Lesson 160
Apocalipsis 21–22
Pambungad
Nakita ni Juan ang isang bagong langit at isang bagong lupa at ang Bagong Jerusalem ay bababa mula sa langit. Nakita rin niya na maninirahan ang Diyos kasama ang Kanyang mga tao at aaliwin sila at na ang selestiyal na lungsod ng Diyos ay itatatag sa lupa. Nakita ni Juan na ang mga yaong pangalan na nakasulat sa aklat ng buhay ay papasok sa lungsod at maninirahan kasama ng Diyos sa kaluwalhatian. Natapos ang pangitain ni Juan sa pagsamo sa Panginoon na bumalik na sa mundo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Apocalipsis 21
Nakita ni Juan ang isang bagong langit at isang bagong lupa at ang selestiyal na lungsod ng Diyos
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pangyayari sa buhay nila na nakaranas sila ng matinding lungkot o pasakit.
-
Ano ang ilang bagay sa ating buhay na maaaring magdulot sa atin ng matinding lungkot o pasakit? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 21 ang isang katotohanan na makapagdudulot sa kanila ng kapanatagan sa panahon ng paghihirap.
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang Apocalipsis 21–22 ay pagpapatuloy ng pangitain ni Juan tungkol sa mga mangyayari pagkatapos ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 21:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Juan na mangyayari.
-
Ano ang nakita ni Juan na mangyayari?
Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang sumusunod na pahayag:
Pahayag 1
Kapag muling pumarito si Jesucristo at magsimula ang Milenyo, ang mundo ay magbabago tungo sa kalagayan nito bago ang Pagkahulog nina Adan at Eva. Bago ang Pagkahulog, ang mundo ay nasa kalagayang terestriyal, o malaparaisong kalagayan (isang kalagayan ng paraiso). Pagkatapos ng Milenyo, ang mundo ay babaguhin muli sa isang selestiyal na kalagayan na inihanda para sa kinaroroonan ng Diyos. Ang mga pagbabagong iyon ang maaaring nakita ni Juan na nangyari nang “[m]akita [niya] ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa” (Apocalipsis 21:2).
Pahayag 2
Ang Bagong Jerusalem na nakita ni Juan na bumababa mula sa langit ay ang selestiyal na lungsod ng Diyos. Malamang na kasama sa lungsod na ito ang lungsod ni Enoc, na nagbagong-anyo at kinuha patungo sa langit. Ang “banal na lunsod” na ito ay bababa at sasama sa Bagong Jerusalem, o Sion, na itatatag ng mga Banal sa lupa (tingnan sa Moises 7:62–64).
-
Sa inyong palagay, ano kaya ang nadama ni Juan nang makita niya ang mga bagay na ito habang siya ay nasa lugar na pinagtapunan sa kanya dahil sa kanyang paniniwala kay Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 21:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang gagawin ng Diyos para sa Kanyang mga tao.
-
Ano ang gagawin ng Diyos para sa Kanyang mga tao? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Diyos ay maninirahang kasama ang Kanyang mga tao at aaliwin sila, at hindi na sila daranas muli ng kamatayan, kalungkutan, o pasakit. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Tukuyin ang mga bagay na nakalista sa pisara na magdudulot sa atin ng kalungkutan o pasakit.
-
Paano makatutulong sa atin ang kaalamang aaliwin o papanatagin ng Diyos ang Kanyang mga tao at papawiin ang kanilang kalungkutan at pasakit kapag nakararanas tayo ng mga pagsubok o paghihirap ngayon?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa kakayahan ng Diyos na panatagin o aliwin tayo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 21:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay nang may pananampalataya.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay?
-
Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa mga paghihirap o pagsubok na nangyayari at mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito, anong uri ng mga bagay ang mapagtatagumpayan ng mga taong ito?
Ipabasa nang malakas sa estudyante ring iyon ang Apocalipsis 21:8. Maaari mong ipaliwanag na ang isang manggagaway ay isang taong sumasali sa mga aktibidad para anyayahan ang impluwensya ng masasamang espiritu at ang isang mapakiapid ay isang taong nangangalunya o nakikiapid.
-
Ano ang mararanasan ng mga yaong inilarawan sa talata 8? (Ang ikalawang kamatayan.)
Ipaliwanag na ang ikalawang kamatayan ay isang espirituwal na kamatayan, o pagkawalay sa Diyos, na mararanasan ng mga taong sadyang naghimagsik laban sa liwanag at katotohanan pagkatapos ng Huling Paghuhukom (tingnan sa Helaman 14:16–19).
