Library
Lesson 156: Apocalipsis 12–13


Lesson 156

Apocalipsis 12–13

Pambungad

Nakita ni Juan ang isang pangitain ng isang dragon na nagbabanta sa isang babae at sa anak nito, na sumisimbolo sa pagtatangka ni Satanas na wasakin ang Simbahan ng Panginoon at ang matatapat na miyembro nito. Isinulat ni Juan ang tungkol sa Digmaan sa Langit at sa mga kaharian ng sanlibutan na makikidigma sa mga tagasunod ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 12

Ipinakita kay Juan na si Satanas at ang kanyang mga kampon ay palaging nakikipaglaban sa Panginoon at sa kanyang Simbahan

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na matching activity. Kapag nagsimula na ang klase, sabihin sa ilang estudyante na gumuhit ng linya na kokonekta sa bawat isa sa mga panganib na nakalista sa kaliwang column at ang mga paraan na malalabanan ang mga ito na nakalista sa kanang column.

Mga Panganib

Mga Paraan na Malalabanan ang mga Panganib

Sunburn

Mga katotohanan sa Apocalipsis 12

Mga kawal na kaaway

Gamot o pahinga

Karamdaman

Sunscreen o kasuotan

Kasalanan

Pagsisisi at pagtitiwala kay Jesucristo

Mga impluwensya ni Satanas

Mga sandata ng digmaan

  • Alin sa mga panganib na ito ang nilabanan ninyo kamakailan? Alin sa mga ito ang pinakamapanganib sa inyo? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 12 na makatutulong sa kanila na labanan ang mga impluwensya ni Satanas. Ipaliwanag na nakatala sa Apocalipsis 12–14 ang isang sandaling pagtigil sa pangitain ni Juan ng mga pangyayari sa ikapitong tatak. Maaaring tinutulungan ng Panginoon si Juan na maunawaan ang kahulugan ng mga salitang “ang kaharian ng sanglibutan [na ito]” at “[ang mga kaharian ng] ating Panginoon” sa Apocalipsis 11:15.

babae at dragon

Ipakita sa mga estudyante ang kalakip na larawan ng babae at ng dragon na nasa likuran niya. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring sinasagisag ng mga simbolong ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 12:1–2, 5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa babae. Ipaliwanag na isinunod agad sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang talata 5 sa talata 2.

  • Ano ang nangyari sa babae? (Nagsilang siya ng isang anak na lalaki “na maghahari … sa lahat ng mga bansa” [talata 5].)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng siya ay “maghahari na may panghampas na bakal”? (talata 5). (Ang bata ay gagamit ng gabay na bakal, na sumasagisag sa ebanghelyo, sa priesthood, at sa salita at kapangyarihan ng Diyos, upang matwid na pamahalaan ang mga bansa ng mundo [tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 3:517].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 12:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa, na inaalam ang mga simbolong inilarawan sa mga talatang ito.

  • Sa inyong palagay, ano ang maaaring sinasagisag ng mga simbolo na inilarawan sa mga talata 1–5?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–8 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na alamin ang sinasagisag ng dragon, ng babae, at ng bata.

  • Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–8, ano ang sinasagisag ng dragon, ng babae, at ng bata sa pangitain ni Juan? (Ang dragon ay sumasagisag kay Satanas [tingnan sa talata 8]; ang babae ay sumasagisag sa “simbahan ng Diyos;” at ang bata ay sumasagisag sa “kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo” [talata 7], na isang politikal na kaharian na itatayo ng Panginoon sa Milenyo, at Siya ang maghahari sa lahat ng bansa. [Tingnan sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 550–52, para sa karagdagang paliwanag tungkol sa simbolismo sa mga talatang ito.])

  • Ayon sa Apocalipsis 12:4, ano ang hangarin ng dragon? Sa inyong palagay, bakit labis ang paghahangad ni Satanas na wasakin ang kaharian ng Diyos at ni Cristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 12:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng babae dahil sa mapanganib na dragon.

  • Ano ang nangyari sa babae? Ano ang maaaring isinisimbolo nito? (Ang babaeng tumakas papunta sa ilang ay sumasagisag sa pagpasok ng Simbahan sa Malawakang Apostasiya at ang pagkuha sa priesthood mula sa lupa matapos ang kamatayan ng mga Apostol [tingnan din sa D at T 86:3].)

