Library
Lesson 57: Lucas 22


Lesson 57

Lucas 22

Pambungad

Habang papatapos na ang Kanyang ministeryo dito sa mundo, pinasimulan ni Jesus ang sakramento, itinuro sa Kanyang mga disipulo na paglingkuran ang iba, at iniutos kay Pedro na palakasin ang kanyang mga kapatid. Nagsimula ang pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani. Siya ay dinakip at nilitis sa harapan ni Caifas. Habang nililitis ang Tagapagligtas, ikinaila Siya ni Pedro.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 22:1–38

Pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento at tinagubilinan ang Kanyang mga Apostol

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari (o maaari mong anyayahan ang dalawang estudyante na gawin ang aktibidad na ito) na nakaupo sa sahig ang isa sa kanila kasama ang isang kapamilya. Gustong tumayo ng isang miyembro ng pamilya at humingi ito ng tulong.

  • Paano ninyo siya matutulungan kung nakaupo pa rin kayo sa sahig?

  • Ano ang magiging kaibhan kung kayo muna ang tatayo?

Ipaliwanag na matutulungan tayo ng analohiyang ito na maunawaan kung ano ang magagawa natin para matulungan ang iba sa aspetong espirituwal.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 22 na makatutulong sa kanila na malaman kung paano matutulungan ang ibang tao sa aspetong espirituwal.

Ibuod ang Lucas 22:1–30 na ipinapaalala sa mga estudyante na sa nalalapit na pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa buhay na ito, pinulong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol upang ipagdiwang ang Paskua. Sa panahong iyan, sinabi ng Tagapagligtas na isa sa Kanyang mga disipulo ang magkakanulo sa Kanya, pinasimulan ang ordenansa ng sakramento, nag-utos na patuloy itong isasagawa bilang pag-alaala sa Kanya, at itinuro sa Kanyang mga Apostol na ang mga taong naglilingkod sa kanilang kapwa-tao ay ang pinakadakila sa lahat. Pinuri din ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol sa patuloy na pagsunod sa Kanya at ipinangako sa kanila na balang-araw ay mauupo sila sa mga luklukan at hahatulan ang labindalawang lipi ng Israel.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kay Simon Pedro. paliwanag sa klase na sa Joseph Smith Translation, ang talata 31 ay “At sinabi ng Panginoon, Simon, Simon, narito hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo.”

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na gusto ni Satanas? (Gusto ni Satanas na ligligin si Pedro at ang mga Banal gaya ng trigo.)

Ipaliwanag na ang trigo ay nililiglig sa pamamagitan ng paghihiwalay ng mga butil mula sa iba pang bahagi ng trigo.

  • Ano ang nalaman ninyo tungkol kay Pedro na nagpapakita na mayroon na siyang patotoo? (Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na ipinahayag ni Pedro ang kanyang patotoo na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos [tingnan sa Mateo 16:13–17].)

  • Ayon sa talata 32, ano pa ang kailangang maranasan ni Pedro bago niya mapagtibay ang kanyang mga kapatid?

  • Ano ang kaibhan ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo at pagbabalik-loob sa ebanghelyo? (Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo ay natanggap natin ang espirituwal na patotoo sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Patotoo,” scriptures.lds.org]. Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob ay “pagbabago ng isang tao ng kanyang paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos (Mga Gawa 3:19)” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.lds.org]).

  • Batay sa sinabi ng Panginoon kay Pedro, ano ang magagawa natin kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, mapagtitibay natin ang iba. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga katagang nagtuturo ng katotohanang ito sa talata 32.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:33–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tumugon si Pedro sa payo ng Tagapagligtas na magbalik-loob at pagtibayin ang kanyang mga kapatid.

  • Paano tumugon si Pedro sa payo ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ipinropesiya ng Panginoon na gagawin ni Pedro?

Ipaliwanag na nakatala ang mas detalyadong bersyon nito sa Mateo 26. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinugon ni Pedro sa Tagapagligtas matapos marinig ang propesiya.

  • Ano ang itinugon ni Pedro matapos marinig ang propesiyang ito?

  • Ano ang maituturo sa atin ng tugon ni Pedro tungkol sa inaakala niyang lakas ng kanyang patotoo?

