Lesson 42
Marcos 11–16
Pambungad
Sa nalalapit na pagwawakas ng Kanyang ministeryo dito sa mundo, namasdan ng Tagapagligtas ang isang maralitang balo na naghulog ng dalawang lepta sa kabang-yaman ng templo. Kalaunan, habang naghahapunan sa Betania, pinahiran ni Maria si Jesus ng unguento bilang tanda ng Kanyang libing. Ang Tagapagligtas ay nagdusa sa Getsemani. Siya ay nilitis at hinatulang mamatay. Matapos Siyang mamatay sa krus at mabuhay na muli, ang Panginoon ay nagpakita sa Kanyang mga Apostol at inatasan silang dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 11–13
Nagturo ang Tagapagligtas sa templo at minasdan ang isang maralitang balo na naghulog ng mga lepta sa kabang-yaman ng templo
Basahin nang malakas ang sumusunod na mga sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga pagkakaiba ng mga handog na inialay sa Panginoon sa bawat sitwasyon.
-
Isang babae ang nagbigay sa kanyang bishop ng malaking halaga ng pera bilang handog-ayuno o fast offering. Isa pang babae sa ward ding iyon ang nagbigay sa kanyang bishop ng napakaliit na halaga ng pera bilang fast offering.
-
Isang lalaki ang naglilingkod bilang stake president. Ang isa namang lalaki sa stake ding iyon ay naglilingkod bilang titser sa primary.
-
Ano ang mga pagkakaibang napansin ninyo sa mga handog na ibinigay sa bawat sitwasyon?
-
Ano kaya ang mararamdaman ng isang tao kung ang kanyang handog sa Panginoon ay tila maliit kumpara sa mga handog ng iba?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 11–14 na tutulong sa kanila na malaman kung paano isinasaalang-alang ng Panginoon ang kanilang mga handog sa Kanya.
Ipakita ang larawang Matagumpay na Pagpasok (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 50; tingnan din sa LDS.org). Ibuod nang maikli ang Marcos 11:1–12:40 na ipinapaliwanag na habang papalapit na ang pagwawakas ng ministeryo ng Tagapagligtas dito sa mundo, Siya ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem, nilinis ang templo, at tinuruan ang mga tao roon. Ipaalala sa mga estudyante na sa pagtatangkang ipahiya ang Tagapagligtas, mahihirap na katanungan ang itinanong sa Kanya ng mga Fariseo at mga eskriba habang nagtuturo Siya sa templo. Pagkatapos sagutin ng Tagapagligtas ang kanilang mga tanong, nagsalita siya laban sa pagiging mapag-imbabaw (o hypocrisy) ng mga Fariseo at mga eskriba (tingnan sa Mateo 23).
Ipaliwanag na habang nasa templo si Jesus, nakita Niya ang mga tao na nagdadala ng pera para sa kabang-yaman ng templo bilang handog sa Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 12:41–44, at sabihin sa klase na alamin ang nakita ng Tagapagligtas sa lugar na kinalalagyan ng kabang-yaman.
-
Ano ang nakita ng Tagapagligtas sa may kabang-yaman?
Magpakita ng barya na pinakamababa ang halaga sa inyong bansa, at ipaliwanag na ang lepta ang “pinakamaliit na tansong barya na gamit ng mga Judio” (Bible Dictionary, “Money”).
-
Ano kaya ang nararamdaman ng isang tao na dalawang lepta lamang ang maiaalay sa Diyos?
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa handog ng balo kumpara sa mga handog ng iba?
-
Sa inyong palagay, bakit itinuring ng Tagapagligtas na “higit” ang kanyang handog kaysa sa iba pang mga handog?
-
Batay sa sinabi ng Panginoon tungkol sa balo, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pagbibigay sa Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung handa tayong ibigay ang lahat ng mayroon tayo sa Panginoon, tatanggapin Niya ang ating handog kahit tila maliit ito kumpara sa iba.)
Ibuod ang Marcos 13 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ang tungkol sa Ikalawang Pagparito. Ipaalala sa mga estudyante na pinag-aralan nila ang mga turong ito sa Joseph Smith—Mateo.
Marcos 14:1–9
Pinahiran ni Maria ng unguento ang Tagapagligtas
Ipaliwanag na matapos ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito, nilisan Niya ang Jerusalem at nagpunta sa Betania sa bahay ng isang lalaki na nagngangalang Simon, na dating may ketong.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 14:3 at sa isa pa ang Juan 12:3. Sabihin sa klase na pakinggan ang nangyari sa Tagapagligtas habang nakaupo Siya para maghapunan.
-
Ano ang nangyari sa Tagapagligtas habang nakaupo Siya para maghapunan sa bahay ni Simon? (Ipaliwanag na ang babaeng nagpahid ng unguento sa Tagapagligtas ay si Maria na kapatid ni Marta at Lazaro [tingnan sa Juan 12:1–3].)
-
Paano ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal at katapatan sa Tagapagligtas?
Ipaliwanag na ang ginawang pagpapahid ng unguentong nardo (isang mamahaling unguento) sa ulo at mga paa ng Tagapagligtas ay isang pagpipitagan na bihirang matanggap kahit ng mga hari (tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, Ika-3 edisyon [1916], 512).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 14:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang reaksyon ng ilang taong naroon sa hapunan sa ginawa ni Maria. Ipaliwanag na malalaman natin sa Juan 12:4–5 na si Judas Iscariote ang taong tumutol sa ginawa ni Maria.
-
Ano ang reaksyon ni Judas Iscariote nang pahiran ni Maria ang Tagapagligtas ng mamahaling unguento?
