Lesson 51
Lucas 10:38–Lucas 12:59
Pambungad
Tinuruan ng Tagapagligtas sina Maria at Marta sa bahay ni Marta. Kalaunan, itinuro Niya ang maraming katotohanan sa Kanyang mga disipulo tungkol sa panalangin at nagbabala laban sa pagpapaimbabaw at pag-iimbot.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 10:38–42
Tinuruan ni Jesus sina Maria at Marta
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagpiling ginawa nila kahapon. Sabihin sa kanila na isulat sa loob ng isang minuto ang marami sa mga pagpiling iyon hanggang kaya nila sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa ilang estudyante na magreport sa klase tungkol sa ilan sa kanilang mabubuting pagpili.
-
Ano ang ilang sitwasyon na maaaring kailanganin nating pumili sa dalawang mabuting bagay?
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Lucas 10:38–42, sabihin sa kanila na alamin ang alituntuning itinuro ng Tagapagligtas na gagabay sa ating pasiya o pagpili—lalo na kapag mahigit sa isang mabuting bagay ang pagpipiliian natin.
Ipaliwanag na matapos magturo ng talinghaga ng mabuting Samaritano, ang Tagapagligtas ay naglakbay papuntang Betania at dumalaw sa tahanan ng isang babaeng nagngangalang Marta.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:38–40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang piniling gawin ni Marta at ng kanyang kapatid na si Maria habang nasa kanilang tahanan ang Tagapagligtas.
-
Ano ang ginawa ni Maria habang nasa kanilang tahanan ang Tagapagligtas?
-
Ano ang ginawa ni Marta? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang naliligalig sa talata 40 ay nahihirapan.)
Idispley ang larawang Sina Maria at Marta (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 45; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na ang pag-aasikaso sa bisita ay napakahalaga sa panahon ni Jesus. Sinikap ni Marta na gawin ang karaniwang inaasahan sa kanya bilang punong-abala o nag-aasikaso sa mga bisita. Nakatuon siya sa mga temporal na bagay tulad ng paghahanda at pagsisilbi ng pagkain.
-
Ayon sa talata 40, ano ang hiniling ni Marta sa Tagapagligtas na nagpapakita na nag-aalala siya sa mga bagay na temporal?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:41–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tugon ng Tagapagligtas kay Marta.
-
Ano kaya ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Isang bagay ang kinakailangan: sapagka’t pinili ni Maria ang magaling na bahagi”?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Marapat purihin si Marta na ‘naliligalig at nababagabag tungkol sa maraming bagay’ (t. 41), ngunit ang matutuhan ang ebanghelyo mula sa Pinunong Guro ay higit na ‘kailangan’” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104).
-
Ano kaya ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang ang “magaling na bahagi” na pinili ni Maria ay “hindi aalisin sa kaniya” (Lucas 10:42)? (Sa pagpili na makinig sa Tagapagligtas sa halip na magtuon sa mga bagay na temporal, si Maria ay tatanggap ng mga pagpapalang epirituwal, na walang hanggan.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa sinabi ng Tagapagligtas kay Marta? (Maaaring masabi ito ng mga estudyante sa ibang salita, ngunit kailangan nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung pipiliin nating ituon ang ating sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa sa mga bagay na temporal, makatatanggap tayo ng walang hanggang pagpapala.)
-
Paano natin maitutuon ang ating sarili sa mga bagay na espirituwal at kasabay nito ay maaasikaso pa rin ang ibang mga bagay na “kinakailangan” (Lucas 10:42) pero hindi gaanong mahalaga?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Oaks:
“Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. …
“Pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating oras sa pagpili ng panonoorin sa telebisyon, lalaruing mga video game, hahanapin sa Internet, o babasahing mga aklat o magasin. Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may ibang pinakamaganda” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007 105).