Lucas 22:39–53

Ang Tagapagligtas ay nagdusa sa Getsemani, nagpawis ng malalaking patak ng dugo, at ipinagkanulo ni Judas

Ipaliwanag na pagkatapos ng Paskua, ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga Apostol ay nagtungo sa Halamanan ng Getsemani. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 22:39–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas nang makarating na Siya sa Halamanan ng Getsemani. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 43, sino ang tumulong sa Tagapagligtas na nagpalakas sa Kanya na gawin ang kalooban ng Ama sa Langit?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa gagawin ng Ama sa Langit para sa atin kung gagawin natin ang Kanyang kalooban? (Maaaring makatukoy ng iba’t ibang katotohanan ang mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na naunawaan nila na kung handa tayong sumunod sa Ama sa Langit, bibigyan Niya tayo ng lakas na magawa ang Kanyang kalooban.

  • Ano ang ilan sa mga paraan na mapapalakas tayo ng Ama sa Langit?

Ipaliwanag na kadalasan, ang tulong na natatanggap natin mula sa Ama sa Langit ay hindi darating sa pagpapakita ng mga anghel ngunit tutulungan Niya tayo sa mga paraan na alam Niya na pinakamabuti para sa atin. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na napalakas sila ng Ama sa Langit nang sikapin nilang gawin ang Kanyang kalooban.

Ipaliwanag na ang tala ni Lucas tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani ay kinapapalooban ng mahahalagang detalye na hindi kabilang sa mga tala na ibinigay nina Mateo at Marcos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:44. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ni Lucas ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani.

  • Paano inilarawan ni Lucas ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 44 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nilabasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat nang magdusa Siya sa Halamanan ng Getsemani. Maaari mong ipaliwanag na ang aspetong ito tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas ay naipropesiya mahigit isang siglo na ang nakakaraan [tingnan sa Mosias 3:7].)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang dinanas ng Tagapagligtas, ipaliwanag na inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang sariling pagdurusa sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 19. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross reference ang Doktrina at mga Tipan 19:18 sa Lucas 22:44 sa kanilang mga banal na kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa.

  • Anong karagdagang detalye ang nalaman natin tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas mula sa Kanyang sariling paglalarawan sa talata 18? (Ang pagdurusa ni Jesucristo ay naging dahilan upang Siya ay “manginig dahil sa sakit, … labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”)

  • Ano ang naisip ninyo nang nalaman ninyo na nagdusa nang labis para sa inyo si Jesucristo?

Ibuod ang Lucas 22:45–48 na ipinapaliwanag na matapos magdusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, Siya ay pinagkanulo ni Judas Iscariote.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:49–51. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Pedro nang dumating ang mga punong saserdote at iba pa para dakipin si Jesus (tingnan sa Juan 18:10, na siyang nag-iisang tala na nagsasabing si Pedro ang Apostol na tumagpas sa tainga ng alipin).

  • Ano ang ginawa ni Pedro sa alipin ng mataas na saserdote?

  • Ano ang kahanga-hangang ginawa ng Tagapagligtas para sa alipin?

Ibuod ang Lucas 22:52–53 na ipinapaliwanag na nagtanong ang Tagapagligtas kung bakit Siya sa gabi dinarakip ng mga punong saserdote at hindi sa umaga noong Siya ay naroon sa templo.

Lucas 22:54–71

Si Jesus ay nilitis sa harapan ng Sanedrin, at ikinaila Siya ni Pedro

Ibuod ang Lucas 22:54 na ipinapaliwanag na nang dalhin ang Tagapagligtas sa bahay ng punong saserdote para litisin, sumunod si Pedro.

handout iconPagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magkapartner ng isang kopya ng sumusunod na chart (o isulat ito sa pisara). Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga banal na kasulatan na nasa chart at kumpletuhin ang chart kasama ang kanilang kapartner.

handout, Lucas 22:54–60

Lucas 22:54–60

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 57

Ano ang nangyari kay Pedro?

Ano ang sinabi niya?

Lucas 22:55–57

Lucas 22:58

Lucas 22:59–60

  • Sa palagay ninyo, bakit natukso si Pedro na ikaila na hindi niya kilala si Jesus sa bawat isa sa mga taong ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:61–62. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari matapos ikaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas.

  • Ano ang nangyari matapos ikaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas?

Kung maaari, ipakita ang larawan na Peter’s Denial, ni Carl Heinrich Bloch. Ang larawang ito ay makukuha sa LDS.org.

Pagkakaila ni Pedro

Peter’s Denial, ni Carl Heinrich Bloch. Sa kagandahang-loob ng National History Museum at Frederiksborg Castle sa Hillerød, Denmark. Bawal kopyahin.

  • Kung kayo ang nasa katayuan ni Pedro, ano kaya ang maiisip o madarama ninyo nang tingnan kayo ng Tagapagligtas? Bakit?

  • Paano inilalarawan sa karanasan ni Pedro ang kaibahan ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo sa lubos na pagbabalik-loob dito?

