Library
Lesson 37: Marcos 6


Lesson 37

Marcos 6

Pambungad

Si Jesus ay hindi tinanggap sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Isinugo Niya ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng ebanghelyo. Si Juan Bautista ay pinatay sa utos ni Herodes Antipas. Mahimalang napakain ni Jesus ang mahigit limang libong tao, naglakad sa ibabaw ng tubig, pinatigil ang bagyo, at nagpagaling ng maysakit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Marcos 6:1–29

Si Jesus ay hindi tinanggap sa Nazaret at isinugo ang Labindalawa; isinalaysay ang kamatayan ni Juan Bautista

Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari sa buhay nila noon na parang pinipilit sila na gumawa ng isang bagay na alam nilang hindi tama.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag (ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 37):

“Gusto ng mga taong gumagawa ng mali na makiisa kayo sa kanila dahil nagiging mas komportable sila sa ginagawa nila kapag ginagawa rin ito ng iba” (Richard G. Scott).

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pamimilit ng iba na gawin ninyo ang isang bagay na alam ninyong mali?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 6 na makatutulong sa kanila na hindi magpadala sa peer pressure o masasamang impluwensya ng mga kaibigan.

Ibuod ang Marcos 6:1–16 na ipinapaliwanag na si Jesus ay nangaral sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Gayunman, dahil sa kawalang-paniniwala ng mga tao, hindi Siya gumawa ng maraming himala sa kanila. Habang naroon, isinugo ni Jesus nang dala-dalawa ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng ebanghelyo. Habang nangangaral ng ebanghelyo, sila rin ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit. Nang marinig ni Herodes ang tungkol sa maraming himalang ginawa ni Jesus, natakot siya na bumangon mula sa kamatayan si Juan Bautista at siyang gumagawa ng mga himalang ito.

Ipaliwanag na isinasalaysay ng Marcos 6:17–29 ang nangyari kay Juan Bautista. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ginawa ni Herodes kay Juan at bakit?

Ipaliwanag na ang Herodes na binanggit sa mga talatang ito ay si Herodes Antipas, na siyang namamahala sa mga rehiyon ng Galilea at Perea nang pumanaw ang kanyang ama, ang Dakilang si Herodes (Herod the Great). Diniborsyo ni Herodes Antipas ang kanyang asawa at pinakasalan si Herodias, ang asawa ng kanyang kapatid na si Filipo. Ang gawaing ito ay lantarang paglabag sa batas ng mga Judio (tingnan sa Levitico 18:16), at hayagang tinuligsa ito ni Juan Bautista. Ikinagalit ni Herodias ang pagsalungat ni Juan sa kasal na ito, kaya ibinilanggo ni Herodes si Juan para pahupain ang loob niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista.

  • Ano ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista?

  • Bakit hindi niya kayang ipapatay si Juan Bautista? (Dahil takot si Herodes kay Juan at alam niyang si Juan ay isang tao ng Diyos; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Mark 6:21 para malaman pa ang tungkol sa saloobin ni Herodes kay Juan Bautista.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 6:21–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista.

  • Ayon sa talata 26, ano ang nadama ni Herodes tungkol sa pagpatay kay Juan Bautista?

  • Bakit pinapugutan ni Herodes ng ulo si Juan kung alam niya na mali ito at ayaw niyang gawin ito? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang para “sa nangakaupo sa dulang,” na nagpapahiwatig na inaalala ni Herodes ang sasabihin ng mga taong nangakaupong kasalo niya.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa desisyong ito ni Herodes tungkol sa mangyayari kapag binigyang-kasiyahan natin ang iba sa halip na gawin ang tama? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang paghangad na pasayahin ang iba sa halip na gawin ang alam nating tama ay humahantong sa maling pagpili, kalungkutan, at kapighatian.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang katotohanang ito, hatiin sila sa mga grupo na may dalawa hanggang apat na miyembro at sabihin sa kanila na mag-isip ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan kailangang pumili ng mga kabataan kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang alam nilang tama. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magreport. Habang ginagawa nila ito, isulat sa pisara ang ilan sa mga halimbawa nila.