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang listahan ng mga pinili nila kahapon at lagyan ng label na “maganda,” “mas maganda,” o “pinakamaganda” ang bawat isa sa mga ito. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magpatotoo kung paano sila napagpala nang unahin nila ang mga bagay na espirituwal kaysa mga bagay na temporal.
Lucas 11
Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa panalangin
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay mga full-time missionary sila na nagtuturo ng isang investigator na ilang beses nang nagdasal pero pakiramdam niya ay hindi sumasagot ang Diyos. Naisip ng investigator na huwag nang magdasal.
-
Batay sa sarili ninyong mga karanasan, ano ang isasagot ninyo sa problema niya?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Lucas 11, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa isang tao na nakadaramang hindi sinasagot ng Diyos ang kanyang mga panalangin.
Ibuod ang Lucas 11:1–4 na ipinapaliwanag na matapos marinig ang panalangin ni Jesus, hiniling ng isa sa Kanyang mga disipulo na turuan Niya sila kung paano manalangin, at tinuruan nga sila ng Tagapagligtas.
Ipaliwanag na pagkatapos turuan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo kung paano manalangin, gumamit Siya ng mga analohiya upang maituro ang mga karagdagang katotohanan tungkol sa panalangin, kabilang ang pagnanais ng Diyos na sumagot sa mga panalangin.
Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at pag-aralan ang Lucas 11:5–13, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin. Ituro ang mga idinagdag ng Joseph Smith Translation sa mga talata 5 at 13. Ang mga karagdagang ito ay matatagpuan sa Joseph Smith Translation, Luke 11:5–6 (sa Luke 11:5, footnote a) at Joseph Smith Translation, Luke 11:14 (sa Luke 11:13, footnote a) sa LDS Edition ng Biblia. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong sa klase:
-
Sa talinghagang binasa ninyo sa mga talata 5–8, ano ang ipinakiusap ng isang tao sa kanyang kaibigan? Bakit?
-
Sa palagay ninyo, bakit tinugon ng kaibigan ang pakiusap nito? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pagbagabag sa talata 8 ay tumutukoy sa pagiging masigasig ng lalaki kahit noong una ay tumanggi ang kanyang kaibigan sa pakiusap niya.)
-
Kung tayo ang taong nangangailangan, at ang kanyang kaibigan na may tinapay ay ang ating Ama sa Langit, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin sa oras ng pangangailangan?
Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Kung masigasig tayong mananalangin at hihingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa oras ng pangangailangan, …
-
Ayon sa talata 13, ano ang ipinagkakaloob ng Ama sa Langit sa mga masigasig manalangin at humingi ng Kanyang mga pagpapala?
-
Batay sa mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 11:5–13, ano ang idurugtong ninyo para makumpleto ang pahayag na nasa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maituro nito ang sumusunod na katotohanan: Kung masigasig tayong mananalangin at hihingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa oras ng pangangailangan, sasagutin Niya ang ating mga panalangin sa paraang lalo tayong mapagpapala.)
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa tungkol sa mga pagkakataong nakatanggap sila ng mga sagot sa kanilang mga panalangin nang masigasig silang humingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit.
Ibuod ang Lucas 11:14–54 na ipinapaliwanag na pinaalis ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaki, pinayuhan ang mga tao na pakinggan ang salita ng Diyos, at pinagsabihan ang mga Fariseo at mga eskriba dahil sa kanilang kamangmangan sa aspetong espirituwal at kasamaan.
Lucas 12
Ang Tagapagligtas ay nagbabala laban sa pagpapaimbabaw o pagkukunwari at kasakiman
Basahin sa klase ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang kanilang mga isasagot:
-
May isang bagay ba kayong gustung-gusto kaya ito na lang ang laman ng isip ninyo?
-
Ano ang negatibong epekto sa atin ng ganitong uri ng pag-iisip?