Ipaliwanag na bagama’t may patotoo na si Pedro sa ebanghelyo, hindi pa siya lubos na nagbalik-loob. Gayunman, natanto niya ang kanyang kahinaan, lubos na nagbalik-loob, at inilaan ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos at pagbabahagi ng ebanghelyo.

  • Anong aral ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pedro?

Ibuod ang Lucas 22:63–71 na ipinapaliwanag na ang Tagapagligtas ay hinamak at hinampas ng mga punong saserdote.

Tapusin ang lesson sa paghikayat sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang bagay na magagawa nila na makatutulong sa kanila na tunay na makapagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Hikayatin silang gawin ang isa sa mga bagay na ito sa kanilang listahan sa linggong ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 22:32. Ang lubos na pagbabalik-loob ni Pedro sa ebanghelyo

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol kay Pedro:

“Si Pedro ay klasikong halimbawa kung paano nababago ng ebanghelyo ang mga taong tumatanggap nito. Noong magministeryo ang ating Panginoon sa mundong ito, si Pedro ay may patotoo, mula sa Espiritu, tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo at sa dakilang plano ng kaligtasan na taglay ni Cristo. ‘Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay,’ sabi niya, na binigkas niya ayon sa Espiritu Santo. (Mat. 16:13–19.) Nang tumalikod sa katotohanan ang ibang tao, nanindigan si Pedro bilang apostol at sinabing, ‘At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.’ (Juan 6:69) Alam ni Pedro, at iyan ay dahil sa paghahayag.

“Ngunit hindi pa lubos na nagbalik-loob si Pedro, dahil hindi siya naging bagong nilikha ng Espiritu Santo. Sa halip, nang matagal nang may patotoo si Pedro, at sa mismong gabi nang pagdakip kay Jesus, sinabi niya kay Pedro: ‘Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.’ (Lucas 22:32.) Kaagad pagkatapos niyon, at kahit mayroon siyang patotoo, ikinaila ni Pedro na kilala niya si Cristo. (Lucas 22:54–62.) Pagkatapos ng pagpapako sa krus, nangisda si Pedro, upang tawagin lamang muli sa ministeryo ng nabuhay na mag-uling Panginoon. (Juan 21:1–17.) Sa wakas sa araw ng Pentecostes ay natanggap ang ipinangakong espirituwal na pagkakaloob; si Pedro at ang lahat ng matatapat na disipulo ay naging mga bagong nilikha ng Espiritu Santo; sila ay tunay na nagbalik-loob; at ang mga nagawa nila pagkatapos niyon ay patunay na lubusan silang nagbago. (Mga Gawa 34.)” (Mormon Doctrine, Ika-2 edisyon. [1966], 162–63).

Lucas 22:32. “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”

Pinagtibay ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagbabalik-loob:

“Upang mapalakas ang kanyang mga kapatid—upang pangalagaan at pamunuan ang kawan ng Diyos—ang taong ito na sumunod kay Jesus nang tatlong taon, na binigyan ng awtoridad ng banal na pagkaapostol, na naging mahusay na guro at tagapagpatotoo ng ebanghelyong Kristiyano, at dahil sa kanyang patotoo ay sinabi ng Panginoon sa kanya na siya ay pinagpala gayunpaman ay kailangan pa rin niyang lubos na ‘magbalik-loob.’

“Ang paanyaya ni Jesus ay nagpapakita na ang pagbabalik-loob na kailangan Niya para sa mga taong papasok sa kaharian ng langit (tingnan sa Mat. 18:3) ay higit pa sa pagbabalik-loob para lamang magpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang magpatotoo ay ang malaman at ang magpahayag. Inaanyayahan tayo ng ebanghelyo na ‘magbalik-loob,’ na nag-uutos sa atin na gumawa at maging nais ng Diyos na kahinatnan natin. Kung umaasa lamang ang sinuman sa atin sa kaalaman at patotoo natin sa ebanghelyo, pinagpala pa rin tayo ngunit hindi pa tunay na nagbalik-loob tulad ng mga Apostol na hinikayat ni Jesus na ‘magbalik-loob.’ Lahat tayo ay may kakilala na nagtataglay ng malakas na patotoo ngunit hindi kumikilos nang naaayon dito upang siya’y lubos at tunay na makapagbalik-loob. …

“Ngayon ang panahon para kumilos ang bawat isa sa atin patungo sa ating sariling pagbabalik-loob, patungo sa nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin” (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 33).