  • Sa paanong mga paraan ninyo nakita na nagdudulot ng kalungkutan at kapighatian ang pagsunod sa mga pamimilit na gaya ng mga halimbawang ito?

  • Kailan ninyo nakita na pinili ng isang tao ang gawin ang tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?

  • Ano ang makatutulong sa atin na piliing gawin ang alam nating tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang darating na linggo at tukuyin ang posibleng mga sitwasyon na kakailanganin nilang pumili kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang tama. Hikayatin silang magplano kung paano sila tutugon sa mga ganitong pamimilit kapag nakaharap nila ito.

Marcos 6:30–44

Mahimalang pinakain ni Jesus ang mahigit limang libong tao

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang sumusunod na sitwasyon: Kabadong-kabado ang isang katatawag na missionary sa pagpunta sa kanyang mission. Ang taong ito ay hindi mahusay magsalita at nahihirapang makihalubilo sa iba.

  • Ano ang sasabihin ninyo sa batang missionary na ito?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Marcos 6:30–44 na makatutulong sa bata pang missionary na ito at sa ating lahat kapag nadama nating hindi natin kayang gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon.

Ibuod ang Marcos 6:30–33 na ipinapaliwanag na nagbalik ang Labindalawang Apostol mula sa pangangaral ng ebanghelyo at nag-ulat kay Jesus ng mga ginawa at itinuro nila. Si Jesus at ang Labindalawang Apostol ay sumakay sa isang bangka para makapunta sa isang lugar kung saan sila makakapag-isa at makakapagpahinga. Gayunman, nagpuntahan ang mga tao mula sa ilang kalapit na bayan sa paroroonan ni Jesus at naghihintay sila nang dumating Siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:34, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “sila’y gaya ng mga tupa na walang pastor”?

handout iconIpaliwanag na matapos magturo sa maraming tao nang buong maghapon, gumawa ng isang dakilang himala ang Tagapagligtas. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang himalang ito, pagpartner-partnerin sila at bigyan ang bawat magkapartner ng isang kopya ng sumusunod na handout. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Marcos 6:35–44 at Mateo 14:18 at lagyan ng numero ang mga pangyayari sa handout ayon sa pagkakasunud-sunod nito.

handout, Pagpapakain sa 5000

Ang Pagpapakain sa 5000

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 37

  • ___ Pinarami ng Tagapagligtas ang pagkaing dala ng mga disipulo, tinugunan at hinigitan ang kailangan.

  • ___ Sinabi ng mga disipulo na mayroon silang limang tinapay at dalawang isda.

  • ___ Iminungkahi ng mga disipulo na pabilhin ng pagkain ang mga tao.

  • ___ Tinanong ng Tagapagligtas kung ano ang maibibigay ng mga disipulo.

  • ___ Sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulo na bigyan ng pagkain ang mga tao.

  • ___ Walang makain ang mga tao.

  • ___ Sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulo na ibigay sa Kanya ang anumang mayroon sila.

Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante para matapos ang aktibidad na ito, rebyuhin ang mga sagot sa klase. (Ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga sagot ay 7, 5, 2, 4, 3, 1, 6.)

  • Ilang tao ang napakain? (Ipaliwanag na nilinaw sa tekstong Griyego ng Marcos 6:44 na ang mga katagang “limang libong lalake” ay nangangahulugang limang libong adult na kalalakihan. Kung gayon, maaaring mas malaki pa ang bilang ng mga napakain, kung isasaalang-alang na may mga kababaihan at mga bata rin doon [tingnan din sa Mateo 14:21].)

Ipaliwanag na bago isagawa ang himalang ito, sinabi muna ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na ibigay sa Kanya ang limang tinapay at dalawang isda—na tanging mayroon sila.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa himalang ito tungkol sa magagawa ng Tagapagligtas kapag ibinigay natin sa Kanya ang lahat ng mayroon tayo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, palalakihin Niya ang ating handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipaalala sa kanila ang sitwasyon ng kabado at bagong tawag na missionary na binanggit kanina.

