Lesson 37
Marcos 6
Pambungad
Si Jesus ay hindi tinanggap sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Isinugo Niya ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng ebanghelyo. Si Juan Bautista ay pinatay sa utos ni Herodes Antipas. Mahimalang napakain ni Jesus ang mahigit limang libong tao, naglakad sa ibabaw ng tubig, pinatigil ang bagyo, at nagpagaling ng maysakit.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 6:1–29
Si Jesus ay hindi tinanggap sa Nazaret at isinugo ang Labindalawa; isinalaysay ang kamatayan ni Juan Bautista
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari sa buhay nila noon na parang pinipilit sila na gumawa ng isang bagay na alam nilang hindi tama.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag (ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 37):
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga pamimilit ng iba na gawin ninyo ang isang bagay na alam ninyong mali?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 6 na makatutulong sa kanila na hindi magpadala sa peer pressure o masasamang impluwensya ng mga kaibigan.
Ibuod ang Marcos 6:1–16 na ipinapaliwanag na si Jesus ay nangaral sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Gayunman, dahil sa kawalang-paniniwala ng mga tao, hindi Siya gumawa ng maraming himala sa kanila. Habang naroon, isinugo ni Jesus nang dala-dalawa ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng ebanghelyo. Habang nangangaral ng ebanghelyo, sila rin ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit. Nang marinig ni Herodes ang tungkol sa maraming himalang ginawa ni Jesus, natakot siya na bumangon mula sa kamatayan si Juan Bautista at siyang gumagawa ng mga himalang ito.
Ipaliwanag na isinasalaysay ng Marcos 6:17–29 ang nangyari kay Juan Bautista. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang ginawa ni Herodes kay Juan at bakit?
Ipaliwanag na ang Herodes na binanggit sa mga talatang ito ay si Herodes Antipas, na siyang namamahala sa mga rehiyon ng Galilea at Perea nang pumanaw ang kanyang ama, ang Dakilang si Herodes (Herod the Great). Diniborsyo ni Herodes Antipas ang kanyang asawa at pinakasalan si Herodias, ang asawa ng kanyang kapatid na si Filipo. Ang gawaing ito ay lantarang paglabag sa batas ng mga Judio (tingnan sa Levitico 18:16), at hayagang tinuligsa ito ni Juan Bautista. Ikinagalit ni Herodias ang pagsalungat ni Juan sa kasal na ito, kaya ibinilanggo ni Herodes si Juan para pahupain ang loob niya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista.
-
Ano ang gustong gawin ni Herodias kay Juan Bautista?
-
Bakit hindi niya kayang ipapatay si Juan Bautista? (Dahil takot si Herodes kay Juan at alam niyang si Juan ay isang tao ng Diyos; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Mark 6:21 para malaman pa ang tungkol sa saloobin ni Herodes kay Juan Bautista.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 6:21–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Herodes kay Juan Bautista.
-
Ayon sa talata 26, ano ang nadama ni Herodes tungkol sa pagpatay kay Juan Bautista?
-
Bakit pinapugutan ni Herodes ng ulo si Juan kung alam niya na mali ito at ayaw niyang gawin ito? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang para “sa nangakaupo sa dulang,” na nagpapahiwatig na inaalala ni Herodes ang sasabihin ng mga taong nangakaupong kasalo niya.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa desisyong ito ni Herodes tungkol sa mangyayari kapag binigyang-kasiyahan natin ang iba sa halip na gawin ang tama? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang paghangad na pasayahin ang iba sa halip na gawin ang alam nating tama ay humahantong sa maling pagpili, kalungkutan, at kapighatian.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang katotohanang ito, hatiin sila sa mga grupo na may dalawa hanggang apat na miyembro at sabihin sa kanila na mag-isip ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan kailangang pumili ng mga kabataan kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang alam nilang tama. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magreport. Habang ginagawa nila ito, isulat sa pisara ang ilan sa mga halimbawa nila.
-
Sa paanong mga paraan ninyo nakita na nagdudulot ng kalungkutan at kapighatian ang pagsunod sa mga pamimilit na gaya ng mga halimbawang ito?
-
Kailan ninyo nakita na pinili ng isang tao ang gawin ang tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?
-
Ano ang makatutulong sa atin na piliing gawin ang alam nating tama sa halip na bigyang-kasiyahan ang iba?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang darating na linggo at tukuyin ang posibleng mga sitwasyon na kakailanganin nilang pumili kung bibigyang-kasiyahan nila ang iba o gagawin ang tama. Hikayatin silang magplano kung paano sila tutugon sa mga ganitong pamimilit kapag nakaharap nila ito.