-
Ayon sa talata 5, magkano ang halaga ng unguento? (Ipaliwanag na ang tatlong daang denario ay katumbas ng isang taong suweldo ng isang karaniwang manggagawa.)
-
Ano ang itinugon ng Tagapagligtas sa pangungutya ni Judas kay Maria?
Ituro ang mga katagang “mabuting gawa ang ginawa niya sa akin” sa talata 6, at ipaliwanag na nagpapahiwatig ito na nalugod ang Tagapagligtas sa ginawa ni Maria. Ituro rin ang mga katagang “ginawa niya ang kaniyang nakaya” sa talata 8, at ipaliwanag na nagpapahiwatig ito na ibinigay ni Maria ang lahat ng makakaya niya sa Panginoon.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Tagapagligtas kapag ibinibigay natin ang lahat ng makakaya natin sa Kanya? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang Tagapagligtas ay nalulugod kapag ibinigay natin sa Kanya ang lahat ng ating makakaya.)
Balikan ang dalawang sitwasyon na inilahad sa pagsisimula ng klase. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga katotohanang natukoy nila sa Marcos 12 at Marcos 14 upang maipaliwanag kung paano mapapasaya ng mga tao sa bawat sitwasyon ang Panginoon.
-
Paano makatutulong ang paniniwala sa mga katotohanang ito sa isang tao na nakadaramang walang siyang gaanong maibibigay sa Panginoon?
-
Kailan kayo nakakita na ibinigay ng isang tao ang lahat ng kanyang makakaya sa Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung naibibigay ba nila sa kasalukuyan ang lahat ng kanilang makakaya sa Panginoon. Hikayatin sila na pumili ng isang aspeto sa kanilang buhay na mas mapagbubuti pa nila at magtakda sila ng mithiin na makatutulong sa kanila na maibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa Panginoon.
Marcos 14:10–16:20
Ang Pagbabayad-sala ni Jesus ay nagsimula sa pagdurusa Niya sa Getsemani para sa ating mga kasalanan; ipinagkanulo Siya ni Judas Iscariote at iniharap sa mga lider ng mga Judio
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na mga tanong:
-
Naramdaman na ba ninyo na walang sinumang nakauunawa sa inyo o sa pinagdadaanan ninyo?
-
Naramdaman na ba ninyo na hindi na kayo mapapatawad sa inyong mga nagawang kasalanan noon?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 14 na makatutulong sa isang tao na ganito ang nararamdaman.
Ibuod ang Marcos 14:10–31 na ipinapaliwanag na ilang araw pagkaraang pahiran ni Maria ng unguento si Jesus, ipinagdiwang ni Jesus at ng mga Apostol ang Paskua. Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa Halamanan ng Getsemani.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 14:32–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naranasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani.
-
Ano ang naranasan ni Jesus sa Halamanan ng Getsemani?
Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na kataga: nagtakang totoo, namamanglaw na mainam, namamanglaw na lubha.
Ipaliwanag na ang mga katagang ito ay tumutukoy sa pagdurusang naranasan ni Jesucristo bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga katagang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay nagdusa at namanglaw nang husto sa Halamanan ng Getsemani.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 14:35–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang matinding pagdurusa.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang matinding pagdurusa? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na napakatindi ng pagdurusa ni Jesus kaya’t hiniling Niya na kung maaari ay hindi Niya maranasan ito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga: Si Jesucristo ay nagdanas ng … upang Kanyang …
Ipaliwanag na makatutulong sa atin ang iba pang mga talata sa mga banal na kasulatan na maunawaan ang pagdurusa ni Jesucristo at kung bakit handa Siyang magdusa para sa atin.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya: Isaias 53:3–5 at Alma 7:11–13. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na magkasamang basahin ang mga talata, na inaalam ang dinanas ng Tagapagligtas at kung bakit Siya nagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila kukumpletuhin ang mga katagang nakasulat sa pisara gamit ang nalaman nila sa Isaias 53:3–5 at Alma 7:11–13. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang tutulungan sa Alma 7:12 ay mabilis na pagbibigay ng ginhawa o pagtulong sa isang tao.)
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ilahad kung paano nila kinumpleto ang mga kataga. Ang mga sagot nila ay dapat katulad ng sumusunod: Dinanas ni Jesucristo ang ating mga pasakit, hirap, tukso, karamdaman, kahinaan, at kalungkutan nang sa gayon ay malaman Niya kung paano tayo tutulungan. Nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan upang malinis Niya ang ating mga kasalanan. Ipaalala sa mga estudyante na ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng sangkatauhan ay nagsimula sa Getsemani at nagpatuloy at nagtapos sa Kanyang Pagkakapako sa krus.
-
Paano makatutulong ang nalaman ninyo tungkol sa dinanas ng Tagapagligtas at ang dahilan ng Kanyang pagdurusa kapag naharap kayo sa mga pagsubok, pasakit, at paghihirap?
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Tagapagligtas sa panahon ng paghihirap, karamdaman, o kalungkutan?
-
Ano ang naramdaman ninyo nang magsisi kayo at maramdamang napawi (o nabura) ang inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Ibuod ang Marcos 14:43–16:20 na ipinapaliwanag na si Jesus ay nilitis nang hindi makatwiran sa harap ng Sanedrin at hinatulang mamatay. Pagkatapos mamatay sa krus ang Tagapagligtas at mabuhay na muli, Siya ay nagpakita sa Kanyang mga Apostol at inatasan silang dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.
Maaari kang magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay mo sa araw na ito.