  • Sa kabila ng kahinaan ng binata o dalagang ito, ano kaya ang iuutos ng Tagapagligtas na dalhin ng missionary na ito sa Kanya? (Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat ng may nais na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin na ibigay sa Kanya ang kanilang buong hangarin, abilidad, talento, kakayahan, lakas, talino, at pagsisikap [tingnan sa Omni 1:26; 2 Nephi 25:29].)

  • Ano ang magiging resulta kung ibibigay ng missionary na ito ang lahat ng mayroon siya sa Tagapagligtas?

  • Ano pang ibang mga sitwasyon ang maaaring maranasan ng mga kabataan ng Simbahan kung saan makatutulong na alam nila ang alituntuning ito?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano pinatitindi ng Panginoon ang kanilang pagsisikap upang magawa nila ang iniuutos Niya sa kanila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila, kung gusto nilang gawin ito.

Ibahagi ang iyong patotoo na kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, palalakihin Niya ang ating handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito.

Marcos 6:45–56

Si Jesus ay naglakad sa ibabaw ng tubig at nagpagaling ng maysakit

Ibuod ang Marcos 6:45–56 na ipinapaliwanag na matapos pakainin ni Jesus ang limang libo, iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na sumakay sa bangka at maglayag patungo sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. Pagkatapos ay pinauwi na niya ang mga tao. Pagsapit ng gabi, nagkaroon ng isang bagyo, at nakita ng Tagapagligtas mula sa isang bundok ang Kanyang mga disipulo na nagsisikap na makarating sa kabilang ibayo ngunit hindi makausad sa paglalayag. Pagkatapos ay naglakad Siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila, tumigil ang bagyo, at ligtas silang nakarating sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea.

  • Sa sitwasyong ito, paano nakatulong sa mga disipulo ang kapangyarihan ng Panginoon upang maisakatuparan nila ang iniutos Niyang gawin nila?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang nadarama o patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa araw na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Marcos 6:26. Para “sa nangakaupo sa dulang” na kasama niya

Nagbigay ng ilang ideya si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na makatutulong sa kabataan na mapaglabanan ang peer pressure ng mga kaibigan:

“Hindi ninyo kayang bigyang-lugod ang Diyos nang hindi naiinis si Satanas, kaya makakaranas kayo ng pang-uudyok mula sa mga yaong tinutukso niyang gumawa ng mga bagay na mali. Gusto ng mga taong gumagawa ng mali na makiisa kayo sa kanila dahil nagiging mas komportable sila sa ginagawa nila kapag ginagawa rin ito ng iba. Maaari ding gusto nilang pagsamantalahan kayo. Natural lang na hangarin na matanggap ng mga kaibigan, na mapabilang sa isang grupo—ang ilan ay sumasama pa sa masasamang grupo dahil sa hangaring iyan, ngunit nawawalan sila ng kalayaan, at ang ilan ay nawawalan ng buhay. Ang isa sa mga bagay na pinakamahirap alamin ay kung gaano kayo kalakas at kung gaano kayo tahimik na iginagalang ng iba. Malaki ang tiwala namin sa inyo. Hindi ninyo kailangang ikompromiso ang inyong mga pamantayan para matanggap ng mabubuting kaibigan. Kapag naging mas masunurin kayo, mas naninindigan kayo sa tunay na mga alituntunin, at mas lalo pa kayong tutulungan ng Panginoon na malabanan ang tukso. Matutulungan din ninyo ang iba dahil madarama nila ang inyong lakas. Ipaalam ninyo sa kanila ang inyong mga pamantayan sa palagiang pamumuhay ng mga ito. Sagutin ang mga tanong tungkol sa inyong mga pinaniniwalaan, ngunit iwasang mangaral. Alam ko na epektibo iyan batay sa sarili kong karanasan.