Marcos 6:30–44
Mahimalang pinakain ni Jesus ang mahigit limang libong tao
Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang sumusunod na sitwasyon: Kabadong-kabado ang isang katatawag na missionary sa pagpunta sa kanyang mission. Ang taong ito ay hindi mahusay magsalita at nahihirapang makihalubilo sa iba.
-
Ano ang sasabihin ninyo sa batang missionary na ito?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Marcos 6:30–44 na makatutulong sa bata pang missionary na ito at sa ating lahat kapag nadama nating hindi natin kayang gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon.
Ibuod ang Marcos 6:30–33 na ipinapaliwanag na nagbalik ang Labindalawang Apostol mula sa pangangaral ng ebanghelyo at nag-ulat kay Jesus ng mga ginawa at itinuro nila. Si Jesus at ang Labindalawang Apostol ay sumakay sa isang bangka para makapunta sa isang lugar kung saan sila makakapag-isa at makakapagpahinga. Gayunman, nagpuntahan ang mga tao mula sa ilang kalapit na bayan sa paroroonan ni Jesus at naghihintay sila nang dumating Siya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 6:34, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga tao.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “sila’y gaya ng mga tupa na walang pastor”?
Ipaliwanag na matapos magturo sa maraming tao nang buong maghapon, gumawa ng isang dakilang himala ang Tagapagligtas. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang himalang ito, pagpartner-partnerin sila at bigyan ang bawat magkapartner ng isang kopya ng sumusunod na handout. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Marcos 6:35–44 at Mateo 14:18 at lagyan ng numero ang mga pangyayari sa handout ayon sa pagkakasunud-sunod nito.
Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante para matapos ang aktibidad na ito, rebyuhin ang mga sagot sa klase. (Ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga sagot ay 7, 5, 2, 4, 3, 1, 6.)
-
Ilang tao ang napakain? (Ipaliwanag na nilinaw sa tekstong Griyego ng Marcos 6:44 na ang mga katagang “limang libong lalake” ay nangangahulugang limang libong adult na kalalakihan. Kung gayon, maaaring mas malaki pa ang bilang ng mga napakain, kung isasaalang-alang na may mga kababaihan at mga bata rin doon [tingnan din sa Mateo 14:21].)
Ipaliwanag na bago isagawa ang himalang ito, sinabi muna ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na ibigay sa Kanya ang limang tinapay at dalawang isda—na tanging mayroon sila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa himalang ito tungkol sa magagawa ng Tagapagligtas kapag ibinigay natin sa Kanya ang lahat ng mayroon tayo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, palalakihin Niya ang ating handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipaalala sa kanila ang sitwasyon ng kabado at bagong tawag na missionary na binanggit kanina.
-
Sa kabila ng kahinaan ng binata o dalagang ito, ano kaya ang iuutos ng Tagapagligtas na dalhin ng missionary na ito sa Kanya? (Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat ng may nais na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin na ibigay sa Kanya ang kanilang buong hangarin, abilidad, talento, kakayahan, lakas, talino, at pagsisikap [tingnan sa Omni 1:26; 2 Nephi 25:29].)
-
Ano ang magiging resulta kung ibibigay ng missionary na ito ang lahat ng mayroon siya sa Tagapagligtas?
-
Ano pang ibang mga sitwasyon ang maaaring maranasan ng mga kabataan ng Simbahan kung saan makatutulong na alam nila ang alituntuning ito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano pinatitindi ng Panginoon ang kanilang pagsisikap upang magawa nila ang iniuutos Niya sa kanila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila, kung gusto nilang gawin ito.
Ibahagi ang iyong patotoo na kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, palalakihin Niya ang ating handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito.
Marcos 6:45–56
Si Jesus ay naglakad sa ibabaw ng tubig at nagpagaling ng maysakit
Ibuod ang Marcos 6:45–56 na ipinapaliwanag na matapos pakainin ni Jesus ang limang libo, iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na sumakay sa bangka at maglayag patungo sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. Pagkatapos ay pinauwi na niya ang mga tao. Pagsapit ng gabi, nagkaroon ng isang bagyo, at nakita ng Tagapagligtas mula sa isang bundok ang Kanyang mga disipulo na nagsisikap na makarating sa kabilang ibayo ngunit hindi makausad sa paglalayag. Pagkatapos ay naglakad Siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila, tumigil ang bagyo, at ligtas silang nakarating sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea.
-
Sa sitwasyong ito, paano nakatulong sa mga disipulo ang kapangyarihan ng Panginoon upang maisakatuparan nila ang iniutos Niyang gawin nila?
Maaari mong tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang nadarama o patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa araw na ito.