Ibuod ang Apocalipsis 21:9–21 na ipinapaliwanag na inilarawan ni Juan ang selestiyal na lungsod ng Diyos. Nakita niya na ang lungsod ay may malaking pader na may 12 pintuan na may bantay na 12 anghel.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 21:22–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalaman ni Juan tungkol sa selestiyal na lungsod na ito.
-
Ano ang nalaman ni Juan tungkol sa lungsod na ito?
-
Ayon sa talata 27, sino ang pahihintulutang pumasok? (Iyon lamang mga may pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.)
Apocalipsis 22
Tinapos ni Juan ang kanyang pangitain
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 22 ang isang katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano maisusulat ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero at mapahihintulutang makapasok sa selestiyal na lungsod.
Maaaring magpakita ng larawan ng isang trono o magdrowing nito sa pisara.
Sabihin sa isang estudyante na lumapit sa pisara at idrowing ang iba pang nakita ni Juan bukod sa trono o luklukan habang binabasa nang malakas ng isa pang estudyante ang Apocalipsis 22:1–2.
-
Ano pa ang nakita ni Juan sa selestiyal na lungsod ng Diyos?
Paupuin ang estudyante.
-
Ayon sa talata 2, paano inilarawan ni Juan ang punong kahoy ng buhay? (Ang punong kahoy ay saganang namumunga sa lahat ng panahon, at ang mga dahon nito ay magpapagaling sa mga bansa.)
Ipaalala sa mga estudyante na nakatala sa Aklat ni Mormon na nakita kapwa nina Lehi at Nephi ang pangitain ng punong kahoy ng buhay. Nalaman ni Nephi na ang punong kahoy at ang bukal ng mga buhay na tubig ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25). Isulat ang Ang pag-ibig ng Diyos sa tabi ng punong kahoy at ng ilog sa drowing ng estudyante.
-
Ano ang pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos? Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa Juan 3:16; I Ni Juan 4:9]. Ang bunga ng punong kahoy ay maaaring sumagisag sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala).
Ibuod ang Apocalipsis 22:3–10 na ipinapaliwanag na bukod pa sa nakitang selestiyal na lungsod na ito, tumanggap din si Juan ng patotoo mula sa anghel na nagsabi sa kanya na ang mga bagay na inihayag sa kanya ay totoo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 22:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gagawin ng Panginoon kapag pumarito Siyang muli.
-
Ano ang gagawin ng Panginoon kapag pumarito Siyang muli?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 22:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dapat nating gawin para mapahintulutang pumasok sa kahariang selestiyal.
-
Ano ang dapat nating gawin para makapasok sa kahariang selestiyal?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay” ay maging karapat-dapat na matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala, kabilang ang buhay na walang hanggan.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa talata 14? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, matatanggap natin ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at makapapasok sa kahariang selestiyal. Ipaliwanag na kasama sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan ang pagtanggap ng lahat ng kinakailangang ordenansa para makapasok sa kahariang selestiyal.)
Ipaliwanag na bagama’t ang ilang pagpapala ng Pagbabayad-sala—tulad ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli—ay ibinibigay nang libre o walang kapalit sa lahat ng anak ng Diyos, ang iba pang mga pagpapala—tulad ng buhay na walang hanggan—ay matatamo lamang sa masigasig na pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang dalawang tanong na ito sa pag-aaral muli ng mga isinulat nila sa kanilang scripture study journal, ng mga isinulat o minarkahan nila sa kanilang mga banal na kasulatan, at ang mga scripture mastery verse na pinag-aralan nila sa taon na ito. Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa dalawang tanong na ito.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapribado o napakapersonal.)
Ibuod ang Apocalipsis 22:15–19 na ipinapaliwanag na ang mga hindi sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay hindi makapapasok sa selestiyal na lungsod. Nagpatotoo si Jesucristo na ibinigay Niya ang paghahayag na ito kay Juan, at inanyayahan ni Juan ang lahat na lumapit sa mga tubig ng buhay at uminom nang walang bayad. Nagbabala si Juan sa kanyang mga mambabasa na huwag baguhin ang mga mensahe ng aklat na isinulat niya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 22:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinamo ni Juan.
-
Ano ang isinamo ni Juan?
-
Batay sa natutuhan ninyo sa aklat ng Apocalipsis, bakit sa inyong palagay nasasabik si Juan sa pagparito ng Panginoon?
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanang natuklasan ng mga estudyante sa Apocalipsis 21–22.