“Walang sinuman ang gustong makagawa ng mabibigat na kasalanan. Nangyayari ito kapag ikinumpromiso ninyo ang inyong mga pamantayan para mas matanggap ng iba. Kayo ang dapat na maging malakas. Kayo ang dapat mamuno. Pumili ng mabubuting kaibigan at magkasamang labanan ang pang-uudyok ng ibang tao” (“Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 37).

Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa peer pressure:

“Ang unahin ang ikalulugod ng iba bago ang ikalulugod ng Diyos ay pagbaligtad sa una at pangalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:37–39). Nalilimutan natin kung saan tayo dapat nakatuon. At nagagawa nating lahat ang pagkakamaling iyan dahil sa takot sa mga tao. Sa Isaias, ang Panginoon ay nagbabala sa atin, ‘Huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao’ (Isaias 51:7; tingnan din sa 2 Nephi 8:7). Sa panaginip ni Lehi, ang takot na ito ay nagsimula sa mapanlibak na daliri na nakaturo mula sa isang malaki at maluwang na gusali, na siyang dahilan upang makalimot ang marami kung saan sila dapat nakatuon at nagsilayo sa punungkahoy nang ‘nahihiya’ (tingnan sa 1 Nephi 8:25–28).

“Ang pamimilit na ito mula sa ibang tao ay pilit na binabago ang saloobin, kung hindi man ang pag-uugali ng tao, sa pagpapadama sa kanila na sila ang nagkasala. Hangad nating igalang ang isa’t isa pati na ang mga taong nanlilibak, ngunit kapag ang takot na ito sa mga tao ay nag-udyok sa atin na tulutan ang kasalanan, ito ay nagiging ‘silo’ ayon sa aklat ng Mga Kawikaan (tingnan sa Mga Kawikaan 29:25). Ang silo [patibong] ay maaaring tusong pain na aantig sa ating ugaling maawain upang hayaan na o tulutan ang isang bagay na kasumpa-sumpa sa Diyos. Para sa mahihina ang pananampalataya, maaaring maging malaking hadlang ito. Halimbawa, taglay ng ilang kabataang missionary ang takot na ito sa mga tao sa kanilang misyon at hindi inirereport sa mission president ang hayagang pagsuway ng kanilang suwail na kompanyon dahil ayaw nilang masaktan ito. Ang katatagan ng pagkatao ay nagmumula sa pag-alaala sa tamang pagkakasunod ng una at pangalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:37–39). Kapag naunawaan ng nalilitong mga missionary na ito na mananagot sila sa Diyos at hindi sa kanilang kompanyon, magbibigay ito sa kanila ng tapang na baguhin ang kanilang pinagtutuunan” (“Saan Kayo Nakatuon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 9.

Marcos 6:35–44. Ang pagpapakain sa limang libo

Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan na ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na maparami ang mga tinapay at isda ay nagpapakita na pag-iibayuhin Niya ang ating matapat na paglilingkod sa Kanyang Simbahan, kahit nadarama natin na ang ating mga pagsisikap ay katumbas lamang ng ilang tinapay at isda:

“Maraming hindi kilalang tao na may mga talentong katumbas lamang ng limang tinapay at dalawang maliliit na isda ang ginagawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin [sa Simbahan] at naglilingkod nang hindi naghihintay na mapansin o makilala, at talagang nagpapakain ng libu-libo. … Sila ang libu-libong lider at guro sa lahat ng auxiliary at priesthood quorum, mga home teacher, at mga Relief Society visiting teacher. Sila ang mga mapagpakumbabang bishop sa Simbahan, ilan sa kanila ay walang pormal na training, ngunit lalong humuhusay, palaging natututo at may mabuting hangarin na paglingkuran ang Panginoon at ang mga miyembro sa kanilang ward. …

“Ang pangunahing dahilan kaya lumago ang simbahang ito mula sa kakaunting miyembro ay dahil sa katatagan at katapatan ng milyun-milyong taong mapagkumbaba at tapat na ang tanging maibibigay lamang ay limang tinapay at dalawang maliliit na isda sa paglilingkod sa Panginoon” (“Five Loaves and Two Fishes,” Ensign, Mayo 1994, 5, 6).