na nakita ng kanyang mga alagad ang Panginoon at narinig ang kanyang mga turo, tiyak na susundan nila ang mas dakilang liwanag” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:261–62).

Naunawaan ni Juan Bautista ang isang mahalagang katotohanan kaya muling ipinahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng sarili nating patotoo hinggil kay Jesus bilang Cristo. Hindi maaaring ipasa ito sa atin ng ibang tao” (“A Testimony of Christ,” Ensign o Liahona, Mar. 2005, 3).

Lucas 7:20–22. Bakit gumagawa ng mga himala ang Panginoon?

Inilarawan ni Pangulong Brigham Young ang bahagi ng mga himala sa gawain ng Panginoon:

“Ang mga himala … ay nagbibigay ng kapanatagan sa mga Banal, at nagpapalakas at nagpapatibay ng pananampalataya ng mga taong nagmamahal, may takot, at naglilingkod sa Diyos” (Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 341).

Lucas 7:24–28. “Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan Bautista”

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung bakit itinuring ni Jesus si Juan Bautista bilang pinakadakilang propeta:

“Una. Ipinagkatiwala sa kanya ang banal na misyong ihanda ang daan para sa pagdating ng Panginoon. Sino pa ang pinagkatiwalaan nang gayon bago iyon o simula noon? Wala na.

“Ikalawa. Ipinagkatiwala sa kanya ang mahalagang misyon, at kinailangan sa kanyang mga kamay, na binyagan ang Anak ng Tao. Sino pa ang binigyan ng karangalang gawin iyon? Sino pa ang nagkaroon ng gayon kadakilang pribilehiyo at kaluwalhatian? Sino pa ang naglubog sa Anak ng Diyos sa mga tubig ng binyag, at nagkaroon ng pribilehiyong mamasdan ang pagbaba ng Espiritu Santo sa anyong kalapati, o sa palatandaan ng kalapati, para saksihan ang ordenansang iyon? …

“Ikatlo. Si Juan, noong panahong iyon, ang tanging legal na tagapangasiwa sa mga gawain ng kaharian na nasa lupa noon, at mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan. Kinailangang sundin ng mga Judio ang kanyang mga tagubilin o mapapahamak sila, ayon sa sarili nilang batas; at tinupad ni Cristo mismo ang lahat ng kabutihan sa pagiging masunurin sa batas na ibinigay Niya kay Moises sa bundok, at sa gayon ay isinagawa ito at iginalang, sa halip na sirain ito. Kinuha ng anak ni Zacarias ang mga susi, ang kaharian, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian mula sa mga Judio, sa pamamagitan ng banal na pagpapahid ng langis at utos ng langit, at ang tatlong ito ang dahilan kaya siya naging pinakadakilang propetang ipinanganak ng isang babae” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 94–95).

Lucas 7:37–50. Ano ang alam natin tungkol sa babaeng iyon?

Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang babaeng tinukoy sa Lucas 2:37–50 na lumapit sa Tagapagligtas ay nakapagsisi na at nais niyang ipakita ang kanyang pagmamahal. Sa pagtukoy sa pagmamahal na ipinakita ng babae, sinabi niya, “Lahat ng ito ay gawain at pagsamba ng isang mapitagan at tapat na babae na naging makasalanan noon ngunit malinis na ngayon; na wala na ngayong dinadalang mabigat na pasanin ng maraming kasalanang nagawa; na nagbagong-buhay na dahil sa kanya na ang mga paa ngayon ay hinahagkan niya at pinag-uukulan ng lubos na pagpipitagan at pagmamahal na taglay ng kanyang buong kaluluwa” (The Mortal Messiah, 4 tomo. [1979–81], 2:200).

Lucas 7:47–50. “Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan”

Itinanong at sinagot ni Elder Shayne M. Bowen ng Korum ng Pitumpu kung makatatanggap ba ng kapatawaran ang isang taong nagnanais na mapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo:

“Maaari pa bang bawiin ang isang buhay na sa pagpapabaya ay napuno ng karumihan at para bang hindi na mapapatawad ang taong iyon? O paano kaya ang isang taong tunay na nagsisikap ngunit nagkakasala pa rin nang maraming beses at sa pakiwari niya ay walang paraan para maputol ang tila walang katapusang paulit-ulit na pagkakasalang iyon? O kaya ang taong nagbago ng kanyang buhay ngunit hindi pa rin mapatawad ang kanyang sarili? …

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa bawat isa sa atin. Walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala. Angkop ito sa lahat, kahit sa inyo. Malilinis, maisasaayos muli at mapapabanal nito kahit kayo. Ito ang kahulugan ng walang hanggan—buo, lubos, lahat, walang katapusan” (“Malilinis, Maisasaayos Muli, at Mapapabanal ng Pagbabayad-sala ang Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 33–34).