Ibuod ang Lucas 12:1–13 na ipinapaliwanag na habang nakatayo ang Tagapagligtas sa harap ng maraming tao, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na iwasan ang pagpapaimbabaw o pagkukunwari. Ipinaalala rin Niya sa kanila na lahat ng mga nakatagong bagay ay ipahahayag balang-araw at kilala at pinangangalagaan ng Diyos ang Kanyang mga anak. Pagkatapos ay hiniling ng isang lalaki sa Tagapagligtas kung pwede Niyang kausapin ang kapatid nito at hikayatin ito na bahagian siya ng mana.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 12:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ng Tagapagligtas sa kahilingan ng lalaki.
-
Anong babala ang ibinigay ng Tagapagligtas sa mga taong kasama Niya?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng kasakiman ay labis na paghahangad na maangkin ang isang bagay. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Iniutos sa atin ng Panginoon na huwag nating pag-imbutan ang mga bagay-bagay ng mundo.
-
Bakit dapat umiwas sa kasakiman o pag-iimbot ang isang tao? Paano tayo matutulungan ng katotohanang ito na mamuhay nang mas masaya?
Ipaliwanag na pagkatapos sabihin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na iwasan ang kasakiman, nagbigay Siya ng isang talinghaga para ituro ang kahalagahan ng kautusang ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 12:16–19, na inaalam kung ilang beses ginamit ng lalaki sa talinghaga ang mga salitang ako at akin. Sabihin sa mga estudyante na maglahad tungkol sa nalaman nila.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng madalas na paggamit ng lalaki ng ako at akin tungkol sa mga bagay na labis niyang inaalala?
-
Sa anong mga paraan maaari tayong maging katulad ng lalaking ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 12:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Diyos tungkol sa kasakiman at pag-iimbot ng lalaking ito. Sabihin sa mga estudyante na maglahad tungkol sa nalaman nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 44):
-
Sa papaanong paraan nabigo ang mayamang lalaki sa talinghaga na magtuon sa “pinakamahalaga”?
-
Bakit maituturing na kahangalan ang ginawa ng lalaking ito?
Ibuod ang Lucas 12:22–30 na ipinapaliwanag na binigyang-diin ng Panginoon na hindi kailangang mag-alala nang husto ang Kanyang mga disipulo tungkol sa kanilang temporal na mga pangangailangan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 12:31–34. Sabihin din sa kanya na basahin ang Joseph Smith Translation, Luke 12:34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ng Tagapagligtas na dapat hangarin ng Kanyang mga disipulo sa halip na magtuon sa makasarili nilang mga hangarin.
-
Ano ang ipinayo ni Jesus na dapat hangarin ng Kanyang mga disipulo?
-
Ano ang ipinangako sa kanila kung hahangarin nilang itatag ang kaharian ng Diyos?
-
Paano ninyo ibubuod ang mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 12:31–34 bilang isang alituntunin? (Maaaring sariling salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit kailangan nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hahangarin nating itatag ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang kabutihan, tutulungan Niya tayo na makapaglaan para sa ating mga pangangailangan at maghahanda ng lugar para sa atin sa Kanyang kaharian.)
-
Sa paanong paraan maaari nating itatag ang kaharian ng Diyos? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong banggitin sa kanila ang alituntuning natukoy nila tungkol sa pagtutuon ng ating sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa mga bagay na temporal.)
Magpatotoo kung paano ka napagpala nang hangarin mong unahin ang mga bagay na espirituwal kaysa mga bagay na temporal at itatag ang kaharian ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung mas nakatuon sila sa mga bagay na espirituwal o sa mga bagay na temporal. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung ano ang gagawin nila para unahin ang mga bagay na espirituwal kaysa mga bagay na temporal at itatag ang kaharian ng Diyos.
Ibuod ang Lucas 12:35–59 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod na maghanda sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Tinulungan Niya sila na maunawaan na sinumang “binigyan ng marami, … marami ang hihingin” (talata 48), at ipinaliwanag Niya na dahil sa Kanyang ebanghelyo magkakabaha-bahagi ang maraming tao.