Inilarawan ni Pangulong Harold B. Lee kung paano makatutulong ang pagbabalik-loob sa ebanghelyo upang mapatibay natin ang iba:

“Hindi ninyo maiaangat ang ibang kaluluwa kung hindi kayo nakatayo sa mas mataas na lugar kaysa sa kanya. Dapat nakatitiyak kayo, na kung sasagip kayo ng isang tao, na naipapakita ninyo mismo ang halimbawa ng nais ninyong gawin niya” (“Stand Ye in Holy Places,” Ensign, Okt. 2008, 47).

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaugnayan ng patotoo at pagbabalik-loob, gayon din ang mga pagkakaiba nito sa kanyang mensahe na “Nagbalik-loob sa Panginoon” (Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–9) sa pangkalahatang kumperensya.

Lucas 22:44. “Ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo”

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagdurusa ng Tagapagligtas ay pisikal, mental, at espirituwal:

“Hindi lamang hirap ng katawan, ni pagdadalamhati ng isipan, ang naging sanhi ng pagdanas Niya ng gayon katinding paghihirap kaya’t nilabasan ng dugo ang bawat butas ng Kanyang balat; kundi iyon ay isang espirituwal na pagdadalamhati ng kaluluwa na tanging Diyos lamang ang makadarama. Walang sinumang tao, gaano man ang kanyang pisikal na lakas o kakayahan ng kanyang isipan, ang makatitiis ng gayong pagdurusa; sapagkat ang kanyang katawan ay maaaring sumuko, … mawalan nang ulirat at malimutan ito. Sa sandaling iyon ng pagdurusa at dalamhati hinarap ni Cristo at dinaig ang lahat ng paninindak na magagawa ni Satanas, ‘ang prinsipe ng sanglibutan’” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 613).

Lucas 22:62. “At [si Pedro ay] lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan”

Napansin ni Pangulong Gordon B. Hinckley na maaari tayong makagawa ng mga kamalian na katulad ng kay Pedro, ngunit sa pamamagitan ng pagsisisi ay maaari tayong mapatawad sa mga kamaliang iyon:

“Sinabi ni Pedro, na pinatutunayan ang kanyang katapatan, determinasyon, matibay na pagpapasiya, na hinding-hindi siya magkakaila. Ngunit natakot siya sa tao at nadaig siya ng kahinaan ng laman, at sa matinding pagpaparatang sa kanya, gumuho ang kanyang determinasyon. …

“Habang binabasa ko ang pangyayaring ito, nahabag ako kay Pedro. Marami sa atin ang kagaya niya. Nangangako tayo ng katapatan; pinagtitibay natin ang ating determinasyon na maging matapang; ipinahahayag natin, kung minsan sa harap ng maraming tao, na kahit anong mangyari ay gagawin natin ang tama, na maninindigan tayo para sa tamang layunin, na magiging tapat tayo sa ating sarili at sa iba.

“Pagkatapos ay unti-unting nagkaroon ng panggigipit. Kung minsan ang mga ito ay impluwensya ng lipunan. Kung minsan ito ay hangaring personal. Kung minsan ito ay maling mga ambisyon. Humihina ang loob natin. Natitinag ang determinasyon. Nagkakaroon ng pagsuko. At pagkatapos ay madarama natin ang matinding pagsisisi, paninisi sa sarili at mga luha ng pagdadalamhati. …

“… Natanto ang kanyang mga kamalian, nagsisi sa kanyang kahinaan, [si Pedro] ay nagbago at naging malakas na tinig na nagpapatotoo tungkol sa nabuhay na mag-uling Panginoon. Siya, ang senior na apostol, ay inilaan ang kanyang buong buhay sa pagpapatotoo tungkol sa misyon, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. …

“… Ang dakilang mga gawaing ito at maraming iba pa na hindi nabanggit ay ginawa ni Pedro na noong minsan ay nagkaila at namighati, at pagkatapos ay bumangon mula kapighatiang iyon upang isagawa ang gawain ng Tagapagligtas. …

“Ngayon, kung mayroon mang … nagkaila ng pananampalataya sa salita o gawa, dalangin ko na makakuha kayo ng kapanatagan at determinasyon mula sa halimbawa ni Pedro na, bagama’t kasama araw-araw si Jesus, sa oras ng kagipitan ay ikinaila kapwa ang Panginoon at ang patotoo na nasa kanyang puso. Ngunit nagbangon siya sa lahat ng ito, at naging dakilang tagapagtanggol at makapangyarihang tagapamagitan. Gayon din, may paraan para sa inyo na magbago, at idagdag ang inyong lakas at pananampalataya sa lakas at pananampalataya ng iba sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos” (“And Peter Went Out and Wept Bitterly,” Ensign, Mayo 1979, 65–67).