Ipaliwanag na pagkatapos makita ni Juan na gustong lamunin ng dragon ang babae at ang anak nito, nakita niya ang Digmaan sa Langit sa pagitan ni Satanas at ng mga Banal ng Diyos. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:6–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ipahanap sa kalahati ng klase ang nangyari kay Satanas sa Digmaan sa Langit at ipahanap naman sa natitirang kalahati ng klase kung paano nadaig ng mga Banal ng Diyos si Satanas at ang kanyang mga alagad.

  • Ano ang nangyari kay Satanas at sa kanyang mga alagad? (Maaari mong ipaliwanag na sinabi sa Apocalipsis 12:4 na “kinaladkad ng …buntot [ng dragon] ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit.” Ito ay simbolo ng malaking bilang ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit na piniling sundin si Satanas. Maaari mo ring ipaliwanag na si “Miguel at ang kanyang mga anghel” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:6] ay si Adan at ang iba pang mabubuting espiritung anak ng Diyos.)

  • Ayon sa talata 11, paano dinaig ng mabubuting hukbo ng langit si Satanas? (“Sa pamamagitan ng dugo ng Kordero,” o sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at sa pananatiling tapat sa kanilang mga patotoo sa ebanghelyo. Isulat sa pisara ang mga sagot na ito.)

  • Ayon sa talata 8, saan itinapon si Satanas at ang kanyang mga alagad pagkatapos ng kanilang paghihimagsik?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:12, 17 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kanino nakidigma si Satanas matapos siyang itapon mula sa langit.

  • Kanino nakidigma si Satanas matapos siyang itapon mula sa langit?

  • Batay sa nalaman natin sa talata 11, ano ang magagawa natin upang mapaglabanan ang mga impluwensya at mga pag-atake ni Satanas sa ating panahon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Mapaglalabanan natin ang impluwensya ni Satanas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at sa pananatiling tapat sa ating mga patotoo sa ebanghelyo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder James J. Hamula ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inaatake ni Satanas ang kanilang henerasyon.

Elder James J. Hamula

“Nakareserbang lumabas sa mga huling araw at gumawa para sa ating Ama at Kanyang Anak ang ilan sa pinakamagigiting at pinakamararangal na anak na lalaki at babae ng ating Ama. Ang kanilang kagitingan at karangalan ay ipinamalas sa pakikipaglaban kay Satanas bago pa nilikha ang mundo. …

“Dahil ipinanumbalik na ang kaharian ng Diyos sa lupa at isinilang na kayo sa mundo, alam ni Satanas na ‘kaunting panahon na lamang [ang] mayroon siya’ [Apocalipsis 12:12]. Kaya nga tinitipon ni Satanas ang lahat ng paraan upang tuksuhin kayong magkasala. Alam niya na kung mabubuyo niya kayong lumabag, mapipigilan niya kayong mag-full-time mission, magpakasal sa templo, at patatagin sa pananampalataya ang inyong magiging mga anak, na lahat ay magpapahina hindi lamang sa inyo kundi pati sa Simbahan. Alam niya na walang makapagpapabagsak sa kaharian ng Diyos ‘maliban sa pagkakasala ng [kanyang] mga tao’ [Mosias 27:13]. Huwag kayong magkamali—ang tuon ng kanyang laban ngayon ay nasa inyo” (“Pagwawagi sa Digmaan Laban sa Kasamaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 50, 51).

  • Paano hinahangad ni Satanas at ng kanyang mga alagad na pahinain tayo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila personal na dinidigma ni Satanas.

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang madagdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo at mapalakas ang ating patotoo sa Kanya? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

Basahin nang malakas ang dalawang pahayag, at sabihin sa mga estudyante na gawin ang isa sa mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

  1. Magsulat ng isang karanasan kung kailan natulungan kayo ng inyong patotoo at pananampalataya sa pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na mapaglabanan ang mga impluwensya ni Satanas.

  2. Isulat ang inyong patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang Pagbabayad-sala sa ating pakikidigma kay Satanas at sa kanyang mga alagad.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.

Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pang mga ideya na nakasulat sa pisara at gamitin ito sa kanilang pakikidigma kay Satanas at sa kanyang mga alagad.

Apocalipsis 13

Isinulat ni Juan ang tungkol sa mga kaharian ng mundo na tatanggap ng kapangyarihan mula kay Satanas

Ibuod ang Apocalipsis 13 na ipinapabasa nang malakas sa isang estudyante ang chapter summary. (Kung gusto mo, maaari mong ipaliwanag na nakita ni Juan sa isang pangitain ang isang nakakatakot na hayop na sumasagisag sa masasamang kaharian sa mundo na pinamamahalaan ni Satanas. Nakita rin ni Juan na sa pamamagitan ng mga kahariang ito, si Satanas ay gagawa ng mga kamangha-manghang gawain at mga huwad na himala upang linlangin ang mga naninirahan sa mundo.

scripture mastery icon
Pagrebyu ng Scripture Mastery

Sa huling linggo ng seminary, maaaring bigyan ang mga estudyante ng huling scripture mastery test. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na mag-aral sa kanilang tahanan o bago mismo mag-test. Ang sumusunod ay ilang uri ng test na magagamit mo (maaari mong iangkop ang mga ideyang ito para matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante):

Reference test: Magbigay ng mga clue sa mga estudyante mula sa mga scripture mastery passage. Ang mga clue na ito ay maaaring mahahalagang salita, mga doktrina o mga alituntunin, o mga buod ng scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang scripture reference sa isang papel pagkatapos mong magbigay ng clue sa bawat isa.

Doctrine test: Isulat sa pisara ang mga Pangunahing Doktrina. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga scripture mastery reference sa ilalim ng bawat doktrina. Magagawa nila ito sa pag-alaala ng mga scripture mastery passage na naisaulo nila o sa paggamit ng listahan ng mga mastery passage.

Memorization test: Sabihin sa mga estudyante na gumamit ng mga naisaulong salita at alituntunin mula sa mga scripture mastery passage para ipaliwanag ang ilang Pangunahing Doktrina. Sabihin sa kanila na isulat ang paliwanag nila at basahin nang malakas ang mga ito sa klase.

Alalahanin na purihin ang iyong klase sa kanilang pagsisikap na pag-aralan at unawain ang mahahalagang scripture passage at ang Mga Pangunahing Doktrina. Patotohanan ang espirituwal na kapangyarihan at patotoo na matatanggap natin kapag pinag-aralan at inunawa natin ang mga scripture passage at mga doktrina.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 13. Mga nakakatakot na hayop

Maliban lang sa kaalamang ang mga hayop ay sumasagisag sa mga kaharian sa mundo, wala na tayong natanggap na interpretasyon mula sa Panginoon hinggil sa mga hayop na ito. Habang nagsasalita tungkol sa mga hiwaga ng aklat ng Apocalipsis, ganito ang sinabi ni Propetang Joseph Smith:

“Sa tuwing nagbibigay ang Diyos ng pangitain ng isang imahen, o hayop, o anumang uri ng larawan, lagi Niyang itinuturing na responsibilidad Niya na magbigay ng paghahayag o interpretasyon ng kahulugan nito, at kung hindi magkagayon, hindi natin responsibilidad o pananagutan ang paniniwala natin dito. …

“… Huwag mabahala kailanman sa mga pangitain tungkol sa mga hayop at mga paksa na hindi ninyo nauunawaan” (sa History of the Church, 5:343, 344).

Apocalipsis 13:8. “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan”

Ang mga katagang “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan” (Apocalipsis 13:8) ay tumutukoy kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang “buhat nang itatag ang sanglibutan” ay tumutukoy sa buhay bago ang buhay na ito sa mundo, bago likhain ang mundo. Kaya, mauunawaan natin mula sa talatang ito na ang epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay noon pa mang bago isilang si Jesus. Halimbawa, ang mga taong nabuhay bago isinilang si Cristo ay makasasampalataya kay Cristo, makapagsisisi, at mapapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, bagama’t hindi pa naisisilang ang Tagapagligtas (tingnan sa D at T 20:25–26).